Chapter IOL 57

Natigagal si Toni sa nalaman. “Hindi po sinabi sa akin ni Rushmore ang totoo.” Kung sinabi sana ni Rushmore ang totoo ay maiintindihan naman niya.

“Mas gusto niyang isipin mong hindi ka niya mahal kaysa isipin mo na hindi niya ipinaglaban ang pagmamahal mo. Hindi kaya ni Rushmore na magsinungaling sa iyo. I don’t want to take that risk either. Kaya nakiusap ako kay Jho na siya ang magsabi sa iyo ng istorya. Alam ko na oras na magkita kayo ni Rushmore, hindi ka na niya maiiwan pa.”

Tumango siya. “Naiintindhan ko naman po na ayaw ninyo sa akin.”

“Hindi sa ayaw ko sa iyo, hija. May pangako si Rushmore kay Sir Bernardo. Bilang ina, utang ko sa kanya ang buhay ng anak ko. Gusto kong tuparin ang bilin niya na pangalagaan ni Rushmore si Lorna at mahalin.”

“Ayoko nang mawala sa akin si Rushmore,” sabi ni Lorna at pinagsalikop ang kamay. “Masayang-masaya ako na nandon lang siya sa tabi ko hanggang gumaling ako. But he never told me that he loves me. Okay lang sa akin iyon basta nasa tabi ko siya. Kahit na nakikita kong malungkot siya minsan, nilunok ko ang pride ko kahit na alam kong ikaw ang iniisip niya. Nang dumating ka sa auction, dumating ang kinatatakutan ko. Na baka makuha mo ulit siya sa akin.”

“Isinuko ko siya. Mahal ko siya pero hindi kaya ng konsensiya ko na may buhay na masisira dahil sa pagmamahalan namin. Alagaan mo siya,” bilin niya kahit parang mamamatay siya sa ginagawang pagpaparaya dito.

Umiling si Lorna. “H-Hindi. Gusto kong malaman mo na isinusuko ko na siya. Magpaparaya na ako. Hindi ko kayang lokohin ang sarili ko na dumating ang panahong mamahalin niya ako tulad ng pagmamahal niya sa iyo. Nang bumalik siya sa bakasyon ninyo, lumuhod siya sa harapan ko para lang pabayaan ko siya. Kahit anong pakiusap at banta ko, hindi na niya ako pinansin. Ikaw na ang pinili niya. Naawa ako sa kanya. Pero mas naawa ako sa sarili ko. Di dahil iniwan niya ako kundi dahil kahit anong pilit ang gawin ko, di niya ako mamahalin. Sinasaktan ko ang lalaking mahal ko at parang napakasama kong tao. Kaya hahayaan ko na siya kung saan siya masaya. Mas masaya siya sa piling mo.”

Hindi siya makapaniwala na naririnig ito mula kay Lorna. “Pero paano ang pangako niya sa Papa mo?” tanong niya.

Saka lang niya ito nakitang ngumiti. “Natupad na niya iyon. Inalagaan niya ako at minahal. Di nga lang sa paraang gusto ko. Hindi naman ibig sabihin kailangan niya akong pakasalan. Ang totoo mas masarap ang pakiramdam ko ngayong hindi ko ipinagpipilitan ang sarili ko sa kanya.”

“Pero mahal mo si Rushmore.”

“Sa ngayon. Pero alam ko na darating ang panahon na may dadating na mamahalin ako sa paraang gusto ko at mamahalin ko rin nang higit kay Rushmore. Gaya mo, binigyan din ako ng pangalawang buhay ng Diyos. At binuhay niya ako para sa lalaking iyon. Siguro naman darating din siya sa tamang panahon lalo na’t may puwang na ang puso ko para sa ibang lalaki. Kaya sana balikan mo na si Rushmore. Malulungkot ako kapag di pa kayo nagkaayos.”

Gusto niya. Gustong-gusto niya pero may isa pang problema. Bumaling siya kay Mildred. “Tita…”

Ngumiti din si Mildred at ginagap ang kamay niya. “Ikaw ang mahal ng anak ko at nirerespeto ko na iyon. Alam ko naman na mas masaya siya sa iyo. Alam ko naman na naiintindihan mo ako kung bakit hindi kita magustuhan para sa anak ko noon. Pero ngayong nagparaya na si Lorna, wala nang hadlang sa inyo ni Rushmore. Tama si Lorna. Minsan ka lang mabubuhay sa mundong ito kaya doon ka na sa taong mahal mo at magpapasaya sa iyo. Ayoko na ring makita ang anak ko.”

Niyakap niya ito. “Thank you po, Tita. Aalagaan ko po si Rushmore. Akala ko wala na kaming pagkakakataon ni Rushmore na magkasama.”

Tinapik nito ang likod niya. “Sa lahat ng pinagdaanan ninyo, oras na para magkasama kayo. Masaya ako na may nagmamahal sa anak ko na tulad mo.”

“Nasaan po si Rushmore? Pupuntahan ko po siya,” sabi niya.

Nagkatinginan ito at si Lorna. Umiling si Mildred. “Hindi nga rin naman alam kung nasaan siya. Pasensiya ka na.”

Tumayo siya. “Hahanapin ko po siya.”

Kumatok ang production assistant. “Miss Toni, thirty minutes na lang bago ang show. Dapat naka-ready na ang hair at make up in twenty minutes.”

“Paano? Kami na lang ang maghahanap kay Rushmore,” sabi ni Mildred at ngumiti.

“Tita, sasama po ako,” giit niya. Hindi siya makakapag-concentrate sa trabaho hangga’t hindi sila nagkikita ni Rushmore. Hangga’t di niya nasasabing malaya na silang magmahalan.

Tinapik ni Mildred ang kamay niya. “Hindi. Babalitaan ka na lang namin. Sa ngayon mag-focus ka sa trabaho mo. Okay?”

LUMULUTANG ang isip ni Toni habang nagdedeliberasyon ang ibang judge kung sino ang mas deserving sa mga weekly finalist na manalo. Akala naman ang lahat sa entablado para sa susunod na production number. Di niya nakikita ang nangyayari dahil may tabing na itim na tela.

Mabuti na lang at kahit paano ay nakapagbigay pa siya ng matinong comment sa mga contestant kahit na bumabalik ang isipan niya kay Rushmore. Nasaan na ba ito? Gustong-gusto niyang sabihin dito na okay na ang lahat. Na pwede na nilang mahalin ang isa’t isa. Ngayon pa ba ito susuko? Gusto na lang niyang matapos ang show na iyon para makaalis na siya at mahanap na niya si Rushmore.

“We are lucky to have Miss Toni as our guest judge for the week,” anunsiyo ng host matapos ang commercial. “And because it’s her last day, we have a surprise number just for her. Let’s welcome Shining Hope Philharmonic Orchesta.”

Natanggal ang tabing na telang itim at nagsimulang tumugtog ang mga bata. Animo’y isang love song ang tinugtog ng mga ito at tahimik lamang siyang nakikinig.

Narinig niyang kumakanta ang katabi niyang guest judge din. “Simula noong makasama ka nagbago ang lahat sa buhay kong kaygulo. Itinama mong lahat ang mga mali sa buhay ko. Salamat ika’y nakilala ko.” At parang nanadya naman dahil alam niyang kanta iyon ni Rushmore.

Nang chorus na ay natabunan na ang boses ng katabi niya ng boses ng isang lalaki. Nagtilian ang lahat at napatayo ang mga kababaihan at bading sa audience nang tutukan ng spotlight si Rushmore. May hawak itong bulaklak at ngumiti sa audience. “Pagkat kailangan ko ay isang katulad mo na nagmamahal sa akin ng tunay. Pintig ng puso ko ay dahil lang sa iyo.” Tumigil siya sa paghinga nang direkta itong tumingin sa kanya. “Kung sa iyo’y mawawalay, kulang ang aking buhay.”

Nanlalambot siyang napaupo sa swivel chair at nakatigagal lang dito habang palapit ito sa kanya. Nandito si Rushmore. At idinadaan nito sa kanya ang mensahe ng puso nito. Subalit hindi niya magawang gumalaw sa kinauupuan. Wala siyang lakas. Parang may hipnotismo ang boses nito na di na niya ito pwedeng takasan.

Lumuhod ito sa harap niya at ibinigay ang rose. “Please come back to me, Toni.” Nag-sign language ito sa sumunod nitong mensahe. “I love you.”

Niyakap niya ito. “Rushmore, I am so happy. Wala nang makakapigil sa atin, hindi ba?”

“Yes. Til death do us part.” Bumitaw sa pagkakayakap sa kanya at inilabas ang kahita. Nang buksan nito ang kahita ay tumambad sa kanya ang pyramid cut yellow diamond ring. “Will you marry me?”

“Of course I will marry you.”

Isinuot nito ang singsing sa daliri niya. At sa harap ng mga tao at camera ay mapusok niya itong hinalikan sa labi. She didn’t care about the confetti or the cameras around them. Umiyak lang siya nang umiyak habang yakap ng mahigpit ni Rushmore.

“Guys, thank you for sharing this moment with us,” wika ni Rushmore sa mikropono. “Pero gusto ko munang itakas ang future bride ko. Titiyakin ko lang na hindi na magbabago ang isip niya.”

Tumili siya nang bigla siyang buhatin ni Rushmore at inilabas ng studio. “Rushmore, ano ba? Nakakahiya!” aniya nang dumaan sila sa corridor ng studio ay buhat-buhat pa rin siya nito.

“It’s okay. We are in love. Naiintindihan nila iyan.”

“P-Paano ang mga bata?” tanong niya nang pasakay na ng kotse. “Ni hindi ko sila napasalamatan…”

“Bahala na sila Mama, Prof Edwin at si Lorna sa kanila. After all, sila naman ang tumulong sa akin para sa proposal ko.”

“G-Ginawa iyon ni Lorna?”

“Iyon ang paraan niya para makabawi sa atin. Baka daw sakaling magka-good karma siya at mahanap agad niya ang true love niya. Pero request daw niya artista or singer na mas guwapo sa akin. Anong masasabi mo sa proposal ko?” tanong nito.

“I love it and I love you. I love you, Rushmore!” sigaw niya at niyakap ito.

NAKANGITING pinatay ni Rushmore ang TV. “Ano ba naman ‘yang balita na ‘yan? Paulit-ulit lang naman ang palabas. Hindi ka ba nagsasawa?” angal nito.

Siniko niya ito at sinimangutan. “Bakit ko naman pagsasawaan ang pinaka-romantic na marriage proposal sa mundo? Nakakakilig kayang panoorin.”

Laman ng lahat ng balita ang tungkol sa proposal sa kanya ni Rushmore. Isinara na rin nila ang cellphone nila dahil umuusok ang mga tawag sa kanila. Mula sa studio ay idinala siya nito sa exclusive resort sa Rodriguez, Rizal. Para daw maituloy nila ang naantala nilang selebrasyon dati bago ito tumungong Amerika.

“Idinala nga kita dito para masolo kita. Tapos TV pa rin ang pinapanood mo. Come on. Nandito na ako para kiligin ka,” sabi nito at kinintalan siya ng halik sa labi.

Tinitigan niya ito na animo’y natatakot siyang isang imahinasyon lang ito na maglalaho din anumang oras. “I can’t believe this. Hindi sumagi sa isip ko na mangyayari pa ito. We are back together. We are engaged. You proposed to me on national TV. A-Akala ko talaga nawala ka na sa akin.”

“Akala ko rin hindi na mangyayari ito. Na hanggang panaginip ko na lang maisusuot ang engagement ring sa daliri mo. I am sorry. Hindi kita naipaglaban noong una.”

Tinapik niya ang pisngi nito. “Naiintindihan ko, Rushmore. Mahalaga ang buhay ni Lorna. Siguro hindi pa iyon ang panahon para sa atin. Kailangan nating lagpasan ang lahat ng hadlang sa atin para maramdaman natin kung gaano kasaya kapag magkasama.”

“Handa akong bumawi sa lahat ng mga sakit na naibigay ko sa iyo,” anito at kinintalan siya ng halik sa ulo.

“Bawing-bawi ka na kanina pa. That proposal was unforgettable. Sa palagay ko nag-iiyakan pa rin ang iba hanggang ngayon o kaya gusto nila akong sabunutan dahil sa inggit. Paano pala kung hindi ako pumayag na magpakasal sa iyo?” tanong niya at tiningala ito.

“Kikidnapin kita. And I will seduce you into marrying me,” anito at puno ng kapilyuhan siyang kinindatan.

Humalakhak siya ng malakas. “Parang mas enjoy ‘yan.”

Umingos ito. “Isang linggo mo na nga akong pinahirapan.”

“Kinausap na ako ng Tita Mildred at ni Lorna. Ipinaliwanag na nila sa akin ang nangyari. Sa susunod na may problema, sasabihin mo sa akin. Huwag ka nang magtatago.”

“Ayoko lang namang masaktan ka.”

“Next time don’t shield me from pain. I can take it. Kasi alam ko naman na nandiyan ka para tulungan akong mawala ang sakit. Always remember that I love you as much as you love me.” At pinisil niya ang pisngi nito.

“Hindi ka na mawawala sa akin. I am not regretting fighting for you because I got the sweetest price. I love you.”

“Forever,” aniya at itinalukbong ang kumot sa kanilang dalawa. At titiyakin nilang habambuhay na tatagal ang pagmamahalan nila dahil ipaglalaban nila ang isa’t isa.

THE END

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.