CHAPTER 6

IBINALIBANG ni Ellery ang maliit na alarm clock sa hudyong prenteng nakaupo sa couch—si Vincent. Bahagyang nagulat ito pero hindi pinagkaabalahang sipatin ang orasang ibinato niya rito.

“Alas-dose na. Pwede ka nang umalis.” Balewalang sabi nito.

“Sadyang pwede na akong umalis. Dapat nga ay kanina pa!”

Sa pagkabwisit niya ay nilapitan niya ang wall clock sa itaas ng pinto. Noon lang niya nalaman na wala pala iyong salamin at anumang oras ay pwedeng palitan ang pwesto ng daliri ng mga orasan. Hinanap niya ang lalagyan ng battery o anumang bagay na nagpapaandar roon para lang makumpirma na tama ang hinala niya. Walang laman ang lalagyan ng battery at hindi nga iyon gumagana. Bakit nga ba hindi niya iyon kaagad napansin kanina?

Dahil kung saan-saan naglalamyerda ang utak niya!

“Alas-sinko na ng hapon pero alas-dose pa rin ng tanghali dito sa orasan mong walanghiya ka!”

Nanggigigil na ibinagsak niya sa sahig ang wall clock at nagkalasog-lasog iyon. Hindi nakaimik si Vincent dala ng pagkabigla. Siya naman ay nagpasya ng lumabas ng unit nito at baka mabalian na niya ito ng gulugod sa muling pagbaling niya kay Vincent.

“Hoy? Saan ka pupunta? Bumalik ka rito! Palitan mo ang orasan ko. Pati ang cellphone kong sinira mo! Pambihira ka, katulong kita pero anong ginawa mo? Nagkakalat—”

“Bukas ko nalang papalitan!” At ibinagsak na niya ang pinto ng unit nito.

Ngunit bigla rin naman siyang nag-alala na baka mabalian na naman ang lampang si Vincent kapag ito pa ang maglilinis ng winasak niyang wall clock. Umakma siyang mag-i-encode ng password sa PIN pad ni Vincent—ibinigay nito sa kanya ang code nito para raw hindi na siya nito pagbubuksan kapag du-duty na siya sa bahay nito, subalit nagbago ang isip niya.

Bakit pa siya magpapakita ng concern sa walanghiya kung pinaglaruan lang nito ang oras niya at pinahirapan pa siya? Dederetso na sana siya sa kanyang unit nang mapansin ang house keeping na paparating. Tinawag niya iyon.

“Pinapatawag ka ni Vincent. Magpapalinis daw siya ng unit niya.” sabi niya rito na napatunganga sa kanya nang lapitan niya ang PIN pad.

Ini-encode niya ang password ni Vincent at pinagbuksan ang house keeping saka iyon iniwan. Siguradong mahihirapan pa si Vincent na pagbuksan ang house keeping kapag nag-doorbell iyon dahil kumikirot nga ang binti ng magaling na lalaki kaya’t naisip niyang siya nalang ang magbukas.

What the heck!?

Bakit sa kabila ng galit niya sa kampon ni Hudas ay hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na mag-alala para rito?

Bwisit!

Bwisit talaga!

NATIGILAN si Vincent nang biglang pumasok ang house keeping sa loob ng unit niya?

“House keeping po.” Anito.

“Paano kang nakapasok?” nagtatakang-tanong niya.

“Ah, eh ‘yung napakagandang babae po, siya ang nagbukas ng unit niyo.” Tila nag-alala ito sa reaksyon niya.

Tumango nalang siya at pinabayaan itong maglinis. Napabuntong-hininga siya. Humulagpos na ang kanyang konsensiya. Sa kabila ng ginawa niyang pandaraya kay Ellery ay gumawa pa rin ito ng mabuti para sa kanya. Pwede namang basta nalang itong tumawag ng house keeping at hindi na iyon ipagbukas, pero sigurado siyang iniisip ni Ellery ang kondisyon ng paa niya.

Dapat nga siguro ay ipaalam na niyang hindi naman gaanong seryoso ang pinsala niya. Umaarte nalang siyang masakit na masakit para maka-tsansing—este maging convincing na kailangan niya ng katulong at tagapag-alaga para makasama niya ito ng mas matagal.

Wait! Hindi ba’t kaya niya blinackmail si Ellery ay dahil gusto niya itong pamukhaan?

Oo nga pala. Nakalimutan ko.

“Hindi ko na siya gusto!” angil niya sa sarili.

Napabaling sa kanya ang house keeping na naglilinis. Tila nagtaka ito sa kung anong sinabi niya.

Argh!

Tumayo siya at paika-ikang naglakad papunta sa kanyang silid saka ibinagsak sa kama. Napangiti siya sa sarili. Nawala ang sakit ng kanyang paa pagkaalala kay Ellery. He really wants to smell her hair. Tingin pa lamang, alam na niyang mabango iyon. Pero nasisigurado niyang mas mabango ang katawan nito.

Tss!

Anong nangyayari sayo, Vincent? Nagiging manyak ka!

“Pervert! Pervert! Pervert!”

Gusto niyang sapakin ang sarili at paalalahanan kung ano nga ulit ang dahilan nang pang-aalila niya kay Ellery.

“I CAN’T believe I’m doing this!”

Nagngingitngit na pinag-iitsa ni Ellery ang bawang at sibuyas sa kawali habang naggigisa. Ang aga-aga pa, pero haggard na kaagad ang hitsura niya habang nakikipagbuno sa sibuyas, bawang at patatas. Ang sibuyas ang pinakamatapang dahil magpahanggang ngayon, pinaiiyak pa rin siya noon. At oo, nagluluto siya ng chicken adobo. Iyon ang pinakamadaling recipe na nai-research niya sa internet kanina kaya’t iyon nalang ang lulutuin niya para sa walanghiyang si Vincent.

At oo rin! Nagluluto siya para sa kanyang mortal enemy! Ngali-ngali na nga niyang lagyan iyon ng lason dahil sa pinaggagawa nito sa kanya kahapon. Pero hindi naman siya ganoon kasama para maningil ng buhay.

Hayst! Dahil sa talipandas na lalaki, nagkakaroon tuloy siya ng utak-kriminal. Matalas lang ang kanyang dila, pero mabait naman siyang talaga. ‘Yun nga lang, dahil kay Vincent, nati-trigger ang masamang ugali niyang matagal na nga palang nananahan sa kanya.

Naiirita pa ring tiningnan ni Ellery ang mga daliring nahiwa dahil sa mga patatas, sibuyas at bawang. Mabuti nalang at chopped na ang manok na ipinadeliver niya. Kundi, hindi niya alam kung paano niya maiaadobo ang isang buong manok.

Napatili siya ng mailagay na niya ang manok sa kawali. Nagtilamsikan ang mantika at abot-abot ang haplos niya sa kamay na natilamsikan.

“Sisingilin kita ng mahal para rito, Vincent!” pagngingitngit niya habang nakikipagpatentero sa mantika.

Pero bigla rin siyang natigilan. Hindi ba’t siya naman ang nagdesisyon na ipagluto ang damuho? Ginawa niya iyon dahil gusto niyang patunayan sa binata na may pakinabang siya sa kusina. Parang hindi kasi naging maganda sa kanyang pakiramdam na disappointed si Vincent kahapong wala siyang naipagmalaking dish.

At ngayon, ibabangon niya ang kanyang dangal na nalugmok kahapon.

Matapos malagyan ng mga pampalasa ang kanyang adobo ay pinahina niya ang apoy ng kalan at dumeretso sa banyo para manligo.

Mas masarap palang manligo sa umaga kapag ganoong napawisan na. Napapikit siya at ninamnam ang tubig mula sa shower. Pero agad din siyang nagmulat ng mga mata.

Wrong move!

Dahil tulad ng nagdaang gabi, sa tuwing ipipikit niya ang mga mata, paulit-ulit na nagrereplay sa isip niya ang napakagwapong mukha ni Vincent na sobrang lapit sa kanya. Nakakainis na naiisip pa rin niyang gwapo ang ungas matapos siya noong pagtripan!

“Bwisit ka talaga Vincent! Dahil sayo, nagkaroon ako ng eyebags! Ang pangit ko na!”

Gusto niyang maiyak kaninang umaga na humarap sa salamin. Nanlalalim ang mga mata niya dahil sa puyat. Hindi siya makatulog dahil sa tuwing ipipikit niya ang mga mata, si Vincent at ang gwapong pagngisi nito ang nagfla-flash sa balintataw niya.

Nakadagdag pa sa pamamaga ng kanyang mga mata ang bwisit na sibuyas.

Mabilis na tinapos niya ang panliligo at nag-ayos ng sarili. Kamuntik ng kumalat ang liquid eyeliner niya nang maalala ang niluluto. Tinakbo niya ang kitchen at kamuntik na iyong masunog dahil kokonti na ang sabaw ng kanyang adobo.

“Hayst! Hindi na ito mukhang presentable! Babawi nalang ako sa pag-garnish!”

Isinalin ni Ellery ang adobo sa isang food keeper ng maayos. Ni hindi niya iyon tinikman dahil natatakot siya sa pwedeng maging lasa. Kung hindi man magustuhan ni Vincent ang luto niya, at least, may nai-present siyang obra-maestra niya sa kusina. Taas-noo pa rin siyang makakaharap rito dahil masasabi niyang hindi siya inutil pagdating sa pagluluto.

Tinapos niya ang pag-aayos sa sarili at handa ng lumabas ng kanyang unit bitbit ang kanyang obra-maestra nang may mag-doorbell. Napakunot-noo siya. Wala naman siyang inaasahang bisita.

Dumeretso pa rin siya sa pinto dahil papalabas na naman siyang talaga. Nagulat pa si Ellery matapos mabuglawan si Vincent. Ito pala ang nag-doorbell. Pinagtaasan niya ito ng kilay.

“Anong ginagawa mo rito?”

“Sinusundo ka.” Walang anumang tugon nito. Nakatukod ang isang balikat ni Vincent sa concrete wall. Pa-cool at nakangisi na nakatayo roon na tila ba walang injury ang isang binti nito.

Kung tadyakan ko kaya ang isa mo pang binti? Ewan ko lang kung makangisi ka pa ng ganyan.

At ano ba ang pinagmamarakulyo niya? Ang hindi niya matanggap na kagwapuhan nito sa kahit anong anggulo niya ito pagmasdan?

Naipilig niya ang sariling ulo. Hindi maganda ang epekto ng lalaking ito sa kanyang sistema. Kailangang matapos na ang isang linggo para makalayo na siya rito.

“Bakit kailangan mo pa akong sunduin? Baka mamaya, madagdagan ang injury mo at mag-extend pa ang serbisyo ko sayo.” Pagtataray pa niya.

“Baka kasi hindi ka d-um-uty ngayon dahil sa pang-iisa ko sayo kahapon.”

Napangiti siyang bigla. “That’s a better idea.” Umakma siyang tatalikod ng hagipin nito ang kanyang braso.

“Para sa akin ba ito?”

Inagaw nito sa kanya ang hawak niyang food keeper. Parang nakadama siya ng pagkailang na aminin kaya’t nag-deny siya at inagaw rito ang food keeper.

“Hindi iyan para sayo. Para ‘yan dun sa…” kanino nga ba? “Dun sa empleyado mo kahapon na sinipa mo palabas ng unit mo. He seems like a great employee kaya bibigyan ko siya ng specialty—”

“What?!” naiinis na awat nito sa kanya. “Kahapong nagpaluto ako sayo ng breakfast, itlog lang ang niluto mo para sa akin pero ‘yung empleyado ko, bibigyan mo ng specialty mo? Nang-aasar ka ba?”

“H-Hindi. Hindi talaga ako marunong magluto kahapon—”

“Tapos ngayon, marunong ka nang magluto?”

Napakunot-noo ito matapos lumipad ang mga mata sa kamay at daliri niyang may mga hiwa at marka ng tilamsik ng mantika. Lalo itong nagngitngit pagkakita roon.

“Nag-effort ka pa talaga para sa employee ko ha?” Hinablot nito ang kanyang braso. “Halika na. Doon tayo sa loob.”

Paika-ika siyang hinila nito at hindi naman siya makaramdam ng pagtutol. Sa halip, nagustuhan pa nga niya ang pakiramdam na hawak siya ni Vincent. Parang masarap sa senses niya na nakadikit ang mainit na kamay nito sa balat niya.

The sensation curled down her heart that seems to be palpitating hard and unstoppable.

At bago pa mapunta sa kung saan-saan ang utak niya ay sinigawan niya ito.

“Lalabas-labas ka pa, hihingkay-hingkay ka na nga! ‘Lika nga dito!”

Iniangat niya ang braso nito at ipinatong sa kanyang balikat para maalalayan ito sa paglalakad. Ang isang kamay nito ang may hawak sa food keeper na kinalalagyan ng kanyang obra. Ano kaya ang magiging reaksyon nito kapag natikman na iyon?

Matapos makapasok sa loob ng unit ay ibinaba ni Vincent ang food keeper sa ibabaw ng center table roon sa sala at dumeretso sa banyo.

‘Lintik na iyon! Hindi pinansin ang pinaghirapan ko?’

Nakangusong binuksan niya ang food keeper at nasa akma na siya ng pagdampot ng lumundo ang couch sa kanyang tabi. Si Vincent na iyon na hinila ang kanyang kamay na ipangdadampot sana sa kanyang obra. Ang sumunod nalang niyang nalaman ay ginagamot na nito ang mga hiwa sa kanyang daliri.

Napatunganga tuloy siya rito. Siya ang nurse pero siya ngayon ang ginagamot ng kanyang pasyente.

Napangiti siya habang pinagmamasdan ang kagwapuhan sa kanyang harapan. Hindi naman pala ito ganoon kasama. Maski pa nuknukan ito ng yabang—tulad niya—may itinatago rin pala itong magandang ugali. Ang akala nga niya, pagkarating niya sa unit nito ay pauulanan na siya nito ng mga gawain roon.

But now, they’re sitting centimeters apart while he was nursing her little wounds.

Biglang may lumundag na tipaklong sa loob ng kanyang utak at umusod siya palapit kay Vincent para mas lalong mapadikit rito. Mukha namang hindi nakahalata sa kanyang intensyon ang binata dahil patuloy pa rin ito sa pagtatapal ng band-aid sa mga sugat niya.

“Ganoon ba kabait sayo ang empleyado ko at isinugal mo ang magaganda mong kamay para maipagluto lang siya ng specialty mo? Isesante ko na kaya si Mico?” Nakasimangot na litanya nito pagkuwan.

Lihim na napangiti siya. Naiinggit ba ito?

Well, wala naman itong dapat na ikainggit.

‘Para sayo talaga iyon kaya isesante mo na ang sarili mo.’

“Sayo nalang iyan, huwag mo lang siyang isesante.” Sa halip ay sabi niya.

Nagtagis ang mga bagang nito nang lingunin siya.

“Problema mo? Ibinibigay ko na nga sayo, di ba? Basta huwag mong isesante si Nico.”

Kumunot ang noo nito saglit pagkuway umaliwalas din ang mukha. “His name is Mico, not Nico.”

“What ever his name was. Basta huwag mo na siyang isesante. He’s a nice guy. Loyal pa sayo.”

“Hmm.” Bumaling ito sa food keeper. “Walang kanin?”

Napakagat-labi siya. “Nakalimutan kong magluto ng kanin.”

“O baka hindi ka lang marunong.” Sansala naman nito. “Meron na akong niluto sa rice cooker. Tuturuan sana kitang magluto ng mga obra ko, pero nagmarunong ka na kaya pagtyagaan nalang natin ito.”

Pinanlisikan niya ito ng mga mata.

Pagtyagaan?

Pinaghirapan niyang lutuin iyon pero sasabihin nitong pagtyagaan nalang daw nila ang luto niya?

Ang yabang talaga! Kung hindi ka lang talaga gwapo.

“Ano? Sige na, maghain ka na.” utos pa ng walanghiya.

“Opo, kamahalan!” naaasar na saad niya at dumeretso na papunta sa kusina.

Ngunit bumalik siya para kunin sana ang kanyang obra na ngayo’y pinapapak na ni Vincent. Inagaw niya iyon rito.

“Kumakain ako!” reklamo nito.

“Maghintay ka. Maghahain pa ako. Mamaya mo na pagtyagaan ang luto ko.”

At saka nagmamartsang dumeretso sa kusina.

“YOU were good as a first timer.”

Huh?

Napakunot-noo si Ellery sa narinig. Pinupuri ba siya ni Vincent o ang niluto niya? Masasabi niyang hindi ganoon kasarap ang luto niya pero hindi rin naman ganoon kasama ang lasa. Medyo maalat lang ang adobo dahil nga naiga iyon at kumapit ang lahat ng alat sa manok.

“Ganyan talaga, henyo ako eh.” Mayabang na pagsang-ayon nalang niya.

Pakiramdam kasi niya ay lumulubo pati ang puso niya dahil sa tuwirang pagpuri nito sa kanya. At sa halip na salungatin siya nito ay ngumiti lang ang binata.

“So, anong plano mo sa akin, today?” naitanong niya.

“Plano?” kunot-noong tanong nito.

Iniangat niya ang isang kamay para ipakita na ang wrist watch. “Hindi mo na ako mapapagtrip-an dahil may baon na akong relo.”

Ngumiti si Vincent. And he looks more adorable when he smiles. “Inaasahan ko na iyan. Pero gusto ko pa ring sabihin na wala na akong planong anuman na tulad ng iniisip mo.”

“Ows?” nagdududang tanong niya.

“Okay, kahapon talaga, gusto kong pahirapan ka. Pero dahil pinaghirapan mo akong ipagluto ng obra mo, magiging mabait ako sayo ngayon.”

Pinandilatan niya ito at pilit itinago ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. “Hindi iyan para sayo. Para iyan kay Marco.”

“Really?” Ngumisi na naman ito. But this time, it didn’t irritate the hell out of her. Sa katunayan ay gwapong-gwapo ito sa mga paningin niya. “Kung talagang para sa employee ko iyan, bakit maski pangalan niya ay hindi mo matandaan?”

“Kailangan ko pa bang tandaan ang pangalan niya para mabigyan ko siya ng specialty ko? Pwede ko naman siyang hanapin nalang sa ibaba.”

“That means, he didn’t mean that a lot to you.”

“Ano bang sinasabi mo?” nagtataka nang tanong niya.

Pinag-iisipan pa yata siya nito na may gusto siya sa empleyado nito? Oh well, sinabi nga pala niya noon sa isang interview na wala siyang pakialam sa estado ng isang tao as long as magugustuhan niya ito. Pero imposible namang malaman iyon ni Vincent. Ni hindi nga yata ito aware sa existence niya kundi lang sila nagkabangga roon sa Costa Galaxia.

And it frustrates the hell out of her! Hindi nito kilala ang sikat na si Ellery Mendrez!

“Wala. Mamasyal tayo sa labas pagkatapos nating kumain.”

Nananantiyang bumaling siya kay Vincent. Matapos niyang mapansin na seryoso ito sa sinabi ay nag-aalalang sinilip niya ang paa nito sa ilalim ng mesa.

“Kaya kong maglakad. Don’t worry your pretty head.” Sabi pa nito.

“Hindi ako nag-aalala sayo.” Tanggi niya kaagad. “Baka lang kasi ma-stress ang binti mo at mag-extend ang pagiging alila ko sayo dahil diyan. Syempre gusto ko nang makawala sa mga kuko mo. Marami akong planong gawin sa bakasyon ko at iniistorbo mo ako.” Paeksaheradang sumimangot pa siya.

Parang nais niyang pukpukin ang sarili nang makitang tila na-offend niya ito.

Pero ano ba?! Mas maigi nga iyon para pakawalan na siya nito. Kung… pakakawalan nga siya? Paano kung sa halip na pakawalan ay pahirapan pa siya nitong lalo para tuluyang masira ang bakasyon niya. Bakasyon na dapat ay gugugulin niya para rito. But what’s happening now was far from her initial plan.

“Kaya nga niyaya kitang lumabas, ‘di ba? Para di masayang ang oras ng pagbabakasyon mo rito. I don’t want to ruin your vacation that’s why I’m lending myself to tour you around the place. Tsaka, kahit injured pa ang binti ko, kaya naman kitang dalhin sa magandang lugar na hindi kailangang maglakad ng maglakad.”

Nakadama siya ng isang mainit na kamay na humahaplos sa kanyang puso. Mabuti nga naman ang intensyon nito, to think na injured pa ito.

Subalit agad ding umukilkil sa utak niya ang tanong na ito: Bakit hindi nalang siya nito palayain kung talagang ayaw nitong masira ang kanyang bakasyon?

But then, it doesn’t sounds well to her. Parang ayaw din naman niyang lumaya. It feels great chatting and throwing word fights with him. Hindi na rin masama. At least ay hindi siya mabo-bored sa lugar na iyon ganitong narevised na ang initial plan niya. Ah, hindi lang pala na-revised dahil tuluyan niyang nakalimutan ang tungkol sa naunang plano.

Ang totoo, nagpaganda pa siya ng husto bago lumabas ng kanyang unit dahil… dahil gusto niyang maakit si Vincent sa ganda niya. Para kasing wala siyang dating rito samantalang maraming lalaki ang pumapantasya sa kanya.

Ah, nakakainis, pero totoong gusto niyang magpapansin kay Vincent. Bakit ba? Masama bang bumaba sa level ng mga cute ang dyosa ng kagandahan na tulad niya? Kung ayaw ni Vincent ng maganda, edi magpapa-cute nalang siya rito. Totoong naiinis siya kay Vincent pero totoo rin na naaakit siya sa kagwapuhan nito. At para maging patas, dapat na maakit rin ito sa kanya.

“Hindi ba’t ikaw ang nagma-manage sa Costa Galaxia?” bigla ay naitanong niya. Tumango lamang ito at walang anumang nagpatuloy sa pagkain. Para itong sarap na sarap sa adobo niya samantalang hindi naman iyon ganoon kasarap. “Bakit pinayagan mo akong makapag-avail ng unit samantalang galit ka nga sa akin?”

Nahinto ito sa maganang pagkain at hinarap siya. Saglit itong tila nag-isip. “Hindi ko alam na nag-avail ka at kung sakaling alam ko, hindi ko pa din hahadlangan. Kliyente ka at hindi ko inihahalo ang personal na damdamin sa negosyo.” Kalmanteng tugon nito at muling binalikan ang pagkain. Na-impressed siya sa sinabi ni Vincent. Hindi ito namemersonal! Napangiti siya sa sarili. “Isa pa, hindi naman ako galit sayo. Naaasar lang ako sa kayabangan mo.”

Nabwisit na siya sa huling sinabi nito. Sa isip ay pinupuri pa naman niya ito pero ngayo’y binabawi na niyang lahat iyon.

“Nagsalita ang hindi mayabang! Hmp!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.