Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Nagustuhan nito ang ginawa niya. Parang sasabog ang puso niya sa saya dahil pinuri nito ang trabaho niya. Ngayon lang ulit siya nakakuha ng papuri dito matapos ang mahabang panahon na lagi itong galit at lagi itong may nakikitang mali sa lahat ng mga ginagawa niya. Parang maiiyak siya sa tuwa. Hindi niya ito inaasahan.
Hindi na niya mapigilan ang sarili. Sa labis na emosyon ay niyakap niya si Vance. “Thank you, Vance! Sobrang saya ko dahil nagustuhan mo ang pinaghirapan ko. Thank you.”
Akala niya ay pahihirapan pa siya nito. Worst case scenario ay baka i-scrape nito ang lahat ng ginawa niya sa nursery at sabihing incompetent siyang ina. It was such a great feeling.
At lalong sumarap ang pakiramdam niya habang yakap niya si Vance. Di pa sila nagiging ganito kalapit sa loob ng mahabang panahon. Palagi itong nakadistansiya sa kanya. At dahil gusto niyang protektahan ang puso niya mula sa sakit ay pilit din niyang kinokontrol ang emosyon niya. Ngayon lang kumawala ang emosyon niya nang malaya. Na nakita nito kung ano ang totoong nararamdaman niya.
“Phoenix, pagdating sa anak natin naa-appreciate ko naman ang ginagawa mo,” sabi ni Vance at hinaplos ang likod niya. “You did a great job. Inisip mo talaga ang lahat ng kailangan niya. Nagustuhan ko talaga ang design. I would enjoy staying here once he or she is born.”
Napapikit niya nang maramdaman ang init ng yakap nito. For the first time, he appreciated her. Mas masarap iyon kaysa ang makahukay ng artifacts sa excavation site o makadiskubre ng bagong pyramid.
Maganda ang nangyayari sa araw na ito. And she wanted things to stay this way. Nagsisimula nang bumalik sa normal ang lahat. Isa na lang ang gusto niyang malaman.
Kumawala siya sa pagkakayakap dito at nakangiti itong tiningala. "So I can work now?" nanulas sa dila niya.
“What?” bulalas ni Vance. Hinawakan nito ang balikat niya at inilayo siya dito. Bakas ang pagkagulat sa mukha nito. Parang hindi ito makapaniwala sa naririnig mula sa kanya.
“Wala naman na akong gagawin dito, di ba? Okay na ang nursery. May go signal na rin ako sa doktor ko na pwede akong magtrabaho,” kaswal niyang sabi at di inaalis ang ngiti sa labi kahit na nag-aalangan na siya. Umaasa siya na dahil good mood ito at natuwa naman ito sa accomplishment niya ay magiging mas amenable ito sa kanya.
Naglaho ang maamo nitong mukha at nagdilim ang anyo. Naramdaman niya na dumiin ang pagkakahawak nito sa balikat niya. “Kaya mo ba ako niyakap dahil akala mo mapapalambot mo ako? Akala mo ba ganoon ako kahina na papayag na lang ako sa gusto mo?”
Umikot ang mga mata ni Phoenix. Di siya makapaniwala na ganoon pa rin ito kung mag-isa. “Vance, akala mo ba lagi ka na lang aakitin para makuha ang gusto? Come on! Huwag ka ngang paranoid. Be fair here. Narinig mo si Doktora Villamena. Sabi niya okay na kami ng baby natin. May go signal akong magtrabaho. Kaya anong problema? Ikaw naman ang nagsabi na kapag okay na ako, pwede na akong magtrabaho.”
“Sabi ko, pag-uusapan natin. Kahit na pwede ka nang magtrabaho, ayoko pa rin. Kahit ba para sa anak natin di mo pwedeng ipagpaliban iyan? Apat na buwan na lang ang hihintayin mo. Apat na buwan! Then you can get the hell out of here. Pumunta kung saan mo gustong pumunta. I don’t really care!” anito at inilahad ang palad sa direksiyon ng pinto. “Kaunting sakripisyo lang naman ito. Bakit hindi mo pa magawa?”
Kung ganoon ay wala itong planong pagbigyan siya. Sarili lang nito ang pakikinggan nito.
Nakuyom niya ang palad at mariing nagdikit ang labi niya. Nawala na ang sayang naramdaman niya kaninang pinuri nito ang ginawa niya sa nursery room. This is war!
“Kilala ko naman ang sarili kong katawan. Hindi ko ilalagay sa alanganin ang kalusugan ng anak natin. I need my sanity, Vance. Ano ba? Gusto mo pa bang kumonsulta tayo sa espesyalista para ipaintindi sa iyo kung bakit kailangan ko ito? Or do you really want me to go insane?” tanong niya sa mataas at desperadang tono.
“Hindi ko makita kung anong problema mo.”
Sinapo niya ang ulo. “I want to feel valued. At iyon lang ang gusto kong hingin sa iyo. Pakiramdam ko wala akong silbi dito. Hindi mo kasi naiiintindihan ang pinagdadaanan ko dahil hindi naman ikaw ang nagbubuntis. Ikaw ang nagtatrabaho. Ikaw ang laging nasa opisina. Hindi na ako makahinga dito. I….”
Naputol ang pagsasalita niya nang mag-ring ang cellphone nito. “Excuse me. I just need to answer this call,” sabi nito at dumistansiya sa kanya para sagutin ang tawag. “Hello, Cheska. Yes. I will be at your party tonight. Yes. I will get you a gift, of course. See you tonight.”
Nakakunot ang noo ni Phoenix habang pinagmamasdan ang pag-aliwalas ng mukha ni Vance. Cheska. Babae ang kausap nito at habang mainit ang dugo nito sa kanya ay biglang gumanda ang aura nito habang kausap ang ibang babae.
Biglang nawala ang magandang mood niya. Kanina ay inakala niyang siya na ang magtatagumpay pero bumaligtad iyon. Nagagawang ngumiti ni Vance sa ibang babae samantalang siya ay pinagdadamutan nito. Pupunta ito mamayang gabi sa party ng ibang babae at dadalhan pa ng regalo?
Kinuyom niya ang palad pero kinontrol niya ang selos. ‘Baka naman business iyon. They still conduct business even during parties, you know? Don’t loose your cool, Phoenix. Don’t loose your cool. Huwag mong ipahalata na nagseselos ka. Malay mo naman isasama ka niya sa party,’ pang-aayo niya sa sarili.
Matapos ang tawag ay lumapit ulit si Vance sa kanya. "Sino ang kausap mo?" nakahalukipkip niyang tanong.
"Anak ni Architect Paladin ng Paladin Architecture and Designs. Of course, nakilala mo na si Analiz noong buhay pa si Ninong Mauricio.”
“Of course,” aniya sa malamig na boses. Ang mga Paladin ay isa sa mga kompanya na laging ka-tie up ng Villaviray Construction sa mga proyekto. Malapit na kaibigan ng tiyuhin niya si Ramon Paladin na may-ari ng Paladin Architecture and Designs. At kilala din niya ang anak nito na si Analiz Paladin na isang socialite at hindi itinatago ang interes kay Vance.
“Birthday ni Analiz mamaya kaya imbitado ako,” paliwanag nito at inayos ang cufflinks sa long sleeve polo nito.
"Isasama mo ba ako?" tanong niya.
Umiling agad ito. "No. You are pregnant."
Tumaas ang kilay niya. "Bawal ang buntis sa party? Pero ang lalaki na may buntis na asawa ay pwede?" tanong niya sa mataas na boses at pinanlakihan ito ng mata.
Nagagawa nitong mag-party. Nagpapakasaya ito nang walang pakialam sa kanya. Habang siya ay gusto nitong ikulong sa bahay, huwag magtrabaho at makipag-usap na lang sa mga butiki. Nararamdaman niyang kumukulo ang dugo niya. Anong karapatan nitong gawin ito sa kanya? Parang maiiyak na siya sa galit dito.
"This is business,” anito sa pormal na boses. “Gusto kong makausap ni Architect Paladin tungkol sa exclusive island resort na gagawin niya sa Quezon. It would be a huge project.”
"Dati asset ako sa business mo. I make your image look good. But not anymore? Ano pang silbi ko dito?" tanong niya at inilahad ang palad. “I am through decorating the nursery, you can’t use me to boost your image and you can party all night on your own.” Kasama ang babaeng patay na patay sa iyo na mukhang walang pakialam kung may asawa ka na.
Kilala si Analiz Paladin sa paghahabol sa mga lalaking may asawa na. The woman had no shame at all. Tapos ay pupunta si Vance sa party na walang kasamang asawa? He was a prey entering the lion’s den. It was like an open invitation attending that party without her as his wife.
O baka naman iyon ang gusto nito. Na makakapagliwaliw ito at buhay binata. Wala nga namang magbabantay dito. Sino ba naman ang magsusumbong sa kanya? Wala. Mukha lang siyang tanga. Lalo lang siyang naawa sa sarili niya.
"Gusto mong isama kita sa mausok na bar at maingay? That is not good for the baby. Pinipili ko ang okasyon kung saan kita isasama. Analiz’s party is not the venue for you,” paliwanag nito.
"Fine. Enjoy your party,” aniya sa malamig na boses at iniwas ang tingin dito. Habang ako naman ay nakatengga dito sa bahay at hindi mo man lang payagang magtrabaho. How cool is that?
“I can’t join you for lunch. Kailangan ko nang bumalik sa opisina ngayon. Huwag mo na akong hintayin mamayang gabi,” sabi nito at akmang kikintalan siya ng halik sa pisngi subalit iniwas niya ang mukha.
She was mad at him. Really, really mad. Kaninang ayaw nitong magtrabaho siya ay parang tinapak-tapakan na siya nito. Pero ngayong pupunta ito sa isang party at makakasama ang ibang babae habang siya ay naiwan sa bahay, pakiramdam niya ay sinagasaan siya nito. At wala man lang itong pakialam sa nararamdaman niya.
It was too painful. Pakiramdam niya ay gulping-gulpi ang puso niya. Parang mamamatay siya sa sobrang selos. Kaya naman niyang huwag magtrabaho basta huwag lang siya nitong tratuhing ganito. Harap-harapan ay isinasampal nito sa kanya na normal at patuloy lang ang buhay nito habang wala nang natitira sa kanya kahit dignidad niya at respeto man lang bilang asawa nito.
“J-Just go,” aniya sa nanginginig na boses at hindi ito tiningnan hanggang makalabas ito ng library.
“Bye,” sabi lang nito at lumabas na ng pinto.