Chapter IRTB, CM 36

“KUMPISKADO ang cellphone mo mula ngayon. At ayoko nang mabalitaan na nakikipag-usap ka sa kargador na iyon,” utos ng Tita Bevz ni Paloma nang dumating sila sa mansion. Di siya nito kinausap buong biyahe nila.

“Bakit po ba galit na galit kayo kay Jeyrick? Wala naman po kaming ginagawang masama.”

Hinaklit nito ang braso niya. “Alam mo ba kung gaano kalaking problema ang meron tayo ngayon? Nag-cancel ng birthday party niya si Gordon. Ayaw na daw niya sa bar natin mag-celebrate. At tataasan na din daw ng nanay niya ang upa natin sa pwesto. Kasalanan mo!”

“Paano pong kasalanan ko?” naguguluhang tanong ng dalaga.

“You broke his heart, Paloma. Ayaw mo raw sa anak niya. Ang sabi ni Mrs. Concho, hindi ka na daw niya nakikita sa mga parties at pamamasyal ng mga kaibigan ni Gordon. Tapos makikita lang kita na kasama ang kargador na iyon? Siya ang dahilan kaya di ka na sumasama kay Gordon, hindi ba?” angil ng tiyahin.

Nanginig si Paloma nang makita ang galit sa mga mata nito. At ayaw niya sa lahat na nagagalit ang tiyahin sa kanya lalo na’t alam niyang siya ang may kasalanan. Hindi niya alam na mababalingan ng nanay ni Gordon pati ang bar ng tiyahin nila. Di naman talaga siya gusto ni Gordon. Di ito brokenhearted. Masyado lang dramatic ang tiyahin niya.

“Tita, aaminin ko po na mas gusto kong kaibiganin si Jeyrick. Mabui siyang impluwensiya sa akin. Nakita naman ninyo na matataas ang quizzes at report ko ngayon. Doon ako nagfo-focus. ‘Yung grupo nila, walang ginawa kundi mamasyal, manood ng sine, mag-swimming at gumastos. Hindi ko po kayang sabayan ang lifestyle nila. Matapos po akong magka-problema dahil sa pakikipag-away ni Jimarah, gusto ko po talagang pagbutihan ang pag-aaral ko.

“Mabait po si Jeyrick na kaibigan. Siya po ang nag-encourage sa akin na mag-aral mabuti. Na hindi namin kailangang dumepende sa matataas na tao para maabot ang mga pangarap namin. Kailangan lang naming magsikap…”

Pagak na tumawa si Tita Bevz. “Naniwala ka naman sa isang iyon. Pareho pa naman kayong walang naaabot sa buhay. Hindi pa ninyo naiintindihan kung ano ang kalakaran ng mundo. This is a dog eats dog world. Kumapit ka sa malakas.”

“Kahit po di sila magandang impluwensiya sa akin? Kahit na hindi ako masaya na kasama sila?” mabigat ang loob na tanong niya.

“Then you have to suck it up. Bata ka pa. Masyado kang nagpapadala sa nararamdaman mo. Sa mundo ng mga matatanda, iba na ang usapan. Kahit ayaw mong kasama ang mga tao, mas mahalaga kung ano ang mapapakinabangan mo sa kanila. Nakita mo ang epekto ng ginawa mo kay Gordon? Nawalan tayo ng malakas na kliyente at tataasan pa ang upa natin. Paano kung mag-alisan na rin ang ibang kliyente natin dahil mas pinili mo ang nararamdaman mo? Survival is more important than your feelings, Paloma. Sinaktan mo ang anak ni Mrs. Concho. Bakit pa niya tayo gagawan ng pabor kung wala na tayong leverage? Sige nga.”

“Ganoon po ba talaga natin kakailangan si Mrs. Concho at ang pamilya niya? Maayos naman po ang takbo ng bar. May regular customers po kayo.”

Umiling ito at tumingala. Animo’y pinipigilang lumuha. “Nagkakaproblema ang Tito Mendel mo sa Amerika,” tukoy nito sa business partner nito. “Itong bahay kukunin na niya. Ibebenta na daw kasi. At kung tataasan ni Mrs. Concho ang upa sa atin, mahihirapan na tayong bumawi. Tapos mababawasan pa tayo ng regular clients dahil sa iuurong niya ang suporta sa atin.”

Yumuko siya. “Sorry po.”

“Sa palagay mo ba makakatulong sa atin ang kaibigan mong kargador ngayong tayo na ang naiipit? May tao bang maimpluwensiya na makakatulong para mas lumakas ang bar natin? Kailangan ko ng tulong mo ngayon,” anang tiyahin niya na may himig ng desperasyon.

Parang may malaking bato na nakapatong sa balikat ni Paloma. Isang malaking responsibilidad para sa isang batang gaya niya. Pero alam niyang parte iyon ng buhay. They needed to survive. Dahil sa kinabukasan naman nilang magpinsan iyon. At wala nang ibang katulong ang tiyahin sa pagtataguyod sa kanila.

Yumuko siya at tahimik na umiyak. She felt guilty for messing things up. Na masyado niyang inisip ang sarili at ang damdamin niya kaysa sa pamilya. Mali ba siya? Bakit ngayon pa kung kailan birthday ni Jeyrick? Hindi man lang ba siya pwedeng bigyan ng isa pang araw para maging masaya kasama ito?

Sa huli ay mas namayani ang pagmamahal niya sa tiyahin. Pamilya pa rin niya ito at malaki ang utang na loob niya dito. Tama naman ito. Kahit na gaano pa kabuti si Jeyrick at kahit anong inspirasyon pa ang ibigay nito sa kanya, di niya maibibigay ang kailangan ng tiyahin niya. Kailangang manatili ang koneksyon nila sa mga taong pinagmumulan ng kabuhayan nila.

Basa ang mata niyang inangat ang tingin sa tiyahin. “Sorry po, Tita. Hindi ko alam na nagkakaproblema kayo kay Tito Mendel at mawawalan na tayo ng bahay. Hindi ko naman po ine-expect na di na itutuloy ni Gordon ang birthday niya sa bar ninyo.” Kinagat niya ang labi. “Hindi ko po gusto na maapektuhan ang negosyo ninyo dahil lang gusto ko ng ibang kaibigan.”

“Ito ang tandaan mo, Paloma. Di ko sinasabing santo ang mga taong may pera. Kahit minsan sukang-suka na ako sa ugali ng iba sa kanila, kailangan ko silang tiisin at pakisamahan. I have to be on their good side. They have the power. They can make or break us. Tingnan mo na lang ngayon ang ginawa ni Mrs. Concho at ng anak niya. Kailangan natin sila. Kaya kailangan mong makipag-ayos kay Gordon habang may oras ka pa. Bumawi ka.:

Nanginig ang labi niya. “Paano po kung hindi ko na mabago ang isip ni Gordon? Paaalisin na po ba ninyo ako dito?”

Himikbi ang dalaga nang makita ang blangkong mukha ng tiyahin. She felt the familiar pain in her chest. The pain of being rejected, of being left out. Mawawalan na naman ba siya ng pamilya? Sino pa ang tatanggap sa kanya ngayon? Ayaw na niyang mawalan ng pamilya. Ayaw na niyang mag-isa.

Ngumiti si Tita Bevz at magaang tinapik ang pisngi niya. “Of course not. Normal lang na nagkakamali ang mga tao at alam ko naman na babawi ka sa akin, di ba? Simple lang naman ang gusto kong gawin mo.”

“Ano po iyon?”

"WHAT a way to make ammends. Alam mo ang weakness namin. Ikaw ba talaga ang nag-bake nito?" tanong ni Gordon at sumubo ng red velvet cupcake na dala ni Paloma para dito at sa ibang kaibigan niya sa grupo. Lunch break nila at nasa cafeteria ng campus nang dalhin niya sa mga ito ang peace offeringn iya.

"Oo. Nabanggit ng mama mo na paborito mo iyan," sabi ni Paloma at tipid na ngumiti. "Pasensiya na sa mga nasabi ko noon."

“Na wala kaming kwentang kaibigan?” tanong ni Carlo na may dala-dalawa pang cupcake na hawak.

"Ah! Madali naman kaming magpatawad. Alam naman namin na babalik ka rin sa amin," puno ng kompiyansang sabi ni Gordon at kumuha ulit ng panibagong cupcake.

Mabigat sa kalooban ni Paloma nang malaman ang krisis na pinagdadaanan ng pamilya niya at siya pa ang dahilan para lumala iyon. Dalawang bagay lang ang hiningi ng tiyahin sa kanya - ang layuan si Jeyrick at maging mabait kay Gordon. Hindi naman hinihingi ng tiyahin na maging romantically involved siya sa lalaki. Ang gusto lang nito ay mawala ang tampo ni Gordon sa kanya at ibalik nito ang birthday sa bar nila.

"So, you are through slumming with your kargador friend. Mahirap naman kasi na magpanggap na pwede kang mamuhay nang simple. Come on. Sino naman ang tangang ipagpapalit ang lifestyle na mayroon tayo para lang sa homemade lunch at pagkain sa Good Times. Hindi ka bagay doon," sabi ni Lauraida na dinudutdot pa ang icing ng cupcake.

Labag sa loob niya na hindi na pansinin pa si Jeyrick. Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito nang magkasalubong sila sa klase kanina. Iniwas niya ang tingin. At naunawaan nito marahil na kailangan na nilang iwasan ang isa't isa.

Hindi na siya nakasama sa birthday celebration nito. At parang pinipira-piraso ang puso niya na kailangan niyang putulin ang pagkakaibigan nila sa mismong birthday nito. Ni hindi niya masabi nang maayos dito kung ano ang nangyari. Bukod sa kompiskado niyang cellphone, pati ang Facebook niya ay hawak din ng tiyahin ang password. Imo-monitor nito ang lahat ng dumadaang mensahe sa kanya. Wala silang kakampi sa pagkakataong ito. Lahat ng mga mata ay nakamasid sa kanila. At di siya gagawa ng kahit ano na ikapapahamak ng pamilya niya.

"Malapit na pala ang birthday mo, ‘no?" tanong ni Paloma kay Gordon. "Masarap yung cheesy taco ng chef namin sa bar. And you should taste his cuatro chicken."

"That sounds promising. New menu?"

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.