Chapter 25

One Month Later

MASAYA si Ericka sa trabaho niya bilang modelo pero mas masasabi niyang nahanap niya ang satisfaction at contentment sa bago niyang trabaho. Sa tulong na rin ni Cedric ay naggawa niyang magtrabaho sa Haven Group of Companies Foundation. Isa na siya sa mga tauhan ng Foundation. Sa loob rin ng isang buwan ay marami na silang napuntahan na iba’t ibang orphanage. Marami siyang nakilalang bata at napasaya. Hindi lang basta nagtatrabaho si Ericka---pakiramdam niya ay tumutulong rin siya.

Naging maayos ang nakaraang buwan para sa kanya. Sa kasalukuyan ay nakatira pa rin siya sa unit ni Cedric pero dahil ngayon ay kumikita na mili siya, hindi na lang siya basta-basta umaasa rito. Hindi na rin naman siya pinakialaman ni Cedric sa gusto niyang makatulong ngayong nagsasama na sila.

Sa lagay naman ni Cedric, hindi pa rin ito makapag-concentrate sa trabaho nito bilang pintor. Pero palagi naman nitong sinasabi na huwag niya iyong gaanong pakaisipin. Pinipilit rin naman ni Ericka na huwag ngang masyadong pakaisipin iyon dahil may punto rin naman si Cedric. Hindi ito mamumulubi kung hindi na ito makakapagpinta pa. Ayaw niya ng ganoon pero iniisip rin niyang baka nag-a-adjust lang rin si Cedric kaya ganoon ito. Nakikita rin naman niya na pinipilit ni Cedric. Ngayong nagtatrabaho siya, naiiwan ito palagi sa unit at sinusubukan nitong magpinta.

Masasabi ni Ericka na kaiba sa pagmomodelo, mas mahirap ang trabaho niya ngayon. Weekdays ay nasa opisina siya. Madalas na kaharap ang computer at paperworks sa foundation, nagpaplano ng mga gagawin sa mga charity visits na pupuntahan. Tuwing Sabado naman ay madalas na nangyayari ang mga charity visits at mga feeding programs at silang lahat ng mga tauhan sa foundation ay required na pumunta. Pero kahit hindi kagaya ng dati na on-call basis lang ang trabaho niya at mas marami siyang libreng oras, masaya si Ericka. Madalas ay nakakapagod pero masaya naman.

Ngayong araw ay nagsagawa ng feeding program ang foundation. Maghapon iyon dahil nagkaroon pa ng activity sa lugar ang foundation. Pero nang tanghali ay pinili niyang umuwi dahil bigla-biglang sumama ang pakiramdam niya. Nagpasundo siya kay Cedric at nagpahatid na sa unit nila upang magpahinga. Nawala naman ang sama ng pakiramdam niya ng makatulog siya. Alas kuwatro y medya na nang maggising siya. Niyaya siya ni Cedric na lumabas sila para makapag-dinner.

“Wala ako sa mood umalis, Cedric. Bukas na lang siguro. Isa pa, parang masama yata ang pakiramdam ko.”

Dahil sa pagiging abala niya sa trabaho ay madalas na hindi na sila nakakalabas ni Cedric. Tuwing linggo naman kasi kung kailan day off niya ay madalas na tinatamad na siya at ang tanging gusto na lang ay magpahinga dahil sa buong linggo na pasok. Ngayon ay maaari na niyang pagbigyan ito dahil nakapagpahinga na rin naman siya pero naramdaman ni Ericka na parang sasamaan yata siya ng pakiramdam. Medyo umiikot ang paningin niya nang bumangon siya.

Nilapitan siya ni Cedric at tinignan ang init ng katawan niya. “Hindi ka naman mainit,”

“Pagod lang siguro talaga ako kaya ako nagkakaganito.”

Pinayagan siya ni Cedric na magpahinga muli at sinabing bukas na lang sila umalis. Pero kinabukasan ay masama pa rin ang pakiramdam niya kahit wala naman siyang lagnat. Nahihilo siya at ang tanging gusto lang gawin ay ang mahiga sa kama. Hindi rin siya makakain ng ayos. Nag-aalala at nagtataka rin si Cedric kung bakit ganoon. Muntik na nga itong magpatawag ng Doctor dahil sa kalagayan niya.

“I think I’ll be fine. No need to call a Doctor. Baka nga kasi talagang gustong-gusto lang ng katawan ko na magpahinga,”

Nakakunot ang noo na nagsalita ito. “Pangatlong tulog mo na ito ngayong araw at tinatamad ka rin. Palagi mo rin na sinasabing nahihilo ka.”

Ayaw isipin ni Ericka na may mali sa kanya kaya ayaw niyang magpatawag ng Doctor. Isa pa, ayaw naman niyang magkaroon na naman ng VIP treatment galing kay Cedric. Linggo pa man rin ngayon at marami sa mga Doctor ang siguradong nagpapahinga. Ayaw niya na mang-abala pa.

“Kapag masama pa rin ang pakiramdam ko hanggang bukas, we’ll go to the hospital.” Sa sagot niyang iyon ay pumayag si Cedric.

Alas-singko ng madaling araw ay naggising si Ericka at kagaya kahapon ay mabigat pa rin ang pakiramdam niya. Ngunit pakiramdam ni Ericka ay mas malala pa iyon nang ilang minuto lang pagkatapos niyang maggising ay nakaramdam siya ng kung anong masama sa tiyan niya. Mabilis na tumakbo siya sa banyo at doon ay nagsuka.

Dahil hindi masyadong nakakain si Ericka kahapon ay wala rin naman siyang naisuka. Hinang-hina siya nang matapos. Nakasunod sa kanya si Cedric at hinagod-hagod nito ang likod niya at kinalma siya. She almost wept in his arms.

“I told you we should called the Doctor yesterday!” may galit ang tinig na wika nito.

Napatitig si Ericka sa kulay asul na mga mata nito. He looked tensed. Halatang natatakot ito sa lagay niya. Ganoon rin naman si Ericka. Kahapon niya pa iniisip kung ano ang maaaring dahilan kung bakit nagkakaganoon siya. Iniisip niya na baka dahil nagkaroon lang siya ng problema sa mata. Pagkatapos ng lahat, madalas na nagtatrabaho na siya ngayon sa computer hindi kagaya ng dati. Pero ngayong araw ay tila nag-iiba ang akala niya..

“Accidenti, you’re so pale!” bulalas pa nito at pinangko siya. Inihiga siya nito sa kama. Pagkatapos ay kinuha nito ang cell phone.

“Wait, Cedric...” pigil niya nang akmang may tatawagan si Cedric. “Sa tingin ko, alam ko na ngayon kung bakit ako nagkakaganito...”

Tinignan siya nito. “Ano?”

“I-I think I’m pregnant...”

Si Cedric ang namutla sa kanilang dalawa. “N-no. Paanong mangyayari iyon? I use contraception everytime---“

“Except whenever we did it in the shower. At nang una akong lumipat rito ay---“

Nanlaki ang mata ni Cedric. “No...”

Lalo yatang nanghina si Ericka sa naging reaksyon ng nobyo. Malinaw na ipinakita nito na hindi nito nagustuhan ang naiisip niya. “I missed my period for a week now, too.”

“Kailangan pa rin natin na makasiguro.” May determinasyon na wika ni Cedric. Nagpatawag ito ng Doctor at nang sabihin niya ang mga sintomas na nararamdaman niya ay naghinala rin ito na buntis siya. Nagsagawa sila ng pregnancy test sa bahay at tama nga ang hinala ni Ericka.

Buntis siya. Magkakaanak na sila ni Cedric.

Hindi nagsalita si Cedric nang makumpirma ang lahat. Maski nang batiin sila ng Doctor ay hindi rin ito sumagot. Tahimik lang ito hanggang sa makaalis ang Doctor. Iniwasan rin siya nito pagkatapos.

“C-Cedric, hindi mo ba gusto ang nangyari?” hindi rin naman inaasahan ni Ericka iyon pero kagaya ng nangyari ay hindi rin niya inasahan ang naramdaman na saya sa isipin na may buhay na nabuo sa loob niya. Magiging Nanay na siya. Masaya rin siya dahil ang ama ng magiging anak niya ay ang lalaking mahal niya.

Nag-iwas ito ng tingin sa kanya. “Hindi natin plinano ito, Ericka. Hindi ko inaasahan. Of course, you should expect me to be shock and to be honest to you, I don’t like it. Pero nandiyan na `yan. Wala na tayong magagawa.”

“Tama ka. Pero bakit naman ayaw mo? Ilang beses na rin naman sinasabi ng mga kaibigan mo na hindi na tayo bumabata at---“

“Ayaw kong magpa-pressure sa mga kaibigan ko. Masaya naman tayo na tayo lang. Pero ngayon...” nagtagis ang mga bagang nito saka umiling. Mukhang mahirap talaga para kay Cedric na tanggapin ang biglaang pangyayari. Pinilit na lang na intindihin muna ni Ericka ito. After all, hindi naman talaga nila plinano ang bata. Hindi inaasahan. Malaking responsibilidad ang magkaroon ng isang anak. Mabigat. Magkakaroon ng malaking pagbabago sa buhay nila nang dahil roon. Hindi nga ganoong tanggapin ang lahat. Pero umaasa si Ericka na sandali lamang at matatanggap rin nito ang nangyari. Hindi rin sana maging isang problema sa maayos na relasyon nila iyon.

LUMIPAS ang mga araw at ramdam ni Ericka ang naging malaking pagbabago sa relasyon nila ni Cedric nang malaman nito na buntis siya. Iniiwasan siya nito. Kinokontrol man siya nito na huwag magtrabaho upang maalagaan ang lagay niya, pakiramdam niya ay mas lalo lang sumasama ang lagay niya sa ginagawa nito. Umupa pa ng private nurse ito upang siguraduhin na maayos lang siya ay lalo lamang hindi nagustuhan ni Ericka iyon.

Hindi kagaya ng dati na kapag masama ang pakiramdam niya ay nandoon lang si Cedric. Sinira nito ang pangako nito na aalagaan siya nito. Araw-araw kasi itong umaalis at palaging sinasabi na may kailangang asikasuhin para lang hindi siya makita. Kapag bumabalik ito ng unit ay malalim na ang gabi at kahit minsan ay naantay niya ito ay tinutulugan naman siya nito kapag sinusubukan niyang kausapin. Ang sama-sama ng loob ni Ericka kay Cedric.

Ganoon pa man, pinipilit niyang intindihin ito. Hindi pa ito handa. Hindi ito kagaya niya at ng iba pang kaibigan ni Cedric na ngayon ay unti-unti ng gumagawa ng pamilya. Si Cedric na lang talaga ang tila walang balak. Nalaman kasi nila kamakailan lamang ay may sikretong nobya pala si Jet at ngayon ay nagpropose na roon. Ilang buwan mula ngayon ay itinakda ang kasal nito at ng nobyang si Aila.

Somehow ay naiinggit si Ericka roon. Mahal niya si Cedric at kung yayain siyang magpakasal nito ngayon, papayag na siguro siya. Pero ramdam niyang hindi pa rin handa talaga si Cedric. Iyon rin ang naiisip niyang dahilan kung bakit iniiwasan siya nito. He might feel that he felt trapped. Kaya nga hinahayaan na lang muna rin niya ito sa gusto nito. Natatakot siyang baka kapag kinulit niya pa ito, lalo lamang hindi nito matanggap ang lahat.

Matatanggap rin naman ni Ericka kung hindi siya yayain na magpakasal ni Cedric. After all, hindi biro ang magpakasal. Magkakaanak man sila pero hindi naman iyon rason para magpakasal talaga. Ang mahalaga lang muna sa ngayon kay Ericka ay ang matanggap ni Cedric ang nangyari. Ang matanggap nito na magkakaroon na sila ng anak at kagaya niya ay matutunan rin nitong mahalin iyon kahit hindi plinano.

Sa ikalimang araw na pag-iwas sa kanya ni Cedric ay napagpasyahan ni Ericka na bisitahin si Nanay Teresita. Pumayag siya sa kagustuhan ni Cedric na huwag pumasok sa trabaho dahil patuloy pa rin siyang sinasamaan ng pakiramdam sa mga nakaraang araw. Ngayong araw lang umalwan ang pakiramdam niya. Missed na niya ang kinikilalang pamilya. Kahit na ba madalas pa rin niyang tawagan ang mga ito upang kumustahin ay iba pa rin ang makita ang mga ito ng personal. Nagtext siya kay Cedric tungkol roon at pumayag naman ito nang sabihin niyang maayos na ang pakiramdam niya. Ipinahatid siya nito sa driver papunta sa bahay ni Nanay Teresita. Pinag-day off naman ni Ericka ang nurse dahil maayos na rin naman ang pakiramdam niya. Pero nang makarating siya sa tinirahang bahay dati, hindi niya natagpuan si Nanay Teresita roon. Si Matthew lang ang tao.

“Day off ko. Si Nanay naman ay nasa ospital, nagpapa-theraphy, kasa-kasama ang nurse na inupahan ng nobyo mo,” may pait ang boses na sabi nito. Halatang kapag mga bagay tungkol kay Cedric ay nahihirapan pa rin itong tanggapin iyon.

Tumango-tango si Ericka. “Kumusta ka na, Matt?”

Pagak na tumawa ito. “Alam mo na hindi ako okay, Ericka.”

Napalunok si Ericka. Nakakausap niya ito pero palaging sandali lang iyon. Iniiwasan rin siya nito at nararamdaman niya kung bakit. Galit ito sa kanya. “H-hindi ko gustong saktan ka---“

“Mahal mo talaga siya `di ba? Kaya ka sumama sa kanya ay dahil mahal mo siya. Hindi dahil sa binabayaran niya lang kuno ang pagpapagamot ni Nanay,”

Nagyuko ng ulo si Ericka. “Nagulo ako nang magtapat ka sa akin, Matthew. Hindi ako handa. Alam kong masasaktan ka kapag inamin ko sa `yo agad ang totoo.”

“Kaya pinatagal mo pa. Nasaktan rin ako, Ericka. Niloko mo pa ako.” Puno ng pait ang boses nito.

“Matthew...”

“Alam ko na malaki ang pinagkaiba namin ng lalaking iyon. Mayaman siya, sikat. Pero ako, matagal mo na akong kilala. Kailan lang kayo nagkakilala. Niloko ka pa niya. Samantalang ako, prinotektahan ka halos buong buhay mo. Kaibigan mo ako simula bata ka pa lang. Nang iwan ka ng nanay mo, bukas ang kamay na tinanggap kita. Pero naggawa mo pa rin sa akin ito.”

“Mahal rin naman kita, Matthew. Pero bilang kaibigan lang. Bilang kapatid. God knows kung gaano ako nagpapasalamat sa inyo ni Nanay. Pero hindi kita kayang lokohin kung ikaw ang pipiliin ko kaysa sa kanya. Espesyal ang nararamdaman ko kay Cedric. Kahit noong hindi ko pa alam na mayaman siya, nararamdaman ko na iyon. Mahal ko siya. Mahal na mahal---“

Tila may apoy na lumabas sa mata ni Cedric. “Tama na! Ayaw kong tanggapin. Hindi ko kayang tanggapin!”

“K-kailangan mo, Matt. Nagsasama na kami ngayon, alam mo iyon. At magkakaanak na kami...”

Namutla si Matthew sa pag-amin niya. “Ano?”

“Buntis ako, Matthew. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ko ginustong pumunta rito. Gusto kong sabihin kay Nanay ng personal iyon. Sa inyo.”

Sa gulat ni Ericka ay sinampal siya ni Matthew. Nanlaki ang mga mata niya. Iyon ang unang beses na sinaktan niya ito. “B-bakit---“

“Nagpabuntis ka sa lalaking iyon? Hindi pa kayo kasal! Ano ba talagang gusto mo na mangyari sa buhay mo, ha? Ano ang sa tingin mo ang ginagawa mo? Nakipag-live in ka! Pagakatapos kong ingatan ka, ganito ang gagawin mo sa buhay mo? Liberated! Para ka na rin nanay---“

Bago pa man maituloy ni Matthew ang sasabihin ay may isang kamay na tumulak rito. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya si Cedric. Kung paano ito nakarating roon ay hindi sigurado ni Ericka.

“Mag-ingat-ingat ka sa mga salita mo,” simple pero may pagbabanta na wika ni Cedric rito.

Pero hindi tumigil si Matthew. “Totoo naman. Para na rin siyang Nanay niya. Pumayag siyang ibahay mo siya kahit hindi pa rin naman kayo kasal. Oo, nagsisimula ng magbago ng kultura ang Pilipinas pero hindi ibig sabihin noon, dapat ay nakikisabay na rin doon si Ericka. Pinalaki siya ni Nanay ng disente. Prinotektahan namin siya. Iningatan. At ngayon ay ano? Buntis siya! Nagsama pa kayo kahit hindi naman kayo kasal. Labag sa batas ng simbahan ang ginawa niya. Ninyo. Parang masamang babae na rin si Ericka ng dahil roon!”

Nakita niyang dumilim ang mukha ni Cedric. Pero hindi ito nagsalita sa mga akusasyon ni Matthew. Sa halip ay niyaya na siya nitong umalis ng lugar na iyon. Ramdam niyang nagalit si Cedric dahil sa narinig na mga sinasabi sa kanya ni Matthew. Kahit si Ericka ay masama rin ang loob. May punto rin naman si Matthew pero sinaktan siya nito. Ni sa hinagap niya ay hindi niya naisip na darating sa puntong ganoon si Matthew. Buong buhay niya ay puro kabaitan lang ang ipinakita nito sa kanya. Dahil lang ngayong alam nito na hindi siya nito makukuha at hindi niya masusuklian ang nararamdaman nito, naggawa nito iyon sa kanya.

Niyakap siya ni Cedric nang makarating sila sa kotse. Ang sasakyan na ginamit nila ay ang sasakyan na ginamit niya kanina. Halos ipitin na ni Ericka ang sarili sa yakap nito. Ngayon na lang sila nagkalapit nang ganoon. Na-miss niya ang yakap nito. “Sinundan mo ako...”

“Nalaman ko na pinag-day off mo pala ang nurse mo. Natakot ako na baka may mangyaring hindi maganda sa `yon a wala kang kasama kaya sumunod ako. And I’m glad I did.” Tinignan siya nito. Nagdilim ang mukha nito nang titigan ang pisngi niya. Hinawakan nito iyon. “H-he hurt you?”

Bumuntong-hininga si Ericka pagkatapos ay tumango. “Hindi ko inaasahan. Iyon ang unang beses at---“

“Hindi ko hahayaang maulit muli ito, Ericka. Hindi ka niya dapat sinaktan!” mataas ang tono na wika ni Cedric.

At ganoon ka rin dapat sa akin, Cedric. Sinasaktan mo rin naman ako sa ibang paraan... gustong-gusto na sabihin ni Ericka pero pinigilan niya ang sarili.

Napatungo na lang si Ericka. Mas lalo pang hinigpitan ni Cedric ang pagkakayakap nito sa kanya. Kapagkuwan ay nag-utos ito sa driver.

“Drop us to the nearest jewelry shop in the area,” wika nito roon.

Bahagyang kumalas sa yakap ni Cedric si Ericka. “Jewelry shop? Anong gagawin mo roon?”

“We will buy a ring. We will get married.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.