Anika
“ANIKA!”
Nilingon ko ang tumatawag na si Dach. Nasa freedom park ako at nag-iisip-isip. Hindi na ako nakagawa ng tulog kagabi kahit sinasabi nina Mama at Papa na sasamahan nila akong matulog para may gigising sa akin kapag may mangyari na namang hindi maganda. Pero hindi ko na magawang matulog. Hindi din ako um-attend ng klase. Natatakot pa din ako sa napanaginipan ko. May hinala ako na si Sir Elwood ang puno at dulo ng lahat ng nangyayari sa akin. Tahimik naman ang buhay ko noong hindi ko pa siya nagiging teacher. Pero sa unang araw pa lang ng klase niya, may kakaiba na agad akong naranasan. Ano bang klaseng nilalang siya? At bakit niya ginagawa sa akin ito?
“Nagpuyat ka na naman? Hindi maganda iyan, ha? Kung dahil na naman iyan sa pagpapapayat, tigil-tigilan—”
“Kung namamayat nga ba ako, bakit hindi?” Pigil ko sa pagsesermon niya.
Dumilim ang mukha ni Dach sa narinig. Hindi ko naman siya pinansin. Ibinalik ko ulit ang atensiyon ko sa kawalan. Siguro nga panaginip lang ang lahat dahil maayos si Dach. Naririto pa din siya sa harapan ko. Pero paano nalang kung premonition pala ang napapanaginipan ko? Dahil paulit-ulit ang lahat ng iyon. ‘Di ba no’ng nakaraang buwan, nagkakatotoo ang mga napapanaginipan ko? Ang sisimple ng mga eksena pero nagkakatotoo. Paano akong hindi matatakot sa panganib ng mga panaginip ko ngayon?
“Tigil-tigilan mo na iyan. Hindi na iyan nakakabuti sa `yo? Akala mo gaganda ka na kapag pumayat ka? Aba, tingnan mo nga ang sarili mo? Luwak na luwak ang mata mo. Puro linya ‘yang noo mo. Humpak din ang mga pisngi mo. Para kang matandang nalosyang!”
Puro insulto ang narinig ko sa kanya. Nag-expect na din ako na susundan niya iyon ng paghagalpak ng tawa. Pero hindi iyon ang narinig ko. Sunod-sunod na buntong-hininga at paggigitgitan ng mga ngipin. Nang lingunin ko siya, sobrang dilim ng guwapong mukha niya. Parang gustong mang-away.
Ganito lang siya kapag totoong galit na. Kapag seryoso na ang sitwasyon. Napabuntong-hininga ako. Dapat ko na sigurong sabihin ang mga nangyayari sa akin.
“Hindi na lang ito tungkol sa pagpapapayat, Dach.” Mabigat na sambit ko. Pagod na pagod ang pakiramdam ko, sa true lang.
Parang ang hirap-hirap nang magsalita. Ang hirap-hirap nang mag-explain.
“Then, ano?” asar na tanong niya. “I’m telling you, hindi ka magugustuhan ng Guimard na iyon kung mukha kang nalosyang.”
Tinapunan ko nga siya ng matalim na irap. Bakit napasok na naman si Guimard sa usapan? Bumuntong-hininga si Dach. Sumalampak siya sa tabi ko.
“Kung gusto mo talagang magpapansin kay Guimard at magustuhan niya, tutulungan na kita. Pero huwag mo namang isacrifice ang kalusugan mo. Kasi, kung gagawin mo iyon, pipigilan pa kita sa pagpapapansin mo sa gagong ‘yon.”
Nagsalubong na ang mga kilay ko. Ano bang mga pinagsasasabi niya? Oo na. Naguguwapuhan at nababaitan naman nga ako kay Guimard. Crush ko na nga siya kaagad. Pero nakalimutan ko na ang tungkol doon matapos itong mga nakakatakot na pangyayari sa buhay ko. Uunahin ko pa ba ang paglandi kaysa kaligtasan ko?
Puwede ba?
“Excuse me nga? Hindi naman ako katulad mong malandi.” Sikmat ko nga sa kanya.
“Aray naman! Ang sakit n’on, ah?” emote niya na parang totoong na-offend.
“Eh, bakit? Totoo naman, ah? Papalit-palit ka ng girlfriend. Sino ang current mo?”
“Current? Hmm…” Parang nag-iisip na hinimas-himas nito ang baba. “Type ko si Chloris. Kaso, ang hirap naman magpapansin sa kanya. Ang astig masyado. Parang walang ibang gustong gawin kundi ang pumalo ng bola.” Nilingon niya ako na nakangiti na. Sinasabi na nga ba? Bumabalik ang magandang mood nito kapag magagandang babae na ang pinag-uusapan. “Mas madali sana kung mahilig siyang kumain. Susuhulan ko na lang ng masarap na foods. Isasama kong mag-food trip.”
“Ako ba, ginagago mo talaga?”
Obvious naman kasi na inaasar na niya ako. Sino lang ba sa mga kaibigan at kilala niya ang mahilig kumain? Ako lang naman iyon at ang mga katropa niya sa basketball. At walang babae sa mga katropa niya sa basketball. That means, ako talaga ang pinapatamaan niya.
“Bakit? Ano bang mali sa sinabi ko?” Painosente pang tanong ng loko. “Totoo namang mas masarap kasama `yong mahilig kumain. Madaling suhulan. Busog ka na din, hindi ka pa pagod. Masaya ka pa!”
“Ewan ko sa `yo.” Tinalikuran ko na siya. Palagi na lang ganito. Wala sa pokus kausap si Dach. Kung saan-saan nauuwi ang mga pag-uusap namin. O baka sinasadya niya din na kung saan-saang walang kwentang bagay mauwi ang usapan namin? Palagi kasing lumiliko ang topic namin kapag magkausap kami. Hindi ko tuloy masabi-sabi ang gusto kong sabihin.
Hayst!
Hindi ko alam kung sasabihin ko pa ba sa kanya. Baka hindi naman niya ako seryosohin. At kailan ba naman siya may bagay na sineryoso?
“Saka ko na iisipin si Guimard. May mas importante akong dapat isettle ngayon.” Sabi ko. Ibinalik ko na ang topic na dapat naming pag-usapan.
“So, talaga ngang type mo ang Guimard na iyon, ha?”
“Bakit? Ano bang masama kung type ko siya? Guwapo siya at mabait.” Sagot ko nga. Naaasar na ako sa kakulitan niya.
Saka totoo namang gusto ko si Guimard. Kapag naaalala ko kung gaano kabait at ka-friendly si Guimard, napapangiti ako. Medyo naiinis nga ako kay Dach, lately. Palagi kasi siyang nakabuntot sa akin. Gusto kong mapag-isa at makapag-isip-isip pero palagi akong occupied ng mga pang-aasar niya. Hindi ko naman magawang iopen-up sa kanya ang mga kakaibang karanasan ko. O kahit kanino. Nag-aalala kasi ako na baka walang maniwala. Baka mapagkamalan pa akong baliw. Malamang din kasi na pagtawanan ako ni Dach kung sabihin ko man sa kanya. Obvious din naman na wala siyang alam sa nangyari sa field last week. Kung may alam siya, binanggit na sana niya sa akin. Inasar na sana niya ako o kinulit kung may nakita siya.
Inaaya niya lang nga ako sa kung saan-saan kapag free time ko at sumasama naman ako. Alam ko, para lang iyon aliwin ako kasi madalas daw akong natitigilan. Madalas naman nga kasi akong nag-iisip patungkol sa mga bangungot ko. Pati sa gym, nag-enroll din siya. Lagi din siyang nakabantay sa pakikipag-usap ko sa gym instructor. Kahit inaalalayan lang ako ni Guimard, agad siyang susugod.
“O? Tama na ‘yan.”
“Kaya na niya ‘yan mag-isa. ”
“Huwag mo na siyang hawakan, kaya naman niya kahit walang alalay.”
Alam kong naaasar na si Guimard sa palaging pag-entra ni Dach sa amin pero hindi lang nagvo-voice out. Siguro para maiwasan ang gulo at baka maisaalang-alang ang trabaho. At gusto kong bugbugin si Dach sa ginagawa niya.
Pakiramdam ko, bantay-sarado ako sa kanya. Lahat na lang kasi ng gawin ko, present siya. Okay lang sana kasi I felt safe whenever I am with him. Masyado siguro akong dependent sa kanya pagdating sa usaping safety. Pero kasi, iyong isabotahe niya ang diet ko tapos aasarin niya akong mataba? Saan na ba ako lulugar no’n?
Ang kalintikan pa kasi, hindi ko kayang pigilan ang sikmura ko kapag nakahayin na ang mga pagkain na pang-lure niya sa akin. Palagi ba naman akong hayinan ng masarap, hinayupak siya!
“She made me feel beautiful the way I am. Hindi issue sa kanya kung mataba ako, maganda pa din ako sa paningin niya kahit coke-in-can ako.” Dagdag ko pang napangiti na. Kahit paano, nabawasan ang pagkaasar ko sa mundo nang mapag-usapan namin ang bago kong crush.
“Ah, gano’n. Nabola ka lang ng konti, type mo na kaagad. Naging mabait lang sa `yo ng kaunti, bibigay ka na.”
Parang magkaka-alta-presyon ako dito kay Dach. Busangot na naman kasi ang mukha. Ano? Gusto niya, siya lang ang masayang nagpapantasya sa mga babaeng type niya? Tapos ako, bawal magka-crush? Linteken, ah!
“For your information, sadyang madali lang siyang magustuhan kasi mabait siya. Hindi kagaya mo na laging naka-gago mode. Saka, teka nga. Bakit ba natin pinag-uusapan ang tungkol sa kanya eh ayoko muna ngang magpokus doon? May mas importante akong iniintindi kaysa paglandi.”
Sa kung anong dahilan, biglang ngumiti ng malapad si Dach. Napasipol pa sa tabi ko. Minsan, parang tanga din ang isang ito. Ano bang nagustuhan niya sa mga sinabi ko at ang bilis ng mood swings? Kanina lang, parang buwisit na buwisit sa mundo. Ngayon naman, parang nakalunok ng happy feels sa lapad ng ngiti. Sayang-saya masyado, ah?
“So, ano pala `yong mas dapat mong intindihin? Puwedeng malaman? Baka makatulong ako.”
Napabuntong-hininga ako. Sasabihin ko na ba? Baka kasi hindi naman siya maniwala. Saka bakit nga ba kasama siya palagi sa mga panaginip ko? Dapat pamilya ko lang ang nandoon. Saka bakit palagi na lang siyang napapahamak sa mga panaginip ko? Hindi lang kagabi, sa madaming panaginip ko, nandoon si Dach at napapahamak sa kamay ng mga dark shadow sa tuwing tutulungan ako.
“Bakit ganoon, Dach?” Halos wala sa loob na naitanong ko.
Nawala na `yong gaily mood ko. Bumalik ako sa pagiging distress.
“Anong bakit? Hindi ko gets.” Aniya.
“Kasi… parang ayoko nang matulog. Natatakot na akong matulog.”
Natahimik si Dach sa tabi ko. Wala akong narinig na reaksiyon at nagtataka na ako kaya nilingon ko siya. Sobra na namang seryoso ng mukha niya. Titig na titig sa akin. Parang ang dami niyang gustong sabihin. Obvious iyon sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Pero bakit hindi siya nagsasalita?
“Binabangungot ka na naman ba? Akala ko, natapos na iyan?” Seryoso at maingat niyang tanong. Parang iba naman ang gusto niyang sabihin. Nararamdaman ko iyon sa paraan ng pagtitig niya. May iba siyang gustong sabihin pero ayaw ilabas ng bibig niya.
Napatango ako para sa unang tanong. “Hindi ko din maintindihan. Bakit ba ako binabangungot? May ibig sabihin ba ang mga iyon? Saka… bakit kasama ka lagi? Bakit lagi kang nasa panaginip ko?”
Natigilan si Dach. Nakatitig na naman sa akin. Parang binabasa niya ako. Parang may hinahanap siya sa akin sa paraan ng pagtitig niya. Pero naputol iyon nang bigla siyang humalakhak. A nervous laugh.
“Baka kasi crush mo din ako kaya mo ako napapanaginipan.”
Hindi ko alam kung ano `yong pakiramdam na parang gusto kong matigilan. Parang huminto din ang puso ko sa pagtibok. Ano ba itong nararamdaman ko? Parang na-trigger ako sa sinabi niya.
Hindi. Hindi ko siya crush! Hindi ko siya crush! Hindi ko siya crush!
“Ang kapal naman ng mukha mo!” Gusto kong laksan ang pagkakasabi. Pero lumabas iyon sa paraang kulang sa pagtanggi. “Ano ba, Dach? Importante itong sinasabi ko. Ano bang gagawin ko? Nagsimula lang naman ito nang makita ko `yong mata sa ulap.”
Natahimik si Dach. Mabuti naman. Siguro naman ay gets niyang hindi na dapat haluan ng biro ang pag-uusap namin.
“Ano kaya kung kausapin ko si Sir Elwood? Baka may alam siya sa nangyayari sa akin. Baka kailangan ko na talagang mag-consult sa kanya.”
“No! Hindi ka lalapit sa kanya.” Biglang sita niya sa akin na tumaas ang boses.
Nagulat talaga ako. Bakit ganoon na lang ang pag-oppossed niya sa gusto kong gawin?
“He is a dangerous man. Hindi tayo dapat na lumapit sa kanya. I can help you. Magfocus ka sa pinaka-desired mo para mawala na ang mga bangungot mo. Sa frustration mo. ‘Di ba, gusto mong magpapayat? Tutulungan kita. Kapag nalagpasan mo na ‘yang matindi mong desire na magpapayat, malamang hihinto na din ang mga bangungot. I know, stressed at frustration ang dahilan ng mga bangungot mo. Tutulungan kita—”
“Dach! Hindi mo ako naiintindihan. Hindi ito basta frustration at stress lang. Dati ko pa naman gustong magpapayat pero hindi naman ako binabangungot ng ganito. I know, it has something to do with our weird professor.” Giit ko naman. Hindi ko siya maintindihan kung bakit ipinipilit niya na cause ng lahat ay ang frustration kong magpapayat.
Hindi na naman ganoon katindi ang frustration ko. Dahil unang-una, malaki na nga ang nabawas ko sa timbang. Nagkaka-curve na nga ako. Kaya hindi na talaga stress para sa akin ang magpa-slim. Ang talagang stress para sa akin ay ang mga bangungot na hindi ko maintindihan kung bakit ko nararanasan.
“Basta! Kakausapin ko si Sir. Kung may kinalaman talaga siya sa nangyayari sa akin, kailangan ko talaga siyang makausap.”
Tutal, parang hindi naman ako maiintindihan ni Dach, sa iba na lang ako lalapit. Sa mga kakaiba din na tulad ko. Decided na ako. Wala nang makakapigil sa akin. Pakiramdam ko kasi, the more na layuan at umiwas ako kay Sir, mas lumalala ang sitwasyon ko. Maybe it’s about time to gather myself and my strenght, together. And face him. The king of nightmare.
Hindi ako sigurado pero baka nga siya ang nagbibigay ng bangungot sa akin para mapilitan akong sumama sa kanila.