Chapter 18

NAPAKAGANDA ng wedding gown na suot ni Tangerine ngayong araw na 'to. Halatang ginastusan ni Clyde Trillanes.

Napangisi siya nang maalala niya ang presyo ng lahat-lahat ng mga ginastos nito para sa araw na 'yon. Mas lalo pa siyang napangisi nang ang mga arte niya naman ang naalala niya. Mga arte na buti na lang ay bumenta sa lalaking malaki ang pagkagusto sa kaniya. Ang nasa isip siguro nito ay huling arte naman niya 'yon kaya hinayaan na siya.

At least, nagawa niyang maiwasan 'to bago ang araw na pinakahihintay nito at ng madrasta niya.

Ah, ang hirap din na niyon ah. Nakahalik din 'to sa kaniya sa pisngi, sa likod ng palad niya at sa buhok, pero okay lang, worth it naman ang pagtitiis.

Super worth it dahil pagkatapos nito ay iiyak siya.

Napahagikgik na lang siya sa sinambit sa sarili.

Ilang ikot pa ang ginawa niya sa harap ng salamin bago siya nagpasya na mag-selfie shots gamit ang cellphone niya. Mamaya ay lalagyan niya 'yon ng malupit na caption pang-asar kay Clyde at sa madrasta niya.

Kailangan na sulitin niya rin ang pagkuha ng litrato sa sarili niya dahil ang alam ng lahat ay iiwan niya 'yon at ngayon nga kasi ang araw ng kasal niya.

'Yon ang akala nila.

Nang makuntento siya sa mga selfie shots niya, inililis niya ang mahabang gown saka isinilid sa suot niyang boots na sapatos ang cellphone niya't wallet.

You can do this, Tang, pag-cheer niya sa sarili bago siya bumuntonghininga at nagpasyang lumabas na sa k'wartong 'yon. Hinihintay na siya ng bridal car niya na s'yempre ay may driver courtesy of Clyde Trillanes.

NARINIG ni Jorev kanina sa palengke na kasal nga raw ngayon ng anak ng dating mayor sa lalawigan nila. Dahil iisa ang malaki at pamosong simbahan sa bayan nila, natural ay do'n na nga magaganap ang kasalan.

Pero hayun nga— anak ng 'dating mayor' ang ikakasal daw. Kaya hindi niya maunawaan kung bakit nagko-cause ng traffic ang mga unipormadong mga bantay ni Clyde Trillanes, gayong natatanaw naman niya mula sa harap ng manibela ng owner type jeep niya na naroon na ang huli sa simbahan.

Ang sa kaniya lang naman, kung ang bride na lang ang hinihintay ng mga 'to, bakit kailangan pa na magkumpulan kahit ang mga sasakyan ng mga 'to sa harap ng simbahan?

Mga istorbo sa kalsada.

Naiinis na bumusina siya. Nang hindi na siya nakatiis ay binulyawan na niya ang sasakyan na nasa kaniyang harap.

"Hoy! Galaw-galaw!" sigaw niya, nang malingunan siya ni Clyde Trillanes na nakatayo na tila naiinip at pasulyap-sulyap sa suot na relo, nanlaki ang mga mata nito, kaagad na sumenyas sa mga tauhan na nakabarong.

Good. Pinatabi na nito ang mga sasakyan ng mga hunghang na tauhan, e 'di nakaabante siya kahit kaunti.

Lumabas lang naman siya sandali para mamili ng pagkain sa palengke. Hindi pa niya alam kung sino ang magluluto dahil wala pang balita sa maid na pinapakuha niya sa mga kapatid niya pero bahala na. Wala rin namang magagawa ang mga kapatid niya 'pag kinulit niya.

"Damn it," naiinis niyang sambit nang mahinto na naman sila.

Wala nang gustong magbigayan tuloy dahil sa harang na ginawa ng kasalan na 'yon sa kalsada.

"Kahit nakabarong kayo, ayusin ng isa sa inyo ang kalsada!" muling sigaw niya, sumungaw siya ulit.

Putsa lang, bakit para kasing nakaantabay ang lahat sa gate, sa loob naman din ng simbahan ang punta ng bride.

O baka naman natatakot 'tong si Clyde na hindi masipot ng bride?

Pagak siyang natawa sa tinuran ng isipan. Paano ay kilala niyang talunan talaga ang lalaking ikakasal. Naging schoolmate niya 'to sa Manila no'ng kolehiyo pa sila. Lahat naman ng sinalihan nito ay umuwi 'to nang luhaan. Kaya nga ba parang nakakita 'to ng multo nang makilala siya kanina.

Tanda niya pa na naging biruan na nila noon sa pinapasukan nilang university na sa tuwing nagtatagpo sila, minamalas na matalo 'to, walang mintis.

Ang mga naglalaro sa isipan niya ay natigil nang matanaw niya nang umayos ang daloy ng kalsada. 'Yon nga lang, para lang silang pinatakam na pare-parehong makausad dahil hayun at ang sumunod na natanaw niya ay ang bridal car.

"Peste."

Alam niyang minsan lang ikakasal ang isang tao, maano bang pagbigyan na lang niya ang inis sa araw na 'to sa kasal na 'yon ni Clyde Trillanes.

"Pasok na! Para makababa na ang bride mo!" hindi niya napigilan na isigaw ulit sa sarcastic na paraan.

Nataw siya nang magpahid ng pawis ang groom. Alanganin siyang sinulyapan nito saka inaya na ang mga tauhan nito na hindi niya alam kung para saan dahil hindi na naman 'to anak ng politiko ngayon.

Tsk, kahit kailan talaga, ang tao nga naman, 'pag nakatikim na ng sandaling kapangyarihan ay akala mo na mga kung sino.

At dahil nakahinto ang sasakyan na kaniyang minamaneho eksakto sa unahan ng bridal car, inip na pinagmasdan na lang niya ang babaeng masasakal kay Clyde Trillanes.

Tumaas isang sulok ng bibig niya nang makita niya ang sapatos na suot nito.

For a traje de boda, naka-boots ang babae na pupusta siyang nagkakahalaga na may pag-aray sa bulsa.

"Girls just wanna have shoes!"

Napatiim bagang siya nang bigla siyang dagsain ng isang alaala. Alaala kung saan naroon si Pilipinas at nagpapabili ng tatlong pares na sapatos sa kaniya...

"PATAKBUHIN mo na, mister, 'bilis!" Tinapik pa ni Tangerine ang balikat ng lalaking nasa manibela para lang magbalik ang atensyon nito sa kasalukuyan.

Halata naman kasi na naglaho na 'to ngayon sa tunay na mundo. Tulalang-tulala kasi 'to, ni hindi siya napansin na tumakbo papalapit sa sasakyan nito. Hindi rin siya napuna nang makasakay siya ro'n at ngayon nga ay sumisiksik na siyang pilit sa likuran ng sasakyan nito.

Wala naman kasing ibang sasakyan na nakahinto ro'n na maaari niyang masampahan sa mabilis na paraan, sasakyan lang nito.

Kaso lang ay hayun, tulala nga lang ang driver!

"H—Huh?" Sa wakas, napuna na siya!

Namilog ang mga mata niya nang makita niyang naglabasan na mula sa loob ng simbahan ang mga tauhan ni Clyde!

"Mister, patakbuhin mo na! Dali! Itakas mo 'ko!"

Nangunot ang mga kilay ng lalaki at naningkit ang mga mata sa kaniya. Ngunit hindi na 'to nagsalita, mabilis na kasi nitong pinaarangkada ang sasakyan nang mapuna nitong nasa malapit na ang mga tauhan ng dapat ay mapapangasawa niya.

Napahagikgik pa siya nang mapasadsad ang isa sa mga nakabarong na lumapit sa kanila.

Well, what can she say? Mahusay ang napili niyang driver kahit pa ba kanina ay diskumpyado siya rito at tulala kasi.

Nakahawak na kanina sa handle ng sasakyan nito ang isa sa mga humabol sa kanila pero natakasan pa rin nila 'yon. Hanggang ngayon na tinanaw niya pa kung paanong magkumahog ang mga 'yon sa paghabol sa kanila pero kitang-kita naman niyang malabo nang makasunod ang mga 'to sa kanila.

Bye, Clyde Trillanes. Bye, Regina ala reyna...

"WOW! ang galing mo! Natakasan na natin sila!" namamanghang bulalas ng 'pasahero' niya.

Sino ba ang hindi mamangha? Nailayo niya 'to in no time, gayong napakaiksi lang ng agwat kanina nito sa mga humahabol, idagdag pang marami ang mga 'yon.

"Ang galing mo grabe!" sambit pa nito sa gilalas na tono, hindi pa nakuntento, inalog-alog ang balikat niya habang bumubungisngis.

Binalingan niya 'to, kinunutan niya ng kilay para malaman nitong ito lang ang masaya sa pagkakatakas niya rito. "Miss runaway bride—"

"Teka, teka lang, magbabayad ako, kahit magkano. Pakihatid na rin ako sa terminal," putol nito sa dapat ay sasabihin niya.

Tinaasan niya 'to ng kilay. "Look, I don't need your money," mayabang niyang saad.

"Ha?... O, e 'di mas okay, kaso lang... wala yata akong masasakyan dito papunta sa terminal pa- Manila..." Lumilinga-linga 'to.

Natural na wala talagang sasakyan na maliligaw sa kung nasaan sila nito dahil liblib na 'yon ng kagubatan. Doon lang ang alam niyang lugar na safe dahil property niya 'yon. Alam ng mga tao ro'n na kaniya 'yon at walang mangangahas na puntahan sila ng kung sino ro'n. And speaking of...

"Miss, hindi mo ba 'ko kilala? Hindi mo rin ba alam kung kaninong property 'tong pinuntahan natin?" mas mayabang niyang wika.

Imposible kasi na hindi siya kilala nito. Maliit lamg ang probinsyang 'yon, ang bayan nila. Lahat halos ng tao ay magkakakilala.

"Ha? Hindi..." Pinagmasdan siya nito, tila siya kinikilala. "ay! Kilala kita! Nakikilala kita!" saka bulalas nito ulit.

Natural din na makilala siya nito dahil maraming naambag ang pamilya niya sa bayan na 'yon.

"Now—"

"Isa kang San Martinez! Isa ka sa triplets! Ikaw si... Jorev! Jorev San Martinez, tama?" ani 'to, hindi na naman siya pinatapos sa pagsasalita. "Naku, Jorev, hindi mo pala 'ko nailayo. Malabo akong makaluwas ng Manila nito."

Hah! Ba't parang kasalanan niya pa 'yon?

"Miss, I don't have time for this—"

"Patulog na lang ako ngayon sa bahay mo, please..."

"What?" Baliw ba ang babaeng 'to?

"Seryoso, kilala mo naman siguro si Clyde Trillanes, kaya ko nga siya tinakasan e, ayaw kong makasal sa kaniya."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.