Chapter HOBH 24

Namaywang ang binata at isinuklay ang kamay sa buhok. “Ano bang gusto mong mangyari? Wala namang nagsabi sa iyo na magluto ka dito o maglinis ng bahay.”

“Gusto ko lang patunayan na sinsero ako sa paghingi ng paumanhin sa iyo.”

Natigilan ito. “Anong sabi mo?”

“Di dahil di pagso-sorry ko ang orihinal na pakay ko sa pagpunta dito, di ibig sabihin ay di iyon bukal sa loob ko. Ilang araw na masama ang pakiramdam ko mula nang mag-date tayo. Pwede ko namang sabihin na di ako sanay makipag-date at takot ako. Takot ako na magkamali. Takot ako sa pwedeng mangyari. Takot ako na habambuhay na magdusa kung magkakamali ako. Oo na, praning na ako. Pero walang kahit anong uri ng katwiran ang pwede kong sabihin dahil aminado akong nagkamali ako. At gusto kong bumawi sa kahit anong paraan.”

Sinipa nito ang kama nito. “Pinalala mo lang ang nararamdaman ko. Hindi mo naman kailangang magpakahirap para lang patunayan na sincere ka sa paghingi ng sorry sa akin. Hindi mo ako kailangang pagsilbihan. Di mo ako kailangang ipagluto o ipaglinis. Basta gawin mo lang ang kailangan mong gawin. Di naman ako importante sa iyo kaya bakit kailangan mong mag-effort?”

“Kirst...”

“Iyon naman ang totoo. Sinsero ka man o hindi sa paghingi ng tawad sa akin, di naman mahalaga kung ano ang nararamdaman ko. Kaya hindi mo na kailangang pahirapan ang sarili mo. J-Just do your thing. Isulat mo na lang ang kwento ng pamilya namin. Then you don’t have to see me again.”

“Ayaw mo na akong makita. Ayaw mo akong maging kaibigan.”

“Di ka obligadong kaibiganin ako ako dahil lang ginagawan ka ng pabor ni Lola o dahil isa rin akong Salameda at baka kailanganin mo ako sa libro mo. Hindi mo kailangang pahirapan ang sarili mo pagdating sa akin. Kasi di ko na rin naman ipagsisiksikan ang sarili ko sa iyo.” Umupo ito sa kama at kinuha ang remote. “Gusto man kitang yayain na manood ng anime pero alam ko naman na mas gusto mong mag-focus sa libro mo. Naghihintay na ang mga bayani mo sa iyo.”

That was his subtle way of telling her that he wanted her to leave him alone. “Salamat sa oras mo at pasensiya sa abala.”

Dali-dali siyang lumabas sa silid nito. Sa mga sinabi nito, pakiramdam lalo niya ay napakasama niyang tao. Na magiging mabait lang siya kung kinakailangan. Iilan lang ang kaibigan niya at pinahahalagahan pa rin niya ang pagmamagandang loob sa kanya ni Kirst noon.

Siguro ay sinayang na niya ang tanging pag-asang mayroon siya para mapalapit dito. Siguro ay mas mabuti na rin ito dahil sa atraksyong nararamdaman niya dito. Ito naman ang gusto niya - safe.

“KUMAIN ka na ng suman. Muscovado ang sawsawan dito. Sabi ni Kirst paborito mo daw iyan,” untag ni Inang Selva at inilapit ang sawsawan na muscovado.

“Po?” usal niya at kumurap.

“Ang sabi ko binili iyan ng apo ko para sa iyo. Paborito mo daw iyan.”

Kumunot ang noo niya. Naalala pa iyon ng binata mula sa dating game. Weird. Di nga sila nag-uusap mula pa kahapon maliban kung kailangan. Ni hindi siya nito tinulungan sa research niya at ang katwiran na lang niya ay may contact naman siyang professor na magta-translate sa kanya. Galit ito sa kanya pero naalala pa rin siya nito. Kahit nga ang kaibigan niyang si Sia ay nakakalimutan madalas ang gusto niya pero naalala pa rin ng binata.

“Nasaan po pala siya?” tanong niya.

“Kausap ang handler niya tungkol sa trabaho. Kailangan niyang pumunta sa Zambales sa isang linggo dahil may photoshoot daw sila doon.”

Binuksan niya ang suman at isinawsaw sa tinunaw na muscovado. Masarap nga iyon kaysa sa karaniwang sumang natitikman niya. “Mabuti po hindi pa umaalis ng Pilipinas si Kirst.”

“Oo. Mahal na mahal ako ng apo ko. Marami naman siyang pagkakataon para pumunta ng ibang bansa pero ayaw pa rin niya akong iwan. Pero minsan pakiramdam ko pinipigilan ko siya sa kaligayahan niya. Paano kung di siya masaya na bantayan ang isang matandang tulad ko?”

Ginagap niya ang kamay nito. “Huwag po ninyong isipin iyan.”

“Minsan pakiramdam ko wala dito ang puso niya. Gusto ko sana na may isa man lang sa mga apo ko na magmalasakit dito sa bahay at sa kasaysayang naiwan nito. Nananatili lang ang bahay na ito dahil nandito pa ako pero parang gusto na lang nila na magpatuloy sa buhay at huwag nang lingunin ang nakaraan. Kung hindi nila ito pahahalagahan, para saan pa ang pananatili nito? Kaya gusto kong magawa ang libro mo para kahit mawala ako sa mundo, iyon man lang ang maiwang alaala.”

“Inang Selva, mahaba pa po ang buhay ninyo. Ngayon pa po ba kayo malulungkot kung kailan may sagot na ang mga dasal ninyo?”

Saka lang ngumiti ang matandang babae at bumata ang anyo nito. “Tama ka. Hindi lang sagot sa dasal ko kundi pati ng apo ko. Kailan ba kayo magpapakasal ni Kirst?”

Napaubo si Verona dahil di niya inaasahan ang tanong na iyon. Hindi nga sila magkasundo ng lalaki tapos ay mauuwi sa kasalan. “Hindi ko po siya nobyo. Magkaibigan lang po kami.”

“Ganoon ba? Iba kasi ang ngiti niya lalo na nang bumibili siya ng suman. Naalala ka daw niya. Sabi niya para daw sa kasintahan niya kaya daw dagdagan.”

Natawa na lang siya. “Baka po binobola lang niya ang tindera.”

“Wala bang pag-asa ang apo ko sa iyo? Gusto kita para sa kanya. Mabait ka at mukhang masikap. At marunong ka ring magpahalaga. Sa palagay ko ay maaalagaan mo siyang mabuti. Kung ikaw ang pakakasalan niya, sa iyo ko ipapamana ang bahay na ito. Ikaw ang mangangalaga.”

“Naku! Huwag po ninyo akong binibiro ng ganyan. Baka mas mahalin ko pa itong bahay kaysa kay Kirst,” natatawa niyang sabi.

“Bakit naman?”

“Pakiramdam ko po kung pwede lang pakasalan ang history, pinakasalan ko na.”

“Tiyak na magseselos ang apo ko kapag ganyan. Pero sa palagay ko naman ay matitiyak ko na mananatili ang magagandang alaala at kasaysayan ng pamilyang ito kung ikaw ang pakakasalan ng apo ko.”

“Inang, huwag ninyong sabihin iyan!” saway ni Jovita dito. “Hindi ninyo ibibigay sa kanya itong bahay.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.