Chapter 31

Tiktak. Kanina pa ako naghihintay kay CareLikeGoldFish pero ilang oras na't hindi pa rin siya dumarating. Nag-send ako ng message kanina. Tinadtad ko pa. Kaso wala pa ring reply. Nasa'n na kaya 'yon?

"Alas-onse," bulong ko.

Ala-una ang flight ng plane. Nag-order na lang ako ng pananghalian at kumain na muna.

Alas-onse y medya. Nasa'n na si CLGF?

Patingin-tingin pa ako sa entrada ng fast food establishment sa loob ng Mactan International Airport, nagbabakasakaling may taong magpalinga-linga. Kaso wala. Limang minuto bago mag-alas dose. Wala pa rin siya!

Inindian ba ako ng isang 'yon?

Nagbaba ako ng tingin sa cellphone nang mag-vibrate 'yon. May notif galing sa reading app. Binuksan ko 'yon at nagusot lalo ang mukha ko nang mabasa ang message niya.

CareLikeGoldFish: I'm sorry, darling. Emergency. I can't meet you up now. Can we move this date next month?

Wow... wow talaga! Lumaki ang butas ng ilong ko at huminga nang malalim. Naghintay ako sa wala. Sana sinabi niya nang mas maaga para hindi ako umasa!

RiSheMaganda: ayos lang po. May gagawin din ako ngayon, e. Salamat po sa invite. See you next month po!

Napabuga ako ng hangin. Hay nako. Sana naman, sisipot na siya next month? Fine. Ako na ang mag-a-adjust. Malay ko, baka sinugod pala sa ospital ang family member niya. Sobrang bad ko naman kung hindi ko siya intindihin, no?

•••

To all departing passengers of Cebu Pacific Air with flight number 5J 609 bound for Panglao Bohol, please proceed to departure lobby for check in. Once again, to all departing passengers of Cebu Pacific Air with flight number 5J 609 bound for Panglao Bohol, please proceed to departure lobby for check in.

Thank you.

•••

Ayan. Tinatawag na ako sa departure area. Bumuntong-hinga ako at sinukbit ang maliit na back pack sa likod. Binitbit ko ang paper bags na para sana kay CLGF at naglakad papunta sa departure lobby. Nadaanan ko pa 'yong ibang pasaherong nakaupo sa nagkalat na bench malapit sa departure lobby. May isa pang babaeng tingin nang tingin sa akin habang sumisipsip sa straw na tinusok sa soda-in-can na hawak niya. Nag-iwas ako ng tingin.

Sinuot ko ang shades bago lumakad sa departure gate. Malakas at mainit-init kasi ang hangin sa labas. Backpack lang ang dala ko kaya hindi na ako nahirapan sa pag-akyat sa hagdan papasok sa ATR 72-600 Aircraft ng Cebu Pacific Airlines.

Ngumiti ako sa stewardess at crew at dumiretso sa upuan sa dulo para hanapin ang seat number. Sinilid ko muna ang paper bag sa backpack bago 'yon nilagay sa overhead bin, saka naupo sa upuan sa tabi lang ng bintana.

"A pleasant afternoon to everyone. Welcome aboard Cebu Pacific. This is flight 5J 609 and we are bound for Panglao Bohol. Only guest for this flight should be on board. May we request everyone to keep your hand luggage properly under the seat in front of you, or in overhead bins above you. In addition, do not leave your luggage unattended..."

Inabot ko ang seatbelt ang kinabit sa katawan ko. Dinukot ko rin ang cellphone at in-seat sa airplane mode. Binalik ko sa bulsa. Napatingin ako sa labas ng bintana. Tirik pa rin ang araw at kitang-kita ko ang singaw sa sementadong runway ng airport.

Bumuntong-hinga ako. Mabuti na lang at nagbakasyon kami saglit ng mga magulang ko sa Panglao. Mga three years ago na rin. Kaya kampante akong hindi ako maliligaw doon. Pwera na lang kung nagbago na ang lugar.

Pero inaalala ko nang husto ang beach. Sana naman, inalagaan ng mga negosyante ang Alona beach. Noong huling dalaw ko, medyo hindi maganda ang naging karanasan ko dahil sa plastic bag na nilipad ng hangin at sumalpak sa mukha ko. Ayun, diring-diri ako. Baka kung saan galing 'yong swerteng plastic bag na muntik ko nang manguya.

Ilang minuto pa at sinara na ng crew ang pinto. Tumakbo na rin ang eroplano sa runway at tumaas sa himpapawid. Para ngang gustong kumawala ng sikmura ko. Mariin akong napahawak sa hawakan. Hindi ko napansing nakadantay pala ro'n ang kamay ng katabi ko. Babawiin ko sana ang kamay kaso biglang umalog ang eroplano. Hinayaan ko na lang na nakapatong ang kamay ko sa kamay niya at mariin 'yong hinawakan. Pinisil ko pa.

Maya-maya pa'y nakawala na sa turbulence ang eroplano. Nag-advise rin 'yong flight attendant na pwede na naming kalasin ang seatbelt. Tumingin agad ako sa katabi ko. Lalaki. Nakasuot ng shades. Nakakunot ang noo. Tiim bagang.

"S-Sorry," paumanhin ko.

Mas lalong nagsalubong ang dalawang kilay niya. Nanatili sa harap ang tingin. "Don't do that again, Miss."

"Y-Yeah. I'm sorry u-ulit."

Pakiramdam ko, umakyat ang dugo ko mukha. Bigla na lang uminit ang pisngi kaya taranta kong kinalas ang seatbelt. Huminga pa ako nang malalim para kumalma ang puso ko. E, hindi pala. Para pakalmahin 'yong hiya habang inaalala kung paano ko pinisil nang mariin ang kamay niya.

Pasimple akong nagbaba ng tingin sa kamay niyang kasalukuyan pa ring nakapatong sa hawakan sa pagitan ng upuan naming dalawa. Namumula ang maputi at maugat niyang kamay. Naku naman.

Lumunok ako at sumandal nang maayos sa upuan. Binalik ko ang tingin sa harap. Pinikit ko ang mga mata at hinayaan ang sariling lamunin ng antok. Nagising lang ako sa announcement.

"This is your captain speaking. We will descent at Panglao International Airport in a few minutes, with a local time of 3:36 P.M. and local temperature of 32°C."

Napatingin ako sa babaeng tumayo sa unahan. Isa yatang flight stewardess.

"Ladies and gentlemen, as we start our descent, please make sure your seat backs and tray tables are in their full upright position. Make sure that your seat belt is securely fastened and all hand luggage is stowed underneath the seat in front of you, or in overhead bins. Thank you."

May narinig akong boses ng lalaki sa speaker. Katulad nang kanina. "Flight attendants, prepare for landing please. Cabin crew, please take your sit." Mukhang 'yong captain pa rin.

Pumikit ulit ako at huminga nang malalim. Malapit na siguro. Nagbaba ako ng tingin sa relong nasa bisig. Alas-tres na ng hapon. 'Di ba in-announce na kanina? Hayst. Kinuha ko ang seatbelt at muling kinabit sa katawan ko. Maya-maya pa'y muling nagsalita 'yong babaeng nasa unahan.

"Ladies and gentlemen, we have just been cleared to land at the Panglao International Airport. Please make sure one last time your seatbelt is securely fastened..."

Tumingin ako sa labas ng bintana. Asul at berde ang dominante sa ibaba. Napangiti ako. Ang ganda ng view.

Napalunok ulit ako nang umalog na naman ang eroplano. Unti-unti na namang tumataas ang sikmura ko. Akmang hahawak ako sa hawakan nang maalala ko 'yong lalaki. Pinili ko na lang na hawakan ang seatbelt at pumikit nang mariin.

Ilang minuto pa at naramdaman kong medyo kumalma ang eroplano. Napabuga ako ng hangin. Mabuti na lang at hindi ako nasuka.

"Ladies and gentlemen, we have just landed at Panglao International Airport. Cebu Pacific Air welcomes you to Bohol. On behalf of your flight deck crew headed by Captain Avanzado, with first officer Mandigma, and the rest of the team, we thank you for choosing Cebu Pacific - your airline of choice."

Tumayo na ang mga tao at pumila sa aisle. Nanatili pa rin sa upuan ang lalaki na mukhang walang balak umalis. Nagkibit-balikat ako. Kinalas ko ang seatbelt at tumayo. Kinuha ko mula sa overhead bins ang backpack at sinukbit sa likod.

Pumila na rin ako. Ilang minuto pa at humalik sa akin ang malamig-lamig at preskong hangin ng Bohol. Napangiti ako. Nakabalik na rin sa wakas! Ilang taon na nang huli kong masamyo ang kakaibang hangin ng Bohol.

Bumaba ako ng hagdan at sumabay sa mga taong naglalakad papunta sa passenger terminal building. Kinuha ko ang cellphone at agad tinawagan ang number ni Tiden habang nililibot ang tingin sa paligid.

Singe-level structure ang gusali. Kakaiba ang bubong kasi multi-curved structure na parang lumulutang sa ibabaw, at sa tingin ko ay parang ginaya sa Chocolate hills. Nangunot ang noo ko nang mag-buzz ang kabilang linya. Pinatayan ako ng tawag?

Huminto ako saglit at tinawagan ulit si Tiden. Mabuti na lang at sumagot.

"Tiden -"

"Rishell, nasa'n ka na?"

"Ah. Nasa airport na, e."

"Pasensya na, Rishell. Ayaw ni Maingey na nasa iisang hotel tayo."

"Duh." Umirap ako. "Pero hindi naman kasi iisa ang room natin, a? Saka grabeng privacy na 'yan. Ako naman ang magbabayad sa hotel room!"

"Pasensya ka na talaga. Hindi na kita nasundo, hindi pa kita makakasama sa hotel."

Napabuga ako ng hangin. "Fine. Ayos lang sa akin. Nag-book na ako ng hotel room malapit sa Alona. Kita na lang tayo sa concert niyo. Doon lang naman tayo free magkita."

"Mag-ingat ka."

"Yes, ikaw rin. Ingat ka diyan. Saka, 'wag palipas gutom. Masama sa katawan 'yon."

Natigilan ako nang maalala ang huling taong nagsabi no'n. 'Yong Engineer na hambog. Ngumuso ako. Aaminin ko, simula noong nagkausap kami tungkol sa palipas-gutom na 'yan, hindi na ako nag-i-skip ng pagkain. Siguro, dahil may punto siya... saka ayaw ko ring napuputulan ng WiFi sa bahay.

"Sige, Rishell. Bumalik na ang sponsors. Kumain ka nang marami at 'wag magpapuyat."

"Alam ko."

Nagpaalam pa siya bago binaba ang tawag. Bumuntong-hinga ako at tiningala ang gusali sa harap.

"Keep moving."

Napalingon ako bigla sa nagsalita. 'Yong lalaki kanina. Tumabi ako para makaraan siya. Pinagmasdan ko lang kung paano niya dalhin ang sarili sa suit and tie. Businessman ang datingan. Sino kaya 'yon? Pamilyar na pamilyar ang awra niya. Hindi ko maalala kung saan ko nakita ang gano'ng klaseng kunot ng noo, shades, at tiim bagang.

Umiling ako. Hindi ko dapat pinoproblema ang lalaking 'yon. Ang dapat kong isipin, makarating sa Panglao Regents Park Hotel para makapagpahinga na. Sumasakit pa ulo ko sa jetlag.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.