Tumango si Paloma at tumingala sa langit. “Tama ka. Nasa taas ang mga bituin gaya ng mga pangarap mo. Di nila pwedeng sirain.”
“Gusto mong subukan na isulat ang mga pangarap mo sa bituin?”
“Paano?” nagtataka niyang tanong.
Itinaas nito ang kamay. “Connect the dots lang. I-spell mo ang mga pangarap mo. Parang ganito lang.” At nagsimula itong ikumpas ang daliri nito.
“Ano iyon?” tanong ni Paloma nang di masunda ang sulat ni Jeyrick. Cursive yata.
Ngumisi ito sa kanya. “Sana bumalik ka dito sa Kadaclan.”
“Mukhang masaya nga iyan,” aniya at ikinumpas ang kamay niya sa hangin. “Gusto kong maging sikat na singer.”
“Ano pa?” tanong ng binata.
“Gusto kong maging masaya ang tita ko.”
“Ikaw? Ano bang magpapasaya sa iyo?” tanong ng binata. “Bukod sa kung ano ang nagpapasaya sa tita ko.”
Lumungkot ang mga mata niya. “Ang totoo, hindi ko alam. Simple lang naman kasi akong tao. Gusto ko lang makatapos ng pag-aaral. Di ko matupad ang pangarap ni Tita na maging singer ako, matulungan ko man lang siya sa pagpapatakbo ng bar. Maging maayos ang buhay namin.”
“Sabagay ganoon lang naman talaga kasimple ang pangarap natin. Maging maayos ang mga mahal natin sa buhay.”
Si Jeyrick ang nagpapasaya sa kanya ngayon. Na masaya siya sa simpleng buhay sa Kadaclan. Magaan ang loob niya kapag kasama ito dahil parang punung-puno ito ng mga pangarap. At gusto rin niyang maramdaman iyon. Gusto ulit niyang punuin ng pangarap at saya ang puso niya.
Pinagmasdan niya ang mga bituin. Maaliwalas ang gabing iyon dahil kadalasan ay maulap ang Kadaclan at di sumisilip ang mga bituin.
“Ang ganda ng bituin. Parang kumakanta sila,” usal ni Paloma.
“Paanong kumakanta?”
Tumipa siya ng gitara at pumikit. She hummed the melody. Sinabayan siya ng ihip ng hangin. Nang dumilat siya ay nilapatan niya ng lyrics.
You and me underneath the stars
Sharing dreams, having fun
Opening our hearts
Do you think the stars will listen?
Do you think our wishes will be granted?
Pumalakpak si Jeyrick. “Ang galing. Sabi ko sa iyo may talent ka sa pagco-compose ng kanta.”
“Compose na ba iyon?” nagtataka niyang tanong.
“Oo naman. Ito ang kanta ng puso mo mo naririnig mo.” May inilabas ito na thickler sa bulsa at ballpen. “Ako ang magsusulat para sa iyo.”
“Parang di naman ganoon kaganda. Nakakahiyang isulat,” sabi niya at inisang bagsak ang tipa ng gitara.
“Maniwala ka sa sarili mo. Sino pa ang maniniwala sa sarili mo kundi ikaw? Anong magandang title?”
“Star Song?” patanong na sagot ni Paloma dahil wala siyang maisip.
“Para namang pambata. Underneath the Stars,” usal ng binata.
“Mas bagay,” aniya at tumango. “Seryoso ba itong compose-compose na ito?”
“Oo naman. Wala namang masamang subukan. Walang nagpe-pressure sa iyo. Dugtungan mo kung kailan mo gusto. Gawin mo dahil iyon ang naririnig mo sa puso mo. Gawin mo dahil ito ang nagpapasaya sa iyo,” sabi ng binata.
Nakaramdam ng kalayaan si Paloma sa sinabi ni Jeyrick. Kantahin niya kung ano ang gusto niya. Walang magdidikta sa kanya kung ano ang mensahe. Basta kung ano ang laman ng puso niya at magpapasaya sa kanya. Parang bumuhos ang nota at mga salita sa isip ng dalaga. Animo’y tubig na pinipigilan ng dam pero nang makawala ay tuloy-tuloy na sa pag-agos.
“Gusto ko iyan,” sabi ng dalaga at muling tumipa ng gitara.
“Jeyrick, matulog na tayo. Antok na ako. Tama na ‘yan. Maaga pa tayo bukas,” humihikab na sabi ni RJan habang kinakamot ang tiyan. “Sunod ka na ha?”
Nadismaya si Paloma. Kung kailan naman nasa mood siya na bumuo ng kanta saka pa sisingit si Rjan. Nang tingnan niya ang relo ay alas nuwebe na ng gabi. Kailangan na nga nilang matulog dahil alas sais ng umaga sila magsisimulang maglakad pabalik ng Chupac para mahabol ang jeep pabalik ng Bontoc.
“Matulog ka na. Ako na ang magpapatay ng apoy,” anang si Jeyrick.
“Sige,” sabi ni Paloma.
“May isa pa akong hiniling sa bituin,” sabi ni Jeyrick pagtalikod niya.
“Ano iyon?” tanong ni Paloma at nilingon ito.
“Sana maging magkaibigan pa rin tayo pagbalik natin sa Baguio,” may pag-aalinlangang sabi nito.
Ngumiti siya at tumango. “Syempre naman, Jeyrick. Ikaw pa. Goodnight.” Sana maging magkaibigan tayo habambuhay.
NAKAYUKO si Paloma nang pumasok ng gate ng University of the Cordilleras. Hindi niya alam kung anong klaseng pagtanggap ang ibibigay sa kanya ng schoolmates matapos ang gulong ginawa nila ni Jimarah. Weird ang pakiramdam. Dati ay taas-noo siya kapag pumapasok ng eskwelahan. Wala siyang ibang inaalala. Ngayon pakiramdam niya ay naka-focus na ang mga mata sa kanya at pinag-uusapan siya ng mga tao. Baka nga iniisip ng mga ito na bayolente siyang tao at dapat iwasan.
Nakatungong naglakad ang dalaga. Ganito ba ang magiging pakiramdam ko tuwing papasok ng eskwelahan? Uusapan? Iiwasan? Huhusgahan? Huminga siya nang malalim. I wish I could see a welcoming face. That could make me feel better.
“Paloma!” narinig niyang tawag sa pangalan niya.
Inangat niya ang ulo at napuno ng saya ang puso niya nang makita si Jeyrick na naghihintay sa kanya sa di kalayuan. “Jey! Good morning!”
“Good morning!” nakangiti nitong bati. “Nakapagpahinga ka na?”
“Inaantok pa ako at naninibago. Nasanay kasi ako na tilaok ng manok ang gigising sa akin at hindi ang ingay ng mga sasakyan,” sabi ng dalaga. Kahit ang malambot niyang kama ay parang alien na sa kanya. “Thank you pala dahil nandito ka. Naiilang talaga ako sa tingin ng mga tao. Pakiramdam ko pinag-uusapan nila ako.”
Luminga ang lalaki sa paligid. “Wala naman nakatingin sa iyo. Baka nagagandahan lang.”
“Nambobola ka ba o praning lang ako?” tanong niya at magaang tumawa.
“Praning ka lang,” sabi ng lalaki at kinuha ang mga librong bitbit niya. “Huwag mo na lang pansinin kahit kausapin ka nila sa gulong nangyari. Lahat naman tayo nagkakamali. Sa kaso mo, kahit di mo mali pinagbayaran mo pa rin. Wala namang perpektong tao. Hindi na importante kung anong iisipin nila sa iyo. Anong tawag ninyo sa Maynila doon? Dead…”
“Deadma,” sagot ni Paloma. “Right. The art of deadma.”
Tama. Hindi nalang niya papansinin kung anuman ang sasabihin ng ibang tao. Mag-focus na lang siya kung ano ang mahalaga ngayon.
“Friend! You are here!” excited na sabi ni Lauraida nang salubungin siya pagpasok sa room. “I really thought that you were expelled from the school after the terrible thing you did with the governor’s daughter. Bakit naman kasi ninyo pinagtulungan ‘yung anak ni Gov?”