Chapter IOL 45

“Congratulations! Tatlong awards sa isang gabi. Wow! That’s quite an achievement.”

Lutang pa rin ang pakiramdam ni Toni habang pinagmamasdan si Rushmore na nagsasalin ng paborito niyang mangoosteen sa wine glass.

Nasa rooftop garden restaurant sila sa Makati para sa celebratory dinner na eksklusibo para sa kanila ni Rushmore. At dahil di siya maaring uminom ng alak ay nagkasya na siya sa pag-inom ng juice.

Masyado na siyang masaya matapos ang performance niya sa award’s night. Marami na siyang papuring natanggap. Pero natriple pa ang saya niya nang makuha ang tatlo pang award – Best Female Artist of the Year, Album of the Year at ang isang awitin niya ang Song of the Year. Pero ayon sa mga tao ay pinakamalaking award na nakuha niya ay ang maging nobyo ni Rushmore. He was the best award ever and she thought so.

“Mabait ang Diyos sa akin,” sabi niya at idinawdaw ang ubas sa chocolate fondue. “Ayoko nga lang isipin na naaawa lang sila sa akin kaya sa akin nila ibinigay ang award.”

Nang victory party kasi niya ay sinabi sa kanya ng ilang reporters na galit na galit si Amber nang walang nakuhang award at sinabing naawa lang sa kanya ang mga judge dahil may sakit siya. Hindi iyon maganda sa pakiramdam.

“Magaling ka naman talaga. Huwag mong pansinin si Amber at ang mga cohorts niya. Di lang niya matanggap na panalo ka,” sabi ni Rushmore at nilagyan ng garden salad ang plato niya. “You deserve that award more now.”

Nilaro ng daliri niya ang rim ng wine glass. “Kahit naman wala ang award masaya na ako. Nakapag-perform ako at napatunayan ko sa lahat na kaya ko pang magpasaya sa ibang tao at i-express ang sarili ko. Di lahat nagkakaroon ng ganoong pagkakataon.”

“Mind you, its your best performance ever. Everyone’s raving about it. At maging sa ibang bansa pinag-uusapan ang performance mo. Lalong dumadami ang fans mo.”

“Mas malaking award para sa akin na tanggapin ng mga tao sa kabila ng kapansanan ko. Nirerespeto ako at ang mga katulad ko. Its overwhelming and rewarding. Masayang maging inspirasyon sa iba.” Nakita niya ang saya sa mukha ng mga bata nang palakpakan ang mga ito matapos ang performance. Inimbitahan din ang mga ito sa victory party niya at nakita niya kung paano purihin ang mga ito ng mga bisita. Walang nangmata sa mga ito.

“May mga imbitasyon sa Shining Hope choir at philharmonic orchestra para mag-perform di lang sa Pilipinas kundi sa abroad. Marami nang may gustong mag-aral kay Prof Edwin at mismong mga music professors at teachers gustong mag-aral sa kanya. And you are the ambassador of sort for the PWDs. Maraming projects na naka-line up para sa iyo.”

Bigla siyang nahirapang huminga sa bilis ng mga pangyayari. “Grabe! Hindi ko alam na ganyan katindi ang magiging impact ng performance ko, But I am so proud of those kids. Mabilis nilang natutunan ang pagtugtog ng instruments at parang professionals na sila. Siguro dahil tumutugtog sila mula sa puso nila.”

“Tumawag pala si Prof Edwin. Tinawagan daw siya ng asawa niya kaninang madaling araw at napanood siya sa TV. Gusto daw siyang padalawin ng asawa niya.”

“Wow! That’s another good news.”

Bumagsak ang balikat nito. “Bad news, paano pa tayo magde-date kung sobrang busy mo?”

Ikinulong niya ang magkabilang pisngi nito sa palad niya. “Sabi ko naman kay Mommy Jho na hindi ako pwedeng masyadong magpagod. Kailangan ko ng oras para makasama ka. Ikaw ang priority ko ngayon,” aniya at kinintalan ng halik ang labi niya.

“Stop teasing me. Baka makalimutan kong mag-behave,” banta nito at kumislap ang kapilyuhan sa mga mata nito.

“I’m not busy tomorrow. It’s okay to misbehave.”

She missed teasing him like this. Nami-miss din nya ang mga sandali na silang dalawa lang ang magkasama. Sa mga nagdaang araw ay napapaligiran sila ng ibang tao at nakaalalay lang si Rushmore sa kanya. May pagkakataong pagod na pagod na siya at ang gusto lang niya ay tumakas sila ni Rushmore at silang dalawa lang ang magkasama katulad ngayon.

Nakatitig ito sa kanya na parang gustong kagatin ang hamon niya. She even thought that he was about to kiss her when his cellphone rang. “Wait,” anito at sinagot ng tawag. “Yes, Ma. What? Okay. Just calm down. Ako na po ang pupunta. I will arrange my flight right away.”

“May problema ba?” tanong niya nang mapansin ang matinding pag-aalala ni Rushmore.

“K-Kailangan kong umalis. May hindi magandang nangyari sa family friend namin. I have to leave for States soon,” anitong bakas ang pagkabahala sa mukha.

Inabutan nito ang tubig. “May maitutulong ba ako?”

Umiling ito at ininom ang baso ng tubig. “No. I can handle this.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Everything is fine. I…I really have to go.”

“Come. Tutulungan kita sa pag-eempake mo. I will ask someone for the booking of your ticket.,” sabi niya.

Tumango lang ito at di pa rin nawawala ang pag-aalala sa mukha nito. Sana ay matapos agad ang problema ng kaibigan ng pamilya nito dahil mami-miss niya ito.

“MAY invitation kayo para mag-perform sa St. John Academy sa Naga City pero ini-invite din kayo kinagabihan para mag-perform sa Puerto Princesa City. Toni, are you listening to me?” untag ni Mommy Jho sa kanya at itinuktok ang ballpen sa mesa.

Napapitlag siya nang marinig ang tuktok ng ballpen at nilingon ito. Saka lang niya nalamang kinakausap pala siya nito. “I… I am sorry, Mommy Jho.”

“May problema ba? Baka masama ang pakiramdam mo. You don’t look good.”

Bumuntong-hininga siya. “Inaalala ko lang po si Rushmore. Ilang araw na po siyang hindi tumatawag. Nakakausap po ba ninyo siya?”

Dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang pumunta ng States si Rushmore. Noong dumating lang ito sa States ay saka ito tumawag. Subalit makalipas ang ilang araw ay wala na siyang matanggap na mensahe mula dito maliban sa isang text message na magiging busy ito.

“Kilala ko si Rushmore. Kapag may inaayos na problema, hindi iyon tumatawag agad. So let’s discuss your schedule for next week…”

Pinalipas lang niya ang ilang minuto at humingi siya ng break pagkatapos. Hindi siya mapapakali hangga’t walang nababalitaan tungkol kay Rushmore. Tinawagan niya ang numero ni Rushmore. Hindi niya ma-contact ang numero nito.

Sa huli ay hindi siya nakatiis at tinawagan ang numero ng ina nitong si Mildred. Hindi pa rin niya nakakausap si Mildred dahil di pa siya nakakabalik ng Davao. Di rin niya alam kung tanggap siya nito para kay Rushmore. Nilakasan na lang niya ang loob. Bahala na kung anong sabihin nitong hindi maganda sa kanya.

“Hello,” may katarayan nitong sagot.

Mahigpit niyang hinawakan ang cellphone niya. “Tita, good afternoon po. May balita na po ba kayo kay Rushmore? Is he okay?”

“Yes. He is okay,” anito sa may kapormalang boses.

“Hindi ko po kasi siya matawagan. Baka po kasi hindi nagwo-work ang roaming niya. Pwede ko po bang makuha ang contact number niya?”

“Ayaw magpaabala ni Rushmore. He knows your number. Kung ayaw ka niyang tawagan, ibig sabihin ayaw ka na niyang makausap.”

Parang pinukpok ng martilyo ang puso niya. Hindi niya matatanggap na ayaw siyang kausapin ni Rushmore. Baka naman gusto lang ni Mildred na sadyang huwag silang mag-usap. “Huwag naman po sanang ganyan,” mangiyak-ngiyak niyang pakiusap.

“Dapat siguro malaman mo na kasama niya ngayon si Lorna. Si Lorna naman talaga ang gusto niya. Huwag mo nang guluhin ang anak ko,” angil nito.

Mariin siyang pumikit. Isang malaking kalokohan iyon. Mahal siya ni Rushmore. Di iyon matanggap ni Mildred at ipinagdidikdikan pa rin nito si Lorna kay Rushmore. “Tita, bakit po ganyan kayo sa akin? Ginawa ko naman po ang lahat para makabawi at hindi maging pabigat kay Rushmore. Ano pa po bang kailangan kong gawin para matanggap ninyo ako?”

Bumuntong-hininga ito. “I am sorry, Toni. Hindi ako galit sa iyo tulad ng iniisip mo,” anito sa mas magaang boses. “Kung ikaw ang gusto ni Rushmore, wala akong magagawa. Hindi ko siya mapipilit sa ayaw niya. Ang pagkakaalam ko umalis siya ng Pilipinas para makasama si Lorna. At para sa kanya, tapos na kayong dalawa.”

Namanhid ang buong katawan niya dahil parang sinsero ito sa pagkakataong ito. “Hindi po totoo ‘yan. Ako po ang mahal niya. Hindi po niya magagawa iyon sa akin,” aniya sa mahinang boses. Masaya pa silang magkasama nitong nakaraan. Marami pa silang plano. Alam ng lahat na siya ang mahal nito. Hindi iyon basta-basta pwedeng magbago.

“Pasensiya ka na pero wala akong maitutulong sa iyo. Desisyon iyon ni Rushmore.”

Natulala siya nang marinig sa kabilang linya ang sunud-sunod na beep na nagsasabing tinapos na nito ang tawag niya. Hindi ito maaari. Hindi pwedeng talikuran siya ni Rushmore nang ganoon-ganoon lang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.