MAYA’T mayang tinitingnan ni Toni ang cellphone niya habang inaayusan siya. Malapit nang magsimula ang show pero hindi pa rin nagpapakita o nagpaparamdaman man lang sa kanya si Rushmore. Nasa dressing room siya ng Talent Mo, Show Mo na isang talent show sa TV kung saan siya ang guest judge para sa linggong iyon.
“Miss Toni, bakit wala yata ang boylalu mo? Sayang naman ‘yung masasarap na pagkaing dala ni Fafa Rushmore. Hindi na kami makakatikim,” anang make up artist niyang si Kring-Kring.
Sa loob ng isang linggo ay nakabantay sa kanya si Rushmore at nakasunod saan man siya pumunta. Mula sa bahay hanggang sa trabao ay nakaalalay ito. Kulang na lang ay akuin na ito ang trabaho ni Dianne para lang ito ang gumawa ng lahat. May iba ngang nagtatanong kung yaya niya ito.
All his efforts were in vain. Kahit na gusto na niya itong tanggapin ay pangangatawanan niya kung ano ang tama. Inaasahan niyang makikita pa rin ito nang araw na iyon pero himala ng himala ay hindi ito nagpakita. Kahit man lang tawag ay wala. Di niya alam kung anong nangyari dito.
“Baka naman ako na ang mahal niya,” kinikilig na sabi ng hairstylist niyang si Betchay.
“Pwede bang iwan muna ninyo ako? One hour pa naman bago ang start ng show. Balikan na lang ninyo ako mamaya,” sabi niya at binigyan ng five hundred pesos ang mga ito. “Magmiryenda muna kayo.”
“S-Sige. Babalik kami after thirty minutes, ha?” sabi ni Kring-Kring at lumabas ng dressing room.
Muli niyang tiningnan ang cellphone niya at kinuyom ang palad para pigilan ang sarili na damputin iyon. She missed Rushmore. Ilang beses na niya itong gustong tawagan o i-text para kumustahin
Gusto niyang batukan ang sarili. Nang nandoon si Rushmore sa tabi niya ay hindi niya ito pinapansin. Pero nang wala na ito ay saka lang niya pinakawalan ang nararamdaman niya.
Pero tama lang ang desisyon niya. Tuwing naiisip niya na may mas buhay na masasagip dahil sa sakripisyo niya ay binubura na lang niya sa isip niya si Rushmore. May mas mahalagang bagay kaysa sa pag-ibig niya. Siguro naman ay magiging masaya din siya kahit na mag-isa dahil ginawa niya ang tama.
Maya maya ay pumasok si Dianne sa kuwarto niya. “Ate, may gustong kumausap sa iyo.”
Tumayo agad siya sa upuan kasabay ng pagpitlag ng puso niya. Nandiyan na si Rushmore. “Nasaan?” tanong agad niya.
Namatay ang pagkasabik niya nang sa halip na si Rushmore ay ang nanay ni Rushmore na si Mildred ang nandoon at si Lorna. Nakaamoy agad siya ng gulo.
“M-Maiwan ko na kayo, Ate,” sabi ni Dianne at lumabas ng dressing room.
Nakadepensa agad siya dahil ayaw niya ng eksena sa oras ng trabaho niya. “I am sorry, Tita. Kung si Rushmore po ang hinahanap ninyo, wala po siya dito. At kung inaalala ninyo na magiging threat ako sa relasyon nila ni Lorna, sa palagay po matutuwa kayong malaman na ako mismo ang nagdesisyong lumayo sa kanya. Di ko po siya tatanggapin kahit na magmakaawa siyang bumalik sa akin. Hindi na po ako manggugulo,” walang ligoy niyang wika.
Ayaw na niyang mahabang komprontasyon. Pagod na siya. Gusto na lang niyang ipagpatuloy ang buhay niya. Iyon man lang ay ibigay sana ng mga ito sa kanya. Isinakripisyo na niya si Rushmore. Ano pang gusto ng mga ito?
“Hindi iyon ang dahilan kung bakit kami nandito,” sabi ni Mildred. “Pwede ka ba naming kausapin bago ang show mo?”
Huminga siya ng malalim. Ayaw naman niyang itaboy ang mga ito. Mas maagang matapos ito, mas maagang matatahimik ang lahat. Hinila niya ang dalawa pang upuan. “Maupo po kayo.”
“Kinausap na ako ni Rushmore. Sabi niya na ikaw ang pinipili niya. Ikaw ang gusto niyang makasama,” nakayukong sabi ni Lorna habang magkasalikop ang palad. Sa palagay niya ay maiiyak ito
“Gaya ng sinabi ko, sa iyo na siya. Wala kang magiging problema sa akin, Lorna. Hindi na ako maghahabol. Tanggap ko nang kailangan manatili sa tabi mo si Rushmore,” aniya sa pinagaang boses.
“Kahit na bumalik pa siya sa akin, alam ko naman na hindi niya ako mahal. Ikaw ang mahal niya,” anito sa mapait na boses.
Huminga siya ng malalim. “Hindi kita matutulungan diyan, Lorna.” Di naman niya pwedeng ipagtulakan si Rushmore na mahalin si Lorna. Ibang usapan na iyon.
“Sa loob ng ilang taon, minahal ko si Rushmore. Bata pa lang ako siya na ang hero ko. Siya ang laging nandiyan para sa akin. Kapag kailangan ko siya, iiwan niya ang lahat para lang tulungan ako. Nabuhay ako sa paniniwala na ako ang babaeng pakakasalan niya. Na walang magagawa ang iba para makuha siya sa akin.
“Hanggang dumating ka sa buhay niya. Ikaw na ang priority niya at nang sabihin niyang ikaw ang mahal niya, I felt helpless. Sinubukan kong i-improve ang sarili ko para bumagay sa kanya. Iniisip ko na pagbalik ko, mas pipiliin na ako ni Rushmore kaysa sa iyo na posibleng mamatay o kaya maging alagain niya habambuhay. But I was wrong. Lumaban ka para mas lalong maipagmalaki ni Rushmore. I felt so helpless. Kahit anong gawin ko, di kita kayang pantayan. So I turned to my friends. Hindi sila magandang impluwensiya sa akin – parties, booze, drugs. Sinira ko ang sarili ko. Hindi ko na alam kung ano ang gusto ko. Parang gusto ko na lang mawala dahil hindi magiging akin si Rushmore.”
“Kaya iniwan niya ako para ayusin ang buhay mo,” wika niya. “Iniwan ka niya dahil iyon ang pangako niya sa tatay mo.”
“Hindi ka talaga iniwan ni Rushmore, Toni,” sabi ni Mildred. “Pumunta lang siya sa Amerika para sunduin si Lorna. Pero nagkaroon ng aksidente matapos niyang sunduin si Lorna na lasing sa isang party. Nag-agawan sila sa manibela at bumangga ang sinasakyan nila.”
Tumigil sa pagtibok ang puso niya. “N-Nadisgrasya si Rushmore? Okay lang po siya?”
“Halos galos lang at sugat meron si Rushmore. Hindi seryoso ang injury niya. Pero na-comatose si Lorna ng tatlong linggo. Hindi siya maiwan ni Rushmore.”
“Lorna, I am sorry. Hindi ko alam,” puno ng sinseridad niyang wika. Gaya niya ay nabingit sa kamatayan ang buhay nito. At alam niyang di iyon madali.
“Ayaw ni Rushmore na sabihin sa iyo. Pero nang panahong iyon, na-guilty siya dahil sinisisi niya ang sarili niya sa pagkakabangga ni Lorna. Ipinangako niya sa sarili niya na hindi na niya iiwan si Lorna kahit anong mangyari. Tutuparin niya ang pangako niya sa ama ni Lorna,” kwento ni Mildred sa kanya.