CHAPTER 31

Elwood

“Patrem! Patrem!”

(“Ama! Ama!”)

Kumakaripas ako ng takbo paakyat sa napakataas na hagdanan papunta sa silid ng aking ama.

Maaga akong lumabas para dalawin sina Lolo at Lola, sa kanilang tirahan. Nasa kabilang bayan na ang tinutuluyan nila matapos maipasa ang pamumuno kay Ama sa buong Wushimye. Pinili kasi nila na mamuhay ng simple at tahimik.

Puwede naman akong mag-teleport para mas mabilis na makarating sa kanilang mansyon. Pero gusto ko ang sariwang hangin sa madadaanang kagubatan. Naging kaibigan ko na yata ang kabundukan, mga puno at halaman. Para silang yumuyuko sa tuwing dumadaan ako. Sabi ni Ama, ibig sabihin daw noon na kakampi ko na ang likas na yaman. Mahalin ko daw ang yamang mayroon ang aming nasasakupan. Hindi din dapat na abusuhin ang mayroon kami dahil sigurado na parusa ang kapalit.

Wala sina Lolo at Lola doon pagkadating ko. Siguro maagang namasyal na magkasama. Matagal akong naghintay sa pagbabalik nila. Wala din ang dalawang tagasilbi kaya sobrang tahimik. Nainip na ako kakahintay. Mukhang nalibang sila kaya matagal bumalik.

Pinili ko na lang na umuwi na sa palasyo ni ama. Naiinip na ako sa buhay ko. Wala na kasi akong ginawa kundi ang magsanay sa loob ng palasyo. Wala akong masyadong kaibigan kasi akala nila, mayabang ako.

Suplado at moody lang ako pero hindi ako mayabang. Pero ano bang pakialam ko sa iniisip nila sa 'kin?

Hindi pa ako nakakabalik, may nakita akong napakagandang ibon sa daan. Tatlong pares ng iba't-ibang kulay ang pakpak niya. Mula sa mismong bagwis, sa gitna ng pwetan at sa mismong buntot na katulad ng tatlong lubid na inihelera at pinagdikit-dikit. Ang padulo noon ay hiwa-hiwalay katulad sa kulot na buhok na kakulay ng bahaghari.

Mahilig si Ama sa ibon at alam kong ikakatuwa niyang makita ang isang ito.

Gamit ang natural kong kakayahan, nagawa kong mahuli ang ibon sa isang iglap. Mabilis at tahimik akong kumilos, katulad ng hangin. Kaya naman sa isang sandali, nadakma ko kaagad ang ibon. Ang heniyoni (kingbird). Ang hari ng mga inyoni (ibon). Kung ang iba ay nahihirapan na hulihin ang heniyoni, sa akin na mayroong kakayahan na mabilis ang pagkilos ay walang kahirap-hirap na gawin iyon.

Hindi lang iyon. Madami pa akong kakayahan na hindi ko pa gaanong natutuklasan.

Pero sabi ni Ama, pasasaan ba at lalabas din ang buo kong kapangyarihan.

“Do no ahuka. Modu naturalean irtengo da. Ez zinen espero.”

(“Huwag kang magmadali. Lalabas iyan ng natural. Sa panahon na 'di mo inaasahan.”)

Ang mga kapangyarihan namin ay nakabase sa kung anong uri ng elemento ang pinangangalagaan ng aming bansa. Sa Wushimye, ang elemento ng lupa ang pinangangalagaan ng aming lahi.

Si Lolo, ang dating tagapangalaga no'n at naabutan ko pa ang kanyang paghahari sa buong Wushimye. Pero labing anim na taon ako nang ilipat na kay Ama ang pangangalaga sa elemento ng lupa.

At ganoon din, ako ang susunod na tagapangalaga sa sandaling magbitiw na sa tungkulin si Ama. Tanging ang karapat-dapat sa sumunod na salinlahi ang may karapatan sa pangangalaga at sa posisyon sa palasyo. Nag-iisa lang akong anak at maagang namatay si Ina sa hindi maipaliwanag na dahilan.

At hindi ko pa gusto ang obligasyon sa ngayon. Gusto ko pa ang masarap at madaling buhay ko bilang prinsipe ng buong Wushimye. Walang inaalala kundi paano palalakasin ang kapangyarihan na mayroon ako.

“Patrem!” pasigaw ko pa ding tawag.

Medyo nagtataka na ako. Sa lakas ng boses ko, dapat kanina pang lumabas ng kanyang silid si Ama at sinasalubong ako. Maging ang mga taga-silbi ay wala sa kani-kanilang pwesto. Napakatahimik ng palasyo.

Binalewala ko na lang sa sobrang kasabikan ko na maipakita kay Ama ang aking dala.

“Pat---”

Nagulantang ako pagkapasok na pagkapasok sa loob ng silid ni Ama. Nakalimutan kong kumatok sa sobrang excitement ko.

At ang excitement na iyon, mabilis na napalitan ng pagkagimbal, takot at napakatinding pag-aalala. Nabitawan ko ang ibon at mabilis na nilapitan si Ama. Nakalatag pa din siya sa ibabaw ng kama pero may mahabang punyal na nakatarak sa tapat ng puso niya.

Inabot ko sa balikat si Ama at halos wala sa sariling inalog. Na para bang sa ganoong paraan, magigising ko siya.

“Patrem... Patrem!”

Kusa na lang nagtubig ang mga mata ko habang parang lantang gulay ang katawan niya habang inaalog ko.

Pakiramdam ko, bumalik ako sa panahon noong pitong taon pa lang ako. Noong umaga na pumasok ako sa silid ni Ina at nakita ko si Ama na umiiyak sa tabi niya habang hawak ang kamay ni Ina.

Takot at matinding sakit ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. At dinoble ng sandaling ito ang pakiramdam na akala ko, nakalimutan ko na.

“Patrem! Kubyuka, Patrem!”

(“Ama! Gumising ka, Ama.”)

Alam ko naman na imposible na ang gusto ko dahil halos maligo na sa sariling dugo niya si Ama. Pero hindi! Gusto kong gumising si Ama. Gigising siya! Hindi niya ako iiwan katulad ni Ina. Kailangan niyang gumising! Hindi niya ako puwedeng iwan! Hindi pa ngayon!

“Patrem!”

Nakita ko kung saan nanggagaling ang walang tigil na pag-agos ng dugo. Sa pinagkakatusukan ng punyal. Sinubukan kong alisin iyon para matapalan ng kahit anong tela ang dugo na patuloy na umaagos. Pero kakabunot ko palang sa punyal nang bumukas ang pintuan ng silid.

Ang sumunod kong narinig ay ang malakas na tili ni Murame Petunia. (Aunt Petunia)

“Hil duzu! Zuk Patrem hil duzu!”

(“Pinatay mo siya! Pinatay mo ang iyong ama!”)

Paulit-ulit iyon at halatang gimbal na gimbal siya sa nakitang eksena. Sumisigaw siya hanggang sa pagbaba at nagtatawag ng mga taga-silbi. Pero mali siya. Hindi ko pinatay si Ama.

Hindi ko kayang patayin ang sarili kong Ama!

Two years later...

“Hijuru!”

(“Kamahalan!”)

Napapitlig ako mula sa masarap na pagkakatulog sa itaas ng mabungang puno. May maingay kasing dumating. Nagsisiyesta pa ako.

Istorbo!

Ibinalik ko ang sarili ko sa pagkakahilig sa sanga at ipinikit ulit ang mga mata. Hindi ako makatulog sa gabi. Kung ano-ano ang napapanaginipan ko. Kaya bumabawi na lang ako ng tulog sa araw.

“Regis Filius! Filius, Elwood!”

(“Prinsipe! Prinsipe Elwood!”)

Aist!

Talaga naman, oo! Ako nga ang hinahanap ng maingay na nilalang na 'yon. Ano bang problema ng isang 'yon?

Bumaba ako mula sa puno sa eksaktong pagdaan ng maingay na...

Nanlaki ang mga mata ko pagkakita sa naka-armour na lalaki. Kilala ko ang armour at sagisag na nakadikit sa gilid ng braso niya.

Ang heneral ng hukbong sandatahan ng bansang Wushimye! Si Hino!

Paano niya ako nasundan rito? Nasa dulong bahagi na ako ng Wushimye at walang ibang nakakaalam na doon lang ako nagkukuta, matapos ang pinakamadilim na yatang araw sa buong buhay ko.

“Mea rego...” Sabi niya pagkakita sa akin, sabay luhod sa mismong harapan ko. Ang mukha ay halos humalik na sa lupa.

(“Aking hari...”)

Naguguluhan ako kay Hino. Kanina lang, prinsipe ang tawag niya sa akin. Ngayon, hari na. At bakit siya nandito? Paano niya ako nahanap? Hindi ba at itinakwil na ako ng aming bayan?

Naaalala ko pa ng paulit-ulit ang bawat salita sa parusang binasa ng punong konseho sa harap ng buong mamamayan ng Wushimye. Sa aming lenggwahe.

Duguan akong nakaluhod sa malawak na hall ng palasyo. Sa harap ng aking bayan. Nakatali ang mga kamay ko sa likod sa takot siguro nila na gumawa ako ng mahika. Maski ang sphere of powers ko ay kinuha nila sa akin. Hindi ko maintindihan. Wala akong kasalanan pero bakit ako parurusahan?

Ni hindi ako nagtangkang lumaban, dahil sabi ni Ama, ang makasalanan ay siyang may labis labis na galit na inaalagaan sa dibdib.

Pero sinong nilalang ang hindi magagalit sa mga ganitong pagkakataon? Isang inosente ang hahatulan nila.

“Mula sa araw na ito, ay itinatakwil na ng buong bayan ng Wushimye ang traidor na si Elwood. Dahil sa kasalanang pagpatay sa kanyang pamilya. Sa dating hari at reyna at sa kanyang ama...”

Hindi ko makakalimutan ang pambubugbog sa akin ng mga tagalitis. Sipa, tadyak, suntok at kung minsan pa ay mga matitigas na uri ng kahoy ang ipinangpapalo nila sa 'kin. Ni hindi nila ako pinakakain. Nakikisalo ako sa tubig sa kuwadra ng kabayo para lang makatawid sa uhaw at gutom, habang nakatali ang mga braso ko. Hindi ko makakalimutan ang pilit pagpapaamin sa 'kin kung paano ko daw pinatay ang aking Lolo at Lola. At maging ang aking ama.

Hindi ko alam na no'ng araw na bumisita ako sa kanila ay araw din ng kamatayan nila sa mismong gubat na dinaanan ko. Hindi ko alam kung paanong nangyari na hindi ko sila nakita doon. Huminto ba ang oras noon, o ano?

Hindi ko alam.

At lalong hindi ko alam kung sino ang may kagagawan ng lahat. Sa akin nakaturo ang lahat ng sisi dahil ako ang susunod na hari ng Wushimye.

Pero bakit ko gagawin iyon? Ni hindi pa ako handang umakyat mula sa posisyon ko. Kontento na ako sa kung ano ako at si Ama na lang ang meron ako, bukod kina Lolo at Lola. Bakit ko naman sila papatayin?

Hindi ako pinakinggan ng kahit sino sa mga taga-litis. Sa lahat ng may posisyon, si Hino lamang ang naniwala sa akin. Pero ano ang kapangyarihan niya para iligtas ako sa parusa sa kasalanang hindi ko naman ginawa?

Maski ang mga mamamayan ng buong Wushimye ay naniniwala na ako ang pumatay sa kanilang hari. Ang salita ni Aunt Petunia na hindi naman nakita ang buong pangyayari ang pinaniwalaan ng lahat.

“Ipinagbabawal ang pagbanggit sa kanyang pangalan o kahit anong may kaugnayan sa kanya. Buburahin din sa kasaysayan ng pamilyang maharlika ang pangalang Prinsipe Elwood. Ang sinumang kumupkop at tumulong sa kanya ay parurusahan din ng kamatayan.”

Naikuyom ko ang aking mga palad habang inaalala ang lahat. Hinding-hindi ko sila mapapatawad!

“Sermocenacio, Hino!”

(“Magsalita ka!”) Mariing utos ko kay Hino.

Sa salitang Kimburian ay nagsalaysay si Hino.

“Kailangan mong tumawid sa kabilang mundo, Kamahalan. Kailangan mong iligtas ang mundo natin.” nakatungo pa ring sabi ni Hino.

Umigkas naman ang kilay ko. Maayos na ang buhay ko bilang nagtatagong wizard. Hindi ko man magamit ang buo kong kapangyarihan dahil wala ang sphere of powers ko, pero ang mga natural na kakayahan ko ay sapat na para mabuhay nang payapa at... nag-iisa. Kailangan kong mabuhay. Hanggang sa kunin ng totoong maylalang ang hiram na buhay ko.

Hindi ko alam kung bakit gusto at kailangan kong mabuhay pero ang kalikasang kasama ko sa buong isang taon na pinaghihilom ko ang mga sugat, pisikal at emosyonal, inuudyukan akong lumaban para mabuhay. Kung ano ang purpose, hindi ko din alam.

Pero sa bawat gabi na ipipikit ko ang mga mata ko, puro kasamaan ng aming mundo ang nakikita ko. Ang pagsigaw ni Ama na lumaban ako at 'wag patatalo... Ang sigaw ni Ina na palagi akong mag-iingat. Ang sigaw nina Lolo at Lola na ako na lang ang pag-asa ng aming bayan. Ang taghoy ng mga ordinaryong shaman na siya ring sumigaw noon para sabihing dapat lang sa akin ang parusa. Lahat ng iyon, gumugulo sa akin bawat gabi. Magkakahalong matinding galit, walang kapantay na lungkot at labis-labis na pangungulila. Lahat 'yon, sabay-sabay kong nararamdaman. Para akong masisiraan ng bait na ayaw ko nang matulog. Nakakatakot ang bawat sandali na nakapikit ang mga mata ko.

“Anong sinabi mo, Hino? Kailangan kong tumawid at isugal ang kapangyarihang mayroon ako para iligtas ang mga taga Wushimye?” kumislap ang mga mata ko sa napakatinding galit. Marahas na tiningnan ko siya mula sa lupa.

“Para sa mga shaman na tinalikuran ako? Para sa mga shaman na tinakwil ako, pinarusahan, sinaktan at nilait? Para sa kanila, ha, Hino? Para sa kanilang mga walang puso, tatawid ako sa mundo ng mga mortal? Hah!”

Ang mapaklang ngiti ko, nauwi sa nakakasindak at puno ng pait na pagtawa. Tumatawa ako na parang baliw. Puno ng kapaitan at galit. Puno ng hinanakit at sakit. Hindi ko mapapatawad ang mga nilalang na iyon na sumira sa akin.

Nilingon ko ulit si Hino.

“Tingnan mo ako, Hino. Tingnan mo akong mabuti.”

Tumingala naman nga siya sa akin. Ngumiti ako sa kanya na puno ng kapaitan.

“Ilang buwan palang ang nakakaraan magmula nang tuluyan akong makabawi sa lakas ko. Mag-isa kong nilabanan ang kamatayan. Ang lungkot at ang sakit. Ngayon, hinanap mo ako. Ngayong maayos na ako ulit, saka mo sasabihin sa akin na iligtas at, paglingkuran ko ang mga walang pusong nilalang na iyon? Nasaan ang inyong reyna! Bakit hindi siya ang hingian ninyo ng ganyang pabor?”

Sa pagkakaalala ko, no'ng araw na basahin ang hatol sa akin ay pumili din sila ng bagong mamumuno. At mula sa mga royal blood ay si Aunt Petunia na lang ang natitira, kaya awtomatikong siya na ang reyna.

“Iyon na nga ang malaking problema, kamahalan. Ang aming reyna ay nababalutan ng kasamaan. Pinatulog niya ang buong kaharian. At hindi matatapos ang araw na ito, ang buong Wushimye ay mababalot ng pulang hamog gamit ang dasal ng masamang reyna.”

Mula sa pinanggalingan ay lumingon si Hino. Sinundan ko ang kanyang tinitingnan at nakikita ko nga na paunti-unting kumakalat ang pulang hamog.

Bigla akong kinabahan. Ang takot sa dibdib ko na akala ko, napatay ko na, muli na namang nabubuhay pagkakita sa pulang hamog.

Alam ko ang ibig sabihin noon, maglalaho ang buong bayan ng Wushimye sa sandaling mabalot ng pulang hamog. Mabubura din kami sa mapa ng buong Kimbura.

“Nangyayari na ang hula ng sorceress na si Verniechelle.” Napalingon ako kay Hino na nakatingin pa din sa pulang hamog sa kalayuan.

Si Verniechelle ang ikatlong ranggo ng mga shaman na namumuhay sa kabilang dulo ng Wushimye. Hindi kasi siya paniwalaan sa mga prediction niya at sinasabing baliw. Kaya itinago niya ang sarili sa lahat.

“Kinuha at ginagamit niya ang kapangyarihan ng elemento ng lupa sa kasamaan. At alam kong ganoon din ang gagawin niya sa tatlo pang elemento. Kailangan mong sunduin ang mga predestined witch priestess na isisilang o isinilang na sa mundo.”

Bumaling si Hino sa akin at sa isang wasiwas ng kamay niya ay lumitaw ang mahabang itim na cane. Sa dulo noon ay nakilala ko ang kulay berdeng globo.

Ang sphere of powers ko!

Ganoon na lang ang tuwa ko nang iabot niya sa akin iyon.

“Iligtas mo ang bayang ito, kamahalan. Kailangan mo kaming iligtas...”

Hindi ko na masyadong inintindi ang mga pinagsasabi ni Hino. Ang mahalaga sa akin ay nakuha ko na ang kapangyarihan ko. Ililigtas ko ang aking sarili at bahala na ang mundo sa mga buhay nila.

Bakit ba? Nasaan sila no'ng kailangan ko sila? Itinakwik nila ako. Itatakwil ko din sila ngayon...

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.