Chapter IRTB, CM 34

Di halos kinikibo ni Paloma si Jeyrick habang naglalakad sila sa Session Road para tumawid sa overpass papunta sa palengke. Maraming tanong sa isip niya pero di naman niya matanong ang binata.

"Galit ka sa akin?" tanong ni Jeyrick at iwinagway ang palad sa harap ng mukha niya. "Wag ka nang sumimangot. Yang nguso mo baka biglang sabitan ng sako bag ng mga namamalengke. Sige ka."

Pumalatak siya. "Ikaw kasi! Pinagmukha mo akong tamad sa mga tao sa inyo. Paghihiwa na nga lang maitutulong ko."

"Ayokong nahihirapan ka."

"Paano naman ako matututo sa buhay kung ayaw mong magkakalyo ang kamay ko?" tanong niya. "Hindi ako prinsesa, Jeyrick. At di naman laging may ibang tao na gagawa para sa akin. Saka birthday mo. Sa ganoong paraan man lang mapasaya ko ang birthday mo."

"Gusto mo talagang mapasaya ako ngayong birthday ko?" Tumango si Paloma. "Ngumiti ka at huwag ka nang magalit sa akin."

"Pero..."

"Sa ibang araw na lang tayo magtalo, ha? Birthday ko ngayon. Sandali lang," sabi ng binata at dinaluhan ang isang matandang lalaki na nakaupo sa gilid ng overpass at nagbebenta ng alkansiyang kawayan. Napansin niya na nangangaligkig ito sa lamig habang yakap at basa ang makapal na jacket na suot nito. "Apo, bakit po nabasa kayo?"

"Umulan kanina at wala akong pantalukbong. Wala akong pamalit na damit. Di ako pwedeng umuwi nang wala pang nabebenta," paliwanag ng matandang lalaki.

Hinubad ni Jeyrick ang suot na gray jacket nito saka inabot sa kanya. "Hawakan mo muna ito.” Binalingan nito ang matandang lalaki. “Apo, papalitan ko po ang damit ninyo para hindi kayo magkasakit.”

Ngangatog na tumango ang matandang lalaki. Hinubad ni Jeyrick ang basang damit nito at dali-dali namang isinuot ni Paloma ang jacket sa matandang lalaki. Naibsan ang pangangatog nito.

“Salamat, baloy,” sabi nito kay Jeyrick at niyakap ang binata. “Di ka ba lalamigin niyan? Wala ka nang pangginaw.”

“Kaya ko po iyan,” sabi ni Jeyrick at in-stretch pa ang mga kamay paitaas. “Doon po sa amin sa Kadaclan hamak mas malamig pa kaysa dito sa Baguio. Naiinitan pa nga po ako.”

“Bibili po ako ng alkansiya,” sabi ni Paloma at naglabas ng singkwenta pesos.

“Ikaw ang unang bumili sa akin,” anang matandang lalaki.

“Maswerte po akong buena mano,” sabi ni Paloma.

Di nagtagal ay nagpaalam na sila sa matandang lalaki. Napansin nila ang ilang Koreano na naglapitan dito at nagtatanong tungkol sa tinda nitong alkansiya.

Tinapik niya ang balikat ni Jeyrick. “That’s great. Napansin mo agad si lolo kahit na dinaan-daanan lang siya ng iba.”

“Lagi ko siyang binabati kapag nadadaan ako galing sa palengke. Nakakwentuhan ko rin minsan. Mag-isa na lang siya na nagtataguyod sa apo niya. Iniwan sa kanya ang mga anak niya at di na binalikan.”

Naggiyagis ang ngipin ng dalaga. “Ganoon siguro talaga. May mga iresponsableng magulang. Pasalamat na lang ang mga apo niya na may mabait silang lolo. Sa lahat ng may birthday, ikaw ang namimigay ng regalo.” Hinulugan niya ng sampung piso ang alkansiyang kawayan. “O! regalo ko sa iyo.”

Kinuha iyon ni Jeyrick. “Salamat. Nakuha ko na ang birthday gift na gusto ko.”

“Iyang alkansiya?” tanong niya.

“‘Yang ngiti mo. ‘Yang dimples mo kapag nakita ko buo na ang araw ko.”

Nailang tuloy si Paloma. Dinuro niya ang dimple nito sa kaliwang pisngi. “Bolero! Kunyari ka pang nagagandahan sa pero…”

“Pero ano?” tanong ng binata.

Pero may iba naman itong babaeng gusto. Kung siya ang bumubuo sa araw nito, paano naman ang ibang babae na gusto nito? Ano siya sa buhay ni Jeyrick? Siya na nga ang prinsesa nito. Why treat her like a princess? Ibig bang sabihin ay etsa-pwera na siya kapag dumating ang totoong prinsesa nito? It left a bad taste to her mouth.

“Wala. Mamalengke na lang tayo. Gusto ko ‘yung strawberry cream,” excited niyang sabi. Ayaw muna niyang tanungin si Jeyrick tungkol sa babaeng ito. Baka mamaya ay mawala na naman ang ngiti sa labi niya.

“WALA pa ring jeep,” sabi ni Jeyrick habang yakap ang sarili. Nasa terminal sila ng jeep. Namili sila sa palengke. Di lang sangkap sa strawberry cream ang dala nila ni Jeyrick. Nang malaman ng mga nasa kakilala ni Jeyrick sa palengke na birhday ng binata ay kanya-kanyang bigay ng mga gulay, prutas at maging fruit preserves sa lalaki. Doon di niya nalaman kung gaano kahirap ang trabaho ni Jeyrick sa pagbubuhat sa palengke at kung gaano ito kasipag.

Paglabas nila ay medyo masakit na ang binti niya sa paglalakad. Malamig na ang panahon dahil katatatapos lang ng ulan.

“Ayaw mo pa kasing mag-taxi,” angal ni Paloma. Tinapik niya ang braso nito nang ikiskis nito mga kamay sa braso. “Ano? Nilalamig ka na?”

Umiling ito at bahagyang lumayo sa kanya. “Hindi. Tigasin ako.”

“Tigasin pala. Kulay blue na ‘yang labi mo. Mukha ka nang frozen delight.”

“Ayos lang ako.” Hinipan nito ang palad at pinagkiskis. “Mainit na kape lang ang katapat nito kapag nakauwi na mamaya.”

Manipis lang ang long sleeve na polo ni Jeyrick at di iyon sapat para panlaban sa lamig. Saka niya naalala na dalawang jacket lang ang nakikita niya na suot ni Jeyrick kapag pumapasok. Pinagsasalitan lang nito ng suot at paglalaba. Ipinamigay pa nito ang isa.

Hinatak niya ang braso nito. “Halika!”

“Saan tayo pupunta?” tanong nito.

“Basta sumunod ka na lang.” Tumawid sila papunta sa Abanao Square, isang mall na di kalayuan sa Session Road. Alam niya na maraming damit doon. Hinila niya ang binata papasok sa isang clothing shop. "Pumili ka ng jacket mo."

"Hindi ako papayag na ilibre mo. Saka mukhang mahal dito. Okay na ako sa ukay-ukay."

"Mura lang dito. Sale pa. Saka birthday mo ngayon. Bakit naman kita bibigyan ng ukay-ukay?"

Bumuntong-hinga ang lalaki. "Ayoko talagang tatanggap ng kahit ano galing sa iyo lalo na't gagastos ka."

"Isyu talaga ang pride mo? Mas mahalaga pa iyan kahit na manigas ka sa lamig?" Dinampot niya ang gray na hoodie jacket. Nasa fifty percent off iyon. "Ate, pakikuha ako ng kasya sa kasama ko. Birthday kasi niya."

"Isukat na ninyo, Sir," nakangiting sabi ng sales staff dito. "Libre sukat naman po iyan."

"Sukat lang. Pag di mo gusto, e di hindi na lang. Hindi kita pipilitin," sabi niya at nagkibit-balikat.

"Sukat lang," sabi nito at pumasok sa fitting room. Pagpasok na pagpasok ni Jeyrick ay binalingan niya ang sales staff. "Miss, babayaran ko na 'yung jacket. Kasi pag hinintay ko pang tumango siya, tatanggihan pa niya. Mahabang argumento."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.