Chapter IRTB, CM 40

Kinuha nito ang carrot cake sa kanya at inilapit sa bibig niya. “Kagat.”

Bumukha ang bibig niya dahil gusto pa niyang ipaliwanag dito ang alalahanin niya pero sa huli ay kumagat siya ng carrot cake gaya ng utos nito. Saka niya na-realize na gutom pala siya. Kinuha niya ang carrot cake mula sa binata at siya na mismo ang sumubo. Di na siya kumibo habang kumakain at inabutan siya nito ng tubig. Habang siya ay kinakabahan ay prenteng-prente lang si Jeyrick na parang di ito kasali sa kompetisyon.

“Hindi ka ba kinakabahan sa resulta?” tanong niya dito.

Umiling ito. “Hindi. Kumanta na ako. Bahala na ang mga judges sa akin. Nagawa ko na ang parte ko at dapat ganoon din ang gawin mo.”

“Paano nga kung hindi ako napasok?” Malakas ang pakiramdam niya na mapapasok si Jeyrick. Gusto ito ng mga hurado. Kahit ang mga staff at iba pang kalahok na kasama nila sa waiting room ay puro papuri dito.

“Makakapasok ka. Magtiwala ka lang sa Diyos. Kapag para sa iyo, para sa iyo. At kapag hindi, may dadating pang mas maganda...”

Umiling si Paloma. “Wala nang ibang pagkakataon, Jeyrick. Ito na ang huling pagkakataon para sa akin.” Mawawala na sa kanya ang pamilya niya, ang pangarap niya pati ang binata kapag di siya nakapasok. Di niya alam kung saan siya pupulutin.

Naging seryoso ang binata at tinitigan siya sa mga mata. “Paloma, may ipinangako na ba ako sa iyo noon na hindi ko tinupad?”

“W-Wala.”

“Hindi ba sinabi ko sa iyo na walang imposible basta kasama mo ako. Dahil gagawin ko ang lahat para sa iyo.”

“Pero paano nga iyon?” giit niya.

“Basta. Kahit anong mangyari, matutupad ang mga pangarap mo. Oo nga pala. May ikukwento ako sa iyo tungkol sa kay Rjan. Nabasted kasi siya.”

Sa huli ay nagawa siyang patawanin ng binata at alisin ang alalahanin niya. Si Jeyrick ang nagdadala ng saya sa buhay niya. Habang napaka-seryoso ng buhay niya, nagagawa nitong parang simple lang ang lahat. Lumaki siya na iniisip na mahalaga ang pera at katanyagan dahil di ka maaapi. Kay Jeyrick ay natutunann niya na maari kang masaya kahit na simple lang ang buhay. Kung pwede lang sanang kalimutan na lang ang lahat ng problema niya.

Maya maya pa ay isa-isa nang nagkaubusan ang mga kalahok. May lumalabas ng luhaan sa mini theater ng hotel at mayroon din namang masaya. “Smile. Be confident. Gusto nila ng star at hindi isang di pa man kumakanta mukha nang talunan,” bilin ng Tiya Bevz niya habang nire-retouch ang make up niya at nakaismid na nilingon si Jeyrick na tahimik lang na nakaupo sa isang tabi habang nakayuko. “Basta tiyakin mo na hindi ka lalabas ng kuwarto na iyan nang wala kang star. Maliwanag?”

Tumango si Paloma. Kaya niya ito. Naniniwala siya na makakapasa siya dahil iyon ang sinabi ni Jeyrick sa kanya. Magkasama sila sa labang ito. Di siya nito iiwan.

Magkahawak-kamay silang umakyat ng binata entablado. Sila na pala ang huling haharap sa mga hurado. Tatlo sa kilalang singer sa bansa ang hurado sa You’re A Star.

“Pareho kayong magaling,” sabi ni Leliosa, ang dating Broadway singer. “Paloma, I like the fact that you sang an original song during the first audition. You have a wonderful voice. Hindi nga lang kasing ganda ng sumunod na kinanta mo. I mean, the Celine Dion song is not for you. Pero gusto kitang I-consider dahil kaya mong mag-compose ng kanta. Mas mahahasa ka pa kung idadala ka sa next round.”

“You are like a siren when you sing, Paloma” anang rock icon na si Randall. “While Jeyrick has that cool, soothing voice that could take you to places. Pwede na nga siyang maging recording artist ngayon.”

“Pero kahit na pareho kayong magaling, isa lang ang pipiliin namin sa inyo. Isa lang ang maaring pumasa sa susunod na round at maidadala namin sa Manila,” sabi ng record label producer na si TJ Javellana.

Umiling si Paloma at nilingon si Jeyrick. “Di pwede...”

“Ayos lang kahit di ako mapasok,” nakangiting sabi ni Jeyrick at pinisil ang kamay niya. “Ikaw na iyan. Kahit na hindi ako mapili, basta mapasok ka lang.”

Nagpatuloy si TJ Javellana. “You are moving on to the next round of You Are A Star... Jeyrick!”

HINDI ako nakapasok.

Parang binagsakan ng langit si Paloma. Di pa man niya nakikita kung gaano kadismayado ang tiyahin niya sa kanya ay naiiyak na siya. Ang bar, ang lilipatang bahay, parang naglaho na lahat. Parang naglaho ang pangarap niya.

Napahagulgol siya nang yakapin ni Jeyrick. “I’m sorry.”

“Hindi. Hindi mo kasalanan,” aniya at humikbi. “My performance was a wreck.” Sa takot sa tiyahin na mapagalitan na naman, hindi niya ipinaglaban kung ano ang kanta na mas babagay sa boses niya.

Biglang nawala ang pagkakayakap sa kanya ni Jeyrick nang nasa likod na sila ng stage. "You! Kahit kailan talaga malas ang dala mo sa pamangkin ko. Dahil sa iyo di siya nakapasok sa next round. Di siya makakasama sa Manila. Sinira mo ang pangarap ng pamangkin ko."

"Tita, nakakahiya na po,” aniya at hinila ang tiyahin palayo.

"Ako pa ang nakakahiya ngayon. Anong klaseng judges meron kayo?” angil nito at hinarapa ang production assistant na pumagitna sa kanila at kay Jeyrick.

"Madam, kalma lang po sila. Gusto ba ninyo na lumabas sa national TV na hysterical? Malay mo naman may di natuloy. Pamangkin n'yo po ang nasa waiting list,” paliwanag ng staff.

Biglang hinamig ng tiyahin ang sarili lalo na nang makitang may paparating na cameraman. “Halika. Umalis na tayo dito,” sabi ng tiyahin. “Baka kung ano pa ang magawa ko sa kargador na iyan.”

Na-guilty si Paloma lalo na nang makita kung gaano kalungkot si Jeyrick. Pangarap nilang dalawa ang makapasok sa susunod na round at makarating sa Maynila. Pinagbutihan lang ni Jeyrick ang performance nito.

Matapos ang katakot-takot na sermon at litanya ni Tita Bevz ay nagkulong na ito sa kuwarto nito. “Medyo matindi ang award-award sa iyo ni Mama,” puna ng pinsang si Bernardo na nakasuot pa ng uniform.

“Galit na galit siya dahil si Jeyrick ang napasok kaysa sa akin. Hindi niya naisip na pinapilit niya ako na kumanta ng Celine Dion kahit di bagay sa akin. Hindi naman talaga iyon ang forte ko.”

“Aba! Bongga pala ang guwapong kargador mo, Ate. Paano iyan di mo na siya mababakuran sa Manila? Maraming babae ang aali-aligid sa kanya. Kung ako kay Mama, sana di niya inaway si Jeyrick. Aba! Paano kung si Kuya Jeyrick pala ang susi ng tagumpay? E di kasama ka rin sa pag-angat.”

“Huwag ka ngang umasta na parang user ako. Hindi ko pa nga nako-congratulate si Jeyrick. Puro sorry lang ang sinabi niya. Baka akala galit din ako sa kanya dahil siya ang napasok. Ang totoo galit ako sa sarili ko dahil palpak ako,” paliwanag niya dito.

“Tawagan mo.” Inabutan siya nito ng cellphone. “Hiram ko kay Diday. Hiniram niya ang cellphone ko dahil may Facebook daw. Sige na.”

Niyakap niya ang pinsan. “Thank you talaga.” Dali-dali siyang nagpunta sa kuwarto niya at tumawag sa numero ni Jeyrick na kabisado niya. “Hey! Congratulations!”

“Paloma?” usal ni Jeyrick. “Galit ka ba sa akin? Patawarin mo ako. Di ko gusto na mapunta sa akin ang slot na para sa iyo."

Pilit siyang ngumiti. "Para sa iyo talaga ang slot na iyon. Magaling ka, Jeyrick. Bagay sa iyo ‘yung country song na napili mo. Samantalang ako, maraming sumabit na nota. Kaya huwag mong sisihin ang nangyari kasi di ako mag-I-improve kung di ko tatanggapin ang pagkakamali ko.”

"Kung may magagawa lang talaga ako para ikaw na lang ang mapasok. Pangarap mo iyon."

"Hindi siguro iyan ang competition para sa akin. Bata pa ako. Di lang itong competition ang para sa akin. Masaya ako kasi pupunta ka sa Maynila. Ituloy mo ang pangarap ko. Malay mo mas mauna mong marating ang bituin mo. Ito na ang pagkakataon mo kaya huwag kang ma-guilty para sa akin.”

"Hihintayin kita,” sabi ni Jeyrick.

“Pagbubutihan ko hanggang magpang-abot tayong dalawa. Gagalingan ko pa,” determinadong sabi niya sa binata. “Basta huwag kang titingin sa ibang babae diyan. Lagot ka sa akin.”

Nang humalakhak si Jeyrick ay alam niyang maayos na ang lahat sa kanila. Pansamantala lang ang paglalayo nila. Magkikita pa silang muli.

"PALOMA, gumising ka diyan,” utos ng Tita Bevz niya at niyugyog ang balikat niya.

"Tita, masakit pa po ang katawan ko,” ungol ng dalaga. Dahil kulang sa mga tauhan ang tiyahin at nagtitipid sa manpower, tumutulong si Paloma kapag weekends kaysa kumuha ng part-time waiters.

"Gising! Mag-eempake na tayo papunta ng Maynila."

Dumilat siya pero ikinatang ang braso sa noo. "Ano pong gagawin natin doon?" Dumating ba ang chatmate nitong German na mayaman? Ayon sa tiyahin niya ay may mga kausap itong foreigner na willing mag-invest sa bar nila. Nadama niya ang kadesperadahan ng tiyahin mula nang di siya mapasok sa next round ng You’re A Star isang buwan na ang nakakaraan. Habang patuloy ang dalaga sa summer classes niya. Madalang na rin silang magkita ni Jeyrick dahil magkaiba ang schedule ng klase nila. Naka-focus ang binata sa mga major subject nito sa Engineering.

"Pasok ka na sa You're A Star!" tili nito.

Bumalikwas ng bangon ang dalaga. "Paano po nangyari iyon?"

"Nag-backout ang isang contestant. But it doesn't matter. Mahalaga pasok ka na sa next round. Kaya bangon na diyan. Mamayang gabi ang luwas natin." At pakanta-kanta pa itong lumabas ng silid.

Magkakasama na sla ni Jeyrick. Nakatupad na siya sa usapan nila. Sabay silang aabot sa mga pangarap nila.

Kinapa ni Paloma ang cellphone na ibinalik na sa wakas. Tinawagan niya si Jeyrick pero naka-off ang phone nito. Kaya naman tinawagan niya si Lolo Pio. "Lola, naka-empake na po ba si Jeyrick."

"Aba! Kanina pang umaga umalis."

"Pa-Maynila po?" tanong niya. “Sino po ang kasama niyang lumuwas?” Ang alam niya ay si Lolo Pio ang makakasama ni Jeyrick paluwas ng Maynila.

"Pa-Kadaclan. Kailangan daw siya ng pamilya niya."

"Pero paano po 'yung singing competition? Akala ko po sasamahan n'yo siya."

"May emergency daw sa kanila. Di ko gaanong nakausap pero mas mahalaga daw ang mahal niya sa buhay kaysa sa kompetisyon na iyon. Wag kang mag-alala. Pag nagka-signal sabihin ko na tawagan ka."

Tulala si Paloma nang lumabas ng kuwarto. Naabutan niya sa kusina na ipinaghahain siya ng tiyahin. “O! Parang zombie ka diyan?”

"Umalis na po si Jeyrick. Hindi na daw po siya tutuloy sa competition. Siya ang dahilan kung bakit napunta ang slot sa akin.”

"E di mabuti. Wala naman talagang ambison ang batang iyon. The slot is really yours. Ito na ang pangarap natin. Matutupad na. Gusto ko nang doon ka mag-focus. Di natin pakakawalan ang pagkakataon na ito."

Matutupad na ang pangarap niya. Matutupad na ang gusto ng tiyahin niya. Pero bakit di siya masaya? Parang nagdilim ang bituin niya. Patungo na siya sa pangarap pero wala ang gabay niya. She felt lost. Kaya ba niyang tumagal sa paglalakbay na iyon nang wala si Jeyrick sa tabi niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.