Chapter 24

SA ARAW ng kasal ng kaibigan ni Cedric na si Ed ay naggawang makilala ni Ericka ng personal ang mga malalapit na kaibigan nito. Lumipad pa sila sa Medoires Island---isang sikat na isla sa Portugal kung saan namumuno ang pamilya ni Ed at kung saan rin ito ikinasal. Mabuti na lang at ready ang passport ni Ericka at mabilis rin na naayos ang Visa niya sa tulong na rin ng kapangyarihan ni Cedric kaya matagumpay na nakasama siya rito.

Nakatikim si Ericka nang maharlikang buhay sa mga oras na kasama niya si Cedric pero ngayong araw ay literal na nangyari iyon. Ginanap ang kasalan sa garden ng isang tunay na palasyo. Isang prinsipe ang kaibigan ni Cedric na si Ed at ang pinakasalan naman nito ay dati rin kasapi ng isa sa mga royal families roon. Napakaganda ng kasal at talaga namang naaliw si Ericka sa mga nakita at nasaksihan. Masaya rin siya na nakilala na rin niya sa wakas ang mga kaibigan ni Cedric na kung may madalas man itong ikinukuwento, ang mga ito na siguro iyon. Iyon rin lang ang nababanggit sa kanya ni Cedric na kaibigan ng mga ito. Mabait naman ang mga ito sa kanya at kitang-kita niya pa ang galak sa mga mata ng mga ito ng ipakilala siya ni Cedric sa mga ito.

“Alam mo bang ikaw lang ang natatanging babae na ipinakilala sa amin ni Cedric? I’m so glad to meet you. I’m Jet by the way,” inilahad ng lalaki ang kamay nito sa kanya. Kagaya ni Cedric, makikisig rin ang mga kaibigan ng mga ito. Wala siyang itulak kabigin. Matitikas ang mga anyo at makikita mo na sa kilos pa lamang ay propesyonal at maganda talaga ang katayuan sa buhay.

“Ericka. Its nice to meet you, too. Nasabi sa akin ni Cedric na ikaw daw ang nagha-handle ng foundation ng HGC,”

Ngumiti si Jet. “Yeah. Pero hindi madalas. Hindi rin ako hands-on doon dahil nasa Spain talaga ang trabaho ko. But if I have time, inaasikaso ko iyon. Kapag umuuwi ako sa Pilipinas, I make sure na nakakasama ako sa mga charity works. I like helping people,”

Napangiti si Ericka. “Talaga? Ako rin. Sana someday makasama rin ako sa isa sa mga charity works niyo,”

“Sure. I’m looking forward to having you soon. Para naman kahit papaano, may masasai akong maitulong si Cedric. Hindi kasi `yan madalas na nagsasama kapag niyaya kong mag-charity work,”

Nasabik si Ericka. Nitong mga nakaraan, wala siyang masasabing ibang pinagkakaabalahan kung hindi ang libangin lang ang sarili niya kasama si Cedric at alagaan si Nanay Teresita. Hindi naman sa nagrereklamo siya tungkol roon pero nami-miss rin niyang tumulong. Mahigit isang buwan na rin niyang hindi nakakasama ang magkakapatid na Almira, Leon at Rosielyn. Masyado niyang ginugol ang oras sa pag-aalaga sa dalawang taong malapit sa buhay niya. Ni hindi na nga rin siya nakakapagtrabaho dahil roon. Nang minsang isaloob niya iyon kay Cedric ay huwag daw niyang alalahanin iyon. Handa raw itong mag-provide sa kanya.

Iniisip na lang ni Ericka na nagbabakasyon siya kaya hinahayaan rin niyang mangyari iyon. Masyado rin naman na masama ang pinagdaanan niya ng nakaraan kaya deserve niya iyon. Pero alam niya sa sarili niya na pagkatapos ng ilang linggo ay magsisimula na siyang maghanap ng trabaho. Hindi na niya babalikan ang dati. Na-trauma na siya. Magsisimula siya muli. Maghahanap ng panibago. Pero sa ngayon, hahayaan niya muna ang kanyang sarili na maging masaya sa piling ni Cedric.

Sumunod na nagpakilala naman sa kanya ang iba pang kaibigan nito na si Nikos, Augustus at maski ang groom na si Ed. Isinama pa nito ang ngayong asawa na nito na si Alyssa.

“Alam mo bang kahit tatahi-tahimik itong si Cedric, kagaya ko rin `yan dati? Secret playboy kunwari. Kilala kasi `yan na mahilig lang sa mga one-night stands. Kaya nga wala `yang naipapakilalang babae sa amin. Pero I think, nagbago na siya. Naniniwala ako dahil ganoon na rin ako ngayon,” inakbayan pa ni Ed ang asawa pagkatapos magkuwento.

Tumingin siya kay Cedric. Nakangisi ito pero mukhang hindi naman naasar. Bagkus ay inakbayan pa nga siya na para bang pinaparamdam sa kanya na kapareho ng nararamdaman ni Ed ay ganoon rin ito sa kanya. Humilig siya sa dibdib nito at nang kabigin nito ang ulo niya at halikan, lalo pang naradaman ni Ericka ang contentment. Naramdaman niya na pinapahalagahan rin talaga siya nito.

“Sweet,” komento ni Augustus. “So ano, kailan kayo susunod kayna Nikos at Ed? Ako kasi malapit na. Huwag na nating isama si Jet. Alam naman natin ang estado niyan,”

Naikuwento sa kanya ni Cedric na wala pa raw nagiging nobya si Jet kahit kailan dahil masyado itong romantiko. Gusto nito kapag nagkanobya ay iyon na talagang mamahalin nito habang buhay. Pero naramdaman ni Ericka na mukhang bahagyang nagulo si Jet sa sinabi ni Augustus. Parang may gusto itong sabihin na hindi mawari. Hindi na nga lang niya pinansin iyon dahil mas gusto niyang pansinin ang magiging reaksyon ni Cedric sa naging tanong ni Augustus.

Tumingin muli si Ericka kay Cedric. Nag-iba ang reaksyon nito. Biglang nagulo ang mukha nito na kanina ay parang nagliliwanag sa saya. Kinabahan tuloy si Ericka.

“Ano na ba talaga ang status niyo ni Ericka? Will we hear wedding bells soon?”

Matagal bago nagsalita si Cedric. Tumingin rin ito sa kanya at sandaling nabasa niya ang kalituhan sa mga mata nito. “Masaya naman kami sa kung anong mayroon kami ngayon,” tanging sabi lang nito.

Pero kagaya ng nararamdaman ni Ericka, mukhang hindi rin iyon nagustuhan ng mga kaibigan nito. Hindi rin naging sapat ang sagot ni Cedric. “Dumating na tayo sa puntong ito dati, ah. You’re not getting any younger...”

“Ericka is my lover. We love each other’s company. And we are happy in that status.”

Umiling-iling si Nikos. Nakitaan niya ng lungkot at panghihinayang sa mukha sina Ed at Jet. Si Augustus naman ay narinig niyang mahinang nagsalita. “Commitment phobic,”

Binalewala naman ni Cedric ang mga naging reaksyon ng kaibigan. Nagbukas ito ng panibagong topic, ginagawang malinaw na hindi nito gustong pag-usapan ang ganoong bahagi. Pero kahit nag-iba man ang pinag-uusapan, nanatili sa isip ni Ericka ang mga naging pag-uusap at naging hindi magandang respond roon ni Cedric.

Nagulo ang isip at damdamin ni Ericka. Ilang beses na rin naman sumasagi sa isip niya at gustong magtanong kung ano na nga ba ang status nilang dalawa. Sure, they are more than friends. Ilang beses na rin naulit ang nangyari sa kanila sa private island nito. Palagi silang magkasama. They are exclusively dating. At ang sabi nga nito...lover siya nito.

Pero maraming kahulugan ang isang lover. Noong teenager siya ay madalas siyang nakakapagbasa ng mga English romance paperbacks at marami roon ang mga heroine kung saan sinasabi ng hero na lover siya nito. Ang madalas na kinakalabasan ng mga heroine doon ay tila mistress ng lalaki. Isang babaeng ginagamit lamang ng isang lalaki para sa isang sexual relationship...

Ganoon ba sila ni Cedric? Ganoon ba ang tingin nito sa kanya? Ayaw niyang pakaisipin. Iba siya kaysa sa ibang babae---iyon na nga ang sinabi sa kanya ng mga kaibigan nito. Kung hindi rin nakikita ng mga ito na pinapahalagahan siya nang husto ng kaibigan ng mga ito, hindi rin siya tutuksuhin ng mga ito. Ramdam niyang iba ang relasyon nila ni Cedric, ramdam rin iyon ng kaibigan nito. Pero mukhang ang taong kailangang-kailangan niya para maramdaman iyon ay hindi iyon nararamdaman...

PAGKATAPOS dumalo ng kasal ni Ed sa Portugal ay nagdiretso sina Ericka at Cedric sa Italy. Kagaya ng ginawa ni Cedric nang magpunta sila ng Portugal, gumawa rin ito ng paraan para makarating siya roon. Ipinakita nito sa kanya ang bansa kung saan ito naninirahan. Halos lahat ng magagandang tourist spot sa Venice, Italy---ang lugar sa Italy kung saan ito nakabase ay dinala siya nito. Hinayaan rin siya nitong tumuloy sa palazzo na pagmamay-ari ng nag-ampon rito sa ilang araw na pananatili nila roon.

Sandaling nakalimutan ni Ericka ang lungkot na naramdaman sa mga sagot ni Cedric sa mga kaibigan nito sa pamamasyal nila sa Italy. Naaliw siya at nagkaroon ng good time kasama roon ang lalaki. Bukod sa mga magagandang tourist spots sa Venice, dinala rin siya ni Cedric sa ilan pang malalapit na lugar sa Venice kagaya ng Milan at pati na rin ang Rome. Naggawa ni Ericka na makita ang The Colosseum na noon ay pinapangarap lang niya na marating. Pinasaya siya ni Cedric sa pamamagitan ng pagpapakita nito sa kanya ng lugar nito.

Humanga si Ericka sa ganda ng Italy. Gusto niya ang mga architectural structures roon, ang mga dating palasyo na ginawang bahay kagaya na lang ng pagmamay-ari ng nag-ampon kay Cedric. Kagaya ng pakiramdam niya noong nasa Portugal sila, pakiramdam niya ay namumuhay siya sa buhay maharlika dahil kasalukuyang naninirahan siya roon. Kung ituring rin siya ng mga tao roon ay para siyang master ng mga ito kagaya ng tawag ng mga ito kay Cedric.

Pero kagaya ng mga nasa libro ng fairy tales kung saan madalas featured ang buhay na nararamdaman niya ngayon at palasyo, mayroon rin naging kontrabida sa kasiyahan ni Ericka. Dumating iyon sa pang-apat na araw na pananatili nila sa palazzo.

“Papa... what are you doing here? I thought you’ll be back home next week,” takang tanong ni Cedric nang madatnan nila ito sa dining room nang bumaba sila para sa almusal. Kumakain na ito nang abutan nila.

Sa halip na sagutin ng lalaki na nahulaan na niyang siyang nag-ampon kay Cedric ay binigyan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Bahagyang nahiya at na-insecure si Ericka sa klase ng tingin na binigay nito at kulang na lang ay magtago siya sa likod ni Cedric. Bigla rin siyang kinabahan. “I went home earlier since I’ve heard that you brought a woman in the palazzo. Its your first time you did that...” wika ng lalaki na hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya.

Huminga muna nang malalim si Cedric bago nagsalita. Hinawakan nito ang likod niya at ipinakilala siya sa ama nito. Sinubukan ni Ericka na kumalma. May kakaiba kasing aura ang lalaki na ginulo ang damdamin ni Ericka. Parang natatakot siya rito. Nang ilahad niya ang kamay pagkatapos ng pagpapakilala ay umiling lang ito. He seems so rude and she can’t help but feel bad. Naramdaman agad ni Ericka na parang ayaw sa kanya nito.

Naramdaman rin naman ni Cedric ang ganoon. Gumawa ito ng paraan at inilayo siya sa palasyo. Ang plano pa naman sana nila ay libutin iyon ngayong araw. Pero ipinagpasalamat na rin ni Ericka na naisip ni Cedric na ilayo na muna siya dahil kahit siya ay natatakot rin na kaharapin sa ngayon ang ama ni Cedric. Hindi niya inaasahan iyon. Buong araw silang umalis ng palazzo at medyo malalim na ang gabi ng makabalik. Dumiretso na sila sa kuwarto pagkatapos para magpahinga. Dahil parehong pagod ay nakatulog agad si Ericka ngunit ilang oras rin ang nakalipas ay naggising rin siya nang maramdamang wala sa tabi niya si Cedric. Pinilit niyang matulog muli pero nahirapan siya. Masyado na yata siyang nasanay na nasa tabi niya si Cedric. Naisip ni Ericka na maglakad-lakad muna at subukang hanapin si Cedric. Dinala siya ng mga paa sa east wing ng palazzo. Iyon kasi ang lugar sa palasyo kung nasaan ang sariling studio nito. Isang beses ay dinala rin siya nito roon. Ngunit bago pa man makapasok si Ericka roon ay napatigil siya nang marinig na may dalawang pamilyar malakas na boses na tila nagtatalo. Bukas ang pinto kaya naggawa niyang marinig iyon at makita rin ang ekspresyon sa mga mukha nito.

“Is she really your girlfriend, Cedric? I don’t want to believe but I’ve heard the news. I just don’t want to be bothered...but when I’ve heard that you brought her here, I panicked.”

“I don’t think its an issue if Ericka is my girlfriend or what, Papa.”

“Is she your girlfriend or what? That’s a clear question. Answer it.”

“S-she’s my lover.” Bahagyang naglihis ng tingin si Cedric sa ama.

Ngumiti nang nakakaloko ang ama ni Cedric. “Lover.” Ulit pa nito sa binitawang salita ni Cedric. “Like a mistress. A person having a sexual or romantic relationship with someone that is often outside of marriage. But the difference is that...you are not married. Still, the word seems not good to pronounce like the word girlfriend. Girlfriend is more respectful to say than a lover. With that, I conclude that your affair with her is not that serious.”

Hindi nagsalita si Cedric sa sinabi ng ama at ipinagpatuloy pa rin ang hindi pagsalubong ng tingin sa ama nito. Nagkaroon ng kirot sa puso ni Ericka ang ginawang iyon ni Cedric. Ni hindi man lang nito itinama ang ama. Hindi ba seryoso para rito ang relasyon nila?

“That I can say, is good. `Cause you know... I don’t like her. She’s just a distraction to you, figlio mio. Didn’t you realize what you are doing for the past months? You’re always with her. You even gave up your sun set painting projects because you do want to spend most of your time with her. I don’t want you doing that.”

“I already pay for the damn contract. It doesn’t matter. And please, can you stop controlling me just this once? I know what I am doing.”

“You already know me, Cedric. I want to control things. And you should do what I want. Stay away from that woman!” naging malakas na ang tinig ng matanda.

Sinalubong ni Cedric ang tingin ng matanda. Nakita niya ang pagguhit ng determinasyon na kontrahin ito pero hindi rin nagtagal iyon. Ilang sandali ay ibinaba nito ang ulo, hindi nakayang ipaglaban ang kung anong gusto nitong sabihin sa ama nito.

Hindi na gustong marinig pa ni Ericka ang lahat. Oo, masaya siya sa mga panahong kasama niya si Cedric. Nararamdaman niya na pinapahalagahan siya nito at mahal siya nito kahit hindi nito iyon sinasabi. Pero nararamdamn lamang niya iyon. Kapag ibang tao na ang kaharap nila at tinatanong kung ano nga ba talaga siya sa buhay nito, parang palagi nitong itinatanggi iyon. Hindi nito masabi ang ramdam niyang nararamdaman nito sa kanya.

Bumalik si Ericka ng kuwarto. Pilit niyang kinalimutan ang lahat. Mas inisip niya ang saya kaysa sa lungkot. Alam niyang maling paraan pero hindi niya pa kayang harapin ang realidad na alam niyang nasa alinlangan siya. Pero nang maya-maya ay bumalik si Cedric ng kuwarto at niyakap siya nang humiga ito, nag-iba ang reaksyon ng kanyang katawan. Lumayo siya rito, isa sa mga dahilan kung bakit nagtaka si Cedric.

“Ericka...? You’re awake?”

Hindi nagsalita si Ericka. Binuksan ni Cedric ang lampshade. Sinilip siya nito nang hindi niya maggawang lingunin ito. Kahit ayaw niyang ipahalata rito na may problema siya dahil natatakot siyang komprontahin ito sa maaaring mangyari sa kanila, hindi naman ganoon ang sinasabi ng katawan niya.

“M-may problema ba?”

Bumuntong-hininga si Ericka. “Naggising lang ako at biglang may naisip.”

“Ano naman iyon?”

“Ano ba talaga tayo? Ano ba talaga ako sa buhay mo?” sinubukan na ni Ericka na lingunin ito para makita niya kung ano ang magiging reaksyon nito.

Hindi nagsalita si Cedric. Bagkus ay tinitigan lang siya nito.

“Bakit nakatitig ka lang sa akin? Bakit parang pinag-iisipan mo pa ang lahat?” pinilit ni Ericka na huwag hayaang pangunahan ng sakit ang boses niya. “Fine, siguro nag-i-internalize ka pa habang tinitignan mo ako. So ano nga? Ano ba ang tingin mo sa akin? Kapag tinitignan mo ako... ano ang nararamdaman mo? Gusto kong malaman kung ano ang iniisip mo habang nakatingin ka sa akin.”

Lumapit sa kanya si Cedric. Kinuha nito ang mga buhok na tumatabing sa kaliwang bahagi ng mukha niya at inipit sa kanyang kaliwang tainga. Kapagkuwan ay ngumiti ito. “Tinitignan lang kita at maiisip ko na if I lose you, it would be the best thing I will ever lost...”

Maganda ang sagot ni Cedric. Naramdaman rin niya ang sincerity sa sinasabi nito. Nang niyakap at halikan rin siya nito ay naramdaman na naman niya ang pagpapahalaga. Pero kahit ganoon, hindi pa rin maiwasan ni Ericka na maalala ang mga masasamang nangyari sa nakaraan. Ang mga narinig sa ama ni Cedric. Ang tingin nito sa relasyon nila.

Lover. Like a mistress. A person having a sexual or romantic relationship with someone that is often outside of marriage.

Ganoon ba talaga sila? Ganoon din ba siya? Mistress. Kabit sa tagalog. Mas masasabi pang masama iyon kung ituturing iyon sa kanyang ina na dating prostitute. Ayaw niyang maging kagaya nito pero bakit pakiramdam niya ngayon ay mas malala pa ang lagay niya rito sa nangyayari sa kanya ngayon?

CHAPTER FIFTEEN

HINDI mapakali si Cedric. Kasalukuyang nasa emergency room si Ericka at pilit na pinapakalma ng mga nurses at doctor na nag-aasikaso rito. Isinugod niya ito sa ospital nang bigla na lamang habang natutulog sila ay nagsisigaw ito. Hindi niya ito maggawang mapakalma at makausap nang matino. Natakot si Cedric sa nangyayari rito kaya napagpasyahan niyang dalhin ito sa ospital.

Beinte minutos pagkatapos daluhan si Ericka ng hospital staffs ay lumabas ang Doctor. Nilapitan siya nito.

“How is she, Doc?”

Ngumiti ang Doctor. “She’s fine now. We injected something to her to make her calm and relax. She is already sleeping when I left.”

Nakahinga nang maluwag si Cedric. Natakot talaga siya sa weird na nangyari kay Ericka. Kahit maraming beses na nakakasama niya itong matulog ay ngayon lang ito umakto ng ganoon. “That’s nice to hear. But can you tell me right now what can be the reason she acted like that?”

“Right now, I can’t fully tell you. We need her cooperation. What happened to her is an anxiety attack and I guess, the type of that is a post-traumatic stress disorder.”

Kumunot ang noo ni Cedric. “Traumatic stress disorder? How can you tell that?”

“I think what she experienced is a nightmare of what happened from her past. I can tell that right now even if we haven’t heard the whole story because she whispered something before going to sleep. Her exact words are “I don’t want to be like my mother. I don’t want to be a prostitute...”,”

Natulala si Cedric. Hindi naikuwento sa kanya ni Ericka na may ganoong klase pala ng parte ng buhay ni Ericka. Sinabi nito sa kanya na inampon lang ito ni Nanay Teresita pero hindi ang buhay nito bago iyon. Nabigla siya sa nangyari. Hindi siya makapaniwala. Kahit iniwan na sila ng Doctor, pakiramdam niya ay nanghihina pa rin siya.

“She’s a prostitute daughter!” naramdaman niya ang pagkapahiya ng kanyang ama. Nang malaman nito ang nangyari ay sumunod ito sa ospital. Narinig rin nito ang sinabi ng Doctor.

“It doesn’t matter, Papa.”

“You’ll still accept her after that?” nanlalaki pa ang mata na wika nito.

Nagkibit-balikat si Cedric. “I can say that I am once a prostitute daughter, too. Why won’t I accept her if we are like cut in the same cloth? We have the same history.”

Nakita niyang nagtagis ang bagang ng ama. Hindi na niyang pinagtakahan iyon. Ramdam niyang hahanap at hahanap ito ng butas para tigilan niya si Ericka. Kilala na niya ang ama. Kapag may isa itong bagay na hindi nagustuhan, pipilitin nitong masunod ang gusto nito.

Pero hindi niya kayang gawin iyon kay Ericka. Nakita naman niya ang punto nito kaya gusto siya nitong palayuin kay Ericka. Para kasing nagiging bisyo na niya si Ericka. Nagiging adik na siya rito. Palagi niya itong hinahanap, gustong makasama at ayaw ng layuan. Dahil dito, hindi na niya nagagawa ang trabaho niya. She became a distraction to his solemn life.

Dahil artist rin ang ama, alam nito ang pinagdadaanan niya. Artist are easily distracted. At kapag nangyaring na-distract na ang mga ito, mahirap ng ibalik ito sa dating concentration. Ramdam ni Cedric na kung hindi nga niya susundin ang gusto ng amang layuan ito, baka hindi na niya maibalik pa ang dating konsentrasyon. Ganoon kasi ang kanyang ama. Ngayong nalululong lalo sa bisyo nito sa pagsusugal ang matanda, napapabayaan na nito ang pagpipinta. Nakakapagpinta pa man ito ay hindi na masyadong nagugustuhan ng tao ang ginagawa nito kaya bumababa na rin ang bidding price. Hindi na kagaya ng dati ang nagiging pera nito.

Pero hindi kayang gawin ni Cedric ang gusto ng ama. Ayaw niya. Kahit ipinagpipilitan ng kanyang ama na gawin niya, hindi niya gusto. Hindi niya kaya. Lalo na ngayong nalaman niyang may pinagdadaanan rin sa buhay si Ericka. Hindi niya gustong iwanan ito.

Buong buhay ni Cedric simula nang ampunin siya ni Mr. Guidicelli ay sinunod niya ito. Sa kabila naman kasi ng lahat, alam niyang para sa ikabubuti niya ang ginagawa nito. Naging matagumpay siya dahil sa mga turo nito sa kanyang buhay. Pero alam niyang hindi habang buhay ay tama ito. Dahil kay Ericka, gagawin niya ang isang bagay na ngayon lang niya gagawin sa buhay niya: ang suwayin ang taong masasabi niyang pinagkakautangan niya nang malaki. Pagkatapos ng lahat, malaki na rin naman siya. Alam na niya ang ginagawa niya. Hindi man niya sundin ang payo nito para maisalba ang career niya sa pagpipinta, hindi na iyon mahalaga. Hindi lang rin naman iyon ang ikinabubuhay niya.

Mahalaga ang pagpipinta kay Cedric. Sa loob ng maraming taon ay iyon ang mundo niya. Pero lahat ng bagay ay nagbabago. Ang tanging mahalaga na lang sa kanya ngayon ay si Ericka.

“SAAN tayo pupunta? Hindi ito ang daan pauwi sa bahay, Cedric.” Wika ni Ericka kay Cedric nang mapansin na iba ang daan na tinatahak nila. Pagkatapos manatili ng limang araw sa Italy ay bumalik na sila sa Pilipinas. Sa pagbalik ay inaasahan niyang ididiretso siya ni Cedric sa bahay nila Nanay Teresita.

“Hindi nga. We’re on our way to my unit,” sinundo sila ng driver nito mula sa airport.

Kumunot ang noo nito. “Bakit? Hindi mo ba muna ako ihahatid---“

Umiling ito. “We’re going to live together, cara.”

Bahagyang napanganga si Ericka. “Hindi puwede---“

“Pinagpaalam ko na ito kay Nanay Teresita. Tinawagan ko siya noong nasa Italy tayo. Nailipat na rin ang ilang gamit mo sa unit. I need you beside me. You need me beside you. Hindi ko na hahayaan na mangyari muli sa `yo ang nangyari sa Italy. Kailangan mo ng titingin sa `yo.”

Umiling si Ericka. “Kaya ko ang sarili ko.”

Ngunit mas mariin ang naging iling ni Cedric. “No.”

“Cedric---“

“You scared the hell out of me, Ericka. Dahil diyan, mas nagkaroon ako ng urge na huwag kang hayaang malayo sa tabi ko. Kailangan kong protektahan ka, alagaan. May sakit si Nanay Teresita, hindi ka niya maalagaan. Hindi mo ba naisip na kapag nangyari muli iyon sa `yo ay mag-aalala siya? Hindi niya kailangan ng alalahanin sa kondisyon niya.”

“Nandoon naman si Matthew---“

“To hell with Matthew! Susundin mo ang gusto ko. Kailangan mo. Para sa ikabubuti mo rin naman ito.” parang walang makakabali na wika nito.

Napabuntong-hininga si Ericka. Kahit papaano ay naiintindihan rin naman niya si Cedric kaya ito nagkakaganito. Nag-alala ito sa kanya. Naging masama para rito ang nangyari sa kanya sa Italy kung saan nagkaroon siya ng nightmare at kahit siya ay hindi maggawang kontrolin ang sarili niya upang kumalma.

Hindi iyon ang unang beses na nangyari kay Ericka. Noong nagsisimula pa lamang siya bilang modelo, mas maraming mga lalaki ang nakakapansin sa kanya. Bata at bago kasi siya kung maituturing. Isang beses ay may ka-modelo siyang lalaki na nagkagusto sa kanya. Sinubukan siyang landiin at ligawan nito. Sinubukan ni Ericka na i-entertain ito pero tumigil rin nang nalaman niya na may girlfriend na ito. Sinugod siya ng girlfriend nito at sinabihan ng “whore”. Naging malaki ang epekto sa kanya ng sinabi ng babae na paulit-ulit na tumakbo iyon sa utak niya hanggang sa makatulog siya. Naalala kasi niya ang buhay ng kanyang ina at ang pangako sa sarili na hindi siya gagaya rito. Sa kalaliman ng gabi ay naggising na lang siya na naghihisterya siya. Dinala rin siya nina Nanay Teresita sa ospital para lamang kumalma siya.

Hindi nakipagtalo si Ericka kay Cedric hanggang sa makarating sila sa unit nito. Doon ay nakita nga niyang nakaayos na ang kanyang mga gamit. Pero kung gaano kaayos iyon ay ganoon naman kagulo ang nararamdaman ni Ericka. “S-sa tingin ko ay hindi magandang ideya ito, Cedric.”

Kumunot ang noo ni Cedric. “At bakit? I need to see you. Kailangan kong alagaan ka at para maggawa iyon, gusto kong magsama na tayo sa isang bahay.”

Malungkot ang mga matang tinignan niya ito. “Pero hindi mo naman ako asawa. Ni hindi mo nga masabi na girlfriend mo ako...”

Natigilan si Cedric. Ipinagpatuloy ni Ericka ang pagsasalita. “N-narinig ko ang pinag-usapan niyo ng ama mo sa Italy, Cedric. Ginusto niya na layuan mo ako. Pinamukha niya na mababa akong babae. That I am a mistress. A whore. At ni hindi mo man lang tinama ang mga naging tingin niya sa akin...” huminga nang malalim si Ericka. “Ayaw kong maging ganoon. Ayaw ko na ang tingin ng iba ay ibinabahay mo lang ako. A-ayaw kong maging kagaya ng Mama ko...”

Namutla si Cedric. “I-iyon ba ang dahilan kung bakit ka nagkaroon ng nightmare ng gabing iyon? Dahil naisip mo na kagaya ng Mama mo ay naging mababa ka rin na babae dahil sa akin?”

Tumango si Ericka. Ilang beses tinanong si Ericka ng Doctor at pati na rin si Cedric kung ano ang maaaring dahilan kung bakit nagkaganoon siya. Pero hindi niya maggawang masabi ang buong detalye dahil natakot siya. Naguluhan rin siya sa kanyang nadarama. Ano ang iisipin at gagawin ni Cedric kapag sinabi nitong ganoon nga ang naging tingin niya? Magi-guilty ba ito? O aaminin nito sa kanya ang katotohanan? Ang totoong nasa isip nito. Na totoo ngang ganoon ang tingin nito sa kanya. Masyado pa siyang mahina noon. Ngayon lang niya nakuha muli ang lahat ng tapang. Pinagkakatiwalaan man niya si Cedric na hindi siya nito sasaktan ay natatakot pa rin si Ericka dahil sa mga nasaksihan. Nagulo siya.

Niyakap siya ni Cedric. Naramdaman ni Ericka na bahagya pang nanginig ito. “I’m sorry, cara. I didn’t mean to say that. H-hindi naman talaga iyon ang ibig kong sabihin ko, naunahan lang ako ni Papa at---“ huminga nang malalim si Cedric. “Fine, you can call me your boyfriend. Kung ayaw mo ng salitang “lover”, its fine to me. Hindi ako sanay sa mga ganoong klase salita dahil kahit isang babae ay wala pa akong tinawag na ganoon. Now, I expect you not to feel bad. We have a relationship. You’re my girlfriend. You’re mine.”

Dapat ay maging masaya si Ericka. May maganda na siyang label sa buhay nito. May magandang pakinggan na label kaysa sa ipinaglalandakan nito noong una na “lover”. Pero kahit ganoon, hindi pa rin maging masaya ni Ericka. Napansin naman ni Cedric iyon. “What? May problema pa rin ba?”

Huminga nang malalim si Ericka. Tinignan niya ang mga mata ni Cedric. Marami pa rin na gumugulo sa damdamin ni Ericka. Isa na doon ay ang maling pagsasama nila. Titira sila sa iisang bahay pero hindi naman sila mag-asawa. Pero bahagyang naiintindihan naman niya si Cedric roon. Bago pa lamang sila. Hindi dapat niya pine-pressure ito. Hindi nga niya masasabing kilala na nila ang isa’t isa.

“Magandang ideya ba talaga na magsama tayo? Narinig ko rin sa ama mo na distraction lang ako sa buhay mo. Na-guilty ako. Sinabi rin niya na hindi mo natapos ang isang proyekto mo ng dahil sa akin. I feel bad about it.”

Hinalikan nito ang noo niya. “Siguro nga tama siya, distraction ka nga sa akin. But you are a beautiful one. You are my beautiful distraction. Balewala ang lahat dahil masaya naman ako na kasama ka.”

“Ganoon rin naman ako. P-pero naisip mo na ba na hindi naman puwedeng habang buhay na ganito tayo? Na parang palaging nasa bakasyon at parang walang pakialam sa realidad?”

Kumunot ang noo ni Cedric. “Anong ibig mong sabihin?”

“Kailangan rin nating ayusin ang sari-sarili nating buhay. Kailangang hindi lang palagi tayong magkasama. Ayaw kong palaging nakaasa lang sa `yo, Cedric. Masaya rin naman ako na kasama ka pero gusto ko rin na tumayo sa sarili kong mga paa. Kapag tumuloy ako dito sa unit mo, paniguradong gugustuhin mo palagi na huwag akong umalis o hindi kaya ay ibibili ako ng pangangailangan ko. I need to have my own life, too. Kailangan kong kahit papaano, lumayo ako sa `yo. Kung magsasama tayo sa iisang bahay, paniguradong mahihirapan ako. Kilala na kita. Mahilig ka rin magkontrol sa mga bagay.”

“Ang ipinupunto mo ba sa akin ay ang magtrabaho ka muli?”

Tumango si Ericka.

Dumilim ang mukha ni Cedric. “No. I won’t let you have that job again.”

“Alam ko. You don’t have to worry about it. Hindi na ako babalik sa trabaho na iyon. Maghahanap ako ng bago.”

“At ano namang klaseng trabaho iyon?”

Bumuntong-hininga si Ericka. “Hindi ko pa alam. Alam kong magiging mahirap dahil sa loob ng pitong taon, ang pagmomodelo lang ang naging career ko. Hindi rin ako nakapagtapos ng pag-aaral. Pero gagawa ako ng paraan.”

“Ayaw kong mahirapan ka. I can provide for you. Susubukan kong magpinta muli. Hell, kaya kong mag-provide sa `yo kahit na hindi ako makapagpinta pang muli dahil ginulo mo na ang mundo ko. With you by my side, my concentration is wrecked. But its okay. I’m happier to have you on my side than painting. Marami akong investments, properties. Malaki ang kinikita ko sa pamamagitan lang ng mga iyon. Kaya kong bigyan ka ng maalwan pa rin na buhay kahit hindi ako magtrabaho. Pero naiintindihan ko rin naman ang gusto mo.”

“Kung naiintindihan mo ako, ibig sabihin lang ba noon na hahayaan mo akong huwag pumayag sa gusto mo na magsama na tayo sa isang bahay? Dahil alam mo---“

Pinutol ng iling ni Cedric ang sinasabi ni Ericka. “Hindi, Ericka. Hahayaan kitang magtrabaho pero magsasama pa rin tayo sa iisang bahay. Susubukan ko na hindi ka kontrolin lalo na at sisiguraduhin ko na hindi ka na kailanman pa mapapahamak sa susunod mong trabaho.”

“Ano ang pinupunto mo, Cedric?”

Hinawakan nito ang mukha niya. “Hindi ka na mahihirapan pang maghanap ng trabaho `cause I’m giving you one. You’ll work for HGC.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.