Chapter HOBH 23

“ANONG gusto mong pasalubong namin sa iyo?” tanong ni Inang Selva kay Verona habang sakay sa kotse ni Kirst. Check up nito sa doktor at sasamahan ng binata sa ospital sa Dagupan.

Umiling siya. “Huwag na po. Basta ligtas po kayong makabalik at maganda po ang resulta ng check up ninyo.”

“Maganda talaga ang resulta dahil wala naman akong sakit. Ewan ko ba kung bakit pinapabalik-balik pa ako ng doktor doon. Masigla naman ako.”

“Kukumpirmahin lang po natin na wala talaga kayong sakit, Lola,” matiyagang paliwanag ni Kirst.

“At hayaan mo na lang si Neneng na magluto, ha? Basta doon ka lang sa library at magbasa,” bilin ng matandang babae. Bagamat na-apprecite nito ang pagtulong sa kusina ay sinabihan nito sina Jovita at Neneng na huwag na siyang patulungin sa kusina dahil mahalaga na ituon niya ang atensyon sa ginagawa niyang mga libro.

Pakiramdam niya ay aloof pa rin si Kirst sa kanya. Di niya alam kung masama pa rin ang loob nito sa kanya dahil pakiramdam nito ay ginamit niya ito para makapasok sa bahay ng mga Salameda. Wala naman itong nababanggit dahil tahimik lang ito habang kumakain sila at inako ang paghuhugas ng plato sa kanya.

Papunta na siya sa library nang lapitan siya ni Jovita. “Verona, gusto mo bang marami pang malaman tungkol kay Kirst?”

Tumango siya. “O-Okay lang.”

“May isang kuwarto dito na naglalaman ng lumang gamit niya at ng iba naming kamag-anak. Alam mo na, baka lang naman interesado ka.”

“Hindi ba parang nanghihimasok naman ako sa personal niyang buhay?”

Umiling ito. “Hindi naman siguro. Sabihin mo na lang na tumutulong ka lang sa paglilinis. Malinis naman ang intensyon mo. Baka nga matuwa pa iyon dahil kinikilala mo siyang mabuti at gusto mong marami pang malaman tungkol sa kanya. Gusto kasi niyang linisin ang kuwarto na iyon pero walang oras. Baka makatulong iyon dahil parang di naman effective ang pagtulong mong magluto kanina saka pagsama sa kanyang bumili ng gatas ng kalabaw.” Inabot nito ang susi. “Gusto mo ba?”

Gusto niyang sabihin na wala siyang pakialam kung mainit man ang ulo ni Kirst sa kanya. Kailangan niyang mag-focus sa pagsusulat ng libro. Iyon ang ipinunta niya doon at di para paglubagin ang loob ni Kirst. Pero kinuha niya ang susi mula kay Jovita. “Nasaan ang kuwarto?”

Ang kuwarto pala na tinutukoy nito ay isang bodega. Doon nakalagay ang mga lumang gamit di lang ang pag-aari ng pamilya ni Kirst kundi maging ng ibang Salameda na pumanaw na o nangibang-bansa. Inaagiw na iyon at puro sapot ng gagamba. Hindi nga niya alam kung paano sisimulan ang paglilinis. May luma pang TV, radyo, bentilador at mga baul na naglalaman ng mga sulat at larawan. Ultimo lumang notebook ay nakatabi pa doon at nakita niya ang notebook ni Kirst. Natawa siya nang makita sa pang-Grade Four na notebook nito ang isang stationery na may sulat ng isang babae na nagsabing crush ito at gusto itong pakasalan balang-araw. Ngunit di lang sa isang notebook mayroon. May sulat pa ang ibang babae. Mukhang heartthrob na ang binata kahit noong di pa ito nabibinyagan.

Nakuha ng isang baul ang atensyon niya. Gawa iyon sa kamagong at may nakaukit na pangalang Arturo. Ipinagdasal na walang ipis o ahas sa loob. Napaubo siya nang buksan ang baul pero namangha nang makita ang naka-frame na larawan ng isang lalaki na di nahahawig kay Kirst. Arturo. Ito ba ang dating nobyo ni Sister Leonora? Isang kuwaderno na gawa sa balat ng hayop ang pabalat. Binuksan niya iyon at may petsa na Setyembre 1967 at ang lokasyon ay sa Amerika.

Isang diary. Bakit wala iyon sa koleksyon ng diary ng pamilya na nasa library? Kahit si Inang Selva ay may diary doon.

Biglang bumukas ang pinto ng bodega. Paglingon niya ay nakatayo doon si Kirst. “Anong ginagawa mo dito, Verona?”

Parang bata siya na guilty dahil pinakikialaman niya ang bagay na di dapat ay dali-dali niyang ibinalik sa baul ang diary at isinara. “A-Ano... Naglilinis lang sana ako. Kailangan daw kasi itong linisan...”

“You have no business here,” anang binata at hinaklit ang siko niya. “Kanina ka pa hinahanap ni Inang. Gusto ka daw niyang makasabay na magmiryenda.”

Nakayuko siyang sumunod sa binata. Parang di na naman ito masaya sa pagtulong niya. Pakiramdam niya ay isa siyang trespasser. Na di siya dapat manghimasok sa bahay nito o sa buhay nito. Palpak na naman ako.

Nalukot ang mukha ni Inang Selva nang makita siya. “Bakit ganyan ang itsura mo, Verona? Ang dumi-dumi mo.”

“Nagprisinta po siyang maglinis ng bodega para di na po mahirapan si Kirst,” nakangiting sabi ni Jovita.

Itinuktok ni Inang Selva ang tungkod sa sahig. “Bisita ka dito. Di kita pinatuloy dito sa bahay para gumawa ng gawaing-bahay. Nandito ka para magbasa ng mga libro at pag-aralan ang kasaysayan ng pamilya at hindi para magmistulang alila dito. Jovita, bakit mo hinahayaan na tumulong dito ang bisita natin? At sa bodega pa.”

“Gusto ko lang naman pong makatulong,” anang si Jovita at napayuko.

“Makatulong paraan saan?” angil ng matandang babae.

“Huwag na po kayong magalit, Inang Selva. Ako naman po ang nagprisinta. Ako ang may kasalanan,” sabi niya. Di naman siya pinilit. Siya ang nagkusang tumulong.

“Mali pa rin dahil nagbilin na akong wala kang ibang gagawin dito kundi intindihin ang librong isinusulat mo. Maligo ka na at ako na ang bahala dito,” utos ni Inang Selva.

Nag-aalangan man ay napilitan si Verona na umalis. Naiwan niya na sinesermunan ng matandang babae ang ang mga apo nito. Naramdaman niya ang matalim na tingin ng binata. Hindi na talaga niya alam kung kailan siya gagawa ng tama para dito. Parang di na sila magkakasundo pa.

MATAPOS maligo ay pinuntahan agad ni Verona si Jovita na nagtitiklop ng damit sa sala. “Ading Jovita, pasensiya na po. Pati kayo napagalitan ni Inang Selva dahil sa akin,” paghingi niya ng paumanhin sa babae.

“Wala iyon. Sanay na ako sa Inang. Ultimo sa kaliit-liitang bagay umiinit ang ulo niya. Huwag mo akong alalahanin.”

“Si Kirst po?” tanong niya.

“Tumuloy sa kuwarto niya. Di lumalabas.”

Kinakabahan man ay kinatok niya ang kuwarto ng binata. Kung si Jovita na mukhang masungit ay napatawad siya, umaasa siya na mas magiging mabait sa kanya si Kirst.

Isang Kirst na madilim ang mukha at gulo ang buhok ang nagbukas ng pinto sa kanya. “What?” angil nito. Mukhang di maganda ang mood nito.

“P-Pwede bang pumasok? Gusto lang kitang makausap,” sabi niya.

Mas mukhang bachelor’s pad ang silid ng binata. Nasa sahig ang kutson nito. Nasa bookshelves ang koleksyon nito ng manga at DVD ng anime. May malaking LED TV ito na kasalukuyang nagpe-play ang anime ng mga pirata - ang One Piece. Di naman niya maintindihan dahil Nihonggo ang salita at may English subtitle lang. Medyo magulo ang kwarto at pumitlag siya nang may maapakan siyang malambot. Stuffed toy pala ng isang kulay purple na dragon na nagbubuga ng apoy.

Yumuko siya para damputin iyon pero sinaway siya ni Kirst. “Huwag mong gagalawin iyan. Wala kang gagalawin na kahit ano sa kuwarto ko.”

“Nakakalat kasi...”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.