Chapter IOL 30

Kumalampag ang kubyertos nang biglang bitiwan ni Mildred. Napapitlag si Toni nang tumayo ito, bakas ang galit sa mukha nito. “What? Ano ito? Palabas niya para magpaawa.”

Nakuyom niya ang palad. Ganoon na ba kasama ang tingin nito sa kanya na pati iyon ay gagawan niya ng istorya? Maaring maldita siya pero di naman siya sinungaling.

Matapang niyang sinalubong ang tingin ni Mildred. “Hindi ko po gagawing biro ang isang malalang sakit, Tita. I have an acoustic neuroma. Nakakaapekto po ang tumor ko sa utak sa pandinig ko. Kailangan ko po ng panahon para magpahinga at ihanda ang sarili ko sa operasyon ko. Rushmore is helping me out.”

“Sa ngayon po nagte-take up siya ng sign language class sa Shining Hope Foundation. Naka-enroll po ako sa klase na iyon para may makasama siya,” paliwanah ni Rushmore na hindi natinag sa pagsuporta sa kanya.

Uminom ng tubig si Mildred at napailing. “Kaya naman pala hindi pumapasok si Lorna sa foundation. She’s distressed. Kawawa naman ang batang iyon.”

Naging matigas ang anyo ni Rushmore. “Ma, si Toni po ang may sakit. Tantrums pa rin ni Lorna ang iniisip ninyo.”

Nabakas ang lungkot at simpatya para kay Lorna sa mukha ni Mildred. “Siya ang babaeng bagay para sa iyo. Alam mo ‘yan!”

Subalit hindi binitiwan ni Rushmore ang kamay niya. “I love her. Hindi ko po siya iiwan ngayon. Si Toni po ang pinili ko.”

“Ano bang pumasok sa utak mo? Sa dinami-dami ng babae na pipiliin mo, iyon pang puro problema ang dala sa buhay mo. Anong mapapala mo sa babaeng iyan kundi puro gulo at pahirap? Mabigat na pasanin lang siya sa iyo.”

Napangiwi siya dahil parang may lumatigo sa puso niya. She made her point. Pabigat lang siya at walang siyang magagagawang maganda para kay Rushmore. Hindi na niya matagalan pa ang panlalait ni Mildred sa pagkatao niya at tumayo.

“Excuse me po. Pupunta na po ako sa kuwarto ko.” At mag-eempake. Hindi siya makakatagal pa sa bahay na iyon kasama ang nanay ni Rushmore. She was not welcome there anymore.

Tumuloy siya sa kuwarto niya at inilabas ang mga damit niya sa cabinet. Kanina lang ay masayang-masaya pa sila ni Rushmore sa sign language class nila. Ngayon ay napawi na ang lahat ng kasiyahan na nararamdaman niya.

She was used to being liked. Kahit na ayaw sa kanya ng ibang tao, napipilitan din ang mga ito na tanggapin siya. After all, she was immensely popular. Kapag dumikit ang mga ito sa kanya ay mababahiran ang mga ito ng kasikatan. Pero hindi ang nanay ni Rushmore. Ayaw nito sa kanya. Masakit na ma-reject ng ina ng lalaking mahal niya. Masakit din ma-reject dahil sa kapansanan niya at masabihan siyang pabigat. Kahit kailan ay di niya gustong maging pabigat kahit na kanino. Bata pa lang siya ay natuto na siyang magtrabaho. Binuhay niya ang pamilya niya. Narating niya ang kinalalagyan niya dahil sa pagsisikap at pagtatrabaho. Para walang magsabi na pabigat siya. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. She was not a star anymore. Nakalugmok siya sa isang matinding karamdaman na pilit niyang nilalabanan.

“Bakit nag-eempake ka?”

“Aalis na lang ako. Magtse-check in na lang siguro ako sa hotel or hahanap ng town house na malapit sa school. Huwag kang mag-alala. Mag-aaral pa rin ako. Hindi ko pababayaan iyon dahil lang dito. I will even enroll on that lip reading class.”

“No. Hindi ka aalis dito.”

“Magkikita pa naman tayo sa klase, di ba?” Pero hindi na siya magtataka kung kahit doon ay hindi na ito papapasukin ng mama nito.

“Oras na umalis ka sa tabi ko, fair game ka na sa mga reporters. Oras na di ka na dito sa farm tumuloy, hindi ka natatantanan ng mga iyan. Hindi ko na makokontrol ang kilos ng ibang tao. Paano pa kita maaalagaan at mapoproteksiyunan? Mas maalagaan ka pa rin dito. Makakatulong din sa kalusugan mo ang sariwang hangin dito para ihanda ka sa surgery mo. Hindi mo kailangan ng matinding distraction at alalahanin ngayon.”

Pilit siyang ngumiti. “Kaya ko ang sarili ko. Ayokong magkasira kayo ng Mama mo dahil sa akin.”

“Kapag umalis ka, sasama ako sa iyo.”

Maang siyang napatingin dito. “Hindi mo pwedeng gawin iyon. Mas lalala lang ang gulo ninyo ng Mama mo. Kailangan ka pa rin dito sa farm. Maraming umaasa sa iyo.” Hindi nito pwedeng talikuran ang buhay nito para sa kanya. That was crazy.

Hinawakan nito ang balikat niya. “Then stay. Alam ko na hindi ito madali. Nasasaktan ka sa mga sinasabi ni Mama. Magkunwari ka na lang na walang naririnig kapag may sinasabi siyang hindi maganda.”

Magbingi-bingihan. Di bale sana kung lahat ng pagkakataon ay di siya makakarinig. “Mama mo iyon. Hindi pwedeng basta-basta ko balewalain. Kapakanan mo lang ang iniisip niya.”

“Matanda na ako. Alam ko ang ginagawa ko. Iyon mismo ang sinabi ko sa kanya. Hindi niya pwedeng idikta sa akin kung sino ang dapat kong mahalin o kung paano ko alagaan ang babaeng mahal ko kahit na nanay ko pa siya.”

Niyakap niya ito at di mapigilang mapaluha. “Rushmore!”

Parang sasabog ang puso niya sa labis na saya. Ipinagtanggol siya nito at pinangatawanan. Siya ang pinili nito. Maiintindihan naman niya kung tatalikuran siya nito pero malaking bagay sa kanya na hindi siya nito pababayaan.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Alam ko na hindi ito madali. Sabi ko naman sa iyo mahirap ang pagdadaanan natin. Handa naman tayong lumaban, hindi ba?”

“Kahit pa sa mama mo?” tanong niya at tiningala ito.

“Kahit pa sa Mama ko.”

Ihinilig niya ang ulo sa balikat nito. “Gagawin ko ang lahat para pakisamahan siya. Para hindi ka na masyadong magkaproblema sa amin.”

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Huwag ka nang umiyak. Matatanggap din niya tayo sa tamang panahon.”

"AALIS na po kami, Tita Mildred,” magalang na paalam ni Toni nang matapos silang mag-agahan. Karaniwan ay excited sila ni Rushmore kapag nag-aagahan at nagre-review ng mga advance lessons nila sa sign language. Pero nang umagang iyon ay tahimik lang sila at halos di siya makakibo dahil sa presensiya ni Mildred. She was brooding. Umaakto ito na parang wala siya doon at sadyang di siya isinasama sa usapan. Hindi ito masaya na siya ang pinili ni Rushmore.

"Goodbye, Ma,” sabi ni Rushmore at humalik sa pisngi nito.

"Ikaw ang a-attend sa meeting kay Mayor. Masama ang pakiramdam ko,” sabi ni Mildred.

Nagkatinginan sila ni Rushmore. "Pero may klase po ako, Ma."

"Magpaturo ka na lang mamaya pagbalik ni Toni. Hindi ko alam kung bakit nagtitiyaga kayo na sa city pa um-attend ng klase. Pwede nang dito mag-aral sa bahay,” wika ni Mildred at uminom ng mangoosteen tea. “Nagsasayang lang kayo ng oras.”

"Iba pa rin po ang nasa eskwelahan. Nahahasa namin ni Toni ang natututunan namin,” katwiran ni Rushmore.

“Rushmore, unahin mo na lang ang meeting mo,” sabi niya at humawak sa braso nito. “Nakapag-advance lesson naman tayo.”

"Pasensiya ka na kay Mama,” sabi nito nang ihahatid na siya nito sa eskwelahan.

"Its okay. Naiintindihan ko.”

Pinara sila ng isang trabahador na si Aling Daleng. "Ma'am, para po sa inyo.” Inabutan siya nito ng basket ng prutas sa bintana ng kotse. “Napansin po kasi namin na namumutla kayo."

"Naku! Salamat po, Aling Daleng,” sabi niya at kinuha ang basket mula dito.

"Magpagaling po kayo. Gusto namin marinig ang kanta ninyo. Sumisigla kami sa trabaho. Maswerte po kami na nakakantahan ninyo ng live nang libre. Ang alam ko po mahal po ang bayad sa inyo sa Maynila,” pabirong sabi ni Aling Daleng.

"See? Maraming nagmamahal sa 'yo dito,” sabi ni Rushmore. “Hindi lang ako. Botong-boto kaya ang mga trabahador ko sa girlfriend ko.”

"Kaya nga parang ayaw kong umalis dito." Hindi lang si Rushmore ang mami-miss niya kung sakali kundi ang mga trabahador nito. They made her feel welcome.

Ihinatid lang siya ni Rushmore sa gate ng eskwelahan. Wala pa ang instructor nila kaya inobserbahan niya ang kwentuhan ng ibang estudyante sa hallway gamit ang sign language. Hindi naman sa tsismosa siya sa usapan ng mga ito pero paraan niya iyon para mahasa kung hanggang saan na ang kakayahan niya sa sign language.

Biglang humarang si Lorna sa harapan niya. Nakasuot ito ng uniform ng teacher at naalala niya na volunteer ito doon. "Pati ba naman dito sinusundan mo ako?"

"Bakit naman susundan kita? Nandito ako para mag-aral. Si Rushmore ang nag-enroll sa akin dito. It has nothing to do with you."

"Nananadya ka. Pwede ka namang magpa-home study na lang. Sinadya siguro ninyo iyan para saktan ako tuwing makikita kayong masaya.”

Tumayo siya. "Lorna, sabi sa akin ni Rushmore na hindi ka brat. Na mabait ka at malawak ang pang-unawa. Kaya sana huwag ibahin ang tingin sa iyo ni Rushmore. Magiging considerate ako sa iyo dahil kaibigan ka niya."

"Sabi ni Tita Mildred ayaw kang paalisin ni Rushmore dahil sa sakit mo. Gagamitin mo pa ang sakit mo para kaawaan ka ni Rushmore,” maasidong wika nito.

Di niya mapigilang tumaas ang kilay niya. "Awa ba iyon? Di ako tumatanggap ng awa sa iba. I think it is love. Kahit ano pang mangyari sinuportahan niya ako."

Namula ito sa inis at naging matiim ang mukha. "Binabalewala na niya ang lahat ng mahalaga sa kanya dahil sa 'yo."

"Hindi niya kayo gustong balewalain. Pero di pwedeng sa tanda niyang iyon magiging sunud-sunuran siya sa iba. Kung talagang mahal ninyo si Rushmore, irerespeto ninyo ang desisyon niya at igagalang ninyo ang narararamdaman niya.”

Nanginig ang labi nito at kinuyom ang palad. Parang pinipigilan lang nito ang umiyak sa harapan niya. “Fine. I am leaving for the States. Doon ako mag-aaral. Huwag mong isiping nagtagumpay ka nang agawin siya. I will make myself better. Alam ko naman na hindi rin kayo magtatagal ni Rushmore. You'll see. Magpakasaya ka sa kanya ngayon. It won't last long.”

Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa ang planong pag-alis na iyon ni Lorna o dapat niyang ikalungkot. Malapit itong kaibigan ni Rushmore at dahil sa kanya ay nakatampuha ito ni Rushmore.

"Tahimik ka yata,” puna ni Rushmore nang sunduin siya nito sa eskwelahan. Tapos na ang meeting nito kaya libre na ang oras ito.

"Kinausap ako ni Lorna kanina. Nabanggit niya sa akin na pupunta siyang States para mag-aral.”

Tumango si Rushmore. "Good. Marami siyang matututunan doon. Oras na para i-explore niya ang bagong bagay. Noon ko pa iyon sinasabi sa kanya. Ayaw niyang makinig."

Humilig siya sa balikat ni Rushmore. "Parang kasalanan ko na umalis siya. I feel like I am not good for you. Isinasakripisyo mo ang mga mahal mo sa buhay para sa akin."

"Intindihin na lang nila ako. Masaya ako na alagaan ka at mahalin ka.” Pinisil nito ang baba niya. “So ano ang natutunan mo ngayon?”

Masaya niyang ibinahagi dito ang mga lesson na hindi nila naisama sa advance lesson nila. Titiyakin niyang hindi magsisisi si Rushmore sa pagmamahal sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.