Chapter Kabanata 35

HABANG lulan ng sasakyan ni Aki patungo sa bahay ng mga magulang nito sa Cavite, walang kibo si Kiah sa kinauupuan. Samantalang si Gavin na katabi niya, ay panay ang kausap sa kaniya. Paminsan-minsan, palihim na sumusulyap ang dalaga kay Aki na siyang nagda-drive.

Maging ang lalaki ay hindi rin masyadong kumikibo, maliban na lamang kung kakausapin ng nakababatang kapatid. Hindi rin sila nag-uusap pa nito pagkatapos nang namagitan sa kanila noong nagdaang gabi. Kaya naman ang nararamdamang sakit, lungkot, at hinanakit para sa lalaking minamahal ang namamayani sa dibdib ni Kiah ng mga sandaling iyon.

Naiinis din siyang kung umakto ang lalaki ay tila wala lamang dito ang lahat ng namagitan sa kanila. Ang pakiramdam tuloy niya ay nagpaubaya lamang siyang gamitin nito ng paulit-ulit.

Kasalanan mo ang lahat, Hezekiah! Wala kang ibang sisisihin kung hindi ang iyong sarili! saad ng munting tinig sa kanyang isipan.

"Right, Kiah?"

"H-Ha?" maang na tanong niya Kay Gavin. Sa dami kasi ng naglalaro sa kanyang isipan, ni hindi na niya naiintindihan pa ang sinasabi ng lalaking katabi.

"Kanina ka pa tulala d'yan. May problema ba, Kiah?" tanong pa ng binata.

Sa tanong na iyon ni Gavin ay palihim na sumulyap si Kiah sa harapan kung saan nakaupo si Aki at nagda-drive. At gayon na lang ang kabog ng kanyang dibdib nang makita sa rearview mirror na nakatingin din sa kan'ya ang binata. Ngunit saglit lamang iyon. Agad din nitong ibinalik ang atensyon sa pagmamaneho.

Bigla ay tila piniga ang puso ni Kiah dahil sa inaktong iyon ng lalaki. Subalit pinigilan niyang ipakita ang lungkot sa kanyang mukha. Sa halip, pilit ang ngiti niyang hinarap si Gavin.

"W-Wala akong problema. Iniisip ko lang iyong subject naming Communication Arts. May hindi kasi ako masyadong maintindihan doon," pagsisinungaling niya sa kausap.

"Gan'on ba? Tuturuan na lang kita pagdating sa bahay, ha? Chill ka lang, okay?" turan naman ni Gavin sa kan'ya na may magandang ngiti sa labi. Humawak pa ito sa braso niya at bahagya iyong pinisil. Pero sa halip na saya, pagkaasiwa ang idinulot niyon sa kaniya.

"S-Sige, salamat."

Muli, isang pilit na ngiti ang iginawad niya rito. Inawat na rin ni Kiah ang sarili na mapatingin pa sa gawi ni Aki. Ayaw na niyang makita pa ulit sa mga mata nito na parang wala na itong pakialam sa kaniya. Kaya naman ipinasya na lamang niyang maidlip. Tutal ay malayo-layo pa naman ang biyahe nila, ayon na rin dito.

• • •

"Ikaw na ba si Gavin, hijo?"

"O-opo. Ako nga po."

Tahimik lamang na pinanonood ni Kiah ang ginang at si Gavin nang magyakap ang mga ito. Habang sa tabi naman niya ay naroon si Aki habang nakangiti nang malapad at pinagmamasdan ang kanyang Mama at nakababatang kapatid.

"O, halina sa loob, mga anak. Naghihintay na ang Papa n'yo. Pati na rin ikaw, Hezekiah. Nagpahanda ako ng masarap na hapunan," masayang bulalas pa ni Mrs. Tetsuya habang nakatingin sa kanila.

"Okay, Ma," sagot naman ni Aki sa kanyang Mama at sumabay na rito patungo sa kusina. Samantalang naiwan naman sa sala si Kiah at si Gavin.

"Let's go, Kiah," anang Gavin at saka hinawakan pa siya sa braso upang alalayan.

"S-Sige," aniya at nagpatangay na lamang sa binata kahit nakaramdam siya ng pagkaasiwa sa pagkakahawak nito sa kanyang braso.

Nang makapasok sa kusina ay bumungad kay Kiah ang napakaraming pagkain na pawang masasarap. Bigla tuloy niyang naalala ang kanyang Nanay Rebecca at mga kapatid. Ngunit hindi naman siya nakaramdam ng lungkot dahil alam naman niyang kumakain na rin ang mga ito ng masasarap na pagkain dahil sa perang itinutulong niya sa pamilya.

Tahimik na naupo si Kiah sa tabi ni Gavin nang ipaghila siya nito ng silya. Samantalang si Aki naman ay nakaupo sa kanyang harapan. Nag-umpisa silang kumain na hindi nagkikibuan ng binata. Si Gavin naman ay tila naiilang din dahil naroon ang amang na hindi pa nito lubusang nakakausap.

Naging masaya naman at matiwasay para kay Kiah ang hapunan na iyon kahit pa nga sa tuwing nagtatama ang paningin nila ni Aki, ay parang wala siya roon kung tingnan nito. Ang bigat-bigat tuloy ng kanyang dibdib habang kumakain.

"May I talk to you, Akihiro? Gavin?" pormal na wika ni Mr. Tetsuya sa dalawang anak pagkatapos ng masaganang hapunan. "Let's talk in the library."

Tahimik lamang si Kiah habang tumutulong sa pagliligpit ng mga pinagkainan kasama si Mrs. Tetsuya. Subalit sa gilid ng kanyang mga mata, palihim niyang sinusulyapan si Aki na noon ay tila wala nang pakialam sa kanyang presensiya.

Hindi mo lang alam, Akihiro, na nasasaktan ako sa pambabalewala mo. . .

"Yes, Pa," dinig ni Kiah na sagot ni Aki. "Let's go, Gavin."

Naiwan si Kiah sa magarang kusina, kasama si Mrs. Tetsuya. Kapwa sila nagliligpit ng mga pinagkainan samantalang ang isang kasambabay naman na si Aling Lucita ang naghuhugas niyon.

"Halika, Hezekiah, hija. Doon tayo sa sala mag-usap," pakli ng ginang sa kaniya nang matapos nila ang pagliligpit.

"O-Opo, Ma'am."

"Ang sabi sa'kin ni Akihiro ay dito ka raw muna sa bahay, para may aalalay sa kanyang kapatid. Besides, iisa lang pala kayo ng university na pinapasukan ni Gavin. Mas mainam at magkasabay kayong papasok at uuwi. Okay lang ba sa'yo iyon, hija?" nakangiting usisa ni Mrs. Tetsuya.

Tutol man ang kalooban ng dalaga sa naging desisyon ni Aki para sa kaniya, ay wala siyang nagawa kung hindi tumango na lamang sa mabait na ginang. Kahit pa nga ngayon pa lamang, parang gusto na niyang umiyak dahil sa matinding paghihirap ng kalooban.

"Maraming salamat, hija," ani Mrs. Tetsuya sabay pisil ng marahan sa braso niya. "Siya nga pala, naikuwento sa'kin ng aking anak kung paano kayo nagkakilala. Pati na rin kung paano mo siya inalagaan sa condo niya. Alam mo kasi iyang si Akihiro, hindi talaga sila magkasundo ng Papa n'ya," salaysay ng ginang saka bumitiw sa pagkakahawak sa kanyang doon.

Sinundan niya ito ng tingin ng tumayo ito at tinungo ang tokador kung saan may mga naka-display na mga larawan na naka-frame. Dinampot nito ang isa na sa hula niya ay si Aki saka muling naupo sa kanyang tabi.

At tama nga siya, nang sulyapan niya ang hawak nitong larawan ay si Akihiro nga iyon. Bata pa ito sa litrato. Sa hula niya, kaedad lamang ito ni Gavin doon. Magkamukhang-magkamukha ang dalawa ngunit para sa kan'ya, mas magandang lalaki si Aki.

"Ayaw kasi ng Papa niya ang trabahong pinasok ni Akihiro. Ang gusto kasi ng Papa niya, manahin ang kompanya na mina-manage nito. Pero itong anak ko, pinanindigan ang trabahong pinili kung kaya't mas ginusto niyang humiwalay sa amin. Isa pa, wala raw siyang interes sa pagmamalakad ng company," kwento ng ginang na bakas ang lungkot sa mga mata habang pinagmamasdan ang larawan ng anak.

"Napakabait pong tao ni Sir Akihiro, Ma'am. Napakarami na rin po niyang naitulong sa akin at sa pamilya ko. Kaya naman po, malaki ang utang na loob ko sa kaniya," nakangiti namang turan ng dalaga sa kaharap na ginang.

"That's why I'm very thankful dahil may nag-aalaga na sa kan'ya. Dati kasi, ayaw niyang may kasama sa condo. Kapag may pinadadala ako noon na kasambahay, pinababalik lang niya. Kaya parati rin akong nag-wo-worry kung nakakakain ba siya ng maayos at tama sa oras. Pero noong nalaman ko na inaasikaso mo siya, nakahinga ako ng maluwang, hija," nakangiti nang turan ni Mrs. Tetsuya saka muling tumayo at lumapit sa tokador saka inilapag ang larawan ni Akihiro roon.

"Ngunit nanghihinayang din ako kasi akala ko talaga noong una, nobya ka ng aking anak," tila nanghihinayang pang dagdag ng ginang. Daglian namang nag-init ang pisngi ni Kiah dahil sa narinig.

"W-Wala po kaming relasyon ni Sir Akihiro, Ma'am," aniya sa kausap. Ngunit nang sabihin iyon ni Kiah ay ramdam niya ang pagbigat ng kanyang dibdib. Bagaman masakit aminin, iyon naman ang totoo.

Pumalatak naman ang ginang na para talagang nanghihinayang. "Bagay kasi kayo ng aking anak, hija," saad pa ng ginang na lalong nagpainit si pisngi ni Kiah. Muli itong naupo sa kanyang tabi saka tila naaaliw na pinagmamasdan siya.

"Noong makita ko kayo, akala ko talaga nobya ka ng anak ko. Wala pa kasi siyang dinadala rito sa bahay. Ni wala rin siyang pinakikilala sa amin na girlfriend niya. Kapag binibisita ko naman siya sa condo niya, at naaabutan ko siyang may kasamang babae, hindi rin niya pinakikilalang girlfriend. Kaya noong makita kita, ang saya ko, hija," salaysay pa ni Mrs. Tetsuya sa dalaga saka hinawakan siya sa braso at pinisil iyon.

Hindi naman malaman ni Kiah kung ano ang isasagot sa ginang. Ang totoo'y masaya siyang marinig iyon sa ina ng lalaking minamahal niya. Subalit ang katotohanang wala siyang relasyon ng anak nito at wala kahit kaunting pagmamahal ang nararamdaman para sa kaniya ang lalaki, ay napapalis agad ang sayang iyon.

"Ang totoo niyan Kiah, hija, hindi pa rin ako naniniwala na wala kayong relasyon ng aking anak," dagdag pa ni Mrs. Tetsuya na ikinagulat naman ng dalaga. Nakangiti pa ito ng matamis sa kaniya nang sabihin iyon.

"B-Bakit naman po?" kabadong tanong ni Kiah sa ginang.

Maaari kayang nakikita nito ang palihim niyang pagsulyap kay Aki? O baka naman iyong nangyari sa kusina noong huli siyang nagpunta roon?

"Nahuli ko kasi kayong---"

"A-Ano po iyon, Ma'am?" putol ni Kiah sana ay sasabihin ng kausap na ginang.

Ramdam niyang mas lalong uminit ang kanyang pisngi kasabay ng malakas na pagkabog sa kanyang dibdib. Nag-aalala kasi siyang baka nga nahuli sila ni Mrs. Tetsuya ng anak nito sa kusina na halos magtalik na roon. Kung iyon nga ang tinutukoy ng ginang, natitiyak niyang wala na siyang mukhang maihaharap pa rito.

Natawa naman ang ginang sa ginawa ng dalaga. Pansin nitong namumula ang dalaga. "Nahuhuli ko kasi kayong palihim na nagtitinginan. Kinikilig nga ako kapag ganoon. Kitang-kita naman kasi sa mga mata ninyong gusto n'yo ang isa't isa," tukso pa nito na sinamahan pa ng mahinang pagtawa.

Wala namang nagawa si Kiah kung hindi mapayuko na lamang sa magkahugpong niyang mga kamay at itago ang hiya na nararamdaman. Totoo nga kaya iyon? Bigla ay nabuhayan siya ng pag-asa dahil sa narinig.

"P-Pero hindi po ako gusto ng inyong anak, Ma'am," turan niya sa ginang nang mag-angat siyang muli ng tingin dito.

"Kung ganoon, gusto mo ang aking anak, kaya lang nag-aalala kang wala siyang pagtingin sa iyo, gan'on ba?" panghuhuli pa ni Mrs. Tetsuya sa dalaga.

Natututop naman ni Kiah amg bibig. Bakit ba padalos-dalos siya sa kanyang mga sinasabi? "Naku, Ma'am! Hindi po ganoon," agad namang pagtanggi ni Kiah sa kausap na sinamahan pa ng pag-iling na halos mabali na ang kanyang leeg.

"Okay lang iyan, Hezekiah. Pasasaan ba't aamin din ang anak kong iyon ng tunay niyang nararamdaman. Sa ngayon, nasa in-denial stage pa ang panganay ko. O baka hindi pa niya alam na in-love na pala siya. Kaya sana'y huwag kang magsawa, hija," makahulugan namang turan ni Mrs. Tetsuya sa dalaga.

Hindi man masyadong maintindihan ni Kiah ang sinabi ng ginang ay tumango na lamang siya at bahagyang ngumiti rito. Umaasa rin siyang baka sakaling may pagtingin din sa kaniya ang lalaking palihim niyang minamahal.

At ilang minuto pa nga ang lumipas, lumabas na ang mag-aama na tila magkakasundo na. Tahimik namang pinagmamasdan ni Kiah ang mga ito dahilan upang magtama muli ang paningin nila ni Aki.

Subalit paris kanina, walang kahit anong emosyong mababasa sa mukha nito, hanggang sa nauna na itong magbawi ng paningin. At masakit man para kay Kiah, wala siyang nagawa kung hindi bumuntong-hininga na lamang at pilit itinago ang sakit na nararamdaman.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.