“SIGURADO ka ba na tutulong ka sa amin, hija?” tanong ni Lolo Pio kay Paloma. Pinsan ito ng lolo ni Jeyrick kung saan ito tumutuloy. “Sabi kasi sa amin ni Jeyrick ay prinsesa ka daw. Di ka daw dapat napapagod o nahihirapan.”
Natawa ang dalaga. Nasa kusina sila kasama ang pamilya Cupasan na kamag-anak ni Jeyrick at tumutulong sa pagbabalat ng patatas katulong si Lola Jafe Mary na lola ni Jeyrick. Si Lolo Pio ay pinsan ng tunay na lolo ni Jeyrick sa ama. Sa mga ito rin tumutuloy si Jeyrick habang nasa Baguio at tumatayong guardian ng binata. Pati ang tiyuhin ni Jeyrick na si Jensen ay naroon din at nagluluto ng pinikpikan. Ayaw nga ng mga ito na lolo at lola dahil tatanda daw ang mga ito.
“Naku! Hindi naman po ako prinsesa. Marunong naman po akong magtrabaho sa bahay.” Nilingon niya si Rjan. “’Di ba marunong naman akong magluto?”
“Ay, opo, Lolo!” sabi ni Rjan na naghihiwa ng sayote na isasahog sa pinikpikan. “Nanibat pa iyan ng isda sa ilog. At kaya pa niyang magbuhat ng isang kabang bigas mula Chupac hanggang Ogo-Og.”
Pinanlakihan niya ng mata ang lalaki. “Sira ka talaga. Baka mamaya maniwala sila sa iyo.”
“Si Jeyrick naman kasi ang overprotective sa iyo. Pero ikaw game na game sa kahit ano.” Humaba ang nguso ni Rjan. “Hindi ka tulad ‘nung kaibigan mo. Akala ko naman magbabago na pagkagaling sa Kadaclan pero bumalik na ang pagkasuplada pag-uwi ng Baguio. Akala mo hindi ako kilala. Inirapan pa ako kahapon. Ako na nga itong ngumiti sa kanya.”
“Masama lang loob no’n kasi sa inyo ako ni Jeyrick sumasama at hindi na sa kanila,” sabi niya sa kaibigan.
Nag-uusap pa rin sila ni Jimarah pero iniiwasan na nilang pag-usapan ang pagiging malapit niya kay Jeyrick at RJan. Ilang beses din siya nitong niyaya na sumama sa grupo pero tumanggi sila. Wala namang nagbago sa mga ito. Mas mahalaga ang pasyal at gimmick kaysa mag-aral. Pasimple rin na nagkokopyahan ang mga ito sa exam. Nami-miss naman niya ang mga kaibigan pero hangga’t di nagbabago ang mga ito, mas mabuting dumistansiya siya.
“Baka naman crush mo ‘yung kaibigan ni Paloma kaya ka nagmamaktol diyan,” nangingiting sabi ni Mary Jafe kay Rjan.
“Manang naman! May taste naman ako kahit paano. Hindi siya ang type ko. Gusto ko ‘yung mabait at simple lang na babae. Di ‘yung uubusin sa kung anu-anong mga luho. Mamumulubi ang asawa niya,” angal ni RJan. “Di pa mandin kami pinalaki na maluho sa buhay. Di mo nga kilala ang mga tao sa amin kung mahirap o mayaman kasi pare-pareho lang pumorma. Simple lang kaming mga tao kaya simple lang din ang gusto kong babae.”
“Naku! May hinahanap ka na sa isang babae pero ipasa mo daw muna ang semestreng ito sabi ng nanay mo,” kantiyaw ni Lolo Pio na naghihiwa ng karne. “Noong nakaraang sem daw puro ka tres.”
“Tataas na po ang grade ko. Nagpapatulong na po ako kay Jeyrick.” Tumango si Rjan sa kanya. “Di na ako nagpapagawa ng project at assignment, ha? Nagsasariling sikap na ako ngayon.”
“Oo na,” sabi ni Paloma.
“Ang sipag ng isang iyon. Gigising nang alas tres para magbuha sa palengke, papasok sa eskwelahan ng alas siyete, pagkatapos ng klase mag-aaral ng konti at magbabantay ulit sa palengke. May super powers po si Jeyrick,” sabi ni Rjan.
“Kahit nga sabihan kong magpahinga ipipilit pa rin na kailangan niyang mag-aral o kaya magbantay sa palengke,” wika naman ni Lolo Pio. “Pero ganoon siguro kapag may pangarap. Sakripisyo lang. Kaya bawal muna kayong magnobyo. Kailangang makatapos ni Jeyrick ng pag-aaral dahil siya ang inaasahan ng mga magulang niya.”
“Tama po kayo,” sang-ayon ni Paloma. “Pangarap po muna bago ang love life. Nangako po kaming magkakaibigan na magtutulungan kami na matupad ang pangarap namin. Babatukan ko sina Jeyrick at Rjan kapag nag-girlfriend.”
“Ako wala pang balak magka-girlfriend. Ewan ko lang si Jeyrick,” ngingisi-ngising sabi ni RJan.
Natigil sa paghihiwa ng brocolli si Paloma at nawala ang ngiti. “Sinong babae iyon?”
Tumaas ang kilay ng lalaki. “Di mo ba talaga alam? Ikaw pa ang hindi nakakaalam kung sino ang babaeng gusto ni Jeyrick?”
Lumikot ang mga mata ni Paloma. Sino ang babaeng gusto ni Jeyrick? Nakilala na ba niya noong nasa Kadaclan siya? Parang wala naman siyang napansin na kakaiba doon dahil parang kapatid ang turing ni Jeyrick sa mga kaibigan nito lalo na sa Ogo-og. O baka naman may schoolmate na gusto nito at di lang niya napapansin. Naku! Kuntodo bilin at banta pa sa kanya si Charlene na magtatapos ng pag-aaral ang kapatid nito. Tapos ay manliligaw ito ng kung sino.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kutsilyo. Paano kung may ibang babae itong kasama? She was Jeyrick's princess. Sila ang laging magkasama. They share their dreams and thoughts. May oras pa ba ito na tumingin sa ibang babae?
Okay. That was a bit cocky. Parang sinabi naman niya na siya lang ang pwede nitong makasama. Baka nahihiya lang itong i-approach ang babae. Pero bakit hindi sinasabi ni Jeyrick sa kanya kung sino? Di ba siya mapagkakatiwalaan?
Mag-uusap kami nang masinsinan ng lalaking iyon. Bakit siya naglilihim sa akin? At kailangan kong ipaalala sa kanya na di pa siya pwedeng manligaw. Kapag sa akin may warning tapos siya itong malaya sa ibang babae. Unfair.
"Nakupo! May itsinitsismis sa iyo si Rjan, Jeyrick," narinig niyang sabi ni Jensen mula sa sala.
Nataranta sila ni Rjan at nagkatinginan. "Nandiyan si Jeyrick?" usal niya.
Paano na ang sorpresang ihinanda nila? Makakapagtago pa ba sila samantalang kitang-kita naman pati ang niluluto sa labas? Wala na silang oras para magtago.
"Ano iyan? Ano iyan?" tanong ni Jeyrick habang papalapit ang yabag.
"Sinasabi ko lang kay Paloma 'yung tungkol sa crush mo," nakangising sabi ni Rjan at kumindat sa kanya.
Tumawa si Jeyrick. "Wala naman dito si Paloma."
"Happy Birthday, Jeyrick!" bati niya dito.
Biglang nahawi ang kurtina sa pinto ng kusina. "Paloma, anong ginagawa mo dito? At bakit hinahayaan ka nilang magtrabaho?" tanong ni Jeyrick pagbungad ng kusina.
"Tumutulong maghanda sa birthday mo," sagot naman ng dalaga. "Bakit nandito ka agad? Hindi ba sabi mo magbabantay ka pa sa tindahan?"
"Naiwan ko ang cellphone ko. Tatanungin sana kita kung gusto mong pumunta sa bahay at ipagpapaalam kita sa tita mo," sabi ni Jeyrick.
"Hindi na kailangan. Nandito na ako," anang dalaga.
"Alam ba ng tita mo kung nasaan ka?" nag-aalalang tanong ng binata. "Alam ba niyang nandito ka?"
"Oo naman." Pero ang sabi niya ay may project siyang gagawin. Nakaka-guilty man ay kailangan niyang maglihim sa tiyahin. Kung magpapaalam si Jeyrick dito, tiyak na hindi siya papayagan at baka katakot-takot na panlalait pa ang abutin ng kaibigan. Huwag na lang.
"Iwan mo na iyan. Bisita ka dito. Di ka nila dapat pinagtatrabaho," utos ni Jeyrick.
"Ako ba hindi bisita?" tanong ni Rjan.
"Hiwain mo 'yung brocolli," anang si Jeyrick at itinuro ang hinihiwa niya. Hinawakan ni Jeyrick ang malayang kamay niya at hinila palayo sa mesa.
"Oy! Di naman pwedeng di ako tumulong. Nakakahiya naman sa mga tao dito. Ano iyon? Kakain na lang ako?" tanong niya kay Jeyrick. Hindi naman siya papayag na mag-ala prinsesa habang kumikilos ang lahat.
"Kami na dito," sabi ni Lolo Pio. "Sabi ko naman sa iyo prinsesa ka ni Jeyrick."
Ngumuso ang dalaga at matalim na tiningnan si Jeyrick. Prinsesa daw siya nito pero may iba naman itong babae na gusto. At inililihim pa sa kanya kung sino. Habang siya ay di ine-entertain ang espesyal na nararamdaman niya dito dahil ayaw niyang may masabi ang pamilya nito at makahadlang sa mga pangarap nito.
"Mabuti pa bumili na lang kayo ng gagamitin sa strawberry cream. Nagmamadali ako kanina kaya nawala sa isip ko," sabi Manang Mary Jafe at inabot ang listahan ng bibilhin at pera kay Jeyrick.