"LAGI bang nanonood ang babaeng iyan ng game at laging nakadikit kay Pierro?" naniningkit ang matang tanong ni Raiza habang katabi si Cattleya sa bleacher. Punong-puno na ang stadium at inaasahan ng lahat na magiging kasing init ng panahon ang game dahil sa kaharap ng El Mundo ang Uno FC na itinuturing na mortal na magkalaban. At mukhang mas iinit pa iyon dahil magpapang-abot si Raiza at ang sekretarya ni Pierro.
In-adjust niya ang shades at nakita sa tabi ng bench ng mga players si Shayla habang inaabutan ng tubig si Pierro. Hawak pa nito ang tuwalyita ni Pierro at kulang na lang ay punasan nito ng pawis. Pati si Pierson ay inaasikaso din nito na parang ito ang asawa. "Ngayon lang siya nanood ng game. Di lang naman siya ang nandito ngayon kundi pati ibang staff para suportahan ang team. Pati mga tinutulungang street children ng mga players nanonood din," paglilinaw niya para mawala ang selos nito. "Huwag mo nang pansinin ang sekretarya ni Kuya. Okay naman na kayo."
"Hindi kami magiging okay hangga't sekretarya pa rin niya ang babaeng iyan. Gusto ko siyang sabunutan," anito at gigil na hinawakan ang handle ng Louis Vuitton bag nito.
"Ayaw ni Kuya ng eksena. Kumalma ka lang diyan."
Maya maya pa ay lumabas na ang mga manlalaro ng second game para mag-warm up. Kumaway siya kay Liam. Bigla itong umakyat ng stadium at lumapit sa kanila. Pinakiramdaman niya si Raiza sa tabi niya pero nagpaalam ito na pupunta ng restroom. Mabuti nang umiwas ito. Magiging awkward lang ang sitwasyon kung magpapang-abot ito at si Liam. "Wala ba akong pampaswerte diyan?" tanong ni Liam.
"Anong klaseng pampaswerte ba ang gusto mo? Isang hug?"
"Kiss," anito at itinuro ang labi.
Napipilan si Cattleya. Hahalikan niya ito sa labi? He was teasing her. At hindi naman iyon ang unang beses na naglambing ito sa kanya pero kadalasan ay hanggang halik lang sa pisngi.
"Kailangan ko ng pampalakas. Matindi ang kalaban namin. Sige na," lambing nito.
Napatitig ang dalaga sa labi ni Liam. Kung sumulong kaya siya? Paano kung pagbigyan nga niya ito at halikan ito sa labi? Bakit nga ba hindi?
Humawak si Cattleya sa balikat nito at tumingkayad. "Pumikit ka muna."
Nanatili itong nakadilat. "Gusto ko nakikita ko lahat kapag hinalikan mo ako."
Mula sa kung saan ay may narinig siyang sumigaw. "Cattleya, hinimatay si Miss Raiza!" narinig niyang sigaw ni Emcel.
Lumingon sila ni Liam sa direksiyon ng sigaw. Ilang row mula sa kinatatayuan niya ay nagkukulumpunan ang mga tao. Inupo ito sa isa sa isa sa mga upuan."Tatawag ako ng medics," prisinta ni Carmi.
"Baka nag-collapse siya dahil sa init ng panahon," anang dalaga. Inilabas niya ang wet tissue at pinunasan ang mukha at leeg ni Raiza. Hindi pa rin ito tumitinag.
"Mukhang kailangan siyang idala sa mas malamig na lugar. Hindi pwede dito sa stadium dahil masakit sa ulo. Ako na ang magdadala sa kanya," prisinta ni Liam.
Natensiyon siya. Sumunod pala ito sa kanya. Hindi ito pwedeng magbitbit kay Raiza dahil baka magkahinala si Pierro na may ibang relasyon ang mga ito. Walang kamalay-malay si Liam samantalang nagmamagandang-loob lang ito.
"No. Bumalik ka na sa game," pagtataboy niya kay Liam.
"Pero si Raiza..."
"She will be fine," giit niya. "Bumalik ka na sa pitch." Gusto ba talaga nito ng gulo? Mamamatay na nga siya sa nerbiyos, pilit na nga siyang gumagawa ng paraan para hindi magkagulo, pero bakit ba hindi man lang ito makinig?
Tumigil sa pagtibok ang puso niya nang maramdaman si Pierro sa likuran niya. "Ako na ang bahala sa kanya," sabi ni Pierro at binuhat si Raiza. Lumingon ito kay Liam. "I want El Mundo to win today. Understood, Aramis?""
"Yes, Sir," Liam said in a clipped voice.
Nanatili itong nakatayo habang pinagmamasdan si Pierro na inilalabas si Raiza ng stadium. Marahil ay dadalhin nito sa tent ng medics.
Pinisil ni Cattleya ang balikat ni Liam. "Bumalik ka na sa game. Susundan ko lang sila." Kinintalan niya ito ng halik sa labi. "Siguro naman pwede nang pampaswerte iyan. Kailangang manalo ka."
Biglang umaliwalas ang mukha nito at sumaludo. "Yes, ma'am."
"MAMILI ka sa amin ng Shayla na iyan - siya o ako?"
Natigilan si Cattleya sa pagkatok sa kuwarto ni Pierro nang marinig ang sigaw ni Raiza mula sa loob. Akala niya ay natutulog pa si Raiza pero mukhang nagising ito at walang balak na ipahinga ang isyu tungkol kay Shayla.
Matapos ipa-check up sa doktor ay inirekomenda na iuwi na lang ito at magpahinga. Naghalo-halo na ang pagod, init at emosyonal na alalahanin ni Raiza kaya bumigay ang katawan nito.
"Stop it, Raiza. Pinahihirapan mo lang ang sarili mo," saway ni Pierro dito. "You are being unreasonable. Hindi ako maaagaw ni Raiza sa iyo. She's just naturally flirty and bubbly. At bakit ko siya sisesantehin kung magaling siya sa trabaho niya? Maraming kliyente siyang naipasok sa kompanya."
"Ako na lang ang hiwalayan mo kung ganoon," hamon ni Raiza dito.
Kumatok siya sa pinto at binuksan iyon kaya tumigil sa pagtatalo ang mga ito. "Kuya, huwag na kayong magtalo. Lalo lang magkakasakit si Raiza. Sabi ng doktor stressed out siya. She needs rest."
Humiga si Raiza at tumalikod sa pinto. "Gusto kong magpahinga. Iwan mo na ako," sabi nito sa malamig na boses.
Bumuntong-hininga si Pierro at lumabas ng kuwarto nito. Mukhang pagod na pagod ito. "Nanalo tayo," balita agad niya dito. "Mukhang may problema ang Uno sa pagpapalit nila ng coach. Their formation is in disarray and they even had an own goal. Kaya nangunguna na tayo sa standings sa league." Kapag sila ang may pinakamataas na tally kapag natapos ang liga ay sila ang magtsa-champion.
"Narinig mo ba si Raiza? Gusto niyang makipaghiwalay sa akin." Kinuyom nito ang palad. Tumiim ang anyo ni Pierro. "I am not letting her go. Definitely not for another man."
"Di kaya pareho lang kayong praning? Iniisip mo na may ibang lalaki siya at iniisip niya na may ibang babae ka."
"Hindi ako pwedeng magkamali. Nararamdaman ko na may ibang lalaki. Ginagawan lang niya kami ng isyu ni Shayla para may rason siya para makipaghiwalay sa akin."
"Magpahinga ka na rin. Sobrang kaiisip mo baka magkasakit ka rin. Aalis na ako. Hahabol pa ako sa dinner ng El Mundo sa Goal."
"Pumunta rin kaya ako sa dinner? Gusto ko sanang batiin ang team..."
Umiling si Cattleya at pinisil ang balikat ng lalaki. "Huwag na lang, Kuya. Dito ka na lang at bantayan mo si Raiza. Tulog na rin si Pierson sa kuwarto niya. Samahan mo na ang pamilya mo. Baka isipin pa niyang magkikita kayo ni Shayla sa labas. Mas lalo lang kayong mag-away. Burahin mo muna sa isip mo ang tungkol sa ibang lalaki. Magpahanda ka ng romantic dinner. Go on a second honeymoon. Kailan pa ba kayo huling namasyal. Everything will be okay."
Tumango ito. "Okay."
Kahit paano ay napakalma niya ang pinsan. Sa ngayon ay hanggang hinala pa rin ito tungkol sa ibang karelasyon ni Raiza. Sana ay hanggang doon na lang iyon. Masakit sa ulo dahil parang naiipit siya. Napakaraming sekreto. Napakaraming hinala. At kapag di niya naagapan, maraming buhay ang masisira.
Pero kailangan niyang magpatuloy na parang walang alam - para sa pamilya ng Kuya Pierro niya, para kay Liam at para sa sarili niyang kaligayahan.
Puno ang Goal Sports Bar di lang ng mga players at staffs kundi pati ng mga fans na nagsasaya sa panalo ng El Mundo FC. "Congratulations, everyone!"
Sinalubong siya ni Liam. "Hi!" anito at hinalikan siya sa pisngi. Iginiya siya nito sa low table na may soccer ball bean bags na mukhang nakalaan lang para sa kanila. Inulan ito ng kantiyaw mula sa mga players. Ngumiti ito subalit napansin niyang matamlay ito.
Hinaplos niya ang pisngi nito "Why the glum look? Hindi ba dapat masaya ka dahil nakagoal ka? Parang di ka masaya."
Ginagap nito ang kamay niya. "Kasi di ka nakanood ng game."
"Inuwi namin ni Kuya Pierro si Raiza."
"Kumusta na siya?" tanong ng binata at nakita niya ang kislap ng interes sa mga mata nito.
"Nagpapahinga na. Stressed out lang at na-exhaust din sa sobrang init ng panahon. But she's okay now. Binabantayan siya ni Kuya Pierro."
"I see." Natahimik ito. Di tuloy niya maiwasang isipin kung anong tumatakbo sa isip nito. Nag-aalala ba ito kay Raiza? Hanggang ngayon ba ay mahal pa rin nito si Raiza? Kaya ba ito bumalik ng Pilipinas para makasama sina Raiza at Pierson? "Bakit nakatitig ka sa akin?" untag ni Liam sa kanya nang mahuli siyang nakatitig dito
"Malalim kasi ang iniisip mo. Sino naman iyan? Babae?" panghuhuli niya.
Direkta siya nitong tiningnan sa mga mata. "Ikaw."
Nahigit ni Cattleya ang hininga. Hindi iyon ang sagot na inaasahan niya mula dito. Akala niya ay iiwas ito ng sagot at sasabihing hindi babae ang iniisip nito kundi football o iba pang bagay na pwede itong makalusot. Di niya inaasahan na siya ang tutukuyin nito.
Tinampal ni Cattleya ang braso ng binata. "Binobola mo pa ako. Kaharap mo na nga ako, paano mo pa ako iisipin?"
Kumislap ang mata ni Liam."Iniisip ko lang kung gusto mong sumama sa Davao next month. Gusto kasi ni Nanay na isama kita sa anihan ng mangoosteen. Kaso baka busy ka..."
"Anong busy? I will find time. Kailangan ko rin magbakasyon," maagap niyang sabi. Mahirap na dahil baka magbago pa ang isip nito at iba pang babae ang isama nito sa bakasyon.
Saka lang umaliwalas ang mukha nito. "Aasahan ko iyan. I-synchronize natin ang schedule natin para makapagpa-book na tayo ng flight."
"Talagang iyon ang iniisip mo?"
"Oo naman. Ano pa ba sa palagay mo?"
"W-Wala." Paghahandaan niya ang bakasyon na iyon. Sa pagkakataong ito ay sila lang ni Liam ang magkakasama. Kahit sandali ay mailalayo niya ito kay Raiza.
Sana nga ay siya ang iniisip nito at hindi si Raiza o ang pamilya na dapat ay para dito. Gagawi niya ang lahat para manatiling nasa ayos ang lahat.