CHAPTER 3

“ANO ba ‘yan? Sayang ang yogurt ko! Babalik na naman ako sa counter!” Nagrereklamong saad ni Jeanette habang pinupunasan ng tissue ang kamay na natapunan ng yogurt shake. Napisa ng husto ang paper cup at natapon na iyon. Kokonti nalang ang natira. Baka hindi pa iyon umabot sa esophagus niya.

“At inuna mo pang alalahanin ang yogurt shake mo sa nadisgrasya mo.”

Biglang umangat ang mukha ni Jeanette sa lalaking nagsalita. Kulang ang salitang na-shock pagkakita niya sa hitsura ng kaharap.

Basang-basa ang dibdib nito ng yogurt shake. May ilang tilamsik pa sa pisngi at baba, pati sa may leeg. At… at hindi niya maintindihan kung bakit iba ang pumapasok sa utak niya habang minamasdan ang kaharap. The yogurt looks delicious in his face and neck! Nakakatakam!

Umagos ang likido na nasa leeg nito pababa. Ninais tuloy niyang sundan iyon kung hindi lamang niya narinig ang marahas nitong singhal.

“What now?! Titingnan mo nalang ba ako at hindi ka man lang mag-aabalang linisan ang kalat mo?”

Noon nagbalik ang katinuan ni Jeanette. Nakalimutan niyang ang kaharap nga pala niya ay si Gelo-arogante! Napakagaspang ng pag-uugali nito, gawan man ito ng mabuti o masama. Well, sa pagkakataong ito ay masama ang nagawa niya. Pero hindi naman niya iyon sinasadya!

“Sorry po, sorry po!” aniyang pinunasan ng tissue ang mukha at leeg nito at pati ang dibdib. Isinuksok pa niya ang tissue sa dibdib. “Matutuyo din iyan.” Matalim na tiningnan siya nito. “Huwag mo nga akong sindakin! Hindi ko naman sinasadya!” depensa niya sa sarili.

“Hindi ka kasi tumitingin sa dinadaanan mo!” asik nito.

“Hindi nga kita napansin! Malay ko bang paparating ka?” angil niya rito.

“Pintuan ito, natural na dito dadaan ang mga costumer.”

“Fine! I stand corrected! Ano bang gusto mong gawin ko. Pinunasan ko na nga ang kalat ko.”

“Palitan mo ang damit ko!” aroganteng utos nito.

“What?!” napatingin siya sa kanyang wrist watch. Late na siya. “Bibigyan nalang kita ng pambili. Ikaw na ang bumili.” Aniya na anyong dudukot ng wallet sa bag.

“Iniinsulto mo ba ako?”

“Wala na akong oras. Late na ako—”

“Wala akong pakialam. Basta palitan mo ang damit ko. Nakakapanlagkit na itong yogurt mo!”

Sa tingin niya ay nanlalagkit na nga ang hitsura ni Gelo. Sa gilid na bahagi ng pathway ng café ay may nakalatag na panindang T-shirt. Hinila niya sa braso si Gelo palapit sa side walk vendor na hindi pa napapansin ng guard. Maswerte pa din siya at hindi pa iyon nasisita. Dumampot si Jeanette ng dalawang polo-shirt at itinapat sa katawan ni Gelo. Mukhang mumurahin ang tela pero bagay naman ang mga kulay rito. Mukha ring kasya.

“Dalawa ho, manang.” Aniya sa tindera.

“Two hundred fifty lang, anak.”

Dumukot siya ng wallet.

“Wait,” apila ni Gelo.

“Shut up, Gelo! Di ba kailangan mo lang naman ng pampalit?” paasik na sita niya sa balak pa nitong pag-apila. Nagmamadali nga siya. Bibili pa siya ng gasolina niya. Inabutan niya ng pera ang ale at nagpasalamat. “May rest room dun sa loob ng café, magpalit ka na. Bibili pa ako ng yogurt shake ko. Teka,” bigla niyang binalingan si Gelo na hawak ang dalawang polo shirt at itinatapat sa sarili. “Dapat pinapalitan mo din ang nadisgrasya mong yogurt shake ko.” Bigla siyang pinaningkitan ng mga mata ni Gelo. Sa paningin niya ay nagkaroon ito ng dalawang sungay habang binabato siya ng masamang tingin. Napaurong tuloy siya.“Never mind.” Bawi niya at naglakad palayo sa hindi maipintang reaksyon ng lalaki.

“May panahon sa yogurt niya pero walang oras ayusin ang nadisgrasya niyang damit ko? Tsk!” narinig pa niyang bubulong-bulong ito.

Napangiti siya sa sarili. Hindi naman pala ganoon kasama ang ugali ni Gelo. Kung sa iba kasi nangyari ang nagawa niya rito, malamang na naghalo na ang balat sa tinalupan. Pero itong si Gelo. Mukha namang walang masamang tinapay para rito. Hindi na ito nagreklamo matapos niyang bigyan ng pamalit na damit sa namantsahan nitong mamahaling suot. Oo, alam niyang branded ang damit nito, hindi lang dahil sa tela kundi pati sa label ng suot nito na nasa gilid ng manggas nito.

Plus, naka-tsansing pa ako! Hihihi!

Kelan kaya ulit ang susunod?

Teka, di ba sinabi mo sa kanya dati na sana, hindi na kayo magkita pa ulit?

Binabawi ko na!!! Ang yummy niya talaga!

“COSTA GALAXIA!”

Manghang hinubad ni Jeanette ang sunglass habang minamasdan ang napakagandang lugar na iyon sa Sun Cove. Kompleto sa mga recreational amenities ang lugar at ayon sa pamphlets na hawak nila—na iniabot ng isang guide pagkababa nila ng ferry sa ducking area na tinatawag na Galaxia ferry terminal—nasa Earth Cove ang eleven residential cluster condominiums at dalawang hotels pati na rin ang Enchanted Walled Garden. Doon naman sa Sun Cove na una nilang pinuntahan ay ang Beach and Country Club, Pool Complex, Galactic Bar, Restaurants and Cafés, kabilang ang Orange Cup café at Andromenda Lounge na ginagawang event area, Market town o ang one stop shop sa gitna ng Earth Cove at Sun Cove at ang mga walking area at trekking location sa iba pang cove. Pinapayagan ang mga guest na pumasok sa iba pang cove kung mag-e-eco trail or bike trail, bird watching at trekking.

Parang gusto niyang mag-trekking. Pero duda siyang magagawa iyon gayong may misyon nga pala sila roon ng pinsan.

Sa sobrang ganda ng lugar, parang nais niyang isipin na nasa isa siyang paraiso. All things were green, blue and white. Napakaganda sa paningin ng napakalinis na paligid at napakasarap sa pakiramdam ng sariwang hangin.

May kung anong nakatawag sa kanyang pansin. “What are those?”

Hindi niya mapagpasyahan kung mga yate ba ang apat na bagay na naglutang sa malawak na dagat. Pero kung mga yate ang mga iyon, bakit pabilog?

“Floats po ang tawag sa mga iyon. Galaxy Float.” Narinig niyang paliwanag ng guide na nasa likuran lang nila.

“Floats?” nagkaduwetong tanong nila ni Beatrice.

Ngumiti si Missy, ang guide nila. Saka nagpaliwanag. “Pag-aari po iyan ng mga pioneer residents ng Costa Galaxia. Actually, galing pa po iyan sa Italy. Parang mga yate sila na pabilog ang hugis, condo-like ang lay out at nagpapalutang-lutang sa laot araw-araw. Depende kung saan nais papuntahin ng mga may-ari. May retractable submerge po kasi ang bawat float at kung nais po ang view sa ilalim ng dagat ay inilalaot po ang mga float. Siyempre ay depende pa din sa may-ari. May kanya-kanya po silang pilot na araw-araw ay naroroon para sa sandaling kailanganin ng may-ari ang service nila ay hindi na ipapatawag pa.”

“Luxurious floats!” manghang bulalas ni Jeanette. “Ang yayaman siguro ng mga may-ari niyan. Apat lang sila?” Apat lang kasi ang mga nakalutang sa dagat. Maliban nalang kung meron pang hindi naaabot ng kanyang mga mata.

“So far, apat pa lang po ang nag-avail ng Galaxy Float. May iba pa rin po na nag-i-inquire at under processing pa.” magalang na sagot ni Missy.

“Eh bakit hindi iyan naibalita? I mean, sikat ang Costa Galaxia. Bakit walang naglalabas ng article patungkol sa Galaxy Float?” nagtatakang tanong naman ni Beatrice.

“Kasi po, mga pribadong tao ang mga may-ari ng mga floats. Hindi nila basta-basta ipinasisilip ang mga floats nila, minsan, kahit mga relatives nila ay hindi nakikita ang loob ng float. Ang mga pilot naman po nila ay malamang na inabisuhan na huwag maglabas ng information patungkol roon. At siyempre, hindi rin naman po basta-basta nakakapasok ang media rito dahil strict ang security. Kailangan pa nga ng invitation ng mga guest galing sa mga residents rito bago makapasok ang mga guest tulad niyo. At siyempre, parating nasa laot ang mga floats at may security kaya’t hindi napapasok ng kung sinu-sino. Tinuturing po kasi ng mga may-ari na private sanctuary ang mga float nila. Wala pa po akong narinig na may-ari ng float na nagdala ng guest sa kanilang float maliban kay Mr. Benson na ipinaubaya ang paggamit sa kapatid niya. Nasa England po kasi si Mr. Benson at ang kapatid niya ang pinamanahan ng float niya.”

“Ang swerte naman ng kapatid nun.” Saad ng pinsan niya habang tinatanaw ang mga nagkalat na float. “Bakit ipinamana? Mamamatay na ba siya?”

Napatawa si Missy sa tanong na iyon ni Beatrice. Maski naman siya ay napabungisngis rin. Kung mag-isip naman kasi ang pinsan niya, wagas na wagas!

Pero sa totoo lang, sino naman ngang walang magawa sa buhay ang ipapamana ang ganoon kagandang ari-arian kung hindi rin lang mamamaalam na sa mundo?

“Hindi ko po alam. Pero ang kapatid na po ni Mr. Benson ang nag-e-enjoy ng lahat ng membership niya rito. Katunayan, ngayon din po iyon uuwi rito. Tuwing rest day noon sa trabaho.”

“Ang sarap talagang maging successful at maging mayaman. Katulad ng mga gurang na may-ari ng mga floats na ‘yan. Malamang, ‘yung mga asawa o kabit lang nila ang isasakay nila sa mga floats nila.” Saad naman ni Jeanette at napaismid pagkuway buong paghanga na minasdan ang mga naglutang na mga Galaxy Floats. Ang mga mayayaman talaga, hahanap at hahanap ng lugar na mapagtataguan kapag may mga ginagawang kababalaghan.

“Naku, Ma’am! Mali po kayo.” Sambit ni Missy.

Napabaling silang sabay ni Beatrice sa guide.

“What do you mean?” tanong ni Beatrice.

“Hindi pa po matatanda ang mga may-ari ng mga floats. Katunayan, mga bachelors po sila. Mga sikat na bachelors ng bansa.”

Napanganga siya. Ganoon kayayaman ang mga pioneer residents ng Costa Galaxia na magtatapon ng malaking pera para sa luxurious floats? Sigurado siyang milyones ang halaga ng mga iyon. Iyon na yata ang pinaka-latest version ng yate, hindi lang sa bansa. Baka iilang tao pa lamang sa buong mundo ang nagmamay-ari ng ganoong klase ng yate. Hindi pa naman nga kasi siya nakakarinig ng patungkol sa floating resort na parang yate. Ngayon pa lang. At oo, mukhang floating resort nga ang Galaxy Float. Dahil ang isang float na paharap sa kanya ay kitang-kita niya ang lay-out ng upper deck. Mini-resort ang lay out noon.

“Seriously?” di makapaniwalang tanong ni Jeanette. “Hindi pa sila mga gurang? Talagang mayayaman lang or mga anak mayaman?” Na-excite siyang bigla na makilala ang isa sa mga iyon! Napasipol tuloy siya.

“Mga successful at accomplished persons sa kanilang mga linya. Alam niyo Ma’am, tatlong taon na ako po ako dito pero ni minsan ay hindi pa po ako nakasilip sa loob ng kahit aling float. Nakakainggit nga po ang mga pilot. Enjoy na enjoy nila ang Galaxy Float. Sa pagkakaalam ko, hanggang anim na katao lang po ang kayang i-accommodate ng isang float.” Tila naiiinggit na nanghihinayang na pagbibida nito.

“Yaan mo Missy. Kapag naging ‘jowa’ ko ang isa sa mga may-ari niyan, ire-request kong pasilipin ka.” Pagbibiro ni Jeanette.

“Ay, Ma’am, seryoso ‘yan ah? Huwag niyo pong kakalimutan ang promise mo saken.” Pakikisakay na rin nito.

And as if naman na may matitisod nga siya. Baka i-snob lang ang beauty niya.

Tinapik siya sa braso ng pinsan. “Ambisyosa ka, cous.”

“Malay mo naman di ba? Teka, Missy. Ituro mo sa akin kung sinu-sino ang mga may-ari, ha-hunting-in ko.” Dagdag biro pa niya.

“Ay sige, Ma’am. Mamaya, kapag dumating si Sir Angelo, ipapakilala kita. Pero sana, matiis mo ang pagka-dry ni Sir. Hindi naman siya suplado, pero hindi rin siya friendly. Reserve po kasi masyado si Sir. Parang may pinagdadaanan o ganon lang talaga siya. Unlike nung kanyang kapatid na residente din dito, si Sir Lester. Yun nga lang, nag-fly-fly na papuntang England. Pero alam mo Ma’am, may mga panahon din naman na normal si Sir Angelo tulad ng iba pa.” pagkukwento ni Missy.

“Normal?” Napakunot-noo siya.

“Ibig ko pong sabihin, ‘yung tumatawa at nakikipagbiruan din minsan maski dry ang personality niya.”

“Teka, ano bang definition mo sa abnormal?”

“Yun pong puro work at walang play. Kapag puro work ang isang tao at hindi marunong magsaya, abnormal yun sa isang tao, hindi ba? Ang normal, yung balanse lang, 50% work, 50% fun! 50% seryoso, 50% bolero. Tama po ba ako?”

Napangiti siya sa kadaldalan ni Missy. Iyon ang gusto niya sa mga guide, masyadong makwento at madaming alam.

“Agree! Teka, dalhin mo muna kami sa hotel para makapag-check in na kami.” Nakangiting suhestiyon niya.

“Okay po.”

Binalingan niya ang pinsan na handa nang maglakad papunta sa kung saan. Mukhang nawawala na naman ito sa sarili.

“Saan ka pupunta? Ihahatid na tayo ni Missy sa hotel.”

Nilingon siya nito. “Nakita ko kasi si…” Bumaling ito sa lugar na tinitingnan kanina. Pagkuway nagpalingon-lingon sa kung saan-saan. Mukhang nauunawaan na niya kung ano ang hinahanap nito. Ang ulupong nitong syota!

“Sino? Si Kirk?” she rolled her eyes. “Leave it be. Mamaya natin siya ha-hunting-in. Tsaka nababaliw ka na ba? Bakit ka magpapakita eh di ba’t huhulihin natin siya? Baka biglang umuwi ‘yan, mabubulilyaso ang plano.”

Napatango at napasunod nalang ito sa kanya ng akayin niya ito papuntang Earth Cove.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.