"Dapat mas galingan mo sa kanya,” bilin ng tiyahin niya.
“Paloma Escalante,” tawag sa kanya ng PA at inabot ang gitara ni Jeyrick. “Ipinabibigay nung isang contestant.”
“Aanhin mo iyan?” tanong ng tiyahin. “Hindi mo kailangan iyan.”
“Kung magtatanong po ng iba pang talent ang judges, magandang maipakita ko sa kanila kung ano po ang kaya kong gawin. Kung saan po ako komportable.”
“Siya na po ang susunod na sasalang,” sabi ng production assistant.
Mahigpit ang hawak ni Paloma sa gitara nang maglakad sa entablado. Bahagya siyang nanlamig nang makita ang maraming tao at ang sikat na judges. Crush pa mandin niya ang rock star na naging record label producer na si TJ Javellana.
Focus, Paloma.
"Hi! I'm Paloma Escalante, seventeen years old,” pagpapakilala niya.
"What will you sing for us?" tanong ni TJ.
"An original piece. Hindi ko po magagamit ang original na audition piece ko dahil…” Tinapik niya ang lalamunan.
“Ikaw ang nag-compose?” tanong ng isa pang judge na si Randall.
Tumango siya. “Para po ito sa kaibigan ko. Hindi ko ito nakanta noong birthday niya." Pumikit si Paloma at in-strum ang gitara.
You and me underneath the stars
Sharing dreams, having fun
Her voice was throaty. Bahagya siyang nag-panic dahil baka sumabit ang nota niya pero sinabi ni Jeyrick na mahalaga na may puso ang kanta. Na kumanta siya mula sa puso niya. The rest will follow.
Si Jeyrick. Kumakanta siya para kay Jeyrick. Nabuo at natapos niya ang kantang iyon at nakakanta niya sa harap ng maraming tao dahil dito.
Nang dumilat siya ay nakita niya na nagwe-wave ang mga tao at sinasabayan ang pagkanta niya. They were enjoying it. Kahit ang mga hurado ay puno ng interes habang pinapanood siya.
Mapasok man siya sa contest na iyon o hindi, alam niya na hindi iyon ang katapusan ng mga pangarap niya.
“Don’t leave me, be my star,” pagtatapos ni Paloma sa kanta at nagpalakpakan ang lahat. Tumayo rin ang mga judges. It was her song. They appreciated it. Hindi niya kailangang bumirit katulad ni Mariah Carey. Unang beses na nangyari ito sa buhay niya. Di pa man, parang nanalo sya ng isang milyon.
"You are one step forward to being a star,” deklara ni TJ Javellana.
Naluluha na nagpasalamat at yumukod si Paloma. Paglabas ng stage para sa mga contestant na napasok ay nakaabang na si Jeyrick sa kanya. Niyakap agad niya ito. "Pasok ako! Jeyrick, pasok ako. Pasok tayong dalawa.”
“Tsamba lang iyong akin. Ikaw talaga ang star. Kinanta mo ba talaga ang kanta na iyon para sa akin?”
Tumango siya. “Kakantahin ko sana noon birthday mo. Di nga lang natuloy.”
“Thank you. Wala pang nag-compose ng kanta para sa akin.”
“Pareho tayong pasok sa next round. Ibig sabihin mas madalas tayong magkikita. Naisip mo ba na magkakasama tayo sa Maynila kapag nakapasa pa tayo sa susunod pang round? Mas malayo ang mararating natin.”
Napakamot sa ulo si Jeyrick. “Hindi ko maipapangako.”
Ginagap niya ang kamay nito. “Subukan mo. Magkakasama na tayo sa Manila. Matutulungan mo na ang pamilya mo. Malay mo pumayag na si Tita Bevz na magkita tayong dalawa lalo na kapag sikat ka na. Ayaw mo ba no’n?”
“Susubukan ko.”
Tinawag na si Paloma ng tiyahin. “Paloma, let’s go!”
"See you sa next round ng competition?" tanong ni Paloma kay Jeyrick at inabot dito ang gitara.
Nakangiting tumango si Jeyrick. "Yes. See you."
Kumapit siya sa braso ng tiyahin. “Tita, practice po tayo.” She was more inspired than ever.
MABILIS ang pagtapik ni Paloma sa paa niya habang nasa waiting room. Natetensiyon siya habang nasa waiting area at hinihintay na ipatawag ng mga judges sa singing competition na Ikaw ang Star. Mula sa pumasa sa first round of audition ay haharap sila sa celebrity judges. Mula sa isang daang pumasa ay pipili ng dose na ipapadala sa Maynila para makalaban ang iba pang kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Malapit na niyang matupad ang mga pangarap niya. Pero naroon pa rin ang takot sa puso niya na baka hindi siya mapasok sa kompetisyon. Maraming magagaling. At nag-aalala siya na baka gaya ng ibang nasalihan niyang contest ay hindi siya nakakabilang sa pinakamagagaling.
Mariin siyang pumikit habang naririnig sa isipan niya ang boses ng Tiya Bevz niya. Kapag hindi ka pa nakapasok dito, ano nalang ang mangyayari sa atin? Mawawala na tayo ng bahay. Mawawala pa ang bar. Paano na kayo mag-aaral ni Bernardo sa magagandang eskwelahan ninyo ngayon? Mawawala ang lahat ng magagandang bagay na mayroon kayo ngayon. Magiging mahirap na tayo.
Malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya. Na parang siya na lang ang pwedeng sumagip sa pamilya niya. Ang tiyahin na lang at ang pinsang si Bernardo ang pamilya niya. Iniwan siya sa mga ito ng nanay niya noong sampung taong gulang na siya at di na siya binalikan. Di rin niya kilala kung sino ang kanyang ama.
Habang hiwalay naman ang tiyahin niya sa asawa nitong direktor. Binuhay sila ng tiyahin sa pagiging singer nito sa mga hotel at bar. Nagtayo din ito ng sariling bar subalit nang nakaraang taon lang ay nalugi iyon dahil nagkaproblema sa IRS ang business partner nitong nasa Amerika.
Hirap na itong humanap ng mapapasukan dahil marami nang mas maganda at mas batang performer dito. Ang tanging pag-asa na lang ng tiyahin ay maging sikat siyang mang-aawit at magkaroon ng exposure sa telebisyon. Mas maraming oportunidad ang magbubukas sa kanya lalo na kapag nakarating siya sa Maynila
Pakiramdam niya kapag di siya nakapasok sa susunod na round ay tuluyan nang masisira ang pamilya niya at pangarap.
Napapitlag siya nang may humawak sa balikat niya. “O! Tensiyonado ka na naman.”
“Jeyrick!” aniya at awtomatikong ngumiti.
“Bumili lang ako ng pagkain natin tapos anu-ano na naman ang iniisip mo,” nakakunot ang noo na sabi ng lalaki.
“Kinakabahan kasi ako. Paano kung hindi ako makapasa?” Paano kung magkalayo na tayong dalawa? Paano kung hindi na tayo magkita?
Inabutan siya ng binata ng carrot cake. “O! Kumain ka muna. Paborito mo iyan.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Carrot cake? Alam mo na bawal sa lalamunan ko ang...”
“Kailangan mo ng reward. Magaling ka sa audition kanina. Di ba maganda naman ang comment ng judges?” tanong nito sa kanya.
“Oo. Pero may mga sabit din naman ako. Nakaalalay ka lang sa akin kaya maganda ang performance natin.”