Chapter 32

"Hindi mauubos yan kung tititigan mo lang," anas ni Fred na nakaupo sa aking harapan.

Ilang beses ko nang kinusot ang aking mata para malaman kung totoo nga bang siya ang nag-aasikaso sa akin ngayon. Pero hindi ako nananaginip. Hindi ito imahinasyon. Nasa harapan ko siya at nakikipagtitigan sa akin.

"Anong ginagawa mo rito?" mahinang tanong ko sa lalaking naging maamo ang mukha.

"Ano ba sa tingin mo ang ginagawa ko?" sagot nitong patanong na hindi ko alam kung sarcastic ba.

Napayuko na lang ako sa ginawa niya at saka nagpatuloy sa pag-inom ng gatas na kaniyang tinimpla. Gusto ko siyang paalisin pero nakakaramdam ako ng takot dahil na rin sa kaniyang mga tingin, ni hindi naman siya ganito sa akin noon, para lang siyang sila Lucas kung ituring ako. Dahil ba ito sa mga nangyari noon?

Natigil ako sa pag-iisip nang makita kong binuksan nito ang kalan sa mismong mini kitchen na nasa gilid lang, malapit sa pintuan. Kumuha ito ng pagkain sa ref at agad na inasikaso iyon. Hindi ako makapagsalita dahil may kung anong kumokontrol sa akin.

Nang sa wakas ay maubos ko na ang aking iniinom ay agad ko iyon itinabi at nakaramdam nang hindi inaasahan. Naikurot ko na lang ang aking daliri dahil bakit ngayon ko pa naramdaman ito kung kailan wala si Faith! Bahagya kong sinilip si Fred na kasalukuyang naghihiwa ng kung ano. Hindi ko pa naman kayang pigilan ito.

"F-Fred?" tawag ko at bahagya itong natigil sa ginagawa.

Hawak ko ang aking pantog nang humarap ito na nakunot pa ang noo na hinihintay ang sasabihin ko.

"P-Puwede mo ba akong ihatid sa Cr? H-Hindi ko na kasi kayang pigilan, e," mahinang sabi ko at pansin ko ang pag-buntonghininga niya agad.

Naiiwas ko ang aking paningin dahil parang ayaw niya. Tumalikod lang ito sa akin kaya mas lalo kong kinurot ang aking sarili. Pinilit kong abutin ang kahoy na upuan malapit sa akin para masuportahan ako sa pagtayo, dahan-dahan at sinisiguradong pantay ang bahagi ng mga paa ko para hindi ako mahulog. Ngunit gano'n na lang ang panghihina ng aking kaliwang paa at at hindi ko alam kung tama bang mahulog sa kaniya, sa kaniyang braso na mabilis na umagapay sa akin.

Parehas kaming dalawa na bumibilis ang bawat paghinga at napatingin pa sa isa't-isa. Ako agad ang umiwas at pinilit na tumayo ng tuwid.

"Sa susunod, hintayin mo ako," inis na sambit nito na hindi ko na pinatulan.

Agad niya akong dinala sa Cr at iniwan sa loob, ginawa ko na agad ang mga dapat kong gawin para naman hindi ko na siya ma-abala mamaya. Sinikap kong maging dahan-dahan sa lahat at maingat na humawak sa tuyong bahagi ng mga bagay rito sa Cr para hindi madulas.

Ilang minuto rin ang tinagal ko bago kumatok kagaya ng sinabi niya kanina. Kahit papaano ay nakatayo na rin ako basta may hinahawakang suporta. Nang mabuksan ang pinto ay agad itong lumapit sa akin para alalayan ako. Napakapit ako sa kaniyang malaking braso at matiyaga akong hinatid sa pagkakaupo ko. Pati ang pag-aayos ng unan sa aking likuran ay agad niya ring ginawa.

"Wala ka na bang kailangan?" mahinang tanong nito na inilingan ko.

"Wala na. Salamat," sagot ko at nakita ko itong tumango.

Sa unang pagkakataon ay ngayon lang siya nagresponde. Pumunta muli ito sa kusina upang ituloy ang paglulutong ginagawa niya. Ni hindi ko na napansin pang nilingon niya ako hanggang sa matapos siyang magluto. Nakakamangha lang dahil lola na niya ang nagpalaki sa kaniya kaya hindi rin posible na marunong ito magluto. Ngunit sandali akong napatahimik sa kalagitnaan nang pag-kain ko.

Hindi ko pa mapapansin ang lola niya, huling kita ko sa kaniya noon ay sobrang tagal na.

"Nasaan pala ang lola mo? Kasama mo ba siya rito?" tanong ko sa lalaking panay ang linis sa kusina na agad huminto.

Tuloy-tuloy lang ako sa pagkain at hinihintay siyang sumagot. Madalas na lang siyang ganito, sa tuwing tinatanong ko ay matagal bago sumagot, pero kadalasan, hindi niya pinapansin.

"Wala na siya. Namatay si lola no'ng araw na nasa barko tayo noon," mabilis nitong saad na ako naman ang tumigil.

Natulala ako sa sinabi niya. Tuloy-tuloy lang siya sa kaniyang ginagawa na para bang isang normal na usapan lang iyon. Ngunit hindi nakaligtas sa akin ang pag-igting ng kaniyang panga agad na napatingin sa akin. Umiwas agad ako ng tingin at saka ipinagpatuloy ang pag-kain.

"Kung kulang pa ang pagkain sabihin mo sa akin. May bibilhin lang ako, babalik din ako," mahinang anas nito saka lumabas ng bahay.

Roon lang akong nakahinga nang maluwag, at halos lahat ng bigat sa aking dibdib ay nawala. Pakiramdam ko ay ikamamatay ko ng maaga ang pananatili niya sa tabi ko. Gusto ko na lang na si Jairo ang mag-alaga sa akin, pero alam kong may trabaho rin siya.

Tapos na akong kumain nang sakto namang dumating siya. Ako agad ang una niyang pinagmasdan pati ang playing nasa harapan ko. Maagap nitong kinuha ang malinis na puting panyo at saka iyon ipinunas sa aking labi. Hindi ako makatingin sa kaniya, ngunit malakas ang pakiramdam ko na matalim ang pagkatitig niya sa akin.

"Baka mamaya pa dumating sila Jairo. Baka bukas puwede ka nang lumabas pero dapat may kasama ka. May masakit pa ba sa katawan mo?" masungit na sabi nito saka ko itinuro ang balakang ko.

Tiningnan niya lang iyon at sinipat ang aking leeg. Bahagya nitong binaba ang laylayan ng aking damit at saka ako nilagyan ng kumot.

"Matulog ka na. Aalis na ak—"

Mabilis kong hinawakan ang braso niya para pigilan siya. Nagtaka itong tumingin sa akin kaya mas lalo siyang kumunot.

"Matulog ka na. Aalis na lang ako kapag nandito na si Jai. Pikit na," sabi nitong bumalik sa pagkakaupo sa aking tabi.

Sa di malamang dahilan ay ang gulo at takot na bumabalot sa akin ay napalitan ng pagiging kalmado. Hindi ko malaman kung bakit hindi ako masyadong nangangamba kapag nandiyan siya, na kung tutuusin noon ay halos isumpa ko siya.

Naramdaman ko ang pagtaas niya ng kumot hanggang sa aking likuran, nakatalikod ako mula sa kaniya para maiwasang mailang. Sinikap kong ipikit ang aking mata kahit na nasa tabi ko pa rin siya.

Gabi na nang magising ako, si Jairo at Faith ang bumungad sa akin na abala sa kanilang mga laptop. Hinanap ko agad ang lalaking nag-alaga sa akin ngunit wala na siya rito sa bahay. Dahan-dahan akong napaupo at doon lamang silang napatingin sa akin.

"Sarap ng tulog mo Ma'am, ah," nakangiting bati ni Faith na nginisian ni Jairo.

"Si Fred?" nagmamadaling tanong ko na tinaasan naman ng kilay ni Jairo.

"Wala man lang bang pa-good evening, bago hanapin si Fred?" prangkang anas nito na ikinanguso ko.

He's always like that. Bakit ba ang prangka niya?

"G-Good evening... So where is he?"

"Nasa isla na niya, natutulog na yon panigurado. Nakatulog sa tabi mo kanina. Nagmamadali pa ngang bumangon no'ng ginising ko. Na-trauma na siguro," wika nito na agad ko naman siyang nilakihan ng mata dahil sa tinginan ni Faith na halatang gulong-gulo.

Hinayaan ko na muna ang aking sariling mahimasmasan at hindi na muna kumain. Good thing that he even noticed me, hindi man tulad ng dati, at least may progress. Hinayaan ko lang sa pagsasalita si Jairo tungkol sa mga kailangan kong gawin para gumaling, sinabi niya pa na ilang buwan akong mananatili rito para gumaling dahil marami pang problema sa mansyon.

Hindi rin naman ako aalis sa islang ito hangga't hindi kami nagkakaayos ni Fred.

"Bati na kayo?" Pangangalabit ni Jairo sa akin.

"Ewan. Bihira lang siya magsalita kapag may tinatanong ako. Pero hindi niya ako pinapansin kapag iyon na ang pinag-uusapan namin," sagot ko saka ko narinig ang mahinang tawa niya.

Napalingon pa ako sa likuran at nakitang wala na si Faith. Nasa kwarto na niya siguro. Kami na lang ni Jairo ang nasa balkonahe.

"Mahiyain talaga yon, ano? Personal niyang sinabi sa akin na kinalimutan na raw niya yong mga nangyari noon. Ayaw niya lang pag-usapan ang bagay na iyon sa harap mo dahil baka magalit ka na naman daw. Parehas kayong dalawa, nagsisisihan sa mga nangyari," mahabang salaysay niya.

"E-Eh, bakit gano'n siya umasta? Para siyang galit sa akin," bulong ko at sinulyapan ang kabilang isla na bato lang ang natatanaw ko.

"Nag-aalala lang 'yon sa 'yo. As I mentioned before, sinisisi niya ang sarili niya sa mga nangyayari sa iyo. Mabuti nang wala kang maalala sa mga nangyari. At isa pa, hayaan mo siyang mag-sungit. Iyon lang ang paraan minsan ng mga lalaki para itago ang totoo nilang nararamdaman."

Kusa akong napakunot sa sinabi niya. May punto naman ngunit hindi ko Alam kung anong ibig niyang sabihin sa dulong parte ng kaniyang sinabi.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.