Chapter 21

HINDI MAPIGILAN ni Arjun na tanawin ang kaibigang si Callie habang naglalakad ito palayo mula sa kinaroroonan niya. Kasama nito ang Mommy at si Kuya John---ang nag-iisang nakatatandang kapatid nito. Hindi rin niya mapigilang hindi mapangiti habang pinagmamasdan ito. Nakatalikod man ito sa kanya ay ramdam pa rin niya ang kakaibang dating nito sa puso niya. Masaya siya kapag magkasama sila. Masaya siya na tinuturing siya nito bilang matalik na kaibigan. At hindi lang iyon dahil sa nararanasan niya ang buhay ng isang mayaman kapag nasa tabi niya ito. Alam niyang mas malalim pa iyon roon.

“Pakiramdam ko ay gusto mo ang anak ko, Arjun,” puna sa kanya ni Mr. Christopher Delos Santos. Mr. Delos Santos is one of the top lawyers in the Philippines and also Callie’s father. Pagkatapos ng klase nila ay isinama siya ng pamilya nito upang kumain sa spiral restaurant ng Sofitel na siyang paboritong restaurant ni Callie.

Hindi ito ang unang beses na nakasama niya ang lalaki. Tuwing may okasyon sa pamilya ng mga ito ay palagi siyang imbitado kahit malayo ang agwat ng pamumuhay nila sa isa’t isa. Mayaman ang pamilya nila Callie at siya ay hindi. Alam niyang gasgas na kung sasabihin niyang kaya lang siya nakapasok sa pangmayamang eskuwelahang pinapasukan ni Callie ay dahil scholar siya pero iyon ang totoo. Doon sila nagkakilala ni Callie.

Kadalasan ay kung hindi inaasar ay hindi siya pinapanasin ng mga kaklase niya. Halos lahat kasi sa eskuwelahan na iyon ay mayayaman at siya lamang ang tila naliligaw ang landas. Isama na roon na kakaiba rin ang itsura niya kaysa sa iba.

Karamihan sa mga kaklase niya ay kagaya niyang may dugong banyaga. International school kasi ang paaralan kung saan sila napasok. Pero sa kinamalasan naman ay sa buong klase nila ay siya lamang ang natatanging maitim. Kung hindi kasi White American ay mga may Spanish blood naman ang mga foreigner na classmates niya. May mga ilan din naman na maiitim kaya lang ay nasa ibang section ang mga ito o `di kaya ay ibang year. Nakadagdag rin ang half breed niyang Indian sa masamang tingin ng mga ito sa kanya. Nasa isip kasi ng mga ito na kapag Indian ang lahi ay mababaho ang mga ito. Naalala niyang pinag-uusapan iyon ng mga kaklase niya noong minsang nahuli niya itong nag-uusap-usap sa CR noong first year high school pa lamang siya kasama ang ilan sa mga kalalakihan na higher year sa kanila. Pinayuhan ito ng mga higher year na huwag lumapit sa mga lahing kagaya niya dahil may kaklase raw ang mga ito na ganoon na kakaiba ang amoy kapag nasa classroom. Nang dahil doon ay mukhang nalason ng mga ito ang isip ng mga kaklase niya na mukhang ipinagkalat rin sa ibang kaklase nila dahilan para layuan siya.

Alam naman niya sa sarili niya na hindi siya ganoon. Araw-araw siyang naliligo at palagi siyang nagpapabango. Malinis siya sa sarili niya. Siguro ay isa ring dahilan kung bakit nilalayuan siya ng mga ito ay puro racist ang mga ito. Nakatatak na rin siguro sa mga utak ng mga ito na kapag maitim ang isang tao at malaking lalaki ay nakakatakot ito. Isama na rin ang pagiging estado ng buhay niya sa mga ito na puro mayayaman. Palaging bago at mamahalin ang mga gamit ng mga ito at samantalang siya ay halatang mga mababang klase lamang ang mga gamit. Siguro ay napi-feel ng mga itong hindi siya makakasabay sa mga ito kaya nilalayuan siya ng mga ito.

Pero hindi iyon naging dahilan para hindi makipagkaibigan sa kanya si Callie. Kahit ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig ay hindi ito kagaya ng karaniwang mayayaman. Kinakaibigan nito kahit ang isang kagaya niyang langgam lamang kung ikukumpara sa yaman ng mga ito. Ganoon rin naman ang pamilya nito. Tanggap ng mga ito na ang isang hamak na kagaya niya ay kinakaibigan ng prinsesa ng bahay ng mga ito.

Ngayon nga ay isang araw na magpapatunay na tanggap siya ng pamilya nito. Sinundo ni Mr. Delos Santos si Callie kasama ang asawa nito pati na rin ang nakakatatandang kapatid ni Callie sa Aviation School na pinapasukan nito. Isinama siya ng mga ito sa dinner date ng mga ito. Hindi iyon ang unang beses na nangyari iyon sa kanya. Kapag nale-late siya ng uwi ay ganoon palagi ang dahilan kaya sanay na rin ang Mama niya. Gusto rin nito ang pamilya ng dalaga dahil maganda nga ang turing ng mga ito sa kanya.

Madalas na nakakausap niya ang Daddy ni Callie pero hindi ganoong klase ng usapan. He felt uncomfortable. Sila lamang dalawa ng Daddy nito ang nasa table dahil umalis sina Callie, ang Kuya at Mommy nito para pumunta sa rest room. Nagpaiwan na lang siya kasama si Mr. Delos Santos. Pero kahit close na rin naman silang dalawa, hindi niya maiwasang mahiya dahil sa kakaibang tanong nito.

“P-po? Paano niyo naman po nasabi `yan?”

He knew he sounded guilty as the way he said it. Pero magaling lamang siya sa academics. Hindi siya magaling umarte.

“I can see it in your eyes,” Mr. Delos Reyes looks and sounds amused. Mukhang hindi naman ito galit sa naobserbahan nito.

Napatungo siya.

“O, bakit ganyan ang reaksyon mo?”

“Ahmm... Bigla po kasi akong tinubuan ng hiya, Tito. Totoo po kasi,” pag-amin niya.

Bahagyang tumawa ito. “Wala namang mali roon. Hindi ka dapat mahiya,”

Napakamot siya ng ulo. “Hindi po ba kayo galit?”

Ngumiti ito. “Nililigawan mo na ba ang anak ko?”

Umiling siya. “Hindi niya nga po alam na gusto ko siya,”

Magkaibigan sila ni Callie but whenever he was with her, his heartbeat was not in a usual race. Lalo na kapag nagkakadikit sila o aksidenteng nahahawakan niya ang mga kamay nito. May mga kaibigan rin naman siyang babae sa lugar nila at close din siya sa mga ito. Pero kakaiba ang nararamdaman niya kay Callie kaysa sa mga ito.

Si Callie ang tipo ng babaeng sa unang tingin ay hindi mo agad mapapansin. Simple lang kasi ang kagandahan nito. Tuwid na mahaba ang buhok, may kaputian at may kaliitan ito. Samantalang siya ay magulo ang buhok, may kaitiman at malaking lalaki. Marami ang nagsasabing `di raw sila bagay. But like their friendship, all of it doesn’t matter to him. He liked her. So much. Hindi niya nga lamang iyon maamin rito dahil natatakot siya sa magiging reaksyon nito. Highschool pa lamang sila at inosente pang maituturing, lalo na si Callie. She was so pure. Baka hindi pa ito handa kung sakaling magtapat siya ng damdamin rito.

“Callie is still young. Siguro ay hindi niya pa napapansin itong mga bagay na ito. But I always observed the two of you. Lalong-lalo na ikaw. Alam kong may kakaiba ang titig mo sa anak ko. Kaya hindi na ako magtataka kung isang araw ay liligawan mo ang anak ko,”

Napalunok siya. Nag-ipon siya ng lakas ng loob. Ilang beses na rin pumasok sa isip niya na paano kung dumating siya sa punto na maisipan nga niyang ilabas ang damdamin na iyon. Siyempre ay kailangan niyang kausapin ang magulang ni Callie. Ngayon ay biglaan lamang iyon kaya natutuliro pa siya sa pakikipag-usap.

“Pero kung sakali po ba na ligawan ko ang anak niyo, okay lang po sa inyo?”

Huminga muna ito nang malalim bago nagsalita. “Alam mo na para sa akin ay pantay-pantay lamang ang lahat ng tao, Arjun. Wala akong pakialam kung nakakapasok ka lang sa isang exclusive school dahil scholar ka o kahit hindi mo kilala ang totoo mong ama at isang ordinary factory employee lang ang Mama mo. I have known you so well for years and I know despite of your background, you are a good man. If people will just know you more, they can see that you are a golden catch. Kahit kakaiba ang kulay mo at nakaka-intimidate ang built mo, you are good-looking. You actually looked like an Indian Prince, if there is just a real one. Matangos ang ilong mo at maganda ang mga mata mo. Kaiba nga lang talaga sa ordinaryong Filipino. Wala naman akong problema sa `yo,” hindi ganoon ka-direktang sagot nito sa tanong niya.

“Kung ganoon po ay---“

“But that doesn’t mean I will allow it,” putol nito sa sasabihin niya. Lumakas ang tibok ng puso niya. “Bata pa kayo ni Callie. Fourth year highschool pa lamang kayo. Marami pa kayong pangarap---lalong-lalo ka na. Sa klase ng utak mo, alam kong malayo ang mararating mo. I will allow it but not in this time. Not until you satisfy me that you really deserved for my daughter’s hand,”

Hindi siya nakapagsalita. May punto ito. Pero `yung sinabi nito na hindi pa siya deserving para sa anak, kinutuban siya nang masama.

Mukhang napansin naman nito iyon. “But don’t get me wrong, Hijo. Lahat ng ama ay gugustuhing mapapunta ang anak niya sa lalaking alam niyang kayang buhayin ito nang maginhawa. Gusto kong gawin mo iyon sa anak ko. Treat her like what I did to her since she was a baby. Treat her like a princess. Give her a life like a Queen. When you were able to do that, that’s the time I will allow you. Naniniwala ako na kaya mo iyon. Siguro ay hindi pa ngayon pero sa hinaharap. If you work harder, you can give the life that is better than what she have right now,”

“Ang ibig niyo pong sabihin ay kapag kaya ko ng ibigay ang buhay na kagaya ng buhay na mayroon siya ngayon, saka lang po puwede?”

Tumango ito. “That is my requirement for you, Hijo. May mangilan-ngilan ng nanliligaw sa anak ko sa edad niyang ito pero ni isa man sa mga iyon ay wala akong pinaburan. You know I am strict to them when it comes to this love relationship. Pabor ako sa `yo pero may kondisyon. I hope you’ll respect that and strive to fulfil that,”

Ngumiti siya. Nabuhayan siya ng loob. Isa sa mga ikinatatakot niya pa ay ang tungkol na rin sa sinabi nito na wala nga itong pinapaburan ni isa man sa nagtangkang manligaw kay Callie. Masuwerte pa siya dahil kahit may kondisyon ay pinaburan siya nito. He will strive to fulfil the condition. He will be better. He will be the one who deserves the Delos Santos princess.

Callie’s going to be hers. He would make sure of that. Maybe not sooner. But time will say the rest.

One Month Later...

Renowned lawyer, Christopher Delos Santos, died today due to traffic collision. Wife, Janine Delos Santos, heavily injured.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.