Chapter IOL 33

“SURE ka ba na ito ang address na ibinigay ni Prof Edwin sa atin?” tanong ni Toni at sumilip sa labas ng kotse. Nakatigil siya sa gilid ng talahiban at di kalayuan ay tanaw na ang malawak na dagat. Parang tinatamad tuloy siyang mag-music lesson dahil nag-aanyaya ang magandang kalikasan para mag-relax muna siya.

“Ito ang sinabi niyang address,” sagot ni Rushmore at ipinakita sa kanya ang address na nakasulat sa papel pati ang instruction papunta doon.

“Paano ako magmu-music lesson dito? Ilulubog niya ako sa dagat at sa ilalim ako kakanta? Baka maging sirena ako,” biro niya.

“I am sure may rason siya kaya dito ka niya pinapunta ngayon. Kinakabahan ka ba?”

“Konti,” aniya at pinagdikit ang dalawang daliri.

Gumising siya sa umagang iyon nang may tinnitus. Malaki na ang improvement niya sa lip reading kaya halos normal na siya kapag nakikipag-usap kahit na walang naririnig. Ngunit di pa rin niya maiwasang kabahan. Sa mga normal ngang estudyante ay mahigpit na si Prof Edwin at maraming nahihirapan dito. Lalo naman sa kanya na audibly challenged. Paano siya kakanta nang di niya naririnig ang mga nota?

Bumaba siya ng kotse nang marinig ang ugong ng kotse sa likuran nila. Nakahinga siya ng maluwag nang makita si Prof Edwin. Sinalubong nila ito Rushmore at kinamayan. “Mabuti dumating kayo, Prof. Akala ko po naliligaw na kami,” sabi niya.

“Good job. You’re right on time. Iyan ang gusto ko sa estudyante ko.” Mataman siya nitong pinagmasdan at nag-sign language. “How are you feeling?”

“Wala po akong marinig,” sabi niya at nag-sign language din. “Paano po pala ang lesson ko? Bakit dito ninyo ako idinala?”

“We are here to heighten your senses. Kung wala kang naririnig, kailangang matuto ka na gamitin ang ibang kakayahan ng katawan mo para makapakinig ng musika. We will heighten your other senses.”

“Paano ko po gagawin iyon?”

Inangat nito ang kamay at itinapat iyon sa sikat ng araw. “Ang bawat bagay sa mundo ay humihinga kahit na akala mo ay walang buhay. Lahat ay may mensahe. Lahat ay may awit. Damhin mo ang hangin, ang alon ng dagat at ang pagaspas ng dahon. Hindi mo man naririnig ang awit nila pero nararamdaman mo.” Kinuyom nito ang palad. “Nahahawakan mo. Music is a visible thing. Close your eyes and you will see.”

“A-Ano pong gagawin ko?” tanong niya.

“Feel the nature around you and use your senses. Then you will feel and see the music.”

Lumapit siya sa damuhan na hanggang baywang niya. Pumikit siya at dinama ang damong nadadaanan sa palad niya. Umihip ang hangin at naramdaman niya na parang niyayakap siya nito. Pakiramdam niya ay may sariling musika ang damo na isinasayaw ng hangin.

Nag-hum siya. Isa iyong kanta na di pamilyar sa kanya. As if she was mimicking the song of the swaying grass dancing with the wind. Nararamdaman niya iyon sa puso niya – may sariling awitin ang kalikasan. Iyon marahil ang ibig sabihin ni Professor Edwin.

Nang lumingon siya kay Professor Edwin ay nakita niya ang approval sa mukha nito. Inilahad nito ang palad sa direksiyon ng dagat.

Tinanggal niya ang doll shoes niya at tumakbo sa buhanginan. Nilaro ng paa niya ang magalas na buhangin sa paa niya. Dinama niya ang mainit na sikat ng araw na humahalik sa pisngi niya. Mas malakas ang hangin sa bahaging iyon. She stretched her arms wide open and welcomed it. Pakiramdam niya ay naging malaya siya. Malaya sa tanikala ng kapansanan niya at limitasyon ng kawalan niya ng pandinig. Parang ibinubulong ng hangin sa kanya at ng alon ng dagat na lahat ay posible.

Tumakbo siya sa dagat at nakipaglaro sa alon. Nakangiti siyang kumaway kay Rushmore na nakahalukipkip lang habang pinapanood siya. “Samahan mo ako dito. The water is good.”

“Baka nakakalimutan mong lesson mo ‘to!” sigaw nito.

Tinapik ni Professor Edwin si Rushmore sa balikat. “Sige na. Samahan mo na siya.” At umalis na si Professor Edwin.

“Bakit umalis na si Professor Edwin?” tanong niya kay Rushmore.

“Lesson is over for now. Pero tiyakin mo na handa ka na sa next lesson. Hindi na magiging ganoon kasimple ang lahat sa susunod.”

“KAILANGAN mong i-exercise ang relative pitch mo. Sa pamamagitan ng relative pitch ay magagawa mong kumanta sa pamamagitan ng musical notation. And the good news is you have a natural relative pitch.”

Tumango siya habang hawak ang music sheet at nakatayo sa tabi ng piano ni Professor Edwin. Katatapos lang nilang gawin ang note interval exercise. Seryoso ang lesson na iyon at parang ibinabalik siya sa basic music lesson.

Ang relative pitch ay kakayahan ng isang singer na makanta ng tama ang melody ng isang kanta sa pagsunod sa musical notation. Ang relative pitch ay ang pag-awit ng nota ayon sa distansiya nito sa nakaraang nota. Musical notation ang pagbabasehan niya ng pagkanta at hindi ang tono na naririnig niya.

Bumuga siya ng hangin. "Ibig sabihin kailangan ko laging kumanta nang may musical notes sa kamay ko?" frustrated niyang tanong. She was used to playing by the ear. Kaya niyang paglaruan ang nota sa pamamagitan ng pandinig.

"Talented kang singer. Makakaya mo 'yan basta maging faithful ka lang sa music sheet. Hindi ka magpa-flat. Ito ang kailangan mong pag-aralan. Kapag na-perfect mo ang relative pitch at masusunod mo ang mga musical scores, hindi ka mahihirapan na kumanta.”

“Remember how I used to disregard the musical scores sometimes? Lagi nating pinagtatalunan iyon.” Bagamat may musical sheet ay nagagawa pa rin niyang mag-adlib para mas mapaganda ang kanta. It was a part of her singing with her heart.

“Alam ko naman ang singing style mo. We will stick to the basics for now, Toni. Huwag kang maging impatient. Mag-focus ka muna sa music sheet sa kamay mo.”

“P-Paano kapag wala akong marinig?”

Kinuha nito ang tuning fork at inuga. “Ito ang gagamitin mo. A ang notang ito. Mula dito, madali ka na lang na makanta ang iba pang nota. Are you ready?”

Kinuyom niya ang palad. “I am ready.”

She was used to playing by the ear. Kapag may gusto siyang pag-aralang kanta ay mabilis niyang ma-pick up basta’t naririnig niya. Ngayon ay kailangan niyang magsimula mula sa wala at lumikha ng sarili niyang nota kahit na di pa naririnig iyon. Kailangan niyang itapon ang lahat ng napag-aralan at nakagawian niya para makakanta ang tama.

Para sa exercise na iyon ay isang kantang di pamilyar sa kanya ang ibinigay ni Professor Edwin para kantahin. Nangangapa siya. Parang isang sanggol siya na nagsisimula pa lang magsalita. Pero lahat ng bagay ay napag-aaralan at gusto niyang matuto.

Hindi niya binitiwan ang musical note hanggang makabalik ng farm. “Magandang hapon po, Ma’am,” bati ni Manay Doray. “Gusto po ba ninyong ipaghain ko kayo?”

“Juice na lang po muna. Doon lang po ako sa balkonahe,” sabi niya at muling ibinalik ang atensiyon sa music sheet. Binigyan pa siya ng ibang piyesa ni Professor Edwin para sa assignment niya at kailangan niyang mapag-ensayuhan iyon.

Kinakanta niya ang isang kanta na animo’y kundiman nang may humalik sa pisngi niya. “Hello, pretty one!” bati nito at nag-sign language. “Hindi mo ako pinapansin. Kanina pa kita tinatawag. May problema?” At itinuro nito ang tainga.

Nagulat pa siya nang makita ito. “Sorry. Hindi kita napansin. Naka-focus ako sa lesson ko kaya hindi kita narinig.”

“So may naririnig ka ngayon?” tanong nito.

Tumango siya. “Kaso parang nasasanay na ako na walang naririnig kahit meron,” aniyang di maiwasang matawa. “Parang itong lesson ngayon. Relative pitch. Kakanta ako ng isang kantang hindi ko pa naririnig at kailangan kong kantahin sa pamamagitan ng music sheet.”

Umupo ito sa tabi niya. “How’s the lesson?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi madali.”

“Mamaya pagkatapos ng dinner pwede tayong mag-practice. I will help you with that one. Parang gusto ko yatang mag-practice sa piano para sa lesson mo na ‘yan para ma-review ko din ang relative pitch na iyan. Parang practice ko na rin ito lalo’t matagal-tagal na akong hindi nagpi-piano.”

“Pero marami kang trabaho.” Self-study na lang ang ginagawa nito sa sign language dahil hindi na ito nakaka-attend ng klase sa dami ng trabaho sa sagingan. Nagka-problema ang ilang saging ng mga importers sa China. Maswerte si Rushmore dahil di pa nito naipapadala ang mga orders sa China at di pa nakakapag-ani. Kailangan nitong maghanap ng importers sa ibang bansa para ipamalit kung sakaling patuloy ang gawing paghihigpit ng naturang bansa sa mga banana exporters ng Pilipinas.

“I know. Pero kailangan ko rin namang bigyan ng oras ang personal life ko. Nangako ako sa iyo na susuportahan kita sa lessons mo. Kaya nandito ako.”

Yumakap siya sa leeg nito. “You are the best boyfriend in the world. I love you.”

“I love you, too. Come. Mag-lunch na tayo. Mas maiintindihan mo ang mga music sheet na iyan kapag nakakain ka na.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.