CHAPTER ELEVEN

PAPALUBOG palang ang araw pero hayun si Lori sa veranda ng silid na ginagamit. Nakasuot siya ng makapal na itim na cotton hoody jacket pero hindi na niya pinagkaabalahang italukbong sa ulo. Nakikita rin niya ang sariling mga kamay na kumikinang sa tama ng liwanag ng araw. Hindi na rin siya nasisilaw sa liwanag, madaling nakapag-adjust ang kanyang mga mata. Isang magandang bagay para sa katulad niya.

Matapos ang mahabang pangungumbinsi kay Helios na hayaan siya nito sa mga gusto niya, at pansamantalang pagtakpan sa pamilya, ngayon ay handa na siyang pumunta sa Zamboanga. Kailangan niyang makausap si Astryd. Kailangan niyang malinawan sa lahat.

Sumampa sa balustre ng veranda si Lori at akmang tatalon nang may humintong sasakyan sa tapat ng malaking bahay. Bumaba roon si Theron. At aaminin niyang bumibilis ang pintig ng laman sa loob ng kanyang dibdib tuwing nakikita niya ang binata. Bagay na gusto na niyang itapon dahil napakarami pa niyang dapat na unahing asikasuhin. Ang panggugulo nito sa kanyang laman ay dapat na nasa huling prioridad. Isa lang itong mortal at hindi siya dapat na nagpapagulo sa presensiya nito.

Pinilit bawiin ni Lori ang mga mata mula kay Theron. Isinaklob niya ang hood ng jacket na suot at lumipat sa kaliwang bahagi ng veranda. Doon siya sumampa. Sa ibaba niyon ay malawak na hardin na matataas na ang mga damo. Nakalimutan yatang palinisan ng katiwala.

“Lori, wait!” narinig niyang sigaw ni Theron.

Hindi niya ito pinansin at nagtuloy-tuloy sa mabilis na pagkilos.

HULI na para habulin pa si Lori. Nakadama ng magkahalong panghihinayang at pag-aalala si Theron. Saan pupunta si Lori sa ganoong oras? At bakit ganoon ang mga mata nito? Puno ng kaguluhan. Ano ba ang gumugulo sa bampira?

And the way she looked at him, it was as if she was telling him to back off.

Hell! Ngayon pa ba na sobrang hook na siya sa bampira? She had charmed him all the way from his foot up to the tip of the strands of his hair. Hindi niya alam kung bakit. Siguro dahil sadyang taglay ng mga bampira ang matinding uri ng attractiveness. Or maybe, she was really born beautiful and attractive and seductive…

Ano pa man ang dahilan, pumasok siya sa loob ng ancestral house. Baka doon, may makausap siya. Si Lathan kaya. Na kahit hindi naging maganda ang paghaharap nila nitong mga nakaraan, siguro naman ay pakikiharapan siya ng mga ito nang maayos. Besides, nakikita naman ng mga ito na hindi siya kaaway.

“May mortal sa loob…”

Mahina ang boses pero narinig pa rin ni Theron. Siguro dahil nasa likod lang iyon ng mini-bar. Dinadagsa siya ng lagim at nakakakilabot na aura sa pagpasok palang doon pero pinilit niyang balewalain ang hindi magandang pakiramdam. Kung gusto niyang may patunguhan ang pakikipag-usap sa mga bampira, kailangan niyang manatiling nakatayo na hindi nangininginig ang mga tuhod.

“Come on, guys. It’s just me. Hindi n’yo kailangang magtago,” malakas na sabi niya sa buong kabahayan.

Sigurado si Theron na nag-iingat ang mga bampira na may makakita sa mga ito. O pwede ring nag-a-adjust pa sa buong kabahayan kaya patago kung kumilos. Napakadilim ng paligid na maski katiting na liwanag ay walang nakakapasok doon. That was an advantage for them. They can move in the darkness.

Ang akmang pagpindot ni Theron sa switch nang ilaw ay nahinto nang maramdaman ang isang malamig pa sa bakal na kamay. Pumipigil sa kanyang pulsuhan. Nasindak si Theron sa presensiya ng kung sino sa kanyang harap. Bahagya na lang niyang nakikita ang pigura sa pagpipilit na mag-focus para maaninag ito. Pero sigurado siyang isa ito sa miyembro ng pamilya ni Lori.

“Don’t dare switching it on, or you’re dead.” Malagim na banta nito sa kanya.

Sinaklot siya ng kaba. Walang utang-na-loob na bampira! Matapos niyang patuluyin sa bahay niya, papatayin pa siya?

“Fine… fine.” Pinilit ni Theron na kumalma. Hindi siya dapat na magpasindak sa bampirang ito.

The more he felt his fright, the eager he would frigntened him.

“Ano’ng kailangan mo, mortal?” Malamig na tinig mula sa kung saan.

“Hey guys! Be fair! Nakikita n’yo ako, pero hindi ko kayo makita? Ang hirap naman yatang makipag-usap sa mga hindi nakikita.”

“You entered our laire. Learn to adjust with us.”

Aba! Ayos din itong mga nilalang ng dilim, ah? Kanya ang pamamahay na iyon pero siya pa ang kailangang mag-adjust sa mga ito?

“Ano ang kailangan mo?”

“Saan pupunta si Lori?” direktang tanong ni Theron. Wala siyang narinig na sagot. “Guys, please? Paano ko siya mapupuntahan kapag nag-astral travel ako kung hindi ko naman ma-visual ang lugar na pupuntahan ko?”

“Just let her be. `Wag mo mo muna siyang guluhin.” Sigurado siyang ang boses na iyon ay kay Helios. Buong-buo at may hatid na kakaibang lagim. Hindi kagaya ng sa tatlong bampira na parang lagi lang naglalaro ang mga tono.

“Hindi ko siya ginugulo. Gusto ko lang siyang protektahan.”

“Saan? Sa mga nilalang nang dilim?” sarkastikong sabi ni Helios. “Isa rin siya sa mga nilalang na nilalabanan ng mga spells mo, Theron. Kung gagamitin mo `yan, sasaktan mo rin siya. Kaya pwede bang lumayo ka muna sa kanya?”

“Hindi mo naiintindihan, Helios. Gusto ko lang naman siyang samahan…”

“Bakit?”

Bakit nga ba? Hindi rin niya alam. Nakadama siya ng matinding pag-aalala nang magsalubong ang mga mata nila ni Lori kanina at makita ang kaguluhan sa malungkot na mga matang iyon. She was always fierce when she looked at her. Tipong laging naghahamon. But that moment, he knew she was in state of vulnerability. At gusto niya itong protektahan. Hindi pa rin niya alam kung paano. Pero siguro madali na iyong isipin kapag nandoon na siya sa tabi ng babaeng bampira.

“I just want to protect her. To be with her. To join her in her own misery and swept it all away.” Wala sa loob na naidagdag ni Theron.

“Oh! This man is in love with our baby sister, Helios,” narinig niyang sabi ng isa.

“Yeah, at hindi niya alam ang ginagawa niya.”

“So, what are we going to do with this man?”

“Ditch him away.”

Aalma sana si Theron sa huling narinig pero nagsalita uli si Helios.

“No. Let him protect our little sister.”

“What?! Nababaliw ka na ba, Helios? Ano’ng magagawa ng mortal na `yan para protektahan si Lori. Baka nga si Lori pa ang pumrotekta sa kanya. Magiging sagabal lang `yan sa lakad ni Lori.”

Nagtagisan ang mga bagang ni Theron sa pangmamaliit sa kanya ng mga bampira. How dare this vampire to talk about him like that?

Though aminado siyang malalakas ang mga ito, kaya niyang saktan ang mga ito sa ilang simpleng Latin words na ilalabas ng bibig niya. They don’t have the right to insult him just like that!

“Pero siya lang din ang nag-iisang nilalang na hindi kayang itaboy ni Lori palayo sa kanya. With him, Lori didn’t restrict herself showing her vulnerability,” sansala ni Helios sa kung sino mang nagsasalita sa mga kapatid nito.

“`Yun na nga e. She was vulnerable when this mortal was beside her. Sagabal lang siya kay Lori.”

“There was nothing wrong being vulnerable at times, Ailister. Besides, kailangan ni Lori na ilabas ang side niya na iyon. She needs to breathe. And with Theron, she can breathe her misery away.”

“I smell something with this two different being.”

Nalilito si Theron sa mga naririnig. Hindi niya maunawaan ang mga ito. May problema si Lori, iyon lang ang malinaw sa utak niya. At siguro, dapat na din siyang matuwa na pumapanig si Helios sa kanya. Saka na lang niya aalamin ang problema ni Lori. Ang mahalaga, papayagan siya ng pamilya nito na damayan ang babaeng bampira.

“Nasa Zamboanga si Lori.”

Naramdaman ni Theron ang malamig na kamay na dumampi sa kanyang balikat. Kung paanong ganoon kadaling nakalapit si Helios sa kanya na hindi niya namamalayan ay hindi niya alam. Siguro dahil ganoon naman talaga ang mga bampira. Idagdag pang madilim ang paligid at panig sa mga ito ang dilim.

“Protect her in anyway you can.”

Matapos nitong sabihin ang eksaktong lugar ay nawala na sa tabi niya ang malagim na presensiya ni Helios. Unti-unti ring humuhupa ang nakakasindak na aura sa buong paligid. Sigurado siya, wala na sa tabi niya ang mga bampira. Kung saan nagpunta, hindi niya alam. Kailangan na niyang sundan si Lori.

MULA sa malaking puno ng mangga na pinagtataguan, nakikita ni Lori ang dalagitang nagpapakain ng aso sa hindi masyadong malawak na bakuran. Madilim na ang paligid nang makarating siya sa Zamboanga. Nandoon na rin siya sa tapat ng kubo nina Astryd. Sigurado siyang iyon na ang tinitirhan ng matandang mangkukulam. Iyon lang naman ang nag-iisang kubo sa malawak na kagubatan. Napakalayo na ng sumunod na bahay kaya imposible siyang magkamali.

Ang ipinagtataka lang niya, may isang oras na yata siyang nagmamasid-masid sa buong paligid, pero wala ang matandang mangkukulam. Ang dalagita lang ang nakikita niyang naglalabas-masok sa maliit na kubo. Imposibleng ang dalagitang ito lang ang nakatira doon dahil napakadelikado para dito na mag-isa roon.

Naisip niya na baka nangunguha ng kahoy na panggatong sa pagluluto si Astryd at mayamaya lang ay nandoon na rin ito. Nagbigay siya ng kalahating oras pa. Pero nagsara na at lahat ang dalagita, wala pa ring Astryd na lumilitaw.

Hindi na nakapagpasensiya pa si Lori. Hindi siya pwedeng abutin ng liwanag doon. Maski hindi siya nasusunog sa liwanag ng araw, mapapansin pa rin ng mga taong makakakita sa kanya kung ano ang kakaiba sa kanya kapag natatamaan ng liwanag.

Hindi naging mahirap para kay Lori ang makapasok sa maliit na kubo. Sa taglay niyang bilis sa pagkilos, isa pa ay hindi ganoon kahigpit ang kandado. Naabutan niyang naglalatag ng banig ang dalagita. Kumpirmado, wala roon si Astryd. Pero doon niya ito pinuntahan nang ibigay sa kanya ng mangkukulam ang anulum commode. Hindi siya pwedeng magkamali.

Ganoon na lang ang gulat ng dalagita nang bumaling sa direksyon niya. Kamuntik pa itong mapatili. Pero kahit naman tumili pa ito. Wala namang makakarinig dito.

Sa pagkagulat ni Lori ay naglabas ito ng punyal na hindi niya alam kung saan nito kinuha.

“Sino ka? `Wag kang lalapit, kung hindi sasaksakin kita!” Nagbabanta pero nanginginig ang boses nito.

Sa isang sandali ay naagaw niya ang patalim mula sa kamay nito. Nandoon na rin siya sa harapan nito, malapit na malapit ang mukha rito. Napangisi si Lori nang makita ang sindak sa mukha ng dalagita. Wala naman talaga sana siyang balak na maglaro, pero nakakatuwa kasi ang reaksyon ng dalagita.

“Ako si Lori. Nasaan si Astryd?” Mahina pero may talim ang tinig ni Lori habang bumubulong sa nasisindak na dalagita.

“W-wala na siya…”

Bahagya siyang natigilan. Ano’ng ibig nitong sabihin? Patay na ang mangkukulam? Biglang tumalim ang mga mata niya sa pagkabigla. Hindi pwede. Paano na ang mga tanong niya? Sino ang sasagot sa lahat ng iyon?

“A-apo niya ako. Si Alma. M-may iniwan siya para s-sa `yo.” Napapikit nang mariin ang dalagita. Sa takot siguro dahil sa nakikitang pagtalim ng kanyang mga mata.

Bahagyang dumistansya si Lori kay Alma. Palagay niya kasi, nagpipigil na itong huminga dala ng matinding takot.

“Ano `yon?”

Tumalikod si Alma at lumapit sa baul. Nagkakalkal ng kung anu-ano habang siya naman ay nagmasid sa loob ng kubo. Nagsabit ang kung anu-anong uri ng pinatuyong dahon, balat at ugat ng puno, sungay ng hayop at balat ng kung anu-ano pang hindi niya maintindihan. May mga nakaukit na Latin sa pinakinis na kahoy. Siguro ay ginagamit ang mga iyon sa ritwal. Ibig sabihin, ipinamana ni Astryd sa apo ang kapangyarihan ng pambabarang?

“Bago siya namatay, ibinilin niya sa akin na ibigay ko ito sa `yo sa pagbabalik mo.”

Nang humarap sa kanya si Alma ay may hawak na itong itim na purse.

“Alam ni Astryd na babalik ako?” Medyo nagtataka siya sa bahagi na iyon.

“Oo, dahil alam niyang naguguluhan ka. Iniwan niya sa akin ang lahat ng sagot sa tanong mo. Saan mo gustong magsimula?”

Iniabot sa kanya ni Alma ang purse. Saka ito naupo sa inilatag na banig. Napilitan siyang lumapit dito at maupo rin paharap kay Alma.

“Mag-isa ka lang ba rito? Ano’ng ikinamatay ni Astryd?”

“Sinugod kami ng mga nasa bayan. May nakapagsabi kasi na mga mangkukulam kami. Sinunog nila ang kubo namin. Doon sa bandang Ilaya pa rito. Mga isandaang metro ang layo. Nang makatakas kami at tigilan na ng mga taong bayan ang gubat, saka lang uli kami nagtayo ng kubo. Pero minsang nangangahoy si Lola, may nakakita sa kanya at hinabol siya.” Nangangatal na ang boses ni Alma at may kahalong hikbi. Nahuhulaan na niya kung ano ang sumunod na sasabihin nito. “Tumakbo siya palayo rito para mailigaw ang lalaki. Para hindi ako matunton kung saan kami nakatira. Naabutan siya n’ong lalaki sa may ilog at doon siya walang awang pinagtataga. Ni hindi ko nagawang ilibing nang maayos si lola dahil nilapa na ng baboy-ramo ang katawan niya. Ulo na lang niya ang nakarating sa akin na tinangay ng aso ko. Sa huling sandali, nasabi niya sa akin ang lahat.”

Tuluyan nang umiyak si Alma. Hindi alam ni Lori kung ano ang sasabihin. Kung ano ang gagawin. Paano ba niya mapapagaan ang loob nito? Walang kahit anong salita ang makapagpapagaan ng loob sa isang naulila.

“Ibig mong sabihin, nakapagsalita pa ang ulo niya kahit wala na ang katawan niya?”

Hindi makapaniwala si Lori nang tumango si Alma. Mortal lang si Astryd kaya paanong nangyari iyon?

“Ginamit niya ang lahat ng kakayahan niya para mapanatiling malinaw at nasa huwisyo ang isip niya. Isa pa, hindi pa niya nailuluwa ang bertud. Kinailangan pa niyang isalin sa akin ang kapangyarihan niya bago siya tuluyang malagutan ng hininga.”

That explains. Ang bertud na taglay ni Astryd ang nagpanatili ng kamalayan ng mangkukulam.

“Napakalupit ng mga taong `yon! Wala naman kaming ginagawang masama sa kanila pero gusto nila kaming patayin!”

Ramdam ni Lori ang galit. Ang matinding galit ni Alma. Hindi na siya magtataka kung gugustuhin nitong maghiganti.

“Nagtagumpay na nga sila sa pagpatay kay Lola, pero hindi sa akin. Lahat ng taong maligaw sa gubat na ito, pinapatay ko.”

Nasindak si Lori sa narinig. Kumalat ang lagim sa katawan niya nang makita ang pagtalim din ng mga mata nito. Punong-puno iyon ng galit. At alam niyang ang galit ay may napakalakas na kapangyarihan naibibigay sa kahit na sinumang nilalang.

“Pero huwag kang mag-alala. Hindi ka naman tao. Kaya welcome ka rito.”

Bahagya na lang humupa ang galit sa mga mata ni Alma. Hindi pa rin siya panatag. Lalo at mahigpit ang pagkakahawak nito sa patalim.

“Magtanong ka na, Lori. Sasagutin ko.”

Bahagya siyang napaurong dito. Oo at mabilis siyang kumilos. Pero ano’ng malay niya kung kailan panatag na siya, saka siya atakihin ni Alma? Paano kung biglang magdilim ang paningin nito at ang maging tingin nito sa kanya ay isang kaaway?

“Sinabi niyang alam niya na hindi ako astral vampire?” Pilit pinapakalma ni Lori ang sarili. Pero ang mga mata niya ay naging malikot sa pagsubaybay sa mga kamay ni Alma.

“Hindi ka naman talaga astral vampire.” Nagsimula na itong sabihin sa kanya ang kanyang pinagmulan at hindi niya mapaniwalaan ang lahat ng mga naririnig.

“E-elemento?” Napasinghap si Lori. Muling bumabalik sa kanya ang galit na tinig ng ina. Ang galit nito sa kanya at sa pinagmulan niya.

“Oo, Lori. Pero may paraan para magkaroon ka ng sarili mong identity,” tumatangong sabi ni Alma.

“Ano?”

“`Yang hawak mo. Inumin mo lang `yon at mapapasaiyo ang katawang ginagamit mo. Pati ang kakayahan niya noong nabubuhay pa.”

Napabaling si Lori sa hawak na itim na purse. Isang maliit na botelya ang laman niyon. Na siguradong finormulate ni Astryd bago ito mamatay. Magiging totoong astral vampire siya.

“Pero sa sandaling magkaroon ka ng identity, mate-trace ka na ng elementong pinagmulan mo. Mas magiging malapit ka sa kampon ng dilim at mas manganganib ang buhay mo.” Nakakasindak ang tinig ni Alma. Parang nagbabanta na nagpapaalala.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” nalilitong tanong niya.

“Hindi ka mahanap ng elementong pinagmulan mo dahil wala kang identity. Sa sandaling magkaroon ka ng pagkakakilanlan, totoong mag-e-exist ka na, hindi lang sa mundo ng mga mortal kundi maging sa kabilang dimensyon. At mas madali ka niyang mahahanap.”

“Bakit ba niya ako hinahanap?!” Hindi napigil ni Lori ang magtaas ng boses.

Bigla rin niyang naalala ang mga nakakahindik niyang panaginip. Ang malagim na boses na tumatawag sa kanya.

“Dahil kailangan ka niya para makapagparami.”

“Oh, no!” gimbal na sambit ni Lori.

Matutulad ba siya sa kanyang ina na sinamantala ng demonyo? Hindi pwede! Hindi siya makakapayag na maging palahian lang ng halimaw na iyon.

“Lumapit ang iyong ina sa lola ko para tulungan kang magkaroon ng sarili mong pagkakakilanlan. Dahil alam niya na darating ang araw na hahanapin mo ang sarili. mo.”

Pabiglang bumaling si Lori kay Alma. “Ano’ng sinabi mo?”

Nagkamali lang ba siya ng narinig? Galit sa kanya ang kanyang ina. Imposible iyon.

“Kahit paano, nanaig pa rin ang pagiging ina niya sa `yo sa huling sandali niya sa daigdig. Kaya nilapitan niya si Lola bago siya tuluyang tumawid sa kabilang buhay.”

May pumitik na laman sa loob ng dibdib ni Lori. Masakit na masarap sa pakiramdam. Na sa huling sandali, hindi siya tuluyang kinamuhian ng sariling ina. Nang iluwal siya nito mula sa sariling bibig, may porma na ang katawan niya. Naririnig na niya ito, naiintindihan na niya ang galit at pagkamuhi nito sa kanya. At nararamdaman na niya ang sakit na kamuhian ng sariling ina. Ipinagtabuyan pa siya nito na huwag itong lalapitan. Ganoon na lang ang sakit na dulot sa kanya ng ina, pagkaluwal na pagkaluwal pa lang niya. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, hindi niya magawang magalit sa ina. Dahil alam niyang may pinanggagalingan ang matinding galit nito sa kanya. At walang iba kundi ang elementong nagtanim ng binhi sa sinapupunan ng kanyang ina. Ang elementong sumira sa buhay nito. Ang demonyong nagkait dito na mabuhay.

“Gusto rin niyang ipaalam sa `yo na itinaboy ka niya palayo para hindi ka mahanap ng elemento. Dahil sigurado siyang ikaw naman ang wawasakin ng sarili mong pinagmulan.”

Hindi na napigilan ni Lori ang mga luhang kanina pa gustong kumawala. Kung pwede siyang bumalik sa nakaraan, isasama niya ang ina sa pagtakas. Pareho lang silang kaluluwa noon. Pero ang kanyang ina ay may mukha, samantalang siya ay wala. Akala niya, iyon ang isa pang dahilan kung bakit hindi siya gusto ng sariling ina.

“Paano siya nakatawid sa kabilang buhay?” naitanong na lang ni Lori. Kahit paano, gusto niyang malaman kung nasa maayos na kaya ang kanyang ina.

“Mortal ang ina mo, Lori. Matagal na siyang patay pero hindi pinapaakawalan ng elemento ang kaluluwa niya hangga’t hindi ka niya nailuluwal sa daigdig. Nang mailabas ka na at magkaporma, noon nakasilip ng kalayaan ang nanay mo. Pero hindi doon magtatapos ang lahat. Dahil alam niya na hindi titigil ang elemento hangga’t hindi ka nahahanap. Nasabi na rin ni Lola na hindi magandang magkaroon ka pa ng identity dahil ikapapahamak mo lang `yon. Pero desisyon mo pa rin kung pipiliin mong magkaroon ng pagkakakilanlan o mananatili kang nakikisalo sa identity ng iba para lang mapanatiling ligtas ka.”

Mahabang katahimikan ang naging sagot ni Lori, saka matagal na tinitigan ang itim na purse. Ito ang sagot sa matagal na niyang gusto. Ang magkaroon ng sariling identity. Pero iyon din ang magiging lifeline niya. Ano ba ang gagawin niya? Hindi na niya gustong maging anino lang, gusto niyang magkaroon ng sariling identity. Kahit na sabihing minamahal siya ng itinuring niyang pamilya, hindi iyon sapat. Dahil hindi niya alam kung sino ba talaga ang mahal ng mga ito? Tuwing lalabas siya sa katawaan ni Lori, parati na lang niyang kailangang gayahin ang mukha nito para magkaroon siya ng pagkakakilanlan. At nakakapagod na iyon. Ayaw na niyang manggaya. Gusto na niyang magkaroon ng sariling kanya.

Gusto na niyang magkaroon ng silver cord na nakakabit sa magiging permanente niyang katawan.

Nasa malalim pang pag-iisip si Lori nang may marinig na malakas na kalabog sa itaas ng bubong ng kubo. Nag-init rin ang anulum commode niya. Isa lang ang ibig sabihin niyon.

Bumaling si Lori kay Alma na naging mahigpit na naman ang hawak sa patalim.

“Huwag kang lalabas dito. Ako na ang tatapos sa soul sucker na `yan.”

Tumango lang si Alma pero nanatiling alerto at mahigpit ang hawak sa punyal. Hindi ganoon kainit ang anulum commode. Ibig sabihin, pipitsugin lang ang soul sucker na nasa paligid.

Pero nang lumabas sa kubo si Lori, nagsimula ring magsilabasan ang mga soul sucker mula sa kung saan-saan. Patindi nang patindi ang pag-init ng singsing niya. Tiniis niya ang sakit at hapdi. Hindi siya pwedeng magpatalo sa ngayon. Kung siya lang ay hindi na mahalaga, pero nasa loob ng kubo si Alma. Mapapahamak ito kung panghihinaan siya.

Naghanda si Lori sa pag-atake ng mga sumisingasing na soul suckers. Mukhang mapapasabak siya ngayon.

“It’s showtime, Lori!” bulong niya sa sarili at sinimulang sumugod din sa mga papaatakeng soul suckers.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.