"NASAAN ka, Liam?"
Nang puntahan ni Cattleya sa condo nito si Liam ay wala ito doon. Kahit ang mga magulang at kasamahan nito ay di masabi kung saan ito naroon.
Walang kahit sinong nakakaalam kung nasaan si Liam. She didn't find any trace. Walang sinuman sa malapit dito ang nakakaalam kung saan ito nagpunta. Kundi lang niya kailangang umuwi ng Bicol para sa wedding anniversary ng magulang niya ay gusto na niyang lumipad patungong Germany. Baka bumalik na doon si Liam.
Mula sa airport ng Naga City ay nagpahatid siya sa bayan ng Villafuerte, ang bayang pinagmulan niya kung saan nakahimlay ang mga magulang niya.
Bitbit ang mga bulaklak ay umakyat siya sa ibabaw ng burol. Apat na beses sa isang taon kung dumalaw siya noon pero dahil sa pagiging abala ay naging isa o dalawang beses na lang. Down na down ang pakiramdam niya at sa ganitong pagkakataon ay sa mga magulang niya siya tumatakbo at naglalabas ng nararamdaman niya. Malungkot ang lugar na iyon para sa kanya pero wala nang lulungkot pa sa nararamdaman niya ngayon. Paano kung na-realize ni Liam na ayaw na nito sa babaeng tulad niya na maghihintay pa ng kalahating taon para paniniwalaan ang sasabihin nito?
Pagdating sa puntod ay nagtaka siya nang makitang may sariwang bulaklak sa ibabaw ng puntod ng magulang niya. Hindi niya alam kung sino ang posibleng maglagay ng bulaklak doon. Bukod sa bulaklak ay may bote rin doon na may tapon. Sa loob ng bote ay may nakabilot na papel. Baka naroon ang pagkakakilanlan ng bumisita sa magulang niya. Pamilyar sa kanya ang sulat-kamay na iyon pero mas pamilyar sa kanya ang mensaheng nakasulat doon.
Wanna marry your daughter, make her my wife
I want her to be the only girl that I'll love for the rest of my life
I'll give her the best of me til the day that I die
Pumitlag ang puso niya. Galing doon si Liam. Dumalaw ito sa mga magulang niya. Nasaan na ito ngayon? Babalik pa ba ito doon? Kung hindi na, saan niya ito hahanapin?
Tumayo si Cattleya at pagharap niya ay nakatayo sa di kalayuan si Liam, nakatitig lang sa kanya. Bumaha ang emosyon niya na sa wakas ay nakita ulit niya ito. "Liam!" Tumakbo siya at sinugod ito ng yakap. Nangilid ang luha sa mata niya nang mayakap ito. "Akala ko kung ano nang nangyari sa iyo. Walang nakakaalam kung nasaan ka. Basta ka na lang umalis."
Kakaibang init ang naramdaman niya habang nakakulong sa bisig nito. She felt so empty without him. Kung pwede lang ay huwag niya itong pakawalan nang mga oras na iyon.
"Kailangan kong gawin iyon kahit sandali. Kailangan kong lumayo sa iyo dahil hindi ko kayang makita ka pero hindi naman kita malapitan at alam mo na may maling hinala ka tungkol sa akin. I can't stand that."
"I am sorry for doubting you, Liam. Ako mismo ang nagsaksak sa isip ko na baka palabas lang ang lahat para sagipin mo ang sarili mo at si Raiza. Inisip ko noon na gagawin ko ang lahat para sagipin ka at hindi ka masaktan. I was okay with that. Kaya ako mismo di magawang maniwala kahit nang sabihin mo na wala kayong relasyon at ako ang mahal mo."
"Ibinigay ko ang lahat para sa relasyon natin. At lahat ng ipinakita at sinabi ko sa iyo ay totoo."
Hinaplos niya ang mukha ng binata, "Alam ko. Iniisip ko kasi na sapat na ang pagmamahal ko para sa ating dalawa. Na kayang punan ng pagmamahal ko kung may kulang man sa pagmamahal mo. Hindi ko tuloy nakita na totoo ang lahat ng iyon. That you were giving your best. Na sa huli mas ikaw ang puro ng pagmamahal sa akin dahil mas malinaw sa iyo kung sino ako at kung ano ang magpapasaya sa akin, while I failed miserably and I am so miserable without you."
"Alam ba ng Kuya Pierro mo ang desisyon mo?" tanong nito.
"Siya mismo ang nagsabi na wala kayong relasyon ni Raiza. Kinausap mo daw siya. Bumalik na ulit sa kanya si Raiza.”
“That is good news.”
“Nirespeto mo daw siya kahit noon pa. Parang di naman halatang gentleman ka,” biro ni Cattleya sa nobyo.
Tumawa ito at kinintalan ng halik ang dulo ng ilong niya. "I told you that I respect women and I respect other people's relationship. At kapag nagmahal ako, iaalay ko nang buo ang pagmamahal ko sa isang babae. Para sa iyo."
"Ano nga palang ginagawa mo dito?" tanong ng dalaga. Hindi niya inaasahan na pupunta ito sa mismong puntod ng magulang niya.
"Gusto ko na makita kung saan ka nagmula. Kung saan mo ginugol ang kabataan mo. Nakilala ko ang mga kaibigan mo at dati mong kapitbahay at mga teachers. Marami akong nalaman tungkol sa iyo."
Kumunot ang noo niya. "Bakit mo inaalam?"
"Dahil gusto pa kitang makilala at baka may nadiskubre pa akong bagay na magpapasaya sa iyo. At gusto ko ring magpakilala sa magulang mo at humingi ng permiso kung pwede kitang pakasalan."
"Shocks! Magpo-propose ka sa akin?"
"Plano ko sana pagbalik ko sa Manila. I intend to fight for you. Ayoko ring matagal na mawala sa tabi mo. Iyon lang ang naisip kong paraan para mapatunayan na mahal kita. Kaso nahuli mo na ako."
"Mag-propose ka sa akin. Kunyari wala akong alam." Yumakap siya sa leeg nito. "Akala ko mawawala ka sa akin. Nag-resign ka daw sa El Mundo."
"Ayokong magulo pa ang team kung problema kami ni Sir Pierro."
"Saan ka maglalaro kung ganoon?"
Nagkibit-balikat ito. "Uhmmm... I don't know. Nami-miss ko ang El Mundo."
"Hindi naman tinanggap ni Kuya ang resignation mo. Kailangan ka pa rin ng team. Nami-miss ka rin nila Yu at Jerry. Muntik na silang matalo last game."
"Babalik na ako. Hindi ko gustong matalo ang El Mundo. Gusto kong makuha ang title this season. But first..." Lumuhod ito sa harap niya at may dinukot na singsing sa bulsa nito. "Will you marry me?"
"Liam, sa sementeryo ka talaga nagpo-propose?"
"Sa harap ng puntod ng mga magulang mo. Para kapag niloko nila pwede nila akong multuhin. Ito lang ang paraan ko para mapatunayan kong mahal kita."
Hindi na niya pinatagal pa ang paghihirap nito. "Yes," aniya at inangkin ang labi nito.
Nang ilagay nito ang singsing sa daliri niya ay tuluyan nang nawala ang lungkot na nararamdaman niya. He was her world. He was her happiness. At alam niyang wala nang iba pang pwedeng sumira sa pagmamahalan nila. Dahil alam niya na siya lang ang babaeng mahal ni Liam.
WAKAS