Chapter FE: TDTYS (Epilogue)

“Ma’am, totoo po ba na ang tao galing sa unggoy?”

“Ma’am, may alien po ba sa ibang galaxy o planeta?”

“Ma’am, pag po ba sumakay ng eroplano kailangan pang magtanggal ng tsinelas?”

Sunud-sunod ang tanong kay Aurora ng mga estudyante niya sa Science class ng first year students ng Juventus National High School. May inilaan siyang ten minutes bago matapos ang bawat klase para sa question-and-answer. Kahit ano ay pwedeng itanong ng mga estudyante niya.

“Class, masasagot ang lahat ng tanong ninyo sa susunod nating lesson. Pero sa tanong ni Tommy kung kailangang magtanggal ng tsinelas bago sumakay ng eroplano, hindi na kailangan. Pwedeng ipasok ang sapatos doon at tsinelas. Goodbye, class!”

“Goodbye, Mrs. Baltazar. See you tomorrow!”

May balbas-sarado lalaki na nakaabang sa labas ng classroom niya at nakasuot ng stripped dark blue and white shirt at khaki shorts. “Hello, Mr. Ethan Ravales.”

“How’s your class, Mrs. Ravales?” tanong nito at kinintalan siya ng halik sa noo. Lambingan na nila ang tawaging Mr. And Mrs. Ravales ang isa’t isa. Wala naman kasing tumatawag dito na Ethan dahil mas kilala ito doon bilang si Alvaro.

“Madami silang tanong. Lagi naman. Hindi sila nauubusan ng tanong. At mas gusto ko na iyon dahil ibig sabihin naghahanap sila ng kaalaman.”

Dalawang taon na ang nakakaraan nang maka-graduate at pumasa siya sa board exam para sa mga guro. Isa siya sa pioneer teachers ng Juventus National High School. Naitayo na ang pangarap niyang paaralan sa tulong ng foundation kung saan isa sa malalaking donors si Ethan. Bumaba ang insidente ng mga batang nag-aasawa ng maaga. Lahat ay pangarap na mag-aral at makatapos para pagbalik daw sa isla ay makatulong ang mga ito.

“At least, weekend na. Solo na kita,” anito at pabirong kinagat ang tainga niya nang makasakay na sila sa kotse.

Malaki na ang iniunlad ng Isla Juventus. Sementado na ang daan kaya kahit paano ay may mga sasakyan nang nakakaikot sa isla. May internet at kuryente na rin pero napapanatiling malinis gaya ang nais ng taga-isla.

Pagpasok sa malaki nilang native house na di kalayuan sa bahay ng ama at ni Manay Soling na naikasal na rin tatlong taon na ang nakakaraan ay nagulat siya nang makita ang mga naghihintay sa kanila sa sala.

“Surprise!” anang sina Icca at Echo. Alam naman niyang dadating ang mga ito. Pero di niya inaasahan na naroon din sina Shaira at Tyrone pati na rin sina Shandie at Paola. Niyakap niya ang mga ito.

Nang ikasal sila ni Ethan noong isang taon ay imbitado ang mga ito sa Isla Juventus. Naging kaibigan niya ang mga ito dahil ilan lang ang mga ito sa mga taong nanatiling malapit kay Ethan sa showbiz. Mula nang maging guro siya ay nag-settle na sila ng asawa sa isla at pinamamahalaan ang negosyo nila doon.

“Hindi ninyo kasama ang mga anak ninyo?” tanong niya sa mga ito.

“Ngayon lang kami makakatakas sa kanila. Saka na namin sila isasama dito,” sabi ni Shaira na may dalawang anak na.

“Excited na akong mag-sailing!” anang si Paola na kasal na rin kay Shandie.

Sinong mag-aakala na isang cruise business at island resort ang pagkakaabalahan ni Ethan bukod pa sa pagiging part owner nito ng isang studio na gumagawa ng mga de-kalidad na pelikula at documentaries? Nito lang ay gumanap ito sa pelikula na naging kontrobersiyal dahil sa social relevance nito pero tinangkilik ng mga masa. Oras na daw para ibalik ang golden age ng Philippine cinema kung saan makabuluhan ang mga palabas.

“I have a proposal for you,” anang si Icca at inabot kay Ethan ang folder.

“Akala ko ba bakasyon ito?” tanong ni Echo at niyakap ang baywang ng asawa.

“Di naman mapipigilan si Icca kapag ganyan. Hayaan mo na,” sabi ni Ethan at binasa ang proposal. “A movie with Shandie and Shaira? Hey! This is not bad.”

“I know it is heavy drama but the material is great,” sabi ni Icca.

“Pag-uusapan namin ni Aurora,” anang si Ethan. “Sa ngayon, sinong gustong tumulong sa akin na magluto ng dinner? Gusto kong matikman ninyo ang expertise ko dito. Pang-tion!”

“Anong tulong ang kailangan?” tanong ni Icca.

“Magtutuklap tayo ng seashells sa batuhan,” sagot ni Aurora.

“Bet kong ma-experience iyan,” sabi ni Paola na unang-una sa pagiging supportive kay Ethan. “Sama na tayo. Bawal ang killjoy.”

Sa palagay niya ay mag-e-enjoy ang mga ito sa bakasyon.

KALMADO ang dagat habang nagsasayaw naman ang repleksyon ng bilog na buwan sa ibabaw ng tubig. Nagvi-videoke ang mga bisita nila sa galley/bar ng sailboat. Wala doon si Ethan at hinanap niya. Nakita niya ito na nakatayo sa deck ng sailboat at pinagmamasdan ang buwan.

Niyakap niya si Ethan sa baywang. “Sinong mag-aakala na magiging kapitan ka ng sarili mong sailboat?”

He was able to overcome his fear of water. Nalaman din nito na nae-enjoy naman pala nito ang tubig. Nagawa din nitong maka-recover sa trauma sa pagkalunod ng magulang. Kung titira daw ito sa Isla Juventus, dapat lang na ma-enjoy nito ang dagat.

“Life is really unexpected. Ang kailangan mo lang siguro ay lumabas sa comfort zone mo at harapin ang kinatatakutan mo. Look at you now. You are a teacher.”

“At habambuhay akong magpapasalamat sa iyo dahil diyan.”

Kahit ang ama niya ay kuntodo ang pasasalamat sa lalaki. Magkasundo na ang mga ito. Madalas nga ay spoiled pa si Ethan sa ama niya.

Namuhay sila nang ordinaryo ni Ethan mula nang umalis sila ng showbiz. May mga article pa rin tungkol dito at sa kanya pero madalang na lang ang bayolenteng reaksyon nang malamang siya ang nobya nito. Tinanggap din ng publiko at nirespeto kung ano ang nagpapasaya kay Ethan.

“Bakit hindi mo tanggapin ang inaalok sa iyo na movie?” tanong niya. “Kita mo naman dinayo ka pa nila para lang kumbinsihin ka na tanggapin ang offer. Naikwento sa akin ni Icca ang kwento. Sounds promising.”

“Nakapag-pitch na pala siya sa iyo.” Bumuntong-hininga ang binata. “Baka kasi ayaw mo. Siyempre kailangan kong umalis dito. Baka sa ibang probinsiya pa ang location ng movie dahil period film. Drama pero may magandang atake.”

“No. Gawin mo kung gusto mo. Minsan lang ang ganitong project.”

Naging mapili si Ethan sa mga tinatanggap nitong proyekto. Gusto daw nito na may value ang pelikula at makakapagbukas ng kamalayan ng publiko. Gustong gamitin ng binata ang natitirang impluwensiya para makatulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng iba. Oras na daw para ibalik ang Golden era ng Philippine cinema.

“Ayokong malayo sa iyo. Ayokong iwan kang mag-isa dito.”

“Pwede akong sumama sa iyo sa Manila para sa shooting. Kakailanganin ko rin siguro ng pahinga sa mga oras na iyon at malapit sa mga magagandang ospital.”

Nataranta ito. “O-Ospital? May sakit ka?”

“No. Just pregnant.”

“Buntis ka? I am going to be a father.”

“Yes.”

Isang malakas na hiyaw ang pinakawalan nito at inangkin ang labi niya. Masayang-masaya si Ethan at huling beses na nakita niyang ganoon ito kasaya ay nang ikasal sila. “You just made me a very, very happy man. I love you, Aurora.”

“Gunhihigugma ko ikaw, Ethan,” aniya habang nakatitig sa mga mata nitong puno ng pagmamahal para sa kanya.

Ito ang lalaking ipinaglaban niya. Ang lalaking kasama niyang bumuo sa mga pangarap niya. Anuman ang napagdaanan nila ay matagumpay nilang hinarap.

At alam niya na magiging mas masaya pa sila sa dadating na araw sa pagdating ng magiging anak nila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.