Chapter IOL 46

Bumalik siya sa lanai kung saan may kausap sa cellphone si Mommy Jho at dinampot ang bag niya. “Mommy Jho, aalis na po ako.”

“Saan ka pupunta?” gulat na tanong nito at tinapos ang pakikipag-usap sa cellphone.

“Sa Amerika. Kay Rushmore. Hindi totoong di niya ako mahal. Sinabi niyang mahal niya ako. Naramdaman kong mahal niya ako. Ako ang mahal niya at hindi si Lorna. Baka may nangyari lang sa kanya kaya hindi siya makabalik sa akin. Gusto ko po siyang makita para matiyak na okay lang siya,” aniya at muling nangilid ang luha sa mata. Puno ng takot ang puso niya, takot na baka totoo ang mga sinabi ni Mildred.

Hinawakan nito ang balikat niya at pilit na pinaupo. “Kumalma ka lang.”

“Paano po ako kakalma?” tanong niya sa mataas na boses. “Hiniwalayan na daw ako ni Rushmore. Di naman pwedeng ganoon lang iyon. Ni hindi niya masabi sa akin ng direkta. Matapos ang lahat ng pinagsamahan namin, di pwedeng basta na lang niya akong talikuran.”

Naging seryoso ang anyo nito. “Huwag mo na siyang habulin.”

Maang niya itong tiningnan. “Mommy Jho, bakit ganyan po kayo magsalita? Alam ninyo kung gaano ko po kamahal si Rushmore. Di ko siya pwedeng isuko ng ganoon-ganoon na lang.” Lalo siyang naguluhan.

Direkta siya nitong tiningnan sa mata. “Hindi ka mahal ni Rushmore. Sinabi lang niya iyon para mabuhay ka.”

Parang sinabugan siya ng bomba sa narinig. Paulit-ulit na umalingawngaw sa pandinig niya na hindi siya mahal ni Rushmore. At mistulang kutsilyo iyon na bumabaon sa dibdib niya.

Tinakpan niya ng palad ang tainga niya. “Hindi. Hindi po totoo iyan.”

Dumaloy ang luha sa mga mata niya at mariing pumikit. Hindi ito magandang biro. Binalikan ng isip niya ang unang beses na sinabi ni Rushmore na mahal siya nito. Naramdaman niyang totoo iyon. Tuwing sinasabi nitong mahal siya, alam niyang galing iyon sa puso ni Rushmore. Hindi siya nito lolokohin. Bakit nagsisinungaling ang mga ito sa kanya? Mahal siya ni Rushmore!

Bumuntong-hininga si Mommy Jho at niyakap siya. “P-Patawarin mo ako, hija. Alam ko ang tungkol sa sakit mo dahil sinabi sa akin ni Rushmore. Ako ang nakiusap sa kanya na gawin ang lahat para mabuhay ka. At iyon ang naisip niyang paraan para di ka tuluyang mawalan ng dahilan para mabuhay. Ang pagmamahal niya.”

Parang sinampal siya sa rebelasyong iyon at tigmak ang luhang tiningnan ito. “Alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa akin? Pinagpanggap ninyo siya?”

Puno ng guilt ang mukha nito at pinahid ang luha niya. “Hindi ka niya gustong saktan. Maintindihan mo sana ang ginawa niya. Ang ginawa namin.”

HInawi niya ang kamay nito. “Niloko lang ninyo ako. Bakit binuhay pa ninyo ako para saktan lang ng ganito? Sana hinayaan na lang ninyo akong mamatay,” sabi niya at tumakbo palayo dito.

Napahiyaw siya sa sakit at tumingala sa langit. Bakit ba siya binuhay sa kasinungalingan? Bakit pa siya nagmahal kundi naman totoo ang lahat?

“TONI, kumain ka naman. Huwag mo namang patayin ang sarili mo dahil kay Rushmore.”

Yakap niya ang tuhod at hindi tumitinag sa kama nang pumasok ang nanay niya dala ang pagkain. Mula sa bahay ni Mommy Jho ay pinili niyang magkulong na lang sa kuwarto. Wala siyang gustong gawin na kahit ano. Ni hindi pa siya nagbibihis ng damit niya mula kanina at hindi kumakain.

Hindi niya pinansin ang masarap na pagkaing nasa tray na nakalapag sa harap niya. Umiiyak lamang siya na parang walang nakikita. “Ang galing niyang umarte na mahal niya ako. Hanggang ngayon pakiramdam ko pa rin totoo ang pagmamahal niya.”

“Hindi madali ang ginawa niya para mabuhay ka. Di lahat ng tao gagawin iyon para sa iyo nang walang kapalit,” sabi nito na parang dapat pa niyang ipagpasalamat ang panloloko ni Rushmore sa kanya.

Puno ng pait niyang ibinaling ang tingin dito. “Charity case na lang pala ako. Parang pinapatay ako. Sana hinayaan na lang niya ako na mawala sa mundo. Hinayaan na lang niya akong tumalon sa dagat o kaya mamatay sa sakit. Umasa lang pala ako sa wala. Siya ang dahilan kaya ako nabuhay, Nay. Kung bakit ko gustong lumaban at kumanta ulit. Ngayong wala na siya, ano pang rason ko para mabuhay?”

Parang gusto na lang niyang ikulong ang sarili sa kuwarto na iyon. Si Rushmore ang nagsilbing ilaw ng buhay niya. Ngayong wala na ito, hindi niya alam kung paano na naman maglalakad sa madilim na daan.

“Hindi ito ang oras para mawalan ng pag-asa. Hindi si Rushmore ang katapusan ng mundo mo. Marami siyang magagandang bagay na nagawa para sa iyo.”

Umling siya at iniyukyok ang ulo. “Walang kwenta ang lahat ng iyon sa akin. Pakiramdam ko ngayon lahat ng gumagawa sa akin ng maganda inuuto at pinaiikot lang ako.”

Hinaplos ng nanay niya ang buhok niya. “Anak, nagpapasalamat ako kay Rushmore dahil nabuhay ka dahil sa kanya. May ibang rason ka pa para mabuhay. Hindi lang si Rushmore. Maraming magandang bagay na naghihintay sa iyo, anak. Lumaban ka.”

Nang umalis ang nanay niya ay si Aya naman ang pumasok sa kuwarto niya. “Ate, huwag ka nang malungkot. Malulungkot pati ang baby ko.”

“Nang boyfriend ko si Phil at pakiramdam mo di mo siya makukuha, sumuko ka ba?” tanong niya.

“Hindi. I just loved him silently and patiently. Sabi ko okay na ako sa ganoon. Pero nang magkaroon ako ng pagkakataon, I grabbed it. Pardon my words. Pero di ako nagsisisi dahil magkakaanak kami. Ipinaglaban ko ang pagmamahal ko.”

Nilingon niya ito. “Sa palagay mo ba may laban pa ako?”

“Ate, panahon at pagkakataon lang ang makapagsasabi. Pero kung kayo ang para sa isa’t isa, maglalaan ng panahon ang tadhana para magkasama kayo. Kumapit ka lang at ipaglaban mo ang pagmamahal mo.”

She took it as a positive answer. “Tama ka. Hindi ako pwedeng sumuko.”

“Talaga? At paano mo gagawin iyon?”

“Hindi ko pa alam. Sa ngayon, gusto ko nang kumain.”

She was a fighter. Hindi siya nagkaroon ng pangalawang buhay para mapaglalangan lang. Mahal niya si Rushmore. At hindi siya titigil hangga’t hindi ito nababawi. Nararamdaman niya na mahal rin siya nito. Iyon ang panghahawakan niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.