Marahan itong tumango. “At niloloko ko ang sarili ko nang akala ko kaya kitang kalimutan at patayin ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa iyo. Laylayden sik a, Paloma. Mahal kita. Ayokong umalis ka nang di mo nalalaman.”
Nahigit niya ang hininga. “Alam mo?”
Umugong din ang bulung-bulungan sa paligid. Kanya-kanyang opinyon ang manonood at kahit ang tiyahin niya ay narinig niya ang histerikal na boses. Sila lang ng nanay niya ang may usapan na plano na niyang umalis ng showbiz. Sinabi nito kay Jeyrick?
Sinapo ni Jeyrick ang pisngi niya. “Paloma, ayokong umalis ka nang di ko naipagsisigawan sa mundo na ikaw ang babaeng mahal ko. Pero mas gusto ko kung mananatili ka sa tabi ko.”
Parang sumabog ang puso ni Paloma sa saya. Sinabi ni Jeyrick na mahal siya nito sa harap ng maraming tao. Iyon ang gusto niyang marinig noong una pa lang. Pero alam niya na di mabubuhay ang pagmamahalan nila sa mundo ng showbiz, lalo na ngayong alam na ng mga tao na nagpanggap lang siya bilang girlfriend ni Thirdy.
Umiling siya. “Makakasira lang ako sa career mo, Jeyrick.”
“Kaya lang naman ako nandito dahil gusto kitang makasama. Gusto ko na tulungan kang tuparin ang mga pangarap mo. Dahil kahit gaano kalupit ang mundo na ito, ito ang nagpapasaya sa iyo. At hindi ako natatakot na mawala ang lahat ng karangyaan na tinatamasa ko ngayon kung hindi kita makakasama.”
Pinitik ni Paloma ang noo nito. “Sira ulo ka. Pinaghirapan mo lahat ito. Isinakripsiyo mo na ang lahat para sa akin noon. Pwede na akong umalis at hayaan ka sa career mo. Sa palagay ko tapos na ang misyon ko dito.”
“Paloma, huwag kang mag-quit! Mahal ka namin!” sigaw ng mga fans. At nag-iiyakan na ang iba sa mga ito.
Lumuhod ang binata sa harap niya. He was crying. Kinuha nito ang kamay niya at idinikit ang likod ng palad niya sa pisngi nito. “Don’t leave me, Paloma, be my star.”
Nataranta na si Paloma. Mahina ang puso niya kapag nakikitang umiiyak si Jeyrick lalo na at para sa kanya. “Tumayo ka na diyan.”
“Gusto kong malaman kung mahal mo rin ako. Na papayag kang sundan kita kahit na saan.”
“Oo,” sabay-sabay na sigaw ng buong teatro.
Bilang sagot ay dumukwang siya at hinalikan ang labi nito. Wala siyang pakialam kung di maniwala ang mga tao o sabihin na gimik lang ang lahat. Tiyak na may magsasabi na di siya deserving para kay Jeyrick. Wala siyang pakialam. Hangga’t naniniwala sa kanya si Jeyrick, hangga’t mahal siya nito, hindi siya mawawala sa tabi nito. Mamatay na lang ang mga basher sa inggit.
Kay Paloma Escalante lang ang puso ni Carrot Man. At di niya ito pakakawalan.
“I CAN’T believe that you escaped from the victory party. Maraming bisitang naghahanap sa inyo. The reporters are here. You have duty to the sponsors. At sabihin mo kay Jeyrick, ginugulo ng mga bisita niya ang party na ito.”
Natawa na lang si Paloma habang pinakinggan ang tunog ng gangsa at ang tawanan ng mga guest. “Mukhang masaya nga ang party. Ikaw na ang bahala sa mga bisita namin, Tita. Pati na rin sa mga reporters. I know you can handle them well.”
“Nasaan ba kayo?” angil nito.
“Somewhere,” makahulugan niyang sabi at pinatay ang cellphone. Saka humilig siya sa balikat ni Jeyrick.
Nakasalampak sila sa damuhan sa Timberland, San Mateo kung saan ikinuha ni Jeyrick ng kuwarto ang pamilya nito. Nagpa-reserve na rin si Paloma ng sarili niyang kuwarto kasama ang pamilya niya at pasusunurin na lang ang mga ito matapos ang party. Wala pa sila sa mood ni Jeyrick na humarap sa mga reporter at sa ibang tao. Di pa sila handang sumagot sa mga tanong. Mas gusto sana niya na sa Cordillera sila tumuloy ni Jeyrick. But this was the best they could do for now.
“Galit ba si Tita Bevz?” tanong ng binata.
“Hindi ka na nasanay sa kay Tita. Sabi niya nagtatanong na daw ang mga reporter. Siguro naman maiintindihan nila kung gusto muna nating mag-relax matapos ang concert. Hindi rin naman ako sigurado kung tutuloy pa ako sa showbiz.”
“Kahit na naniniwala pa rin sa iyo ang mga fans at nakita nila ngayon na mas talentado ka pa kaysa sa inaasahan nila?”
“Parang ayoko nang magtagal pa sa ganitong kalakaran. Nakita ko kagabi na parang nandidiri ka sa akin. Na kaya lang ako tumagal sa showbiz dahil naging fake girlfriend ako ng pinakaguwapong leading man sa Pilipinas. Ano pa ba ang maipagmamalaki ko non?”
Hinaplos nito ang noo niya para mawala ang tensyon niya. “Pasensiya ka na kung bakit ganoon ang reaksyon ko. Hindi ko naihanda ang sarili ko sa mundong ito. Hindi ko naiintindihan. Wala akong karapatan na husgahan ka dahil ginawa mo lang ang alam mong paraan para kumapit sa pangarap ko. Hindi rin naman ako perpekto, Paloma. May aaminin ako sa iyo.”
“Tungkol saan?”
“Noong finals ng You’re A Star, lumuwas ako ng Maynila para manood. Pagkakataon ko na rin kasi iyon para pasalamatan ang tumulong sa pagpapa-opera ni Mama at sa bayarin namin sa ospital. Nagulat na lang ako dahil ang Tita Bevz mo ang humarap sa akin. Siya daw ang nagbayad sa gastusin ni Nanay. Binabantayan pala niya ang nangyayari sa buhay ko. Sana daw dumistansiya na ako sa iyo dahil magkaiba na daw ang mundo natin. Makakagulo lang ako sa iyo.”
“G-Ginawa iyon ni Tita?” tanong nito.
“Sinubukan kong makipagkita sa iyo. Para ipaliwanag kung ano ang nangyari pero alam ko na ang perang iyon ang sumagip sa nanay ko. Iyon na daw ang kabayaran sa utang na loob mo sa akin. Sabi nga ni Tita Bevz, nagpakahirap ka daw pero ako ang nakinabang nang walang kahirap-hirap.”
Niyakap niya ang binata. “Jeyrick, kung nalaman ko ang tungkol sa nanay mo, tutulungan kita nang walang kapalit. Wala ako sa kinalalagyan ko noon kung wala ka.”
“At ayoko rin naman ng pakiramdam na ginamit kita. Kaya bago ako pumirma ng kontrata, sinabi ko kay Tita Bevz na babayaran ko ang ibinayad niya sa akin dati. Na ipapakita ko sa kanya na di kita sinamantala.”
“Kasalanan na ba iyon?” tanong niya. “Kasiraan na ba iyon?”
“Hindi ko alam. Pero nang maisip ko iyon, naintindihan ko rin kung ano ang pinagdaanan mo. At kahit pa anong ginawa mo, mahal pa rin kita. At sana patawarin mo ako kung kasama pa ako sa nagpasama ng loob mo samantalang ako ang dapat na sumusuporta at umuunawa sa iyo.”
Kinintalan niya ng halik ang pisngi nito. “Kalimutan na natin iyon. Masaya ako na natupad na natin ang mga pangarap natin. Pero kahit na kaladkarin mo ako sa kung saang bundok, maglakad nang ilang oras sa gubat at rice terraces at kahit na manghuli lang ako ng isda o mamulot ng alamid coffee, basta kasama kita. I know I am home in your arms. I know you’ll never let me go.”