Chapter 20

VERY beautiful, nasa isip ni Ritter habang tinitignan ang maternity photos ni Nari. Ilang buwan na lang ang bibilangin at manganganak na ito. Hindi pa rin nila alam kung ano ang gender ng sanggol. Pero malaki ang paniniwala niya na babae iyon. Napakagandang magbuntis ni Nari.

Nakatulong kay Nari ang New York. Hindi na ito nanghihina at namumutla kagaya ng lagay nito noong nasa Maynila pa ito. She was glowing now. Tama talaga ang desisyon niya na pumayag siya na lumayo muna ito sa kanya.

Naging mabuti rin sa career ni Ritter ang paglayo ni Nari. Dahil wala ito sa tabi niya at hindi responsableng asikasuhin ito ay mas nakatutok siya sa career niya. Masasabi niyang sikat na siya. Madalas na siyang naiimbitahan sa TV shows. Most requested rin ang mga kanta niya sa radio. Last month lang rin ay may lumabas na siyang album. It was a success. Malapit na rin daw siyang maging platinum awardee sabi ng manager niya.

Halos hindi makapaniwala si Ritter sa suwerteng natanggap niya. Tumatanda na siya kaya nawawalan na siya ng pag-asa na madi-discover siya at makakamit pa ang ganoong klase ng tagumpay. Pero siguro nga ay may tamang oras sa lahat. Masayang-masaya si Ritter kasi maganda na nga ang career niya, maayos rin ang pamilya niya.

And he will meet them very soon…

“Excited much?” nakangiting wika ng manager niya nang maabutan ang ginagawa niya. Kasalukuyan siyang nasa dressing room. Hinihintay niya ang oras para pumasok siya sa studio. May performance siya ngayon sa isang sikat na noon-time show.

“Siyempre naman. Missed na missed ko na siya.” Hinawakan pa ni Ritter ang cell phone niya kung saan niya tinitignan ang larawan.

“Kaunting tiis na lang,” tinapik pa siya ng manager sa balikat.

Next week ay puwede ng sumunod si Ritter kay Nari sa New York. Maayos na ang passport at VISA niya. May ticket na rin siyang nabili. Pinayagan na rin siya ng manager niya na mag-leave. Tapos na ang mga mall shows niya para sa album na kaka-launch lang niya. Cancelled rin muna ang lahat ng shows niya. Hindi man sana gusto ng manager niya ay naging mapilit siya. Missed na missed na talaga niya ang asawa.

Pero walang kaalam-alam si Nari sa gagawin niya. Sosorpresahin niya ito. Naniniwala siya na lahat ng mga babae ay mahilig sa sorpresa. It was also romantic.

Tumango si Ritter. “Susunod na ba ako?”

Tumango rin ang manager. Sinamahan siya nito sa waiting area ng stage sa loob ng studio. Ilang minuto pa at ipinakilala na siya at kumanta. He did his best like his other performances. Nang patapos na rin siya sa revival version niya ng kanta ni David Pomeranz na nagpasikat sa kanya at kasalukuyan rin na kinakanta rin niya ngayon ay ipinikit niya ang mga mata. Inisip niya si Nari. Iyon siguro ang masasabing secret recipe niya kung bakit bumenta ang pagkanta niya ngayon. He was really inspired.

Got to believe in magic,

Tell me how two people find each other

In a world that's full of strangers;

You've got to believe in magic

Somethin' stronger than the moon above

'Cause it's magic when two people fall in love….

Kasabay ng pagtapos ng kanta at palakpakan ng mga tao ay ngumiti si Ritter. Hindi na siya makapaghintay na maramdaman muli ang magic sa piling ni Nari.

“DAMN IT! Saan ba napunta iyon?” inis na inis na wika ni Nari habang naghahanap. Napuntahan na yata niya ang lahat ng parte ng bahay pero hindi pa rin nagpapakita ang hinahanap niya. Namamawis na rin siya. Ilang minuto mula ngayon ay mag-o-online na si Ritter. Natatakot siyang kapag hindi niya nahanap ang silicone bump niya ay mahalata nito na peke ang pinapalabas niya ritong kondisyon sa loob ng ilang buwan.

Imposibleng mawala ang silicone baby bump na iyon. Natatandaan niyang huling inilagay niya iyon sa cabinet niya. Pero wala na iyon roon. Wala rin iyon sa lugar na madalas niyang napapaglagyan noon.

Nawawalan na ng pag-asa si Nari na simpleng nawawala lang ang silicone bump. Pinuntahan na niya ang iisang tao lang na puwede niyang pagbintangan na nagtago noon. Kinatok niya ang kuwarto kung nasaan ang Daddy niya. Nang buksan nito ang kuwarto ay nakita naman niya ang hinahanap. Pero durog-durog na iyon. Nagkalat ang sira-sirang silicone baby bump sa kama.

Nanlaki ang mata ni Nari. “How dare---“

“No, Nari. We should stop this.” Bumuntong-hininga ang Daddy niya.

“Hindi pa ako ready! Alam mo iyon! Lalong hindi pa rin ready sa problema si Ritter. Hindi ko siya puwedeng saktan.”

“Lalo mo siyang sinasaktan sa pagsisinungaling mo sa kanya!”

Humalukipkip si Nari. May point ang Daddy niya kaya naapektuhan rin siya sa sermon nito. Naiiyak na rin siya. Pero lalo siyang malulungkot kung masisira ang pangarap ni Ritter dahil sa kanya. Malulungkot rin ito kapag nalaman ang balitang namatay ang sanggol na dinadala niya. Natatakot siyang makaapekto iyon sa career na sinisimulan pa lang nito.

Nang duguin ulit si Nari ay tuluyan ng nalaglag ang anak niya. Masakit. Ilang linggo rin siyang walang gana at ipinagpasalamat niya na iyon ang peak na busy na busy si Ritter sa trabaho nito. Hindi nito napansin ang pagkabalisa niya kapag nag-uusap sila. Ganoon pa man, pinilit niyang maging maayos para kay Ritter. Ayaw niyang malaman nito ang nangyari sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit mayroon siyang silicone bump. Nagpapanggap siya na buntis sa asawa.

Niyakap siya ng ama. “Ritter is almost established now. Hindi na makakaapekto sa career niya kapag nalaman niya ang totoo.”

Humikbi si Nari. “Magagalit siya sa akin kapag nalaman niya ang ginawa ko.”

“I’m sure maiintindihan ka niya.”

“I-I don’t know what to do, Daddy…” Tuluyan ng napaiyak si Nari. Yumakap rin siya sa ama.

“We will always be here for you, Anak. Kung hindi man maintindihan ni Ritter ang lahat, tutulungan kitang magpaliwanag. Just please tell him, okay? This scenario is giving me nuts, you know. Pinipilit ko lang na intindihin ang mga paliwanag mo. Pero dapat ay maintindihan mo rin na walang sikretong hindi nabubunyag.”

“J-just give me days, Daddy. Ihahanda ko lang ang sarili ko.”

“Pero paano mo ipapaliwanag kay Ritter na wala ka ng baby bump?”

“Magdadahilan ako. Hindi na muna ako makikipag-chat sa kanya.”

Tumango ang kanyang Daddy. Maya-maya ay nagpaalam ang Daddy niya sa kanya na makikipagkita sa Tito Nikos niya. Pumayag siya. Gusto rin naman niyang mapag-isa. Maliit lang ang bahay nila sa New York kaya wala silang stay-in na kasambahay. Mag-isa lang siya ngayon. Wala rin ang Mommy niya roon dahil bumalik na ito sa Pilipinas noong isang linggo. Naroon rin ang kapatid niyang si Yohan. Maganda na ang lagay ng Lola niya kaya bihira na lang rin pumunta ang Daddy niya sa Korea. Ito ang palagi niyang kasama sa mga nakalipas na buwan.

Umayon naman ang tadhana kay Nari. Hindi na siya nakapagdahilan pa kay Ritter dahil hindi ito nag-online. Nag-isip at nagpahinga na lang siya. Nagising lang ulit siya nang marinig niyang tumunog ang door bell ng bahay. Alas singko na ng hapon kaya naisip niyang ang Daddy niya iyon.

Pero sa halip, ang napaka-aliwalas at magandang ngiti ni Ritter ang nakita niya sa pinto. May hawak-hawak itong bouquet ng bulaklak at tatlong puso na lobo.

“Surprise?”

Namutla si Nari. They say surprises are romantic. But what happened was the worst surprise ever.

“Babe, bakit ka namumutla? Masama ba ang pakiram---“ natigil sa pagsasalita si Ritter nang bumaba ang tingin nito sa tiyan niya. Namutla rin ang mukha nito. “A-anong nangyari?”

“I’m sorry, Ritter…” tanging nasabi ni Nari at nagsimula na ulit umiyak.

PINILIT ni Ritter na makipagkita sa kaibigang si Sophie nasa New York. Ito na lang ang masasabi niyang taong puwede niyang pagkatiwalaan sa lugar. Ilang beses itong tumanggi pero sa huli ay pumayag rin. Iritado ang mukha nito nang dumating. Pero nang makita ang lagay niya ay kaagad rin na lumambot iyon.

“May problema ka,” wika kaagad ni Sophie. Nagkita sila sa coffee shop na malapit sa bahay raw na pinagtatrabahuhan nito. Thirty minutes at isang bus ride ang layo noon sa bahay nina Nari kung saan siya unang nagpunta nang makarating siya sa New York.

Pagak na tumawa si Ritter. “Kung wala akong problema, hindi kita iistorbohin. I missed you but I missed Nari more. Kung okay ang lahat sa amin, sana ay nasa tabi niya ako ngayon.”

“So siya ang problema. Ano’ng nangyari?” Kahit nasa ibang bansa ay nakakapag-usap pa rin sila ng kaibigan. Alam na nito ang tungkol sa asawa niya. Masaya ito para sa kanya.

“Niloko niya ako.” Nagdilim ang mukha ni Ritter sa pag-alala sa mga nangyari.

Tumaas ang isang kilay ni Sophie. “May lalaki siya?”

“Sana nga ay ganoon na lang…” Naiiyak na wika ni Ritter. Matatanggap pa siguro niya kung ipinagpalit siya ni Nari sa ibang lalaki. Pero niloko at pinagmukhang tanga siya nito. Hindi niya matanggap iyon…

“H-hindi ka buntis.” Ilang beses na kumurap si Ritter. Umasa siya na nanaginip lang siya. Hindi malaki ang tiyan ni Nari. Paanong nangyari iyon? Halos araw-araw niya itong nakaka-video chat. Malaki pa ang tiyan nito roon.

“Ritter, may paliwanag ako.” Umiiyak ng sabi ni Nari.

Kung sa ibang pagkakataon, baka umiyak na rin si Ritter. Nari looked so helpless. Madalas siyang nasasaktan kapag nasasaktan ito. Pero tanging galit ang nararamdaman niya ngayon. Niloko siya nito! Pinaniwala siya nito na buntis ito!

Hindi nagsalita si Ritter. Sa halip na awa, mas naramdaman niya ang galit. At natakot siyang baka kung ano ang maggawa niya kay Nari kung magsasalita pa siya.

Nag-umpisang magpaliwanag si Nari. “Ilang linggo pagkatapos kong dumating sa New York ay nalaglag ang bata. It’s because of me. I have an incompetent cervix. Pero gusto ko man na i-share sa `yo ang lahat, pinilit kong huwag na lang gawin. Hindi iyon makakabuti sa `yo. You are at the peak of your career. Mag-aalala ka lang. Wala ka na rin namang magagawa.”

“I could be there to support you!” Hindi na napigilan ni Ritter ang sarili. Nangigigil na siya. Anong silbi ng career niya kung wala naman ang mga taong gusto niyang pag-alayan ng mga iyon? Wala na ang isa. At ano na lang kung nawala rin si Nari? It must be so bad for her. Alam niyang mahal na mahal rin nito ang anak.

“I know. Pero hiyang-hiya na ako sa `yo, Ritter. Ang dami mo ng ginawa para sa akin. I don’t want you to be drag on this mess…”

“I want to be part of the mess. Karapatan ko iyon! Anak ko ang batang---“ Natigilan si Ritter. Naningkit ang mata niya nang may isang bagay siyang na-realize. “O baka naman kaya hindi mo ipinaalam sa akin dahil naisip mo na wala naman talaga akong karapatan?”

Hindi si Ritter ang ama ang totoong ama ng bata. Ano nga ba naman dapat ang pakialam niya?

“Hindi sa ganoon. `Wag kang mag-isip ng masama. It’s all about you. Ginawa ko ang lahat dahil mahal na mahal kita. Ayokong maging sagabal sa `yo at sa pangarap mo. You’ve done a lot of sacrifices for me.”

“Pangarap ko ang trabaho ko ngayon. Pero pangarap rin kita, Nari. You and our baby is the most important thing in my life. It’s wrong of you to lie to me. Niloko mo ako! Pinagmukha mo akong tanga! Hindi mo ba naisip kung gaano kasakit iyon sa akin? Kapareho rin `yun ng katotohanan na hindi pala nakabuti sa `yo ang New York at namatay ang anak natin!” Galit pa rin na wika ni Ritter at pagkatapos ay umalis sa bahay ni Nari. Pinigilan siya nito pero mas malakas at matigas siya. He wanted to get away from the woman whom he thought he could trust enough.

Ikinuwento ni Ritter kay Sophie ang nangyari. Nagulat ito pero maya-maya ay tumango-tango rin. Seryosong tinitigan siya nito.

“Wala akong nakikitang mali sa ginawa niya.”

“Ano?! Pinagmukha niya akong tanga!”

“Pero ayaw lang niya na mag-alala ka. Narinig mo na mismo sa kanya na ginawa lang niya iyon para sa `yo.”

“At tinanong niya ba ako kung gusto ko rin `yun?! Napaka-unfair ng ginawa niya!”

Natigilan si Sophie. Maya-maya ay tumango ito. Yumuko ito. “M-may point ka rin naman.”

“Siyempre!” Kumunot ang noo ni Ritter. “O bakit ka nakayuko diyan?”

“M-may bigla lang akong naisip.” Bumuntong-hininga si Sophie. “Hindi mo ba talaga mapapatawad si Nari sa ginawa niya, Ritter?”

Napaisip si Ritter. Mahal niya si Nari. Lahat ng nagmamahal ay marunong magpatawad. Pero sa ngayon ay mas nanaig sa kanya ang galit. “Maybe. But eventually…”

“Paano kapag ako ang nanloko sa `yo, Ritter?”

Kumunot ang noo ni Ritter. Seryosong-seryoso ang mukha ng kaibigan. “Anong ibig mong sabihin?”

May lumabas na luha sa mata ng kaibigan. “Nakaka-relate ako kay Nari. Pareho lang kami ng ginawa. Itinago ko rin ang totoong lagay ko dito sa New York…”

Nanlaki ang mata ni Ritter. “I-iyon ba ang dahilan kung bakit hindi kita kaagad mapilit na makipagkita sa akin? Kahit kay Natalia, hindi ka rin daw nagpapakita…”

Tumango si Sophie. “Niloko ako ng agency ko. Iba iyon sa agency na ibinigay ko kay Natalia, ha. Ilang buwan rin akong TNT rito at suma-side line. Hindi ko sinasabi sa inyo at sa pamilya ko dahil ayaw kong mag-alala kayo. Pero siguro ay oras na rin para sabihin ko kahit isa sa mga malapit sa akin ang lahat. Tama ka, unfair na magsinungaling ako. Pero may dahilan naman ako. Ayokong mag-alala kayo sa akin. And I thought it’s for all of your own good…”

Umiyak rin si Sophie sa harap ni Ritter. Lalo siyang nagulo sa nangyari. But somehow ang katotohanan na hindi lang si Nari nagsinungaling sa kanya sa kaparehong dahilan ay bahagyang nakagaan ng pakiramdam sa kanya. Normal lang ang pangyayari.

“N-ngayon ba ay ganoon ka pa rin, Sophie? Paano kung mahuli ka ng mga pulis?”

Umiling si Sophie. “Naayos na ni Tito Nikos ang mga papeles ko. May permanent job na ako ngayon.”

“Tito Nikos?” Pamilyar ang pangalan. Kumunot ang noo ni Sophie. “Ang sinasabi mo ay si Nikos Afinidad?”

Tumango si Sophie. “Nalaman niya ang lagay ko at binigyan niya ako ng trabaho. Mabait si Tito Nikos. Pero madalas na nahihiling ko na sana ay ganoon rin ang panganay niyang anak.”

“Si Nicollo Afinidad?” Umahon ang pag-aalala sa puso ni Ritter. Naikuwento sa kanya ni Francis na naaksidente ang lalaki. Nasa lugar kung saan naaksidente si Nicollo noon si Francis kaya alam nito ang kuwento. Naikuwento rin sa kanya nito ang mga naging effect noon sa lalaki. Ilang buwan raw itong comatose. At nang magising ay hindi nito natanggap ang pangyayari. Naging masama raw ang ugali nito.

Dumilim ang mukha ni Sophie. “Yes, that monster Nicollo Afinidad…”

Napakurap si Ritter. Ibig sabihin ba noon ay nasa panganib pa rin si Sophie?

Nag-aalala si Ritter kay Sophie. Hindi maganda ang lagay nito sa America. Pero para sa pamilya ay nagsakripisyo ito. Hindi nito sinabi ang lahat dahil ayaw nitong mag-alala ang pamilya. At ganoon rin si Nari.

Nakonsensya naman si Ritter. Masyado niyang inisip ang sarili at galit niya. Paano naman si Nari? For sure, everything was not good for her. At dinagdagan niya pa iyon ng galit niya.

MAITIM na ang ilalim ng mga mata ni Nari dahil sa kakaiyak. At ngayong nakaharap siya sa salamin ay lalo lang siyang napapaiyak. Bumalik na ang dating ganda ng katawan niya. Pero hindi iyon ang gusto niyang makita. She needed to have a baby bump. Gustong-gusto niya. Wala siyang pakialam kung maging balyena man siya sa laki basta bumalik lang ang anak niya.

Naisip niya ang nasirang silicone baby bump. Kahit hindi nakikita ni Ritter ay paminsan-minsan na sinusuot niya iyon. Tuwing nalulungkot siya ay gumagaan ang pakiramdam niya kapag suot iyon. She felt crazy but it was also her way of dealing with the tragedy. Ngayon ay wala na rin iyon.

At paano kung si Ritter ay mawala rin?

Galit sa kanya si Ritter. She was preparing herself for it. Pero hindi pa nga talaga siya prepared. Napakasakit sa kanya ng nangyari. May point rin naman ang mga akusasyon ni Ritter. Dapat ay hindi siya nagsinungaling rito. It was very unfair of her.

Napatingin si Nari sa throw pillow sa kama niya. Paano kung iyon ang gamitin niya bilang substitute sa silicone baby bump niya? Kailangan lang naman niyang makita ang itsura niya na malaki ang tiyan. Kahit hindi iyon perpekto…

Kinuha ni Nari ang throw pillow. Isinusuot na niya iyon sa kanya nang bumukas ang pinto ng kuwarto. It was Ritter.

“Faking your pregnancy again?” Nakakunot ang noo ng asawa.

Namutla naman si Nari. “B-bumalik ka.”

Matapos malaman ang totoo ay umalis si Ritter. Hindi niya inaasahan na babalik ito kaagad. Galit ito sa kanya. Bakit naman ito babalik?

May pera na ngayon si Ritter. May pambayad na ito sa hotel kung ayaw talaga siya nitong makasama kasi nga ay galit ito.

“And again, I don’t like what I see…” Kinuha ni Ritter ang unan. “Bakit mo ginagawa ito?”

Yumuko si Nari. “Maybe I am crazy?”

“Ano?”

Napaiyak na ulit si Nari. “I-I wanted to feel my baby, Ritter. I wanted to feel pregnant again. I want to be pregnant again…”

Nilapitan siya ni Ritter. Isang bahagi niya ang umaasa na yayakapin siya nito at papakalmahin. Pero sa halip, tinapik lang nito ang isang balikat niya.

“Matulog ka na, Nari.”

“Ritter…” Gustong-gustong yakapin ni Nari ang asawa. Pero natakot naman siya sa rejection.

“Go on. Rest. Bukas na tayo mag-uusap…” Tinanggal ni Ritter ang throw pillow sa katawan niya at itinapon sa kama.

Naguguluhan man, sinunod na rin ni Nari ang asawa. Pagkatapos ng lahat, masaya na rin siya. Binalikan siya nito. Hindi man malinaw sa kanya ang lahat, malinaw naman na si Ritter talaga ang nasa kuwarto.

Sana nga lang, bukas ay malinaw pa rin niya na nakikita si Ritter. Sana ay hindi na ito umalis sa tabi niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.