TAIMTIM na nanalangin si Toni bilang pasasalamat sa magandang resulta ng MRI niya at iba pang examination. Mula sa ospital ay dumirekta sila ni Rushmore sa simbahan. Mabilis siyang matuto ng sign language habang ang lahat ay handa siyang i-accommodate kapag wala siyang marinig at magamit niya ang lip reading niya. And she somehow felt more normal and more positive. Maswerte siya dahil may mga taong handang mag-adjust para sa kanya dahil na rin sa pakiusap ni Rushmore. Subalit nakakulong pa rin siya sa comfort zone niya sa ngayon. Oras na umalis na siya doon ay hindi na niya maaasahang bigyan siya ng konsiderasyon ng lahat. Hindi lahat ay tatratuhin siya ng maganda.
Di lingid sa kanya ang kalupitang dinadanas ng mga taong may kapansanan. Hindi siya sigurado kung anong pagtanggap ang makukuha niya mula sa mga kasamahan sa industriya at sa mga tagahanga niya. Matatangap lang siya ng mga ito kung makakakanta siyang muli gaya ng dati. Kailangan na lang niyang ihanda ang loob sa mga posibleng mangyari.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Rushmore sa tabi niya. "Mukhang malalim ang pinaghuhugutan mo," puna niya. "May problema ba?"
"Iniisip ko pa rin hanggang ngayon kung paano ka makakanta kahit wala kang marinig. I have no inkling on what to do. I asked some experts about it. Wala pa daw silang alam na bingi na kumakanta."
"Beethoven composed his songs even if he was deaf."
"He is a musical genius. Minsan sa isang century lang may katulad niya,” wika nito.
"Huwag mo nang isipin iyon. Tatanda ka lang kapag pinroblema mo.” Tinapik niya ang pisngi nito. “Relax!"
"Relax? Paano ako magre-relax kung wala akong maisip na solusyon? Saka paano mo pa nagagawang mag-relax? Our relationship is at stake here. Bakit kasi nakipaghamunan ka pa kay Mama? Hindi naman madali ang kondisyong hinihingi niya. Its even impossible. Ikaw ba may naiisip na?" tanong nito.
"Rushmore, nagdasal na tayo. Bahala na ang Diyos sa atin. Hindi Niya tayo pababayaan. Siya na ang bahalang magbigay ng solusyon sa tamang panahon."
He looked at her skeptically. "You're so cool about it."
"Walang imposible sa mundo. Basta maniwala ka lang,” usal niya. Hindi niya kayang gumawa ng mga imposibleng bagay. Diyos lang ang makakagawa nito kung ipapahintulot nito. Ang kailangan lang niyang gawin ay maniwala.
"Maghihintay lang tayo?"
Tumango siya. "Patience and faith. Sa ngayon mag-relax ka lang. Pumikit ka at pakinggan mo 'yung music sa violin na tinutugtog ng dalagita. Parang makakalimutan mo ang mga problema mo."
It was Cannon in D. Classical music soothes the soul. Parang ipinaghehele siya ng tugtuging iyon. Pumikit siya at hinayaan lang na tangayin ng musika.
"Hindi ba si Meliza Carlos 'yun?" tanong ni Rushmore at dumilat siya. Nakatingin ito sa dalagitang tumutugtog ng violin.
"Meliza? 'Yung isa sa top students sa deaf school." Pinagmasdan niya itong mabuti. "Oo nga. Naka-kwentuhan ko siya dati nang magpa-pirma siya ng autograph. Ipinanganak siya na bingi. Ayaw nga niya ng hearing aid."
"Kilala ko ang nanay niya. Tanungin natin,” anito at inakay siya palapit sa nanay ni Meliza na tahimik lang na nakamasid sa anak nito.
Nang lumapit sila ay may ibang tao nang nanonood dito at naglalagay ng pera sa box. Sa isang tabi ay naroon ang nanay nito at mukhang kinakabahan sa munting pagtatanghal ng anak nito. "Aling Milagros, kumusta na po? Magaling po palang tumugtog ang anak ninyo,” puri ni Rushmore.
"Sir, ayoko po sanang gawin niya iyan pero para daw sa pag-aaral niya. Nakakahiya po kasi parang nanlilimos kami,” nakayukong sabi ni Aling Milagros.
"Huwag po kayong mahiya. Magaling po ang anak ninyo at kapag magaling po talaga may talent fee,” paniniyak niya dito.
"Dito niya gusto dahil dito siya laging nagsisimba para magdasal na maging mahusay sa violin. Bata pa lang siya natutuwa na siyang makakita ng tumutugtog ng violin kahit wala siyang naririnig. Parang imposible namang mangyari,” kwento ni Aling Milagros.
"Paano po siya natutong tumugtog?" tanong niya.
Kumislap ang mata ni Aling Milagros. "Si Professor Edwin Mendez. Magaling po siyang magturo. Noong una po ang mga bulag lang ang tinuturuan niyang tumugtog. Nang kalaunan nag-offer siya ng music lesson para sa mga bingi. Isa ang anak ko sa mga sumali. Pero nang lumipas ang ilang linggo tumigil na rin ang ibang bata dahil hindi sinuportahan ng magulang nila. Tingin daw nila walang patutunguhan at umaasa lang sa wala ang mga bata. Heto nga at anak ko na lang ang natira. Sayang dahil di nila makikita ang galing ng mga anak nila."
"Dahil din po sa inyo kaya gumaling si Meliza dahil sinuportahan ninyo siya," paniniyak niya.
"May address po ba kayo ni Sir Edwin?" tanong ni Rushmore.
"Opo. Nasa bahay lang po siya ngayon."
Matapos magpasalamat at maghulog sa donation box ni Meliza ay excited na nagtungo sa sasakyan nito si Rushmore habang siya naman ay walang kibo. "Heto na ang hinihiling nating sagot. Kung kaya niyang turuan na tumugtog ng violin si Meliza, kaya ka din niyang turuang kumanta. Hindi ako aware sa free music class niya para sa mga bulag dahil siguro hindi naman gaanong successful. Pero ito na ang tsansa natin."
Mariing nagdikit ang labi niya at walang ekspresyon ang mukha habang nakatingin sa harapan ng sasakyan. "Huwag kang pakasiguro na tutulungan nila tayo. The man hates me."
"Dahil istrikto siyang musical director?"
Nilingon niya si Rushmore. "Basta magsimula ka nang magdasal."
DINIG na dinig mula sa gate ng bahay ang malungkot na musika mula sa piano. Tumigil sa pagtugtog iyon at inulit muli ang himno. Mukhang nagko-compose ng kanta si Professor Edwin Mendez. Tahimik lang siyang nakatayo sa tabi ni Rushmore nang pindutin nito ang doorbell.
Nagtago siya sa likod ni Rushmore nang bumukas ang gate. Bumungad sa kanila ang isang matanda at maliit na babae. "Ano pong kailangan nila?"
"Manay, pakisabi po kay Professor Edwin na gusto po siyang makita ni Rushmore."
"Sandali lang. Pumasok muna kayo." Di nagtagal ay pinapasok din sila.
Nakayuko lang siya nang lumapit si Professor Edwin. Nasa mid-fifties pa lang ito ngunit sa tingin niya ay mas matanda pa ito sa edad nito. Di tulad apat na taon na ang nakakaraan nang matikas pa ito. "Rushmore, bigla kang napadalaw. Ipapakilala mo ba sa akin 'yang kasama mo? Bagong girlfriend mo?"
Dahan-dahan niyang inangat ang mukha. "Good afternoon, Professor Edwin.
Naglatang ang disgusto sa mukha nito nang makita siya. "Ikaw? Ano nang ginagawa mo dito? Guguluhin mo na naman ang buhay ko?" anito at napaurong.
"Prof, may itatanong lang po kaming importante sa inyo," anang si Rushmore at hinawakan ang balikat nito para pakalmahin.
"Rushmore, ikaw na ang kumausap sa kanya. Magkunwari na lang kayo na wala ako dito o kaya ibang tao ako,” sabi niya at umupo sa kahoy na sofa doon.
Puno pa rin ng pagsususpetsa siyang tiningnan ni Professor Edwin bago ibinaling ang tingin kay Rushmore. "Anong maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Estudyante ninyo si Meliza Carlos, di po ba? Bingi siya pero nagawa niyang makatugtog ng violin,” sabi ni Rushmore.
"Tama ka. Siya lang ang hearing impaired student ko na hindi nag-quit sa klase ko."
Tumango-tango si Rushmore. "She’s quite sucessful and inspiring. Malaking bagay po ito para magkaroon ng inspirasyon at pag-asa ang mga may kapansanan sa pandinig. Anong principle po ang ginamit ninyo?"
“You can deliver music using your other senses like the sense of touch. Gamit ang vibration, made-determine mo ang pitch at ang tempo,” paliwanag ni Professor Edwin.
“Pwede bang i-apply ang konseptong iyan sa isang taong walang marinig pero gustong kumanta?”
“Kailangang i-adjust ang prinsipyong gagamitin dahil iba ang pagkanta sa pagtugtog ng instrumento. Gagamitin mo ang boses para mag-produce ng musika. And singing involves words. Mas matinding training ang kailangan para sa walang pandinig pero gustong kumanta. May pag-aaral na akong ginawa para diyan noon pero hindi ko pa rin nate-test ang studies ko dahil walang gustong mag-volunteer. Bakit ba naitanong ninyo?”
“May kakilala ako na gustong mag-volunteer para maging estudyante ninyo,” sabi ni Rushmore.
“Sino?”
“Ako,” aniya at direktang tiningnan sa mata si Professor Mendez.