Chapter HOBH 32

PAGLABAS niya ng kuwarto ay nakaabang na si Kirst. Parang pagod na pagod ito at aligaga. “Kumusta na si Inang Selva?”

Huminga ng malalim si Verona at isinara ang pinto. “Nakatulog na. Masama pa rin ang loob.”

“Di ko naman siya basta-basta iiwan.”

“Pero pupunta ka pa ring New York?” tanong niya at humalukipkip.

Hindi agad ito nakasagot. “Gusto kong magpaliwanag tungkol kay Emerlyn,” sa halip ay sabi nito at di sinagot ang tanong niya.

Lalo siyang nagngitngit dito. “Bakit ka naman magpapaliwanag sa akin? Ano ba ako sa buhay mo?”

Napapatda ito. “I thought we have something special.”

“Special friends?” maingat niyang tanong.

“No. More than that. Nitong nagdadaang mga araw, nararamdaman ko na gusto kita. Not just as a friend. Di lang basta bisita sa bahay na ito. We have a connection, Verona. At alam ko na nararamdaman mo rin iyon.”

Iwinaksi niya ang kamay para tumigil na ito sa sasabihin. Noon ay nagtanim siya ng munting pag-asa sa puso niya. Umasa siya na sasabihin iyon ni Kirst sa kanya. Ngayon ay mistulang lason iyon kailangan niyang itapon bago pa nito ipainom sa kanya.

“Wala kang kailangang alalahanin tungkol sa akin. Realistic akong tao. Kirst, wala namang pag-asa ang isang katulad ko sa iyo. Kaya kahit kailan, wala akong anumang ilusyon. Salamat kung itinuturing mo akong espesyal na tao sa buhay mo. Pero huwag na nating guluhin pa ang sitwasyon mo.”

“But I still need to explain.”

Umiling siya. “Huwag na. Hindi naman tayo ang importante dito. Ang inaalala ko lang ay ang lola mo. Huwag mo siyang pabayaan. She’s very vulnerable.”

“I know that. Di ako gagawa ng kahit ano na makakasakit kay Inang Selva.”

“Good. Babalik na ako sa library,” sabi niya at tinalikuran ito. Wala na silang kailangan pang pag-usapan.

“Wala ka ba talagang espesyal na nararamdaman sa akin?” tanong nito.

Tumigil siya sa paglalakad subalit di niya ito nilingon. Ayaw niyang traidurin siya ng puso niya. She needed all the self-preservation that she could get right now. “Wala. At kung mayroon man, wala namang magbabago. May Emerlyn sa buhay mo. Siya ang kabuuan ang babaeng pinapangarap mo. At nariyan na siya, gumawa ng para magkasama ulit kayo.”

Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang balikat niya. “Paano kung mas gusto kitang makasama?”

Pumiksi siya at hinarap ito. “Ano bang kinakain mo nitong nakakaraang araw, Kirst? Nandito lang naman ako para sulatin ang libro tungkol sa pamilya ninyo. Matapos iyon, baka di na nga tayo magkita ulit. Excuse me, marami pa akong kailangang gawin.”

Saka lang tumulo ang luha niya nang makarating siya sa library. Sa gitna ng mga aklat na nakasaksi kung paano nabuo ang pagmamahal niya kay Kirst ay ibinuhos niya ang sakit nararamdaman niya. Mukhang mahabang panahon pa ang gugugulin bago siya makawala mula kay sa Kirst.

Sana ay di na lang niya sinabi na mahalaga ako sa kanya. Na di lang kaibigan ng tingin niya sa akin. Mas madali sanang kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya.

PAKIRAMDAM ni Verona ay hindi siya umuusad sa sinusulat na libro. Nasa harap ang mga impormasyong kailangan niya. Kailangan na lang niyang idugtong sa mga impormasyong nauna niyang nakalap sa National Archives.

Nag-focus lang siya sa mga mahahalagang parte ng research. Lumawak ang research niya dahil na rin sa kontribusyon ng ibang mga pamilya sa Bayambang. Iyon na lang ang nagpapasaya sa kay Inang Selva. Sinabi ni Kirst na di ito aalis ng Pilipinas hangga’t di pinapayagan ng matandang babae.

Pakiramdam naman ng dalaga ay isa siyang bulaklak na unti-unting nalalanta. Nasa Maynila ngayon ang binata dahil may photo shoot ito sa Palawan. Kahit anong sabihin niya sa sarili na ayos lang siya at wala siyang pakialam kay Kirst ay iba naman ang isinisigaw ng puso niya.

“Malandi ka! Lumabas ka diyan! Jovita, magpakita ka sa akin! Harapin mo ako.”

Napalabas siya ng library nang marinig ang sigaw na iyon ng isang babae. Nasa balkonahe si Inang Selva at kinakausap ang babae sa labas. Naroon na rin si Jovita at nakatayo sa tabi ng lola nito. Taas-noo ito at di man lang natatakot na ineeskandalo ito.

“Kalantari ‘yang apo ninyo. Di na nahiya. May relasyon sila ng asawa ko. Plano nilang magtanan at iiwan kami ng anak ko. Mga walang puso,” sigaw ni Joselina, asawa ng may-ari ng panaderya sa baryo nila.

Ngumisi lang si Jovita. “Hindi mo ba matanggap na ako talaga ang mahal niya? Kundi mo siya pinikot, sana kami ang nagpakasal. Sa akin talaga si Florencio. Tapos na kayo,” walang takot nitong sabi.

Lalong namula sa galit si Joselina. “Ipapakulong ko kayo.”

“Hindi mo mapipigilan ang pagmamahalan namin. Akin siya!” At nagpabaon pa ng malutong na halakhak sa papalayong babae. Parang wala itong konsensiya.

Di siya makapaniwala na nangyayari ito. Mataas ang tingin niya kay Jovita at lagi pa itong nagsisimba. Parang wala sa karakter nito ang papatol sa asawa. Ngayon pa nangyari ang gulong ito kung kailan wala si Kirst.

Sinampal ni Inang Selva si Jovita. “Magtigil ka. Di lang kahihiyan ang nawala sa iyo kundi pati ang konsensiya mo. Aagawan mo rin ng ama ang mga anak niya.”

Animo’y natulig ang babae at sinapo ang pisngi. “Inang, ako po ang apo ninyo. Di ba mahalaga ang kaligayahan ko?”

“Hindi ako kunsintidor sa mali. Merde! Kaya ba gustong-gusto mong ipagbili ang Casa Grande nang may magamit kayo sa kataksilan ninyo?”

“Bakit, Inang? Wala ba akon karapatan na maging masaya? Buong buhay ko, inalay ko na sa inyo at sa bahay na ito. Mula pagkabata, sinunod ko na kayo. Pinagsilbihan ko kayo. Anong napala ko? Tumanda akong dalaga. Ako sana ang pakakasalan ni Florencio kundi kayo nakialam.”

“Gusto ko lang naman na bigyan ka ng magandang kinabukasan. Ayokong mapariwara ka. Kung kailan ka naman tumanda saka ka pa gagawa ng kahihiyan?”

Tumii ang anyo ni Jovita. “Masaya ako. Masaya ako kapag magkasama kami ni Florencio. Wala akong pakialam kung mali.”

“Inilalagay lang kita kung ano ang tama,” sabi ni Inang Selva.

“Tama para sa inyo kasi makasarili kayo. Ayaw ninyo akong mag-asawa noon dahil ayaw ninyong mag-isa. Katulad ng ginagawa ninyo kay Kirst. Di siya makapunta sa New York dahil kayo ang iniisip niya. Pagmamahal ba iyan sa amin na mga apo ninyo? Hanggang kailan kami magsasakripisyo para sa inyo. Hanggang kailan kami magsasakripisyo para sa pagmamahal ninyo sa alaala ng bahay na ito? Inang, lahat ng tao umusad na sa buhay. Kayo na lang ang hindi.”

“Tama na iyan, Ading Jovita,” saway ni Verona sa babae.

“Huwag kang makialam dito. Usapang pamilya lang ito. Kasalanan mo kung bakit di mabenta itong bahay na ito. Panggulo ka sa buhay namin.”

“Tama na!” Sinapo bigla ni Inang Selva ang dibdib at unti-unting bumagsak.

Maagap itong sinapo ni Verona. “Inaatake siya sa puso. Tumawag ka ng ambulansiya,” utos niya kay Jovita at ginamit ang alam niya sa first aid para maisalba ang matandang babae. “Inang Selva, huwag po kayong mawawala. Please.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.