Chapter 14:

"CONGRATS, you made it!" masiglang bati kay Jasper ng kapatid niyang si Jio nang umagang 'yon.

Nakapamulsa na hinarap niya 'to. Dinatnan kasi siya nitong nakatayo sa loob ng office niya at nakatanaw sa labas ng gusali.

"Let me rephrase that: Congrats! We made it."

Pagak na natawa ang isa sa kakambal niya. "The company made it, so, yes, technically 'we' made it. Pero ang tuluyan na mapalitan si Stacy ay ikaw lang ang nakagawa, ang matapang na gumawa. So, yes, congrats, bro." Inilapag nito sa office table niya ang mga dalang magazines. "Heto na ang mga kopya natin sa mga magazines kung sa'n cover si Belle.

"Salamat," tipid niyang tugon. Ni hindi niya rin tinapunan ng tingin ang mga magazine na inilapag nito sa office table niya.

"Sa internet ay trending din siya."

"Good for her, then." Kibit-balikat niyang wika.

Natigilan si Jio, pinagmasdan siya. "Anong nangyayari sa 'yo? Imbes na masaya ka sa outcome nito ay kabaligtaran pa yata 'yon sa inaasta mo ngayon."

He sighed heavily. "Wala naman, medyo malungkot lang ako at ni hindi man lang kami nagkaroon na ng pagkakataon ni Belle na makapag-usap noong nakaraang photoshoot."

Matapos kasi siyang yakapin ni Stacy no'n ay hinayaan niya 'to sa gusto nitong mangyari na makapag-usap sila. Para na rin sa closure. Nangyari naman ang ninais niya, natuldukan ang kung anong mayroon sa kanila, nagkaroon na sila ng opisyal na paghihiwalay.

Kaya lang nga, wala na siyang binalikan na photoshoot. Wala na ring umuwing Bebeng sa condo niya dahil nagpaalam na 'to at si Fermin sa kaniya na sa huli na tutuloy dahil napag-usapan na ng mga 'to ang kabilaan na endorsements na natanggap ni 'Belle'. Gusto rin naman niya na gumanda ang karera nito kaya hinayaan niya.

Hinayaan niya, hindi nga lang niya napaghandaan na gano'n kabilis din niyang pagsisisihan ang kaniyang naging desisyon.

Pagak na natawa si Jio. "Ah, 'yon ba, e, kasi naman bro, marami nang nagka-interes na kuhanin siya bilang endorser. Mababasa mo naman d'yan o sa internet kung saan na siya dinala ng katanyagan niya pagkatapos niyang lumabas sa company natin."

"Maybe later I will read it, thanks for the info."

"Ikaw naman o, masyado ka talagang matampuhin. Busy lang 'yon pero babalik 'yon sa 'yo."

"Ano bang sinasabi mo?" medyo inis na sambit niya sa kapatid. "Noong nakaraan ka pa d'yan sa matalinghagang mga salita mo ah. Hindi na nakakatuwa." masungit niya pang sabi rito.

Tumawa 'to ulit. "Bro, hindi mo naman siguro nakakalimutan na magkapatid tayo, na kambal tayo ano?"

"And?"

"And, kasama mo 'kong lumaki. Nakalaro, tayo ni Jorev, alam ko kung sino ang mga napusuan niyo no'ng maliliit pa tayo." Nagtaas-baba ang kilay nito sa kaniya.

Iningusan niya 'to. "Gaya nang alam ko kung sino rin ang sa 'yo," pagganti niya sa pambubuska nito.

Jio laughed. "But of course!"

"Uuwi na muna ako, ikaw na ang bahala rito," paglihis niya sa usapan nila.

"Good, 'yan nga ang mainam na gawin mo siguro. Para maalala mo na rin na si Bebeng ay si Bebe mo no'ng mga bata pa tayo."

Narinig niya ang sinabi ng kakambal niya pero minabuti niya lang na huwag magpakita ng reaksyon at bagkus ay dire-diretso lang siyang lumabas ng opisina niya.

Because heck, paano ba naman niyang makakalimutan ang tungkol do'n?

NAGING mabilis ang lahat pagkatapos na magmodelo ni Bebeng para sa San Martinez Corp., kabilaan na ang mga natanggap niyang projects pagkatapos niyon, nakapag-decide na rin siyang si Fermin ang kunin niyang manager para sa sarili.

Nagbago ang lahat nang gano'n kabilis. Ang dating maid ay naging modelo na ng kung ano-ano nang dahil sa singsing na hanggang ngayon ay nananatili sa daliri niya.

Inangat niya sa ere ang palad niya, napangiti na lamang siyang minasdan ang mamahaling singsing na 'yon na nasa palasingsingang daliri niya. Hindi niya alam kung saan galing ang realisasyon na mas makinang na 'to ngayon kung ikukumpara no'ng unang beses niya 'yong makita.

Gano'n yata ang lahat, nagiging makinang ang lahat ng kumporme sa estado o kasalukuyang nararamdaman ng titingin.

Ah, nagbago na nga ang lahat sa kaniya pero ito pa rin naman siya, si Bebeng na may susi sa condo ng boss niya si Jasper.

Oo, pinuntahan niya 'to sa condo nito ngayong araw na 'to na libre siya dahil halos tatlong buwan na rin nang huli silang magkita. Mula no'ng araw na 'yon sa photoshoot sa company nito, panay si Fermin na lang ang nakausap nito.

Nagpunta siya sa condo nito upang personal na makausap 'to at makapagpasalamat.

At ipagluto siya, Bebeng.

Pagak siyang natawa sa naglaro sa isipan. Oo, nag-aral na siya na magluto kahit isa sa ulam na paborito ni Jasper. Naisip niya kasi na wala naman siyang materyal na bagay nang maibibigay rito. Parati 'tong nagrereklamo noon sa nasusunog niyang itlog kaya hayun, pinag-aralan niyang magluto ng paborito nitong pork adobo, 'yon na lang ang naisip niyang ibigay na regalo bilang pasasalamat niya sa mga nagawa nito sa kaniya.

MAY tao sa loob ng unit niya, 'yon ang nakasisigurong sambit ni Jasper sa isip niya dahil nang buksan niya ang pinto ay narinig niya ang kalansingan ng mga kubyertos sa dining area.

May pagmamadali siyang nagtungo ro'n upang malaman niya kung sino 'yon, besides, nakakaguto. ang amoy ng pork adobo na humalo na sa hangin.

"B—Bebeng..." ayaw man niyang magtunog namangha, hindi niya sure kung nagawa niyang itago ang biglang naramdaman nang masino niya ang nasa loob ng unit niya.

"Uy, sakto naman ang dating mo, Jasper." Nakangiting sabi ni Bebeng sa kaniya.

Oo, ito nga. Ito nga ang taong nasa kusina niya't dining area, wala ng iba pa.

"It's nice to see you again," 'yon naman ang dapat niyang sabihin dito, hindi ba? Out of respect, yeah, dapat niyang kumbinsihin ang sarili na gano'n na nga.

Nang mas lumawak ang ngiti nito sa kaniya ay napangiti na rin siya.

"Nagluto ako ng pork adobo, oo, marunong na 'ko!" sambit nito sa tono na puno ng excitement.

At ewan ba naman niya kung mas na-excite ba siya sa nalaman na marunong na 'tong magluto o natuwa lang talaga siya na ang kaninang taong nami-miss niya ay narito na sa harap niya, kaya napalapit siya kaagad dito at niyakap niya 'to habang nakatalikod sa view niya. Back hug. Sa mahigpit na paraan.

"Na-miss kita," hindi na niya naawat ang sarili na sabihin 'yon dito. Kung ano man ang isipin nito sa munting salita na 'yon, wala na siyang pakialam.

'Yon naman kasi talaga ang nadarama niya sa mga sandaling 'yon.

"Hmn, ako ba talaga ang na-miss mo o ang sunog na itlog na palagi kong hinahain sa 'yo no'n?"

He chuckled. "Mas na-miss ko ang taong umuubos ng mga chocolate bar ko sa fridge."

Sabay silang natawa.

"Hay, tara na, kumain na tayo. Tama na muna 'yan." Tinapik nito ang braso niyang nakapulupot sa leeg nito. Kumalas naman siya sa pagkakayakap dito para makakain na nga sila.

"Hindi ko akalain na makakasabay kitang kumain na matino ang food na kinakain natin," pagbibiro niya rito.

Humagikgik 'to. "Grabe ka naman talaga sa 'kin, oo."

Napangisi siya. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa mga mata nila na nang magkatitigan ay sabay rin na nagbaba ng tingin sa singsing na nananatiling nasa daliri nito.

"Hindi pa rin siya maalis."

"Sabi ko naman sa 'yo e, hayaan mo na. Tutal ay sa 'yo naman na 'yan," he sincerely said.

Totoo naman kasi na para na 'yon dito. Ito na ang nagmodelo ng singsing na 'yon, pag-aari na nito 'yon.

"Salamat nga pala, Jasper," tugon nito sa sinserong tono. "Salamat sa lahat ng 'to. Sa oportunidad."

"Deserve mo naman ang lahat ng nakamit mo ngayon."

"Oo naman, alam ko 'yon," pabiro nitong sagot. "Gaya nang alam kong deserve ko rin ang pinangako mong sahod na doble." dagdag nitong biro, naglahad ng palad sa harap niya.

Kunwa'y napaingos siya. "Paano sa mga itlog na sinunog mo? Hindi kaya lugi ako?" Pero kinuha niya rin ang pala nito at pinisil 'yon. Nakakatuwa lang na hindi siya inawat nito nang gawin niya 'yon.

In fact, masagana silang nagsalo sa isang tawa.

"Para sa masarap na pork adobo na lang."

"Ah, may bayad pala 'to!" Ganting biro niya.

Ang tawa nila ay sabay rin na nahinto nang hindi sila pareho nag-alis ng tingin sa isa't-isa...

"Kumusta kayo ni Stacy, Jasper?" tanong nito nang hindi inaalis ang mga mata sa kaniya.

"May closure na. All thanks to you."

"Kumusta ang puso mo?"

"Right now?"

"Uh-huh."

"So happy," matapat niyang sagot. Hindi rin niya gustong magbaba ng tingin, pinagmamasdan lang niya ang kabuuan ng mukha ng babaeng kaharap at kahawak kamay.

"Buti ka pa." Nang pumiyok 'to at bitiwan na lang basta ang palad niya ay napakunot-noo siya.

'Di yata at naiiyak 'to?

"Why? Ang puso mo ba ay hindi masaya?" nakuha niya pang itanong sa babaeng lutang na lutang na sa mga oras na 'yon ang gandang nakatago noon sa maid uniform.

"Aalis ako, Jasper."

Napatda siya sa narinig. "W—What? Why? Where?"

"Sa Japan. May trabaho lang ng tatlong buwan."

Tumikhim siya para maalis ang kung anong bumara sa lalamunan niya. "W—Wow, that's good to know."

"Oo. Sayang din kasi."

"You know, I will support you, as always, Belle." Hayun na naman ang mga mata nito na tila nangungusap, na parang sinasabi sa kaniya na kung sasambitin lang niya na huwag 'tong umalis ay hindi nga talaga 'to aalis.

"Susuportahan mo ako kahit… Japan 'yon?"

The corner of his mouth twitched a little. Sabi na nga ba niya, tama ang nakikita niyang mga salita mula sa mga mata nito. "Belle, your beautiful wings already exist, all you have to do is fly high. Ako ang unang matutuwa kung hindi ka na babalik sa pagiging worm."

Pagak 'tong natawa kahit teary eyed naman na. Nagpahid 'to ng nakaambang mga luha sa mga mata. "Ang sama mo naman sa worm!"

Hindi siya tumawa. Nanatili siyang nakatitig lang sa magandang mukha nito. Mas mainam na makabisado niya 'yon dahil matagal din ang tatlong buwan...

Ah, bakit ang lupit naman nito? Nagpakita sa kaniya para lang magpamiss na naman pala.

"P'wede ba kitang i-kiss, Jasper San Martinez?"

"But why?"

"Dahil pagbalik ko, gusto kong ikaw ang unang humalik naman sa 'kin."

"At bakit ko naman gagawin 'yon?"

"Dahil malakas ang topak mo. Hinding-hindi mo aaminin sa 'kin ang totoong feelings mo."

"Okay then, ano pa ang hinihintay mo? Kiss me now, till your heart's content."

Hindi na niya kailangan na ulitin ang sinabi niya rito, ginawa na kasi nito ang halik na ipinaalam sa kaniya kanina. He didn't move an inch. Ito lang ang kumilos. Ninamnam lang niya ang halik nito. Nakaka-tempt na patulan, of course pero hindi niya nais na ang halik niya pa ang maging sagabal sa mga dapat pa nitong marating.

"Lasang pork adobo," wika nito pagkatapos ng halik. Titig na titig sa mga mata niya, gano'n din siya rito.

"Nabusog ka ba?"

"Hindi e."

"Ikaw lang naman ang makakaalam kung paano ka mabu—" naawat na ang pagsasalita niya, hinalikan na naman siya kasi nito.

Mas marubdob. Pasibasib.

Again, hindi siya kumilos kahit gustong-gusto niya, kahit kumandong na 'to sa kaniya, kahit mahigpit na nakapulupot sa batok niya ang mga braso nito...

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.