Chapter IOL 38

Ramdam ni Toni ang tensiyon pagpasok pa lang ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport. Pag-alis pa lang ng farm ni Rushmore sa Davao ay nakasunod na ang mga reporters. At alam niyang paglabas ng airport ay dudumugin siya ng mga ito. Nakaramdam siya ng tensiyon at panlalamig habang hinihintay ang pagdating ng mga luggage nila. Bukod pa doon ay umuugong ang tainga niya mula sa pagkakakulong sa eroplano. Bahagya ring masakit ang ulo niya.

“Are you okay?” tanong ni Rushmore at ginagap ang kamay niya.

“Medyo masakit lang ang ulo ko dahil sa pressure ng eroplano,” sabi niya at nakangiti itong tiningala. “Pero okay lang ako kasi nandito ka.”

Ihinilig niya ang katawan dito at narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Mas gusto ko pa rin kung nasa farm ka lang.”

“At nagkakampo sa labas ng farm ninyo ang mga reporters habang galit na galit sa akin si Tita Mildred? No. Mas okay na ako dito.”

Kung ibang pagkakataon siguro ay mas gugustuhin niyang magtago na lang sa mga tao. Mas gusto naman niya ang payapang buhay sa piling ni Rushmore. Pwede namang huwag na lang niyang pansinin ang di magandang trato ng nanay nito sa kanya. Madali lang namang tumakas at umiwas pero di niya maaring gawin iyon habambuhay.

Pakiramdam niya ay may bago siyang lakas. Na kaya niyang harapin ang kahit na ano nang walang takot basta’t nasa tabi niya si Rushmore.

Pagbukas ng exit door ay sinalubong agad sila ng mga nagkikislapang camera. Sa tulong ng airport security ay nakordonan ang mga ito at di makalapit sa kanila. Naulinigan niya ang tanong ng mga ito. Pero salamat sa ugong ng tainga niya ay hindi niya gaanong narinig ang mga iyon. Isang ngiti lang ang isinagot niya at inalis ulit ang tingin sa mga ito.

“Nandoon si Mama Jho,” anang si Rushmore sa kanya at iginiya siya sa kay Mama Jho na mangiyak-ngiyak na lumapit sa kanila.

Niyakap siya ng mahigpit ni Mama Jho. “Toni, hija, na-miss kita.”

“Kayo din po, Mama Jho. Parang nangayayat po yata kayo. O! Hindi ka na yata nakakapagpa-facial. Sabay tayo kung gusto mo.”

Sinapo nito ang ulo nito. “Paanong hindi ako mai-stress? Tingnan mo nga itong ginawa mo. Mabuti na lang nandiyan si Rushmore at inalagaan ka.”

“Mama Jho, baka po pwedeng umalis na tayo para makapagpahinga na si Toni,” sabi ni Rushmore dito.

“O-Of course. Naghihintay na ang kotse sa atin,” wika nito.

“Toni! Rushmore! Short interview naman diyan,” anang isang reporter.

“Oo nga. Kahit na konting statement naman. Totoo ba na secretly married na kayo?” anang isa pang reporter at sumang-ayon naman ang iba pa. Sunud-sunod naman ang pagbato ng tanong ng mga ito.

Si Mommy Jho na ang humarap sa mga reporters. “Naghanda kami ng press conference. Doon na magbibigay ng official statement si Toni at si Rushmore. Sasabihin nila ang lahat ng gusto ninyong malaman.”

Iginiya na sila ng security papunta sa naghihintay na SUV ni Mommy Jho. Nang makarating sa loob ng sasakyan ay itinutok niya ang mukha sa aircon.

“Are you okay? Baka mas sumakit ang ulo mo,” sabi ni Rushmore.

“Hindi lang ako makahinga. Hindi na yata ako sanay humarap sa reporters.”

“Hindi ako nasanay sa kanila kahit na kailan,” wika naman ni Rushmore. “Kailan pala ang press conference na ‘yan para mapaghandaan natin?”

“Mamayang alas siyete na ng gabi sa Mandarin Strip,” sabi ni Mommy Jho.

Nanlaki ang mata ni Rushmore nang tingnan ang oras sa wristwatch nito. “Mag-aalas singko pa lang. Tapos ngayon na agad ang press conference. Mommy Jho, bakit naman biglaan?”

“Ako ang may gusto na magkaroon agad ng press conference,” sabi niya.

“Bakit naman parang nagmamadali ka?” tanong ni Rushmore.

“Oras na maibigay natin ang lahat ng sagot sa mga reporters, mauubusan din sila sa pagtatanong at hahanap ng bagong subject,” kalmado niyang sabi.

“As if they’ll stop,” anang si Rushmore at may takot sa mga mata nang itingin ang mga mata sa labas ng bintana.

Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “Just trust me.”

Hindi umimik si Rushmore ngunit naramdaman niya ang paghawak nito sa kamay. Alam niyang natatakot ito para sa kanya. His protective nature was kicking in again. She knew that he wanted to hold the reins for her. Pero oras na para siya naman ang humarap sa lahat at gamitin ang lahat ng tapang na naipon niya. Ito na ang oras para may patunayan siya sa sarili niya.

“Pwede ka pang mag-backout,” bulong ni Rushmore nang tumigil ang sasakyan sa harap ng Mandarin Strip.

Kinabig niya ang ulo nito at inangkin ang labi nito. She kissed him fiercely as if there was no tomorrow. Nanlalaki ang mata nito nang maghiwalay ang labi nila. Nakangiti niyang hinaplos ang labi nito na may bahagyang bahid ng lipstick niya. “See? I am more than ready.”

Nakangiti siyang pumasok ng restaurant. Naka-set up na ang mga reporters na imbitado sa naturang conference at nakita niya ang apoy sa mata ng mga ito. Some of the reporters who hated her were present. They were out to draw blood. Her blood. Sa ngayon ay wala na siyang pakialam. Basta’t sasabihin niya ang totoong laman ng puso niya – walang pagkukunwari at wala siyang itatago.

“Thank you for coming at such a short notice,” aniya bilang panimula ng statement niya. “Hindi naman kaila sa inyo ang mga pinagdaanan ko. Alam ko na maraming espekulasyon sa pagkawala ko nitong nagdaang dalawang buwan. Some thought I am pregnant. Some thought I committed suicide. Ang iba naman iniisip na nasa ibang bansa ako. Pero may isa pang dahilan kung bakit ako nawala. I am sick.” Huminga siya ng malalim. “I have acoustic neuroma. It is a tumor in my brain. Iyon din ang dahilan kung bakit ako nag-collapse at naospital nang mawala ako.”

Umugong ang usap-usapan at bakas ang pag-aalala sa ilan habang parang di naman naniniwala ang iba. If there was real concern, she was not sure. “Is it cancerous? Mamamatay ka ba?” direktang tanong ng isa.

“No. It is not cancerous. Pero dahil sa tumor na iyon ay nawalan ako ng pandinig. At malaki na rin ang tumor ko. Kung hindi pa ako maooperahan sa lalong madaling panahon, posibleng ikamatay ko iyon.”

“Talaga bang may sakit ka? You look better now. Parang natriple nga ang ganda mo kaysa nang hindi pa kayo nagbe-break ni Direk Phil. Blooming na blooming ka pa nga. Iyan ba ang itsura ng babaeng may tumor at pwedeng mamatay? O kaya isang singer na hindi makarinig? Parang hindi ka namin kilala. Hindi ka masaya kung sa iyo mangyayari iyan,” anang isang bading reporter na malapit sa kanya. “Parang telenovela naman ang drama mo, te.”

“Kiri, I almost gave up. Sa totoo lang dumatinga ako sa punto ng buhay ko na parang wala nang natira sa akin. I lost my boyfriend, my family and I can’t sing anymore. What else is left for me? Pero mabait pa rin ang Diyos sa akin. He gave me Rushmore. Siya ang dahilan kung bakit gusto kong lumaban. His love keeps me going. He is the reason why I am happy.”

“Do you love him?” tanong ng isang reporter na kinikilig.

“Yes. Sa puntong ayoko nang maniwala na pwede pa akong magmahal at mahalin, he made me believe that it is possible. Actually, loving Rushmore is nothing new to me. He is my first love.”

Napa-oooh ang lahat dahil walang nakakaalam ng sekretong iyon.

“Rushmore, may plano ka bang bumalik sa showbiz? Baka naman gimmick lang ninyo ito para mapasikat ka ulit.”

Naramdaman niya ang pagkuyom ng palad ni Rushmore dahil nakakainsulto nga naman ang tanong ngunit nagulat siya nang humalakhak ito. “I left this industry. Until now, everyone wants to have me back. Pero masaya ako sa pribado kong buhay. At kung ako ang masusunod, mas gusto kong ilayo si Toni sa mundo at protektahan sa mga pwedeng manakit sa kanya. Pero siya ang may gusto na humarap sa lahat. Gusto niyang lumaban. Hindi biro ang sakit niya. She’s suffering but she wants to fight her battles. At kung nandito man ako sa harap ninyo, iyon ay dahil gusto ko siyang suportahan sa laban niya dahil mahal ko siya. I really don’t care kung maniniwala ang iba o hindi. Ang mahalaga sa akin naniniwala kami ni Toni sa isa’t isa.”

“Sa loob ng isang linggo ay isasagawa na ang operasyon sa akin. Sana ipagdasal ako ng mga nagmamahal sa akin.”

“Malaki ba ang tsansa mong mabuhay? Makakarinig ka pa ba pagkatapos?”

Nagkibit-balikat siya. “I…I am not sure. Pero malaki ang chances of survival. Hindi ko na rin inaalala kung makakarinig pa rin ako o hindi na. Ang alam ko lang handa akong ipagpatuloy ang buhay ko kahit hindi na ako makarinig.”

“May nagsabi sa amin na kumukuha ka pa rin ng music lessons kay Professor Edwin Mendez kahit nang mga panahon na wala kang marinig. Umaasa ka pa bang makakabalik sa industriya kahit na mabingi ka?”

“Yes. I am very positive about it. Hindi lang naman ang tainga ang pwedeng gamitin sa music.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.