“PARANG kanina ka pa matamlay? May sakit ka ba?” tanong ni Kirst habang bumibiyahe sila papunta sa Casa Hacienda, isa sa mga historical sites sa kalapit-bayan ng Bayambang - ang Bautista, Pangasinan. Nangako si Kirst na ipapasyal siya doon. Dahil ayaw niyang maghinala ito na may kakaiba siyang natuklasan kaya sinisikap niya na maging civil dito.
Subalit di na siya kasing sigla ng dati. Kung noon ay parang Christmas light siya na kumukuti-kutitap, ngayon ay napundi na siyang bumbilya. Wala siyang maramdaman at puno ng kahungkagan ang kanyang puso. Sa halip na ma-excite siya sa pupuntahang historical site ay parang balewala lang sa kanya.
“Wala. Nagpuyat lang ako kagabi,” sabi niya sa binata at tumingin sa labas. Hindi siya kumain nang nagdaang gabi at nagkunwaring natutulog. Nang tulog na ang lahat ay saka siya nagtungo sa library para magtrabaho. Iyon na lang ang mayroon siya.
“Sabi ko naman sa iyo hinay-hinay lang. Magkakasakit ka niyan,” sabi nito at akmang hahaplusin ang mukha niya.
Iniwas niya ang mukha dito. “Gusto kong matapos na agad ang libro. Dalawang buwan na lang ang natitira sa deadline ko.”
Nanlalamig siya tuwing dadapo ang kamay nito sa balat niya. Hindi niya alam kung totoo ang ipinapakita nito sa kanya o hindi.
“Yes. Pero kung minsan may mga bagay na di dapat minamadali.”
“Sinasabi mo ba na huwag ko na lang ituloy ang libro ko?” angil niya. “After one hundred years saka ko na lang balikan, ganoon ba?”
“No. I mean, pwede naman siguro next year dahil may competition pa ulit.” Bumuntong-hininga ang binata. “May mga historian na inaabot ng taon bago matapos ang study nila dahil may kulang pa pala.”
Umingos siya. “Tatapusin ko iyan at ipapasa sa deadline. Nangako ako sa lola mo. At wala na akong oras para aksayahin.”
Wala siyang pakialam sa mga motibo nito. Mawawala na rin naman siya sa buhay nito kapag natapos na niya ang libro. At hindi na niya problema kung hindi man mabenta ang bahay na iyon. Mahal ni Inang Selva ang bahay. Mahalaga ang pamilya at kasaysayan. Mahalaga ang mga alaalang di matutumbasan ng salapi.
Isang dalawang palapag na sinaunang bahay iyon na kulay lime green. Walang mag-aakala na mahalaga ang bahay na iyon sa kasaysayan dahil walang makikitang malinaw na marker. Di matao ang lugar at tahimik.
“Dating parte ng Bayambang ang Bautista. Kaya sa mga history books, Bayambang ang dating naging headquarters ng rebolusyon at naging kuta ni Heneral Luna at Aguinaldo nang umuurong na sila sa Norte. Ang bahay na ito ang nagsilbing headquarters nila,” kwento ng guide nila. Pero parang lumulutang si Verona. Wala siyang maintindihan sa mga sinasabi sa kanya. Di siya makapag-focus.
“May picture din kasama si Gregorio del Pilar,” sabi ni Kirst at itinuro ang isang larawang nakakuwadro. “Mukha pa siyang totoy diyan.”
“Okay,” sabi lang niya na walang bakas ng interes.
Pinigilan siya ng binata nang lilipat na siya sa salaming estante kung saan nakalagak ang orihinal na kopya ng titik ng Filipinas kung saan kinuha ang titik ng Lupang Hinirang. Nasa Kastila pa ang dating titik.
“Di mo ba nakita si Gregorio del Pilar. Ayun!”
Kumurap siya at saka lang niya naunawanan ang sinasabi nito kanina. “Ha? Hindi ko napansin.”
Kumunot ang noo nito. “Parang wala ka sa sarili. Gusto mong puntahan ang Tirad Pass? Baka gusto mo doon na tayo. Maaga pa naman.”
Masigla pa rin ang binata at di man lang napapansin na wasak na wasak ang puso niya. “No. Gusto ko nang bumalik sa Casa Grande.”
“Pero sayang naman kasi ngayon ka lang makakaalis ng bahay. Saka ngayon lang tayo magsosolo. Parang date na natin ito.”
“Salamat pero gusto kong mag-focus sa research ko. Malapit na ang deadline at kailangang mabuo ko na iyon. Kung puro pasyal ang gagawin ko, wala akong matatapos.”
Nagsalubong ang kilay ng binata at humalukipkip. “Bakit pakiramdam ko ayaw mo akong makasama?”
Huminga ng malalim si Verona. Madali lang sanang maging indifferent. Sana ay madali lang na huwag maglambot sa bawat haplos nito. “I am sure you will understand. I.. I need to focus, Kirst. Importante sa akin ito.” I want to stay away from you. Huwag mo naman akong tuluyang wasakin.
“Gusto ko lang namang makatulong. Baka sakaling mas umayos ang pakiramdam mo kapag nakapag-relax ka. Pero kung ayaw mo, naiintindihan ko naman. I just want to spend more time with you.”
Malungkot siyang ngumiti. “Umuwi na tayo.”
Hindi na ito nagtanong pa nang pinili niyang tumahimik pag-uwi. Pagdating ng bahay ay masaya silang sinalubong ni Jovita matapos magmano kay Inang Selva. “Kirst, na-check mo na ba ang email mo?”
“H-Hindi pa ako nag-o-online mula kagabi.”
“Diyaske! Tumawag sa akin si Emerlyn. Ipinasa daw nila ang portfoliop mo sa agency niya sa Amerika. Nagustuhan ka daw nila. Her agent wants to talk to you ASAP.”
Natigagal si Verona. Hindi pa talaga napuputol ang ugnayan nina Kirst at ng dating nobya nito. Ngayon ay si Emerlyn pa mismo ang gumawa ng paraan para sumunod ang binata sa Amerika. May trabaho nang naghihintay dito.
“Pupunta ka ng New York, Kirst? Ilalayo ka ng babaeng iyon sa akin?” may bahid ng hinanakit na tanong ni Inang Selva.
“Lola, malaking karangalan po na mapili si Kirst. Di basta-bastang models ang hawak ng agency nila Emerlyn,” sabi naman ni Jovita. “Sa wakas ay magkakasama na ulit kayo. Iyon naman ang pangarap mo.”
Parang pinipitpit ang puso ni Verona. Ayaw na niyang marinig pa. Sapat nang nalaman niya kung saan siya nakatayo pagdating kay Kirst.
“Verona, dalhin mo na ako sa kuwarto ko. Gusto ko nang magpahinga,” pakiusap ni Inang Selva. Masama ang loob nito kaya walang sinuman sa mga apo nito ang pinag-alalay nito.
“Iiwan na ba ako ng apo ko? Susunod na siya sa babaeng iyon,” anang matandang babae nang sila na lang sa silid.
Umuklo siya sa harap nito. “Inang, mahal po kayo ni Kirst. Hindi po niya kayo basta iiwan.” Maaring hungkag ang pangakong iyon dahil di niya alam kung ano ang totoong plano ni Kirst. Pero di niya kayang saktan pa si Inang Selva.
“Sana nga. Sana nga di niya ako iwan. Sila na lang ni Jovita ang natitira sa akin. At ikaw. Parang apo na rina ng turing ko sa iyo.”
Niyakap niya ang matandang babae at tahimik na umiyak. Pakiramdam niya ay namatay din ang puso niya nang mga oras na iyon.Tuluyan nang mawawala si Kirst sa buhay niya. Kahit na alam niyang di siya nito mahal ay parang gumuho pa rin ang mundo niya. Hanggang kailan ba siya masasaktan?