Napailing ang lahat. Alam niyang walang naniniwala na posible na makaawit ang isang walang pandinig. “Hindi ba alcoholic si Prof Edwin? Ikaw pa mismo ang nagpaalis sa kanya sa trabaho. May mga nagsasabi nga na parang nasisiraan na siya ng bait. Paano ka niya matutulungan na kumanta kahit wala kang marinig?”
Great! Ngayon ay iniisip na ng mga ito na posibleng nasisiraan na rin siya ng bait.
“He has an inspiring student. Bingi siya pero nakakatugtog siya ng violin.”
“Iba ang pagtugtog ng instrumento sa pagkanta.”
“Kung ganoon, hintayin natin na matapos ang surgery ko para malaman ninyo kung nasisiraan ba ako ng bait o may himala nga talaga.”
“Rushmore, paano mo nagagawang mahalin ang isang babae na posibleng mawala rin sa iyo?”
“Maikli lang ang buhay. Mas gugustuhin kong magmahal kahit na sa maikling panahon na iyon. I wasted too much time. Time was not right for me and Toni then. And now that I have her, I won’t leave her side. At hindi ko iniisip na mamamatay siya. Masyadong malakas ang loob niya para doon. You’ll see, pagkatapos ng surgery niya, she’ll be a better Toni. And I am so proud of her.”
HINDI mawala ang ngiti sa labi ni Toni habang nakahilig sa balikat ni Rushmore. Bumibiyahe na sila pabalik ng villa ng pamilya niya sa Cainta. Napagod siya sa pagbiyahe niya at sa ginanap na conference. Sumisigid ang sakit ng ulo niya at gusto na niyang magpahinga.
Pumalatak si Rushmore. “Sabi ko naman sa iyo magpahinga ka muna. Ipinagpabukas mo na lang sana ang conference na ‘yan.”
“Naka-set na ang lahat. I just want to get it over with.”
“Bakit kailangang tumuloy ka agad sa bahay mo? Gusto mo ba talagang harapin ang pamilya mo nang ganyan ang kondisyon mo? Sa ospital ka na muna tumuloy. Kapag okay ka na, saka mo sila harapin.”
“I will be okay. Uminom na ako ng gamot. Kaya ko na ang sakit ng ulo ko.”
Hindi na ito nakipagtalo pa at hinayaan na lang siyang magpahinga. Bahagya na siyang naidlip at nagising siya nang malapit na siya sa subdivision. Tahimik pa rin si Rushmore at mukhang ihinahanda nito ang sarili sa paghaharap nila ng pamilya niya.
Hindi niya ito masisisi na mag-alala dahil hindi maganda ang naging huling paghaharap nila ng pamilya niya. Di rin siya sigurado kung handa na ang kapatid niya na makipagkasundo sa kanya. Baka mas panigan pa rin ng nanay niya si Aya. Subalit sa pagkakataong ito, gusto niyang ipakita sa mga ito na gusto pa rin niyang maging bahagi ng buhay nito.
Nang malapit na sa bahay nila ay mahigpit na hinawakan ni Rushmore ang kamay niya. “Basta kahit anong mangyari nandito lang ako.”
“Alam ko,” sabi niya at kinintalan ng halik ang labi nito. “Thank you.”
Pagbaba pa lang siya ng kotse ay umiiyak na siyang sinalubong ng yakap ni Aling Pinky. “Anak! Mabuti naman umuwi ka na. Akala ko ayaw mo na akong makita.”
“Siyempre naman po, hindi. Gusto ko kayong makasama kahit nang mga panahon na ayaw na ninyo sa akin,” aniya sa nanginginig na boses. Ayaw sana niyang umiyak dahil ayaw niyang isipin nito na mahina siya. “Na-miss ko po kayo.”
“Napanood namin ng live sa TV ang interview mo. Patawarin mo ako sa mga nagawa ko. H-Hindi ko alam ang mga pinagdadaanan mo. Masyado akong naging matigas sa iyo. Kaya siguro hindi mo nasabi sa akin na may sakit ka,” anitong lalong humagulgol ng iyak.
“Kasalanan ko rin naman po kung bakit nagalit kayo sa akin. Inisip kong masyado ang nararamdaman ko. Sa palagay ko naging unfair kayo dahil di ninyo ako kinampihan.”
Hinawakan nito ang pisngi niya at kinapa ang balikat at braso niya. “Anak, nanay mo pa rin ako. Kahit pa anong mangyari sa atin, hindi naman kita matitiis. Pakiramdam ko tuloy wala akong kwentang nanay.”
“Ayoko na po kasing intindihin pa ninyo ako. Problema lang ang dala ko at pahihirapan ko kayo.”
“At anong plano mo? Maglaho na lang sa mundo nang di namin alam kung anong nangyayari sa iyo?” may tampo nitong tanong.
“Anong klaseng pamilya naman kami kung hindi ka namin masasamahan kung kailan kailangan ka namin? Pakiramdam ko na naman wala akong silbi bilang kapatid mo,” singit ni Aya. Nakatayo sa likuran nito si Phil na walang ekspresyon ang mukha.
“Aya, hindi ako nagpunta dito pasamain ka. Wala akong intensiyon na ganoon.” Di naman niya ito masisisi. She had her own insecurity issues. At siya rin ang dahilan kung bakit ganoon ang pakiramdam nito.
Niyakap siya nito. “Ate, I am sorry. P-Pakiramdam ko pinalala ko pa ang sakit mo. Dapat ikaw ang iniintindi ni Mama at ni Phil. Pero sa ginawa ko, naghirap kang mag-isa. Lahat sila inalagaan ako samantalang mas kailangan mo sila.”
“We postponed the wedding,” wika ni Phil. “Nagkasundo kami ni Aya na hihintayin namin ang approval mo. Kung ayaw mong magpakasal kami, wala akong magagawa.”
“Phil, mahal mo ba ang kapatid ko? ‘Yung totoo. Hindi ako magagalit.”
“Natutunan ko na siyang mahalin. I love her enough to marry her,” anito at ngumiti. Nakita niya ang saya sa mga mata nito.
“Then marry her. My sister loves you. At alam ko mas kaya ka niyang pasayahin kaysa sa akin. kaya sana higitan mo pa ang pagmamahal sa kanya. I am sure she will appreciate it very much. Alagaan mo sila ng pamangkin ko,” bilin niya sa mga ito.
“Hindi ka galit?” gulat na tanong ni Phil.
Umiling siya. “Kung hindi dahil sa nangyari, hindi ko matatagpuan ang lalaking totoong mahal ko at mahal din ako. Si Rushmore.” Ngayon siya na naniniwala na may mga bagay talagang inilaan sa bawat isa. Kaya nawala sa kanya si Phil para makasama nito ang babaeng tunay na nagmamahal dito. Habang siya naman ay makakasama ang lalaking handa siyang mahalin at makakasama niya sa lahat ng pagsubok.
“Sus! Dati ka pa patay na patay diyan. Kayo rin pala,” kinikilig na sabi ni Aya na alam ang tungkol sa pagsinta niya kay Rushmore.
Hinalikan ito ng nanay niya sa magkabilang pisngi. “Salamat sa pag-aalaga sa anak ko, Rushmore. Salamat sa pagmamahal sa kanya. Huwag mo siyang iiwan, ha?”
“Hindi po mangyayari iyon,” pangako ni Rushmore at puno ng damdaming tumingin sa mga mata niya na parang nangangako. She silently made the same promise. Kahit anong mangyari ay hindi niya ito iiwan.