PAPALABAS si Ellery sa unit niya nang marinig ang pagmumura ni Vincent mula sa kabilang unit. Sound proof ang bawat unit pero dahil nakabukas ng bahagya ang pinto noon at eksaktong papalabas naman siya kaya’t naririnig niya ang panggagalaiti nito sa kawawang assistant nito.
“Get out! Now!”
Halos magkandarapang lumabas ang isang lalaking utusan marahil ng binata na may dalang mga papeles na nagkanda-gusot-gusot na. Sa malas nito ay nabitiwan pa nito ang mga dala-dala kaya’t sumambulat iyon sa sahig. Mabilis siyang dumalo rito at tinulungan ang lalaki.
“Salamat, Miss—” Tila nagulat ito nang malingunan siya. “Ikaw si Ellery Mendrez, di ba? Iyong sikat na modelo?” Ngumiti siya rito at pasimpleng isinipit sa tenga ang ilang hibla ng malambot at makintab niyang buhok. “Napakaganda mo pala talaga sa personal.” Ipinagpag nito sa pantalon ang braso at inilahad sa kanya. “Pa-autograph naman!”
Napatawa nalang siya. Iyon ang natural na epekto niya sa mga lalaki. Sa kabila ng kamiserablehan ng mga ito, nakukuha pa ring ma-excite pagkakita sa kanya.
“May ballpen ka ba?”
Nang maglabas ito ng ballpen ay mabilis siyang nagbigay ng autograph sa braso nitong inilahad sa kanya.
“Salamat!” Tuwang-tuwang saad nito sa kanya. “Hindi ako magbabasa ng braso.”
“Pwedeng magtanong?” pa-sweet na hayag niya.
“Sure! Kahit ano. Huwag lang pera, ha?”
“Mayaman na ako, hindi ko kailangan nun.” Tumawa lang ito. “Bakit nagwawala ang boss mo?” Inginuso niya ang pinanggalingan nitong unit.
Napatingin ito roon. “Bad trip si Sir. Masakit kasi ang binti niya. Actually, nagpatawag siya ng ilang doctor para siguraduhing walang nabaling boto roon para lang ma-disappoint. Dahil paulit-ulit lang ang resulta. May fracture nga. Naku!” napailing ito na tila naiinis. “Kapag malaman ko kung sino ang tumadyak kay Sir, babalian ko din ng boto!” Napakagat-labi siya. Seryoso ba talaga ang nagawa niya kay Vincent at ganoon mag-react ang empleyado nito?
“Baka naman may matinding atraso ang amo mo kaya iyon—”
Sunod-sunod ang naging pag-iling ng lalaki na nakapagpahinto sa paglilitanya niya. “Mabait na amo si Sir kahit madalas na masungit at seryoso sa buhay. Kung minsan ay lumalabas ang kayabangan niya pero ganoon lang siya kapag nagbibiro. Lalo na kapag gusto niyang maging ka-close ang isang tao.”
‘Pagbibiro? Pero ang biro niya, nakakapika!’
“Minsan lang talaga, iba kung man-trip si Sir, pero kilala siyang mabait dito sa Costa Galaxia. Kaya, kapag malaman ko talaga kung sino ang sumalbahe sa amo ko, ipapa-ban namin maski di alam ni Sir. Pati kasi kami ay nadadamay sa init ng ulo niya.”
“Namin? Sinong namin?”
“Kaming mga empleyado niya. Lahat kaming naririto ay loyal sa kanya.”
‘Patay na! Delikado pala ako!’
Napatayo siyang bigla. Baka kasi mahalata nitong biglang umilap ang pakiramdam niya.
“H-Hindi ba sinabi sa iyo kung sino ang may kagagawan ng pananakit ng binti niya.”
Umiling ito na ikinapatag ng paghinga niya. Noon lang niya napansin na nagpipigil pala siya sa paghinga dahil sa kaba.
“Sabi niya kasi ay pabayaan nalang daw at nakakaawa kung gagantihan pa.”
Nakakaawa? Hmm? Marunong pala iyong maawa?
“O paano, maiwan na kita. Kailangan ko na itong madala sa sekretarya ni Sir Vincent at baka mapagbuntunan pa ako ng init ng ulo. Ilang araw din kasi siyang hindi makakapagtrabaho.”
“Sige.” Nginitian niya ito.
“Kapag may kailangan ka, puntahan mo lang ako sa front desk sa ground floor.”
“Sure.”
Nang makalayo na ang lalaki na nakalimutan na niyang itanong ang pangalan ay saka siya napaisip. Tama ba ang narinig niya? Hindi nagtangkang gumanti si Vincent sa kabila ng ginawa niya rito? At, seryoso ba ang naging pinsala nito dahil ilang araw itong hindi makakapagtrabaho?
Bigla ang sipa ng kanyang konsensiya. Totoong nakakainis ang mga litanya ni Vincent pero hindi naman makatwiran na balian niya ito ng buto, kung may nabali man nga siyang buto rito.
Ah! Huwag naman sana! Dahil kung magkaganoon, baka isang araw ay malaman nalang niyang inaaresto na siya ng mga pulis dahil sa salang serious physical injury. Babagsak ang career niya!
Baka hindi na masundan ang kanyang unang international film. O kung hindi man ay ipasok siya sa action movies! Ayaw na ayaw pa naman niya ng ganoon dahil ayaw niya na magalusan ang napakaganda niyang balat. Alagang-alaga niya iyon sa iba’t-ibang mamahaling collection niya ng lotion.
Lumapit siya sa pinto ng unit ni Vincent para sana kumatok, pero nagulat siyang makitang bahagyang nakaawang ang pinto. Nakalimutan sigurong ilapat ng maayos ng lalaki kanina. Dahan-dahang itinulak ni Ellery pabukas ang pinto at pumasok.
“Vincent?” marahan ang naging pagpasok niya sa loob ng unit.
Agad na sumalubong sa kanya ang panlalaking amoy ng unit na iyon. Napakalawak pala ng unit ni Vincent. Halos doble ng laki ng unit niya. Akala nga niya ay pang- VIP na sa laki ang inuokopa niyang unit pero may mas hihigit pa pala.
Nagmamasid-masid pa siya sa paligid ng may lumitaw na bulto ng isang lalaki sa kanyang harapan. Napalundag siya sa pagkagulat matapos matuklasang halos hubad si Vincent na nagpapakalat-kalat roon. Isang puting tuwalya lamang ang nakabalot sa bewang nito pababa.
“What are you doing here?!” galit na sita nito sa kanya habang hindi maunawaan kung paano kikilos para ikubli ang sarili.
Isang bahagi ng utak niya ang nais magreklamo sa tangka nitong pagtatago sa sarili. Hindi niya nais na mawaglit sa mga paningin ang napakagandang tanawin ng katawan nito!
Sa maingat at uugod-ugod na kilos ay nakabalik ito sa couch at prenteng naupo roon. Tila narinig nito ang piping-sigaw ng kanyang isip kaya’t sa halip na itago ang sarili ay lantaran pa nitong inihain sa mapagnasa niyang mga mata ang magandang katawan nito.
He sits like there was nothing hurts in him. Nagpapaka-cool ito sa harapan niya.
Ang yabang talaga!
“So, ano na naman ang kailangan mo at naririto ka?” nakangising tanong nito sa kanya.
“Huwag ka nang umarte na parang walang masakit sa iyo. Alam kong iniinda mo pa rin ang binti mo. Kaya nga hindi ka makapagtrabaho, di ba? Iyon ang sabi ng empleyado mong kagagaling lang rito. And I’m here para i-check kung seryoso ba ang nagawa kong pinsala. Gusto kong makipag-settle.”
Saglit itong natigilan sa sinabi niya.
All right. Nakokonsensiya siya. Hindi naman siya ganoon kasama para hindi ayusin ang naging pinsala niya sa kapwa. Maski pa animo kalahi ito ni Hudas, tao pa rin naman itong nasasaktan sa isang matinding tadyak. Marunong siya ng martial arts at dahil nabubwisit siya rito kahapon, naibuhos niyang lahat ang enerhiya sa pagtadyak sa binti nito.
Nagkaroon ng ibang ekspresyon ang mukha ni Vincent. Mula sa nagpapaka-cool na mukha nito ay bumalatay ang paminsan-minsang pagngiwi kapag kumikilos.
“Kung seryoso nga, anong gagawin mo?” hamon nito.
“Ipapakulong ko ang sarili ko.” Banat niya.
Napangiti ito. Nahulaan marahil na nagbibiro siya. Hindi naman siya ganoon kasamang tao. Maaaring gumagawa siya ng mga bagay na hindi pinag-iisipan ang pwedeng maging kahinatnan ngunit sa kabila noon, handa naman siyang harapin ang pwedeng maging kaparusahan.
“Sige, pwede mo nang ipakulong ang sarili mo.” Naaaliw na saad nito.
“Ngayon na? Ah, nagbago ang isip ko. Pwedeng mag-request ka nalang ng ibang kabayaran sa damage ko? O kaya, quits nalang tayo tutal may atraso ka naman sa akin. Oo, tama. Ganon nalang nga. So, paano? Aalis na ako ha? Get well soon.”
At umakma na siyang tatalikod nang marinig ang boses ni Vincent.
“I have a far better idea.”
Bumaling siya paharap rito. Bigla siyang naalarma. Sineryoso ba nito na ipakulong siya? Hindi iyon pwede! Kasiraan iyon sa career niya! Ang tanga rin naman niya! Siya pa ang nagbigay rito ng ideya! At bakit nga ba pumasok-pasok pa siya sa unit na iyon samantalang sinabi nga ng tauhan nito na wala itong balak gumanti? Bakit pa siya nag-usisa sa kalagayan nito? Ayan tuloy! Mukhang mapapasabit pa siya sa mas malaking gulo!
Masama bang maging concern? Tutal, nakaka-guilty na siya ang may dahilan kung bakit may injury ito ngayon.
Ah! Kasalanan nito kung bakit niya iyon nagawa! Masyado itong mayabang!
Pero bakit nga ba kailangan pa niyang maging concern sa hudas na ito?
“Gusto ko sanang magsampa ng kaso laban sayo dahil sa ginawa mo sa gulugod ko. Seryosong kaso ang pananakit ng kapwa ng walang valid reason.” Nakita niyang ngumisi na naman ito nang manlaki ang mga mata niya. “Siguradong makakaladkad ang pangalan mo sa kahihiyan. Ako, okay lang dahil ako naman ang biktima.”
“Magsasampa din ako ng kaso sa winasak ninyong kotse ko!” paangil na hamon niya.
“Madali ko nang malulusutan iyon. May witness ako na hindi namin tuwirang kasalanan ang pagkakasabit sa kotse mo. Pero ikaw—”
“No! Hindi mo pwedeng gawin ‘yan!” sigaw niya.
Bigla siyang nataranta. May katwiran ito. Hindi pa rin sapat na dahilan ang pagkayamot niya rito para saktan ito ng pisikal. Pero paano niya ipagtatanggol ang sarili kung ganitong aminado siyang nasa panig niya ang may malaking pagkakamali?
Pahamak talaga ang herodes na ito!
“Bakit hindi?” nakakunot ang noo na tila pinipigilan ang mapangiti na tanong ng walanghiyang si Vincent.
“Please, ipagawa mo na sa akin ang lahat, huwag mo lang akong kakaladkadin sa NBI! Nakakahiya!”
Ngumisi na naman ang talipandas. “Talaga? Gagawin mo ang lahat?”
“O-Oo.” Nagmamakaawang tugon niya.
MALAPAD ang ngiting napunit sa mga labi ni Vincent.
“Since you were responsible for my injury…”
He grinned even wider the moment her eyes grew bigger…
It’s been nine years since he left the University. Paaralan kung saan sila parehong nag-aral ni Ellery at kung saan siya paulit-ulit na nabiktima ng pagiging isnabera, maarte at mapagmataas nito. Matapos niyang marinig sa mga estudyante ang patungkol sa pakikipagmabutihan nito kay Kyle ay sinabi niya sa sarili na papatayin na niya ang anumang damdamin niya para sa dalagitang si Ellery bago pa man iyon lumala. Ang kaso, hindi rin niya napigilan ang sarili na balikan ang ID nito sa basurahan.
Ang tanga lang niya. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi na niya ito gusto at ayaw na niya itong magustuhan pero iniingatan pa rin niya ang school ID nito at sinusubaybayan ang career nito na patuloy sa pagtayog. Magpahanggang ngayon ay hindi niya mapigilan ang sarili na maki-update ng patungkol sa babaeng ito maski pa nga hindi pa din namamatay ang issue ng pagli-link ng media kay Kyle at Ellery.
Napakatatag ng mga ito dahil mula pa kolehiyo ang tandem ng dalawa.
Ah hindi, si Kyle lang ang matyaga. Nakakaya nitong pag-tyagaan ang ugali ni Ellery. Siguro, dahil ito lang ang nakakapagpa-tame sa dalaga. At nakakainis iyon.
Nakakainggit pala. Iyon ang tamang salita. Inggit na inggit siya kay Kyle dahil bukod tangi sa lahat ng lalaki ay ito lamang ang nagawang mapasuko si Ellery. Sa lahat ng lalaking nagpakita ng interes kay Ellery, si Kyle lang ang pinansin nito at pinakitunguhan ng maayos. Siguro nga, dahil nagustuhan talaga ito ng dalaga.
Hinayaan nalang niya ang mga ito at nanatili siya sa dati niyang estado, ang malayo at palihim na humahanga at… siguro ay umiibig rito. Kung hindi, bakit sa loob ng mahabang panahon ay hindi nagbago ang damdamin niya para kay Ellery?
Nang unang beses na muling magsanga ang mga landas nila ni Ellery roon sa Costa Galaxia ay talagang nagulat siya. Gustong-gusto na niya itong batiin at ipakilala ang sarili bilang dati nitong schoolmate. Pero pinigilan niya ang sarili. Alam niyang may tendency itong mang-snob at ayaw na niyang mapahiya. Kaya nagkunwari nalang siyang walang pakialam at hindi ito nakikilala. Ganoon din sa mga sumunod pa nilang pagkikita na pilit siya nitong sinisingil sa damage. Wala naman siyang balak na takbuhan ito. Hinintay niya lang talaga itong magreklamo at kusang maningil sa kanya. Yun nga lang, hindi niya inaasahan na ganoon na ito ka-bruskong makiharap sa mga taong hindi nito gusto at nagkakaatraso rito.
Nabwisit talaga siya nang sabihin nitong gusto siya nitong gawing alalay. Nag-level up na nga ito. Kung dati ay binabalewala lang siya nito, ngayon naman ay gusto naman siyang gawing alila.
Grabe!
But then, palagay niya ay umaayon sa kanya ang tadhana. Dahil kahit tinadyakan siya nito ay ito pa rin ang lumapit sa kanya para pagbayaran ang nagawa nito. She wasn’t that bad at all. Responsible pa din ito sa hindi magandang bagay na ginawa.
And this is his chance for revenge.
Oo, gusto niyang gumanti. Gusto niyang igante ang ego niyang ilang beses nitong tinapakan sa pang-i-snob nito sa kanya. Gusto niyang iparamdam rito ang paulit-ulit nitong ipinaramdam sa kanya noon. Kapag nangyari iyon, baka sakaling matahimik na ang loob niya at makontento na siya.
Siguro nga, ang dahilan nalang ng pagsubaybay niya sa career nito ay ang hindi matahimik niyang ego. Ang paghanga niya rito noon ay nauwi na sa pagkabwisit sa sobrang taas ng tingin nito sa sarili. At nais nalang niyang iganti ang ego niyang tinapakan nito noon at magpahanggang ngayon ay binalak pa ring tapak-tapakan.
Kung dati, nais niyang makuha ang atensyon nito dahil isa siya sa mga kabataang nababaliw sa ganda nito, ngayon ay nais niyang ipakita rito na hindi lang ito ang mataas sa lipunan at planetang ginagalawan nila pareho. He wanted to tame her not because he wants to win her attention but because he wants to show her that not every people around her could bow to her beauty. Maganda nga ang mukha nito pero masama naman ang ugali.
Tsk!
“Be my servant/nurse for a week. O hanggang sa tuluyan ng maka-recover ang binti ko. Six hours a day is fine.”
“Servant? A-Ako?” hindi makapaniwalang tanong nito.
“Yes. Sino bang may atraso sa akin?”
“Pero—”
“You’ll be my servant o idedemanda kita?” pananakot niya.
Siyempre ay wala siyang balak gawin iyon. Hindi niya kayang sirain ang career nito.
Tuluyan nang nalaglag ang panga ni Ellery at nandilat ang mga mata sa kanya. Gusto niyang humagalpak ng tawa. She was still beautiful even she wears that awesome expression. Wala yatang anggulo na pangit rito.
WHAT the hell is going on? Who was supposed to be blackmailed by whom? Bakit ngayon ay tila bumaliktad ang lahat ng plano ni Ellery? Nag-back fire ang maitim niyang balak dahil ngayon, hindi niya akalain na mapapa-oo siya sa nais ni Vincent na maging personal nurse at katulong nito!
Hindi siya nagpaiwan sa Costa Galaxia at ipina-cancel ang mga appointment niya para lang maging tsimini-aa ng hudyong si Vincent Periera sa buong isang linggo!
Pero hindi niya rin maaaring tanggihan si Vincent dahil ipapakaladkad siya nito sa mga pulis dahil sa pisikal na pananakit niya rito. Nais niya tuloy iuntog ang sariling ulo sa concrete wall ng unit na iyon! Sana ay hindi nalang siya nagbalak ng masama dahil kay bilis siyang binalikan ng karma! Hindi naman niya kayang isugal ang sariling kahihiyan dahil tiyak na pagpipyestahan siya ng media sa nangyari. Kasiraan iyon sa image niya. At ang pinakahuling naiisip niyang mangyayari sa kanya ay ang masira ang imahe niya. Oo nga at kilala siyang maldita sa industriya, pero kailanman ay di nasampahan ng kasong pisikal injuries ang dila niya.
“Bakit kasi di ka nalang magpaalaga sa mga babae mo! For sure, you’ll gonna enjoy it.” hirit naman niya.
Naiiritang tiningnan siya nito. “Ayoko na dumugin nila ako rito. At saka, ikaw ang may atraso sa akin kaya ikaw ang dapat kong singilin. So, ano na? Presinto o Unit ko?”
Inirapan niya si Vincent. Titiisin na niya ang maging katulong/nurse nito kesa makaladkad sa presinto ang pangalan niya. Eskandalo iyon kapag nagkataon. “Pwede bang iba nalang ang hingin mong danyos-perwisyo?
“Presinto o unit ko?” ulit nito.
Naiinis na naipadyak niya ang isang paa. “Oo na!”
“So, when did you want to start?”
Mabilis ang naging pagbaling ni Ellery sa nagsalitang kampon ni Satanas. Hindi niya lubos akalain na ang ganito kagwapong nilalang ay walang dudang magiging kaanib ng hukbo ni Hudas!
“Ngayon mo na ba gusto?” nakangising dugsong pa nito.
“Ayoko! Kailangan ko ng beauty rest ngayon. May photo shoot ako mamayang hapon. Six hours a day lang naman ang duty ko, so…Sige ha. Magkita nalang tayo bukas.” At umakma na siyang tatayo para tumakas.
“Ah, sa palagay ko nga, dapat na ngayon ka na magsimula. Look, wala akong alila ngayon na magsisilbi sa akin…”
Alila?!
“So, better if you start now.”
“No!” umigkas ang kilay nito sa dagli niyang pagtutol. “I mean, may photo shoot nga ako mamaya. Hindi maaaring maging haggard ang hitsura ko, hindi magiging maganda ang register ko sa camera. Magagalit si direct!” pag-aalsa niya.
Tila hindi ito nabahala sa sinabi niya. Sa halip, ngumisi na naman ito! Ngisi ng demonyo!
“Sa pagkakaalam ko, kahapon lang naka-schedule ang photo shoot ng The Giants models. Wala din naman akong alam na naka-schedule ngayon na magpo-photoshoot sa lugar.”
“Akala ko ba hindi ka makapagtrabaho dahil baldado ka? Bakit alam mo pa din ang lahat ng kaganapan sa buong lugar?” naiinis na tanong niya rito.
“Simple lang, kabisado ko ang scheduled reservation para sa buong buwan. Kaya’t hindi mo ako pwedeng lokohin. Marami akong paraan para malaman ang mga bagay-bagay, besides, anak ako ng may-ari. And I am also the one who’s incharge with everything here, habang naglalamyerda ang Papa ko.” Mayabang na litanya ng walanghiya.
“Ikaw nang henyo!” bubulong-bulong na saad niya. “Ano bang gusto mong gawin ko?” Tiningnan niya ang wristwatch. Pero sa malas ay wala nga pala roon ang wristwatch niya. Hinubad niya iyon dahil baka mahulog kapag naglunoy siya sa dagat. “Ano bang oras na?”
Itinuro ng hudyo ang wall clock sa likuran niya sa itaas ng entrance door ng unit nito. Alas-sais ang sinasabi noon. Alas sais lang ba talaga? Parang six-thirty na kaninang lumabas siya ng kanyang unit. Ah, baka naman late lang ang orasan nito.
“Six pa lang pala. Eksaktong twelve o clock, lalayasan na kita rito. May sarili din akong buhay.”sabi niya.
Ngumiti ng makahulugan si Vincent. Kung anuman ang kahulugan noon ay hindi niya alam. Ang kailangan lang niyang alamin ay kung paano niya masasakyan ang trip ng walanghiya na hindi siya naaasar. Nakasisigurado siyang ang mga plano nito ay para asarin siya at pagmukhaing tanga. At wala siyang balak na bigyan ito ng kaligayahang magtagumpay laban sa kanya.
“First, ipagluto mo muna ako ng breakfast. Nagugutom na ako.” Mala-haring utos nito.
Pinandilatan niya ito ng mga mata. Hindi siya marunong magluto! Sa buong twenty-five years ng kanyang life existence sa mundo ay hindi pa siya nagpakalat-kalat at kumilos sa kusina. Kaya’t paano niya itong ipagluluto ng almusal?
“Bakit hindi ka nalang magpadeliver?” angil niya.
“Ikaw ang katulong ko ngayon kaya’t gusto ko na ikaw ang magluto para sa akin.”
Gusto niyang hambalusin ito dahil sa paraan ng pagngisi nito. Ngunit naalala niyang isang tagumpay para rito kung ipapakita niya ang totoong pagkayamot. Kaya’t sa halip na paulanan ito ng mga masasamang salita ay yumukod pa siya sa harap ng binata habang hawak sa magkabilang gilid ang kanyang shorts.
“Masusunod kamahalan.”
Tingnan lang natin! Siguradong mabubusog ka sa iluluto ko.’