Chapter FE: TDTYS 87

UMAGA pa lang ay nasa classroom na si Aurora. Unang araw niya sa UP kaya dapat ay di siya magpahuli dahil di pa siya pamilyar sa mga gusali. Sa wakas ay college na siya sa pinakasikat na unibersidad sa Pilipinas. Sa loob ng ilang taon ay magiging guro na siya. Abot-kamay na niya ang pangarap niya.

Ngumiti siya sa mga kamag-aral. Karamihan sa mga ito ay kaga-graduate lang ng high school. Hamak mas matanda siya sa mga kaklase. Ate na siya ng mga ito. Weird. Mabuti na lang at mukha pa rin siyang bata.

May bulungan sa paligid niya. Di niya iyon pinansin. Abala siya sa librong binabasa niya tungkol sa kwento ng isang guro sa Kenya. “Excuse me, Miss. Is this seat taken?” untag sa kanya ng boses ng isang lalaki.

“Okay naman. Wala namang nakaupo...” Nahigit niya ang hininga nang makita kung sino ang seatmate niya. “E-Ethan?”

“Alvaro. Laurethan Alvaro Baltazar. But Alvaro is just fine. And you are?” tanong nito at inilahad ang kamay sa kanya.

“A-Aurora... Aurora Carbonell.” At nakanganga niya itong kinamayan. Bakit umaakto ito na parang di siya nito kilala? Pero masaya pa rin siya dahil nagkita ulit sila. Nandito ito. Nasa harap niya. “B-Bumalik ka na. A-Anong ginagawa mo dito?”

“Estudyante din ako dito.”

“Talaga?”

”Yes. I am an HRM student. This is my first class today. At ikaw ay...”

“E-Education.” Ipinilig niya ang ulo. Ano bang nangyayari dito? Nagka-amnesia ba ito? Bumangag ang ulo sa isa sa mga haligi ng templo sa Acropolis nang pumunta dito doon? O baka naman may camera sa paligid at may reality show ito. Di kaya siya ang biktima ng isang show nito na di pa alam ng publiko?

“You will be a great teacher someday. Nice meeting you, seatmate,” anito at umupo sa bakentang upuan sa tabi niya.

“O-Okay,” sabi niya at ibinalik ang tingin sa harapan dahil dumating na ng professor nila para sa Humanities class.

Naguguluhan siya sa nangyayari. Nawala si Ethan nang ilang buwan at bumalik bilang estudyante? Malamang ay trip lang nito ang nangyayari. Tama. May isang show ito at nagkataon lang na sa klase niya ang taping nito. Baka nga kasabwat pati ang professor nila. Pero natapos na at lahat ang klase nila ay di naman sinasabing “cut” o kung anuman. Normal lang ang lahat. Parang normal na klase at normal lang silang mga estudyante. Napapraning lang marahil siya.

Pagtayo ni Aurora ay kinuha niya ang gamit pero inunahan siya ng binata. “Anong...”

“It is lunch break. Sabay na tayong mag-lunch, seatmate,” nakangiting sabi ni Ethan.

Isang grupo ng kaklase nila ang lumapit sa kanila. “Ethan, pwede bang sumabay ka sa aming mag-lunch?”

“Oo nga. Please naman!”

Pinasadahan niya ng tingin ang mga babae. Sa palagay niya ay nasa disisiyete o disi-ocho lang ang mga ito. Pawang maiigsi ang damit at plunging neckline pa samantalang bata pa ang mga ito at walang dibdib.

Inakbayan siya ni Ethan. “Sorry, girls. Kami kasi ang magla-lunch ng girlfriend ko. If you will excuse us.”

“Girlfriend agad? E kakikilala lang nila kanina,” komento ng isa na namumuro ang labi sa kapal ng lipstick na pula.

“Ang bilis naman ng babaeng iyon,” reklamo ng isa pa na tumalikod na lang.

“Ethan, ano bang ginagawa mo?” tanong niya sa binata nang hila-hila siya sa “hallway. Nakasunod ng tingin sa kanila ang mga tao doon. Basta ka na lang nawala tapos basta ka na lang babalik dito bilang kaklase ko at aaktong ngayon lang tayo nagkita. Tapos sasabihin mo sa lahat na girlfriend mo ako?”

“Iyon naman talaga ang dapat, di ba? Ang ipakilala kitang girlfriend ko.”

Mariin siyang pumikit nang magbulungan ang mga nakarinig sa sinabi nito. Hinila niya ang binata. “Mag-usap tayo ng masinsinan.”

Dahil isa’t kalahating oras pa ang break ay sa isang cafe di kalayuan sa UP sila kumain. Sila lang ang customer doon kaya malaya silang makakapag-usap. “Ethan, nababaliw ka ba? Sinabi mo na girlfriend mo ako. Di ka na nasiyahan na sinabi mo sa classmates natin. Samantalang dati, pinakatatago-tago mo ang relasyon natin.”

“Ngayon nasabi ko nang girlfriend kita.”

Humalukipkip siya. “Sa palagay mo ganoon lang kadali na bumalik sa dati dahil lang naipakilala mo na ako sa iba na girlfriend mo? Umalis ka nga ng showbiz at nagliwaliw sa ibang bansa pero di mo man lang ako dinalaw sa isla.”

“Gusto ko. Gusto ko na puntahan ka. Pero alam ko na kailangan ko munang iharap nang buo ang sarili ko sa iyo. Gusto ko na ako ang lalaking makakasama mo kung saan di na tayo magtatago at di na natin kailangang magpanggap. Isang lalak na maipagmamalaki ka sa iba at ipagsisigawan na mahal ka. I used that time to get to know the real me.Alam mo ba kung bakit ako umalis ng showbiz?”

“Bakit?”

”Dahil tama ka. Kailangan kong umalis dahil kinakain na ang kaluluwa ko ng sistema. At kailangan ko ulit hanapin ang sarili ko para malaman kung sino talaga ako at ano ang magpapasaya sa akin. Di ko iyon nagawa noong una dahil nakatali pa rin ako sa industriya. I have commitments. Kailangan kong tuparin ang lahat ng iyon. I thrust you into a world where you had no idea what monsters were lurking behind. At dahil doon, nawala ka sa akin.”

“At ngayon?”

“I want to start anew. I want to be someone ordinary now. Di maiiwasan na dumugin ako ng mga tao dahil kilala pa rin ako pero wala na akong pakialam sa opinyon nila. Di na nila ako makokontrol. Di na nila ako mauutusan kung sino ang dapat kong mahalin o hindi. I am free now, Aurora. I am free to love you. I am free to pursue my dreams.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Oh, Ethan.”

Di gaya noong una na tumatakas lang ito sa buhay nito nang makilala niya, ngayon ay nagawa na nitong harapin ang lahat ng takot nito. Alam na nito kung ano ang gusto nito at di na nito mag-aatubuling gawin ang magpapasaya dito. Hindi na ito hawak sa leeg ng industriya - ng fans, ng reporters o ng producers. He was a whole man now. An improved version.

Kinintalan nito ng halik ang kamay niya. “Kaya sana tanggapin mo ulit ako. Hindi ko inaasahan na magkabalikan agad tayo. Handa akong suyuin ka. Susunduin kita sa bahay mo, we can attend classes together and we can do what every normal couples do. Pwede tayong mag-date kahit pa sa turo-turo o mamili sa palengke ng hilaw na saging na saba. Di natin kailangang mag-disguise ng Minions pagnanonood ng sine.”

“Cute ‘yung Minion disguise.”

“Hindi na tayo tatakas o magpapanggap na ibang tao ka. Masasabi ko na sa lahat na ikaw ang girlfriend ko. Na mahal kita. Mahal kita, Aurora!”

Niyakap niya ang binata. Napakasarap sa pakiramdam na marinig na mahal siya nito nang wala itong pakialam kung sino man ang makakarinig. Parang libo-libong ibon ang nagliparan palabas ng puso niya at inaangat siya ng mga ito sa hangin. Iyon ang nagagawa ng pagmamahal sa kanya. Malayang pagmamahal.

“Ethan, mahal din kita. Di nagbago iyon kahit nang umalis ako. Ilang beses kong pinangarap na sana makabalik ako sa iyo at tatanggapin mo ulit ako. Ang totoo gusto kitang pasalamat dahil pumasa ako sa UP. Ikaw ang unang taong nagtiwala sa akin at tumulong na maabot ko ang mga pangarap ko. Pero nalaman ko na nasa ibang bansa ka pala. Sabi pa ni Paola sa akin baka daw may blondie ka nang iuwi dito.”

“Na-miss din kita. Huwag mong alalahanin ang mga nakilala kong girls sa trip ko. Ipinapakita ko naman sa kanila ang picture mo. Sabi ko girlfriend kita.”

Nalungkot siya para sa ibang babaeng binigo ng binata. Hanapin man nila ang sarili at saan man sila makarating ay matatagpuan pa rin nila ang isa’t isa.

“Hindi ba sobrang laking sakripisyo nito sa iyo? Mahal mo ang showbiz. Doon ka na lumaki,” sabi niya.

“I am thankful to the business. Nabuhay kaming magkapatid dahil mabait sa magulang namin at sa aming magkapatid ang industriya. Pero malaki din ang kapalit. Ikaw. Ang sarili kong kaligayahan. Ang mga pangarap ko. Ang pagiging totoo ko. Oras na para gawin ko naman ang magpapasaya sa akin. Kundi ako aalis ng showbiz, hindi ko magagawa ang gusto ko. Dati ko pa gustong mag-aral.”

“At dito ka rin nag-enroll?”

“UP student naman talaga ako. Natigil lang ako dahil namatay ang magulang natin ni Echo. Bonus na lang na nalaman kong pumasa ka dito.”

“At ang subjects na magkaklase tayo?”

Ngumisi ito. “Well, I have to use my influence a bit. At kahit di ka dito nag-aral, susundan pa rin naman kita. Mabuti pinayagan ka ni Manoy Gener na mag-aral.”

“Siya mismo ang nagsabi sa akin na mag-aral ako. Sila na ni Manay Soling.”

“Aba! Himala iyon.”

“Himala ng pag-ibig.” Katulad nila ni Ethan. “Siya pa nga mismo ang nagsabi na di daw siya tututol sa atin kapag nagkabalikan tayo. At magaganda na rin ang development sa isla. Marami nang improvement.”

“Yes. At madami pang development sa mga dadating na taon. Kasama na ang bagong high school building kung saan ka magtuturo balang-araw,” nakangising sabi ng binata. “Hindi mo rin ako mami-miss dahil magkaka-kuryente at internet na.”

“Sabi na nga ba may kinalaman ka doon,” aniya at niyakap ang lalaki. Hindi siya nito kinalimutan o ang Isla Juventus. Nakaalalay pa rin ito para tuparin ang pangarap niya. “Hindi ako makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito.”

“No more Ethan Ravales from now on. Ako na si Alvaro para sa iyo.”

Umiling siya at kinintalan ito ng halik sa labi. “Mahal kita bilang si Alvaro at bilang si Ethan Ravales.”

“Akala ko ayaw mo ang pagiging artista ko.”

“Hindi naman si Ethan Ravales ang ayaw ko kundi ang mundong ginagalawan mo. Napakaraming pagpapanggap. Pero doon ko rin nakilala ang Ethan Ravales na marunong rumespeto sa mga kasamahan sa industriya. Ang nagpapahalaga kahit sa maliliit na tao. Ang magaling na artista na minahal ng mga fans niya sa harap at likod ng camera. Minahal ko ang bahaging iyon ng pagkatao mo. Hindi ko makikilala ang buong pagkatao mo kung hindi ko nakilala si Ethan. Basta’t totoo ka sa sarili mo, ginhihigugma ko ikaw, Laurethan Alvaro Baltazar.”

“So, tayo na ulit?” nakangising tanong ng binata.

“Akala ko ba first meeting natin ito. Hindi pa pwedeng huwag madaliin?”

Nanunukso itong ngumiti. “Sino ba ang unang humalik sa akin?”

Iningusan niya ito. “Ligawan mo muna ako.”

“Of course. Willing ako na maghintay sa iyo kahit gaano katagal. I want to lose myself in this world so I can find who I really am, what I truly want. But when I found you and I realized that you are the missing piece in my heart. And I will never let you go, Aurora. Never again.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.