CHAPTER 14

Elwood

NAKAILANG pabalik-balik na ako sa harapan ng kama ni Chloris at wala pa din siyang malay. Kanina pa akong nakapag-channel ng energy sa kanya at hindi pa din siya nagigising. Hindi na ganoon kahina ang enerhiya niya pero bakit hindi siya nagkakamalay? May ilang pagkakataon na nagiging duguan ang braso niya, ang mga palad, ang mga binti. At kahit anong punas namin, hindi natatapos ang pagdurugo. May pagkakataon naman na mawawala ang mga sugat at lilipat sa ibang bahagi ng katawan niya. Naririnig ko din ang mga ungol at daing ni Chloris na parang nasasaktan habang natutulog.

Hindi ko eksaktong alam kung ano ang nangyayari. Hindi ko naman ito nakita nang sumilip ako sa mga time planes na papadating palang. At wala ang eksenang ito o maging ang eksena ni Anika sa field. Nagsimula lang ito nang araw na lumabas ang tornado of energy ni Anika. Tumigil ang oras noon pero hindi naapektuhan si Chloris at ang iba pang Kimburian na estudyante sa university. Mangilan-ngilan lang sila at mga low class witch and wizards. Sa takot siguro kaya nagsipagtago din. Pero si Chloris, sa halip na matakot sa nakikita, curiousity pa yata ang nagtulak dito para pumunta din sa field at hanapin si Anika. I know why. Immune na si Chloris sa takot sa mga kakaibang bagay. Paano, masyado na siyang expose sa mga kakayahan ng mga tulad ko.

Kitang-kita ko nga. Nang mga sandaling inaakala niya siguro na matatamaan si Anika dahil pinupuntirya ito ng mga green energies mula sa kalangitan, bigla siyang sumigaw ng pagkalakas at parang inaabot si Anika. Pero bigla ring lumabas mula sa palad niya ang white energy. Hindi niya siguro makontrol at paitaas naitutok ang palad. Dumeretso iyon sa mga nagsasalpukang green at red energies na alam kong galing sa mga royal blood Kimburians. At ang berde ay kay Aunt Petunia. Ramdam ko iyon , isa pa ay pareho kami ng uri ng kapangyarihan. Madaming beses nga lang na mas malakas ang kay Aunt Petunia.

Matapos kong maisaayos ang buong paligid habang unti-unti ko na ding ibinabalik ng usual na pagtakbo ng oras, si Chloris naman ang inasikaso ko. At magmula nga nang araw na iyon, hindi pa nagkakamalay si Chloris. Posibleng ang nagpabago ng takbo ng pangyayari ay ang pagpe-penetrate ng mga kapangyarihan sa mundo ng mga tao. Ginugulo ng mga iyon ang balanse ng mundo ng mga tao. At tama si Chloris. Posibleng ang nalalapit na new world order sa Kimbura sa pamumuno ni Aunt Petunia ay may kinalaman sa pagbabago din ng takbo at balanse ng buhay ng mga tao.

Kailangang matapos na ang lahat ng ito.

“Ayan na naman!” Nag-aalalang sambit ni Soleih habang nakatitig sa natutulog na si Chloris.

Katulad ko, ilang araw na din ang mga itong walang tulog at nagbabantay. Nang araw na ipasok ko sa hide out namin si Chloris na walang malay, gulantang ang dalawa nang malamang may nangyari sa present time. Hindi ko na din muna sila pinalalabas ng hide out. Masyadong delikado para sa kanila. Hindi naman namin masasabi kung ano pa ang mga pwedeng mangyari dahil mukhang nagbago ang mga kaganapan kaysa inaasahan ko. Nagsayang lang ba ako ng dalawang araw na panonood ng mga mangyayari sa mga time planes na ahead ng kaunti sa present time?

Oo nga at ligtas siya sa mga simulacrum dito sa loob ng time plane, pero paano ipapaliwanag ang nangyayari sa katawan niya habang natutulog? Imposibleng kagagawan din ito ng mahika ng kalaban. Protected ang time plane na ito at imposibleng maisip ni Aunt Petunia na dito ko itatago ang mga priestess.

“Ayan na naman ang sugat. May lumalabas na namang sugat!”

Gimbal si Ceilah habang itinuturo ang mukha ni Chloris. Gumuguhit doon ang dugo na parang nahiwa ang kabilang pisngi nito. Napasugod ako sa kama at agad na pinahid ng bimpo ang dugo. Pero may sugat sa pisngi nito at hindi basta maampat ang pagdudugo. Napatingala ako sa blood bag na katabi ng dextrose. Pinakabitan ko ng ganoon si Chloris para siguraduhing hindi siya mauubusan ng dugo dahil wala nang tigil ang pagsibol ng mga sugat na kung titingnan mabuti, kagagawan ng mga patalim.

“Hindi ko maintindihan. Bakit ba nangyayari ito? Effect ba iyan ng spell ng kaaway? Bakit kahit nandito sa time plane si Chloris, nagkakaganyan siya? Aren’t we safe here, anymore?” parang gustong maghurumentadong tanong ni Soleih.

Naiintindihan ko naman ang takot niya. Natural lang iyon dahil ang inaasahan nilang pinaka-safe na lugar laban sa mga kaaway ay ang hide out namin. Kaya nga pa-easy-easy lang sila kapag nandito.

“Hindi ko din alam.”

Hindi ko mapigilan ang pagtatagisan ng mga bagang ko. Hindi ko gusto ang nakikita ko. Hindi ko man gustong umalis pero kailangan ko munang iwan si Chloris para bumalik sa present. Baka nandoon ang sagot sa mga tanong ko. Baka may mga nangyayari na naman.

“Bantayan niyo muna si Chloris, may aasikasuhin lang ako.”

Isa pang sulyap sa kanya sa kama at napatiim-bagang na naman ako. Kitang-kita ko ang pag-retort ng magandang mukha niya sa pamimilipit sa sakit. Puro latay na ang katawan niya. At habang tinitingnan ko siya, mas lalo akong nagagalit sa sarili ko dahil wala akong magawa.

Anika

NAGLALAKAD ako pauwi nang mapansing biglang nagbago ang paligid. Hindi ang view, kundi ang pakiramdam. Alam ng mga mata ko na ganoon ang hitsura ng daan papauwi. Pero bakit pakiramdam ko, nasa unfamiliar place ako? Saka, bakit papagabi na? Alas-tres ng hapon ang last class ko ngayong araw. At dapat din, sabay kami ni Dach umuwi. Dahil lagi naman kaming nagsasabay. Kahit dismissed na siya ng twelve noon, hinihintay niya ako hanggang alas-tres.

Pero bakit…

Bigla akong kinabahan nang maramdamang may sumusunod sa akin. Natatakot ako sa totoo lang. Ano ba ang nangyari sa akin at naisipan kong maglakad mag-isa? At gabi pa. Magubat pa naman sa shortcut way na dinadaanan namin ni Dach pauwi. Malapit lang naman kasi ang community namin sa university. Puwede nang lakarin, lalo na kung dadaan sa shortcut. Na medyo magubat nga lang. Uso ang gubat sa Cavite.

Papalakas ng papalakas ang tibok ng puso ko dahil sa napakatinding kaba. Pakiramdam ko nga, nasa tapat ng tainga ko ang puso ko at doon malakas na tumitibok. At nakakabingi ang pag-iingay noon. Napansin ko ring biglang may anino na sumasabay na sa paglalakad ko. Halos kumaripas na ako ng takbo para lang hindi maabutan ng anino. Pero sobrang bilis niya. At kahit lumipad yata ako sa bilis ng paglalakad, maaabutan at maabutan niya ako!

“Diyos ko! Ano po’ng gagawin ko? Ano’ng gagawin ko? Dach!!! Nasa’n ka ba, Dach?!”

Mangiyak-ngiyak na ako habang isinisigaw ang pangalan ni Dach. At bakit ganoon? Ang bilis ng paglubog ng araw. Kanina lang, parang mataas pa ang araw. Pero bigla-bigla na lang nagdilim ang paligid. Madilim pero nararamdaman ko at nakikita kong may dark shadow sa tabi ko. Sumasabay siya sa mabilis kong pagtakbo. At kahit tumatakbo na ako, parang hindi ako nakakaalis sa lugar na iyon.

Bakit? Bakit?!

“Dach!!! Tulungan mo ako, Dach!”

Kasabay ng pagsigaw ko ang pagbulaga ng dambuhalang dark shadow sa harap ko at humarang sa daraanan ko. Katulad na katulad ng mga napapanaginipan ko noon. Dark shadow na gustong lamunin ang kaluluwa ko. ‘Yong dark shadow na katulad ni Casper ang shape pero may hood at kulay itim. Walang klarong mukha. Tanging nanlilisik na pulang mga mata at malapad na bunganga lang ang detalye sa mukha niya.

Napaurong ako. Humakbang patalikod nang may mabunggo na kung ano. Paglingon ko, isang dambuhalang dark shadow na naman.

Napatili ako ng malakas. Bigla ko ding nabigkas ang salitang: “Vulienate!” Kasabay ng pag-spread ng dalawa kong braso paunahan at sa tagiliran. Ang mga palad ko, nakabuka sa harap ng mga dark shadows.

Kasabay niyon ang paglabas ng dilaw na energy sa mga kamay ko at sumalya ang mga nilalang sa paligid ko. Narinig ko din ang mga daing nila na parang nasasaktan. Gulantang na gulantang ako sa mga nangyayari.

Paano ko nagawa iyon? At ano ba ang mga nilalang na iyon?

“Anak… gising! Anika…”

“Anika… Gumising ka! Gumising ka na, parang awa mo na!”

Hinanap ko kung saan nanggagaling ang mga boses. Kilala ko ang mga boses. Kilala ko `yon! Sina Mama at Papa.

“Mama! Papa! Nasa’n kayo?”

“Anika, bumalik ka sa amin, please. Huwag mong gawin sa amin ito.”

“Mama!!!” Napahagulhol ako. Natatakot. Sobrang natatakot na ako! Ano ba ang nangyayari? Nasa loob ba ako ng panaginip? Panaginip ba ito? Binabangungot ba ako? Kung bangungot ito, please, gisingin n’yo ako. Parang awa n’yo na! Maawa kayo sa akin! Gusto ko nang magising!

“Hindi ko kayo makita. Nasa’n ba kayo? Gusto ko nang umuwi!”

Napasigaw ako nang malakas sa matinding takot at gulat ko nang bigla akong sakmalin ng dark shadow na nakalimutan kong kinakalaban at tinatakbuhan ko pa pala. Dambuhala ang kamay niya. Alam kong dark shadow siya pero bakit nahahawakan niya ako? At bakit ba lagi nalang niya akong hinahabol?!

May mahihinang boses at hindi ko maintindihan ang mga sinasabi dahil may background sound na katulad ng hissing sound ng mga ahas. Pabulong ang mga iyon pero alam ko, malapit na malapit lang sa mga tainga ko. Ramdam ko ang chilling effect at lalo akong kinilabutan nang makitang papalapit sa mukha ko ang bibig ng anino.

Heto na naman siya. Balak na naman niya akong lamunin!

“Huwag! Huwag kang lumapit sa akin!” Tumitili ako habang mariing nakapikit.

Pero may naramdaman akong dumaklot din sa katawan ko at inagaw ako sa dambuhalang dark shadow. Ang sumunod kong naramdaman ay ang pagtusok ng mga matitilos na bagay sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ko. Sa una ay parang walang pakiramdam pero nang magmulat ako ng mga mata, naramdaman ko ang matinding hapdi. Ang sakit ng mga sugat na dala ng mga daggers na nakatusok sa mga braso at binti ko. Naka-pin ako sa dambuhala ding puno at hindi ko maigalaw ang katawan ko dahil mas lalalim ang mga sugat.

Tumutulo at umaagos na ang mga dugo mula sa mga sugat na pinagkakatusukan ng mga daggers pero hindi pa din tumitigil ang kung anong nilalang na parang pinaglalaruan ang kalagayan ko. Lumapit sa akin ang dark shadow hawak ang isa pang dagger. May sumulpot na isa pang dark shadow. Sila na naman? Akala ko ba napaalis ko na sila? Bakit nandito na naman sila? At nakakagamit sila ng totoong bagay.

“Tigilan niyo na ako, parang awa niyo na! Pagod na pagod na akong tumakbo palayo sa inyo. Please. Parang awa niyo na, tama na!”

Napakasakit na ng mga sugat ko, hindi ko alam kung kakayanin ko pa bang mag-survive lalo at naka-pin ako sa puno. Hindi ko na din alam kung magagawa ko pa ang spell na ginawa ko kanina. Nararamdaman ko na kasi ang pagtakas ng lakas ko. Parang namamanhid na din ako.

“Dach… nasaan ka ba?” Hindi ko napigilan ang pagkawala ng mga hagulhol ko. Nawalan na ako ng pag-asa na makakatakas pa.

Walang makakatulong sa akin para makaligtas sa panganib na ito. Ano ba kasing kasalanan ko? Ano bang ginawa ko? Wala naman akong ibang gustong gawin kundi ang umuwi na, bakit ayaw nila akong payagan?

“Please… Pauwiin niyo na ako.” Puno na ng pagmamakaawa ang boses ko. Tuloy rin ako sa pag-iyak. Hindi mawala-wala ang takot ko sa sitwasyon habang papalapit sila sa akin. Naging napakabagal ng paglapit nila na para bang ikinatutuwa pang i-torture ako sa matinding takot.

Mula sa kung saan, naririnig ko sina Mama at Papa na tinatawag ako. Pero pahina nang pahina ang boses. At lalo akong nataranta. Ibig sabihin ba noon, palabo nang palabo ng chance na makabalik ako?

“Ayoko na! Ayoko na! Gusto ko nang umuwi!” Hysterical na akong sumigaw habang umiiyak. Hindi ako makawala at habang kumikilos ako, lalong tumitindi ang hapdi at sakit sa mga sugat ko. Mas lumalalim ang mga sugat dahil sa matatalas na daggers na nakatusok sa mga braso at binti ko. I felt so hopeless. Para bang katapusan ko na, ipinikit ko ang mga mata ko at tinanggap na wala na akong pag-asang makaligtas pa.

Naramdaman ko ang paghiwa ng patalim sa pisngi ko. May humiwa sa mukha ko at napaigik ako sa hapdi. Isang nakakakilabot na halakhak ang kasunod kong narinig. Humahalakhak ang dark shadow sa harapan ko na humiwa sa mukha ko. Maya-maya ay hita ko naman ang pinuntirya niya. Kasunod ang mga braso. Pinaglalaruan niya ako habang tinotorture sa tindi ng hapdi at kirot ng mga sugat na ibinibigay niya sa katawan ko habang humahalakhak. Patuloy ako sa pag-iyak, pagmamakaawa na tigilan na nila ako. Pakiramdam ko, mauubos na ang dugo ko dahil sa mga ginagawa ng demonyong ito sa katawan ko.

“Vulienate!”

Napasinghap ako nang marinig ang pamilyar na boses. Bigla ang pagsilip ng pag-asa sa dibdib ko agad akong nagmulat ng mga mata. Ang kasunod kong nakita at naramdaman ay ang pagkaalis ng mga dagger sa katawan ko at ang pagsalo sa akin ni Dach. Wala na ang mga dark shadow. Si Dach nalang ang kasama ko at puno ng takot at pag-aalala ang mga mata niyang nakatitig sa akin.

Napakayakap ako ng mahigpit kay Dach at nag-iiyak sa dibdib niya. Nabuhayan na ako ng loob dahil alam kong ligtas na ako. I am safe inside her arms.

“Anika…”

Parang hinihila ako ng antok kaya mas sumubsob ako sa dibdib niya. Naramdaman kong hinaplos niya ang mga sugat ko kasabay ng pagbulong ng mga salitang hindi ko maintindihan. At unti-unti ay gumiginhawa ang pakiramdam ng mga katawan ko. Unti-unti, tumitigil sa pagdudugo ang mga sugat, parang naghihilom hanggang sa tuluyang mawala.

“Halika na, umuwi na tayo.”

Nagawa kong magmulat ng mga mata at tiningala siya. Nakatiim-bagang si Dach habang nakatitig sa akin. Puno ng pag-aalala at galit ang asul niyang mga mata. Gusto ko sanang itanong kung paano niyang nagawang patigilin ang pagdudugo ng mga sugat ko pero iba ang lumabas sa bibig ko.

“Bakit mo kasi ako iniwan? Akala ko ba hihintayin mo ako hanggang sa last class ko?” Nakuha ko pang magreklamo habang umaayos ng pwesto. Kahit paano ay gumiginhawa ang pakiramdam ko dahil sa kung anong ginawa niya sa mga sugat ko.

“Na-late lang naman ako ng konti.”

“Konti ba `yong muntik na akong lamunin ng mga halimaw?”

Kahit natatakot ako, nagawa ko na ding ngumiti. Dahil nandito na siya. Ang superman ko. Tumayo si Dach at umakmang aalalayan na ako pero napakabilis ng pangyayari. May sumulpot na dark shadow sa likuran niya. Hindi ko alam kung paanong nadaklot siya noon. Ni hindi ko siya nabigyan ng warning.

“Dach! No! Dach!!!”

“Anika!!!”

Kasabay ng mga sigaw namin ni Dach ang paglamon sa kanya ng dark shadow. Unti-unting nawala iyon matapos ang paglamon kay Dach. Kasunod ang pagliwanag na ng buong paligid. Tumayo ako at nagpilit na magtatakbo sa kung saan na lang habang isinisigaw ang pangalan ni Dach. Pero wala na. Wala na si Dach sa kahit saan. Hysterical na napahagulhol na naman ako sa matinding takot at pag-aalala. Hindi na lang para sa akin kundi para kay Dach. Palagi na lang ganito. Palagi na lang, tuwing magkakasama kami, isa sa amin ang mapapahamak.

“Nasaan ka na, Dach? Akala ko ba uuwi na tayo? Gusto ko nang umuwi. Umuwi na tayo, Dach! Umuwi na tayo!”

Napaluhod na lang ako sa kalsada habang umiiyak. Bakit ba ang hirap-hirap umuwi? Pagod na pagod na akong tumakbo at magtago. Gusto kong makapagpahinga naman. Kahit sandali lang.

NAPABALIKWAS ako. Takot na takot pa rin. Takot na takot ako dahil hindi ko makita si Dach. Pero nandito sina Mama at Papa. Umiiyak si Mama na bigla na lang akong kinabig.

“Anika…” Humihikbing sabi niya habang niyayakap ako. “Bakit nangyayari ito? Bakit nangyayari ito sa `yo? Ayoko nang patulugin ka kung ganito din lang palagi ang nangyayari. Natatakot ako na baka hindi ka na makabalik.”

Nanginginig si Mama. Ramdam ko habang yakap niya ako. Sabay kaming umiyak ni Mama. Natatakot din ako. Sobrang natatakot ako. Ilang araw na akong binabangungot ng mga mapapanganib na eksena. Pero parang totoo. Parang totoong-totoo. The scene felt so real and so scary. And the feelings of the painful wounds… I can still feel it. Nararamdaman ko pa sa bahagi ng mga katawan ko na tinarakan ng mga daggers. Hindi nalang ganoon katindi ang kirot at sakit dahil sa panaginip ko, nagawa ni Dach na kahit paano ay magamot ang mga sugat at maampat ang mga pagdudugo. Bakit parang totoong-totoo talaga? Nalilito na ako. Alin ba talaga ang panaginip at ang reyalidad?

“Ayoko nang matulog, Ma. Ayoko na…” taghoy ko sa kanya at humagulhol na naman.

Si Papa, nasa tabi ko lang, hinahagod ang likod ko pero hindi maipinta ang mukha. Galit siya na parang sobrang nag-aalala. Nagtitiim-bagang kasi siya. Patuloy naman kami sa pag-iyak ni Mama habang magkayakap.

“Ano bang dapat nating gawin? Hindi naman puwedeng hindi ka magpapahinga.” Parang hopeless at frustrated na sabi ni Papa.

Pero hindi pagpapahinga ang nararanasan ko sa pagtulog. Isang napakahabang pagtakbo, pagtatago at pakikipaglaban. Iyon ang nararanasan ko. Mas madali pa nga yata ang buhay ko kapag gising. Mas madaling tumakbo. Mas madaling maghanap ng tutulong. Kasi kapag gising ako, alam ko kung saan hahanapin sina Mama at Papa.

At si Dach.

Hindi kagaya sa bangungot. Naririnig ko sila, pero hindi ko naman makita. Kung ano-anong peculiar na eksena ang nangyayari. Ang hirap ipaliwanag. At ang hirap din intindihin. Saan pa ba ako lulugar nito? Kahit saan kasi ako magpunta, parang parating mapanganib. There was no safe place for me. There was none…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.