CHAPTER 3

NAKAPAGBAKASYON si Ellery ng hindi oras sa Costa Galaxia. Tapos na ang project nila sa lugar pero nagpa-extend pa din siya ng indefinite vacation roon. Sagot naman ng team ng The Giants ang invitation niya kaya’t walang naging problema. Ang mga ito ang nakipag-usap sa management para sa kanya.

Pero naisip niyang mas maigi pang kumuha siya ng residential unit sa lugar para kung sakaling naisin niyang bumalik roon ay wala na siyang maging problema.

The place is enchantingly beautiful!

At kaagad nga niyang ipinaayos iyon kay Sandy. Wala ang kanyang manager kaya’t napilitan iyong mag-inquire para sa kanya. Mabilis na naiproseso ang lahat-lahat at binigyan na siya ng bakanteng unit sa cluster one. Mabilis ring nalamnan ng kung anu-anong kagamitan ang unit dahil ang pinakilos niya ay ang kanyang pera.

Pabor sa kanya na nasa cluster one dahil malapit na malapit ang unit niya sa kanyang target. Actually, magkapitbahay lang sila.

Hindi siya aalis sa lugar hangga’t hindi niya napapagbayad ang mayabang na lalaking si Vincent at hangga’t hindi niya ito napapakain ng kanyang alikabok. Hindi yata matatanggap ng malaki niyang ego na ganoon lang siya babalewalain ng damuho!

Kung tutuusin, barya lamang sa kanya ang pagpapaayos ng kanyang baby. Pero ang hindi niya matanggap ay napahiya siya sa harapan nito. Gusto niyang gumanti! At matatahimik lang siya kung makakaganti siya.

Lahat ng schedule niya para sa susunod na mga araw sa buong isang linggo ay ipina-kansela niya para lamang matupad ang balak niyang paghihiganti. Nagdahilan siya kay Jeph na gusto niyang magbakasyon. Kilala siya ng kanyang manager. Basta’t maisipan niyang magbakasyon ay walang makakapigil sa kanya. At dahil nasa bakasyon siya, natural lang din na magsalyahan ang mga assistant niya. Pinauwi na niya si Sandy.

Magandang bagay iyon para sa kanya dahil nakaisip siya ng pwedeng gawing parusa sa bruhong si Vincent!

Maaga pa lamang ay nagtungo na si Ellery sa Sun Cove para mag-almusal. Maaga pa para bulabugin niya si Vincent sa pananahimik nito. Hindi naman siya ganoong kawalang konsiderasyon para hindi ito hayaang makatulog ng maayos.

Mula sa Earth cove na kinaroroonan ng eleven cluster condominium at dalawang hotel ay nilakad niya ang papunta sa Sun Cove—para na rin ma-exercise siya. Ang Sun Cove ang main destination ng lahat. Naroon ang Beach and Country Club, Pool Complex, Galactic Bar, Restaurants and Cafés, kabilang ang Orange Cup café at Andromenda Lounge na ginagawang event area. Ang Market town o ang one stop shop ay nasa gitna ng Earth Cove at Sun Cove at ang mga walking area at trekking location ay sa iba pang cove na hindi dinevelop ng may-ari sa halip ay inalagaan.

Hayst! Masyado na pala siyang naging abala sa paghahanap ng mas magagandang lugar sa mga bansang napuntahan na niya bilang modelo at international actress para hindi mapansing may magaganda ring lugar dito sa bansa. Katulad dito sa Costa Galaxia.

Hindi niya lubos akalain na agad niyang magugustuhan ang leisure community na iyon gayong marami na siyang napuntahang exclusive residential resort sa ibang bansa. Gayunpaman, iba ang impact sa kanya ng Costa Galaxia. Maski may mga hindi magagandang bagay na bumungad sa kanya sa unang araw niya roon, masasabi niyang napagbayaran ng kagandahan ng lugar ang inis niya sa isang tao. At sa palagay niya, labis-labis pa. Habang naroroon siya kahapon, ramdam na ramdam niya ang sarap ng buhay sa lugar. Malayo sa mausok at maingay na mundo sa lungsod. Ang blue at green surroundings, ang mababait at accommodating na mga empleyado ng Costa Galaxia at ang lahat ng nakakaaliw na activities ng lugar.

Sa totoo lang, halos makalimutan na niya ang plano niyang pagganti kay Vincent sa dami ng mga plano niyang aktibidades sa lugar. Kung hindi niya lang narinig na pinag-uusapan ng tatlong babaeng kaedad niya ang Vincent na iyon at tila kilig na kilig ang mga ito.

Kaya siguro mataas ang tingin ng Vincent na iyon sa sarili ay dahil maraming sumasamba sa kagwapuhan nito. Ano kaya ang magiging impact sa ego ng walanghiya kapag siningil niya ang utang nito sa kanya.

Ah! Sisiguraduhin niyang walang katumbas na halaga ang hihilingin niyang kabayaran!

Matapos makapasok sa Orange Cup Café ay agad siyang nilapitan ng isang waiter para kunin ang order niya. Na-impressed siya sa laman ng menu ng mga ito. Pero nauwi din lang naman siya sa pag-order ng beef steak. Babawi nalang siya sa Mediterranean dessert ng mga ito.

As she waited for her orders, napansin niya ang ilang kalalakihan na panay ang lingon sa kanya. May naglakas-loob pang kumaway. Dahil hindi siya madamot, nginitian niya iyon. Hindi na siya magtataka kung ang reaksyon nito ay daig pa ang nanalo sa lotto matapos niyang tapunan ng kaunting pansin. Alam niya kung ano ang impact niya di lamang sa kalalakihan—siguradong kulang na lamang ay magpa-fiesta ang mga iyon matapos niyang pansinin at ngitian. Sino nga ba naman ang hindi magdidiwang matapos makakita ng diosa?!

Feel na feel na niya ang atensyong nakukuha ng may mamataan mula sa salaming dingding ng establisyemento. Hindi siya maaaring magkamali!

Ang kampon ni Satanas!

Dali-daling lumabas siya ng Orange Cup Café at hinabol ang walanghiya, bago pa man iyon muling makatakas!

“Hoy!” sigaw niya para maagaw ang atensyon ng damuhong naglalakad. Hindi siya nito pinansin.

“Enteng!” sigaw niyang muli.

Nang hindi pa din ito lumilingon ay binalibang na niya ito ng kanyang beach slipper. Sa pagkakataong iyon ay nagtagumpay na siyang makuha ang atensyon nito. Lumingon ang… ang…

‘Ang gwapo pala talaga nito sa harap-harapan!’

“Excuse me? Ikaw ba ang bumato sa akin?” nakaigkas ang kilay na tanong nito sa kanya.

Dahil doon ay nahinto ang nagtatangkang pagpatak ng laway niya habang nakatunganga sa walang kasing gwapong nilalang sa kanyang harapan.

“Oo! Ako nga!” taas-noong tugon ni Ellery.

“And who the hell are you—”

“Who the hell Am I?” eksaheradang itinuro niya ang sarili. Kahapon lang nito nadisgrasya ang baby niya tapos ngayon ay hindi na siya nito kilala? That’s an easy way out, huh? “Kung iniisip mo na makaliligtas ka na sa pagmamaang-maangan mong iyan, pwes! Nagkakamali ka! Panahon na para singilin kita—hoy!”

Nabubwisit na hinabol niya ang hudyo! At tinalikuran siya ng walanghiya? Ang lakas ng loob nitong talikuran siya?

“Bumalik ka dito! Ang kapal ng mukha mong talikuran ako? Walang sinuman ang nagtangkang talikuran ako! Punyeta! Bumalik ka dito!”

Kung kailan nasa tabing-dagat na sila ay saka lamang huminto sa paglalakad ang talipandas na lalaki. Wala na siguro itong ibang masuotan. Takot nalang nitong lumusong sa tubig ng ganoon kaaga!

“What now, Miss—?”

Ibinitin nito ang sinasabi na tila ba nais nitong dugsungan niya iyon ng kanyang pangalan. Hindi makapaniwalang napabuga siya ng hangin.

“Hindi mo ako kilala?”

“Dapat ba na kilala kita o ang lahat ng taong makakaharap ko?” nakaangat ang isang kilay na balik tanong nito sa kanya.

Pinandilatan niya ito ng mga mata. Hindi siya nito kilala?! “Seriously?” manghang tanong pa rin niya.

Nagsalubong ang mga kilay ng walanghiya.

“Sikat ako! Hindi mo ako kilala?” sigaw niya sa pagmumukha nito.

Gusto niyang magmarakulyo sa ipinakikita nitong kawalang alam patungkol sa kanya. Pinag-uusapan ng lahat ang tungkol sa career niya at sa kauna-unahan niyang proyekto sa larangan ng film showing. Oo at iyon ang unang beses na gumawa siya ng pelikula pero pang–international iyon at siya ang… well, siya ang kontrabida.

Anyway, mas gusto niya ang role ng pagiging kontrabida. Hindi niya ma-imagine ang sarili na sinasampal-sampal at sinasabunutan ng kapwa artista sa harap ng camera. Hindi rin siya mahilig umiyak kaya’t hindi niya talaga gusto ang role ng pagiging bida.

“Sa hindi kita kilala.” Kibit-balikat ng gwapong nilalang sa harap niya.

Nais yata niyang sampalin ang sarili. Dahil sa kabila ng pagngingitngit niya sa kawalan nito ng alam patungkol sa kanya, she still finds herself admiring the gorgeous man in front of her! Grrr!

“Ano ba ang kailangan mo sa akin?”

“Are you kidding me?” manghang tanong niya rito.

“No, I’m not. Do I look like one?”

Gustong-gusto na niya itong sugudin at sapakin dahil bukod sa seryosong-seryosong anyo nito ay ikinabubwisit niya ang tila kawalan nga nito ng ideya sa ipinagngingitngit niya.

“Well,” pinameywangan niya ito. “Ako lang naman ang may-ari ng mamahaling kotse na winasak niyo ng driver mo kahapon. At naririto ako para singilin ka.”

Umigkas ang kilay nito, pagkuway: “Call my secretary then. She’ll give you the compensation for the damages.” At tumalikod na itong muli.

“What?!” gusto na naman niyang magwala.

Paano niyang tatawagan ang secretary nito gayong pwera sa first name nito at sa numero ng unit nito sa cluster one ay wala na siyang alam patungkol rito.

“Hey you! Bumalik ka dito! Hindi pa tayo tapos!”

At muli na naman siyang humabol rito. Humarang pa siya sa daraanan ng talipandas matapos niya itong maabutan.

“I said—”

“Peste! Hindi ko kailangan ang sekretarya mo para makipag-settle sa akin! Ikaw ang dapat na makipag-ayos sa akin tutal ay ikaw naman ang umako ng kasalanan ng driver mo!”

Ikinalikot nito ang isang hintuturo sa tenga na tila naiirita sa kanya. Nairita na din siya sa iniakto nito. How dare him to act in front of her like that!? Ito ang may atraso sa kanya pero parang ito pa ang naiiyamot sa kanya?

Duh?!

“Okay, fine. Ipagpalagay nang ako ang may kasalanan maski ang driver ko talaga ang nakasagasa sa pabara-barang naka-park mong kotse. Kaya nga sabi ko sayo, ang sekretarya ko na ang bahala sa mga gastos.”

“No! Hindi lang iyon ang gusto kong gawin mo! Kailangan mong pagbayadan—”

“Ang kulit mo rin ano? Sinabi ko na ngang—”

“Ikaw ang makulit! Sinabi ko na ngang ayokong makipag-areglo sa secretary mo!” angil niya rito.

Nagtagisan ang mga bagang nito. Pero ilang sandali lang at na-relax din ang mukha ng lalaki. Naging gwapong nilalang na naman ito sa mga paningin niya.

What? Kampon ‘yan ni Satanas!

“Pinagtitinginan na tayo ng mga tao. Pwede bang hinaan mo iyang boses mo?” yamot na utos nito sa kanya. “You know, I’m a very busy person and—”

“I don’t give a fuck! Ikaw ang walang utak na bumangga sa kotse ko at isa lang naman ang hinihiling kong kabayadan, hindi mo pa mapagbigyan? Napakakuripot mo talaga!”

“Pwede bang huwag kang sumigaw? Nakakahiya sa mga tao.”

Sa panggigilalas niya’y hinablot siya nito sa isang braso at hinila palayo roon. Sa di gaanong mataong lugar sa baybaying dagat sila humantong at gigil na gigil itong hinarap siya.

“First and foremost, ikaw ang walang utak na nagparada ng sasakyan mo ng alanganin. Hindi ko kasalanan kung nasabitan man iyon ng kotse ko! Pangalawa, handa akong makipag-areglo sayo, hindi mo na kailangang mag-eskandalo. At pangatlo—”

Minulagaan niya ito para pahintuin sa paglilitanya nito. “Ikaw ang walang utak!” angil niya rito. “Malinaw kong sinabi na ayokong ipasa mo ako sa sekretarya mo. Kung makikipag-areglo ako, sayo iyon at hindi sa ibang tao.”

“Fine!” He hissed in annoyance! “Magkano bang kailangan mo para maayos na ang pesteng kotse mo?”

Pinandilatan niya ito. “Hindi peste ang kotse ko!”

He just rolled his eyes.

“Five.” Aniya.

“Five hundred thousand lang ba? Okay fine,” umakma itong maglalakad. “Come with me in my offi—”

“Five days!” demand niya para pahintuin ito sa paglalakad at paglilitanya.

“Five what?!” gigil na baling nito sa kanya.

“Well,” humalukipkip siya at ngumiti rito ng matamis. “May sakit kasi ang manager ko, pati ang PA ko, may bulutong. At dahil sikat na personalidad ako… kung hindi mo pa rin ako nakikilala, ako lang naman ang sikat na model at international actress na si Ellery Mendrez.” Literal na pagpapakilala niya sa sarili. Nakakabwisit dahil kailangan pa niyang gawin iyon sa harapan ng walang karea-reaksyong lalaki. Samantalang halos lahat ng kalalakihan sa siyudad ay kilala at pinapantasya siya. Hindi naman masasabing kabundukan ang lugar kung doon nga ito naglalagi sa mahabang panahon, para hindi siya makilala. Makabagong-makabago ang lahat sa Costa Galaxia kaya’t imposibleng walang alam ito ng patungkol sa kasikatan niya. “At bilang sikat, hindi ako maaaring mawalan ng mga assistant at manager. Busy ako ngayong darating na limang araw dahil may project ako rito bilang modelo. Hindi ako sanay kumilos na walang—”

“So, what are you trying to say?” singit nito sa paglilitanya niya sa scripted na linya.

Plinano na niya iyon kagabi pa at hinding-hindi niya ito papakawalan ng walang positibong sagot mula rito.

“Well,” kibit-balikat niya. “Ang kailangan ko ay manager at alalay. At wala akong ibang mahanap. Since may atraso ka sa akin kaya naisip ko na—”

“Wait, wait—” Itinaas ni Vincent ang mga kamay para pahintuin na naman siya. At sa matatalim na mga mata ay pinandilatan siya nito. “Gusto mo na maging alalay ako? Are you crazy? Gagawin mong alalay si Vincent Periera?”

“Vincent Periera?” napakunot-noo siya. “Sino ba si Vincent Periera?”

“Ako!” nanggigigil na tugon kaagad nito.

“Oo, alam kong ikaw nga! Pero sino ka ba sa akala mo?” pinagtaasan niya ito ng kilay.

“Well, bakit hindi mo itanong iyan sa sarili mo? Sino ba si Vincent Periera kumpara kay Ellery Mendrez?”

“I don’t have any idea. Sikat ka din ba? International actor? Film maker? Director? What?”

Sa palagay ni Ellery, sa hitsura ng pagmumukha ni Vincent ng mga sandaling iyon, wala itong ibang nais gawin kundi sakalin siya at lunudin sa ilalim ng dagat.

“Ako lang naman ang anak ng may-ari ng Costa Galaxia. Sooner or later, ako na ang magmamay-ari ng lugar na kinatutuntungan mo. Kaya sino ka, para hayinan ako ng offer para gawing alalay mo? You are just nobody, compared to me.”

Napasinghap siya sa kawalan nito ng modo! “Ang kapal ng…” Hindi niya naituloy ang sasabihin ng ngumisi ito. Dahil kasi sa ginawa nitong iyon ay tila nabura ang lahat ng inis niya sa kayabangan nito. Kung nayayabangan na sa kanya ang mga haters niya, may tatalo pa rin pala sa kayabangan niya.

She was nobody compared to him? Ano ito? Panginoon?

At bakit ba hindi niya nalaman ang tungkol sa katauhang kaakibat ng pangalan na iyon?

Ah, wala nga pala siyang pakialam sa lugar. Maski gaano pa iyon kasikat sa buong bansa, hindi siya kailanman nagkainteres roon dahil ang utak niya ay walang ibang gustong puntahan kundi ang mga magagandang tourist spots sa ibang bansa. Who could blame her? Ipinanganak siyang hindi nahihinto sa bansang sinilangan dahil walang ibang nais gawin ang mommy at daddy niya kundi ang lumipad at libutin ang buong mundo. Wala na kasing mapaglagyan ng pera ang mga ito kaya’t ipinamumudmod nalang sa mga airline companies.

“May atraso ka sa akin kaya iyon ang hinihiling kong kabayaran sa nagawa—”

“Kaya kong palitan ng bago ang nasira mong sasakyan! Kung gusto mo ay tatlo pa ang ibabalik ko sayong kotse, in three different colors.” Walang anumang hamon nito.

“Ang yabang talaga!” mahinang pagngingitngit niya.

Ngumisi na naman ang walanghiya! At muli, natunaw na naman noon ang puso niyang nagngingitngit rito.

“Hindi ko kailangan ng kotse! Ang kailangan ko ay manager!” angil ni Ellery kay Vincent.

“Bibigyan kita. Pati body guards at personal alalay. Ilan ba ang kailangan mo? Sabihin mo lang.”

“Ikaw ang gusto kong maging manager!” sa pagkainis ay naibulalas niya.

Saglit itong natigilan. Pagkuway sumilay ang napakagwapo nitong ngiti. Kung natutunaw ang kabwisitan niya sa pagngisi nito, ngayon naman ay pinanlalambot siya ng mga ngiti nito.

Peste!

Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit ba siya naaapektuhan ng ngiti ng mayabang na lalaking ito?!

Damn!

“Ah, so. Parang alam ko na kung bakit ka nagkakaganyan. May gusto ka sa akin kaya hinahabol-habol mo ako.” Nanlaki ang mga mata niya dahil sa mga inilalabas ng magandang korte ng mga labi nito. Well, mga labi lang nito ang maganda dahil nakakarimarim ang dila ng bwisit na lalaki! “Akala mo naman, maiisahan mo ako sa pamba-blackmail mo? Sayang ka, ang ganda mo pa naman pero mukhang walang laman ang utak mo. Major turn off pa naman sa akin ang mga walang laman ang utak—”

“What?!”

Gusto niyang pulbusin ang dibdib ng mayabang na lalaking ito. At binigyan pa talaga nito ng luntiang kulay ang… ang…

Ano nga bang tawag sa ginagawa niya? Paghahabol?

Ah! Hindi! Hindi siya naghahabol. Ipinaglalaban niya lang ang karapatan niya bilang biktima ng hindi tamang pagmamaneho ng driver nito! At dahil ito ang amo, dapat lang na ito ang habulin niya!

Shit! Naghahabol nga siya!

Bakit ba hindi niya naisip na ganoon nga ang kalalabasan ng pinaggagagawa niya? Simple lang naman ang gusto niyang mangyari. Ang makaganti sa pagkapahiya niya rito kahapon. At ang gusto niya ay gawin itong alalay sa harap ng mga tao roon sa Costa Galaxia. Wala na talaga siyang proyekto roon at pagbabakasyon na may kahalong paghihiganti nalang ang dahilan kung bakit naroroon siya. Pero mukhang sa halip na makaganti ay nadadagdagan lang ang kasumpa-sumpang pagkahiya niya habang naroroon.

“Pasensiya ka na, Miss. Hindi ko kasi type ang mga kokonti ang laman ng utak. I want a sexy and a witty one. Ganoon ang mga tipo ko. Kapag ganoon ka na, saka ka bumalik ha? Baka magustuhan na kita.”

Dahil sa narinig ay mabilis na umakyat ang kumukulong dugo niya sa kanyang ulo! Ang yabang talaga ng walanghiyang ito!

Sa labis na pagkaimbyerna niya ay tinadyakan niya ang gulugod nito. Napa-Aray ito sa matinding sakit. Natural lang iyon dahil todo-todong pagkayamot ang nararamdaman niya at lahat ng iyon ay pumaloob sa pagtadyak niya rito. Malas nito at magaling siya sa karate.

Mabilis na nagmamartsang iniwan niya ang tumataghoy na lalaki.

“Buti nga sayo!” bubulong-bulong na sambit niya.

“Walanghiya kang babae ka! Bumalik ka rito!” nanggigigil na sigaw ni Vincent.

Naitirik niya ang mga mata. Walang anu-ano’y may pumasok na gagamba sa kanyang kukote. Nilingon niya si Vincent at inalayan ng matamis na ngiti. Nag-flying kiss pa siya sa gwapong pobre.

“Huwag mo akong masyadong ma-mi-miss, Vincent. Alam kong masyado akong maganda at hindi mo kaya na mawaglit ang mga mata mo sa akin, pero busy kasi ako ngayon. So, see you when I see you, Vincent.” At kinindatan niya ang animo gustong magwalang lalaki.

Napahagalpak siya ng tawa ng mamilipit na naman ito sa sakit habang hawak ang binti nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.