Chapter Sea Enchantress: Wakas

MATINDI ang kaba ni Parisse nang I-park ang sasakyan sa harap ng Ocean Wave Marine Park. Isa iyon sa mga lugar na maaring magpaalala sa kanya ng tindi ng galit sa kanya ni Lerome. “Kailangan ko siyang harapin!” usal niya sa sarili. “Kapag umurong pa ako ngayon, baka tuluyan na akong mawalan ng lakas ng loob.”

Papasok na siya nang makasalubong niya si Anemone, ang director ng organization na sinalihan niya. “Parisse! Bakit ngayon ka lang dumalaw?”

“Ha? Ano kasi…” Nagtaka siya kung bakit ito nandoon. “Anong ginawa mo dito? Tuluyan na bang ipapasara ang marine park?”

“Anong ipapasara? Tumutulong kami sa renovation.”

“Sandali. Hindi ba ayaw ninyo na ituloy ang operation nila?”

“Not as a marine park. Magiging marine conservation facility na siya. Dito na dadalhin ang mga marine animals na nare-rescue. Dito muna sila magpapagaling bago sila ibalik sa dagat,” paliwanag nito.

“Pumayag ang mga Cervantes na I-transform ang marine park nila?”

“Oo naman. Actually, it was your boyfriend’s idea.”

“Boyfriend ko? Si Lerome?” bulalas niya.

“Oo. Mabuti nga kayo nang dalawa ang magkwentuhan. I am sure magugulat siya kapag nakita ka.”

Mahigpit ang kapit niya sa kamay ni Anemone habang papunta sa opisina ni Lerome. Sa Tarragon pa lang ay iniisip na niya ang dapat sabihin dito. Pero ngayong makikita na niya ito, parang unti-unting bumabalik ang amnesia niya dahil sa kaba.

Kumatok si Anemone sa opisina ni Lerome at binuksan. “May bisita ka!”

“Sino?” tanong ni Lerome. Nagulat ito nang makita siya. “Parisse!”

“Maiwan ko na kayong dalawa. Late na ako sa date ko.”

Ni hindi niya napansin ang pamamaalam ni Anemone. Nakatitig lang siya sa guwapong mukha ni Lerome. Gusto niyang mahawakan ito pero pinigilan niya ang sarili. “Hi!” bati niya. “Busy ka ba?”

“Yes,” anito at nilingon ang desk nito.

Iniwas niya ang tingin para di nito makitang nasasaktan siya. “I see. Hindi na lang kita iistorbohin,” sabi niya at tumalikod. Malinaw naman sa kanya na itinataboy siya nito. Ayaw siya nitong makita. Bakit ba nagpasulsol siya sa nanay niya na pumunta doon para makausap si Lerome? Di na nga siya nito mahal.

Pinigilan siya nitong makalayo. “Sandali. Sabi ko busy ako dahil nandito ka na. Gusto mo bang ipasyal kita?” Excited ito habang itinu-tour siya. Ang dating facilities na gamit sa mga marine animals na magpe-perform ay naging rehabilitation center na. Naroon rin ang mga marine biologist na member na ng organization.

“Sinabi sa akin ni Anemone na ikaw ang may idea na gawin itong conservation and rehabilitation center. Hindi ba nagalit sa iyo ang pamilya mo? Pinaghirapan din nila itong itayo, hindi ba?”

“Ayaw nila noong una. Si Kuya Jim ang kontra nang kontra. Pero sinabi ko kay Mommy at Daddy na gagawin ko ito para sa babaeng mahal ko. Ikaw.”

“Ako?” Yumuko siya. “Baka naman hindi ako iyon. Baka ibang Parisse ang mahal mo. Ang Parisse na inakala mong ako.”

Hinawakan nito ang baba niya at tinaas ang mukha niya. “You are still that Parisse. Ikaw ang nagpakita sa akin kung paano mahalin ang dagat. You opened my eyes with what’s real. Ikaw ang babaeng nagmahal sa akin mula sa malayo kahit na hindi ko alam. You enchanted me and made me fall for you.”

Parang nananaginip lang siya nang maghinang ang labi nila. Pero alam niyang mas matamis pa sa panaginip ang halik nito ngayon. Dahil tiyak na niyang mahal siya nito. Kahit ano pa o kahit sino pa siya.

“Akala ko ba ayaw mo na sa akin dahil iba ako?”

“I love because you are special. And I had insecurities because of that. I may not be good enough for you. Simpleng tao lang ako, Parisse. Ano ba ang laban ko sa mga manliligaw mo na prinsipe sa mundo mo?”

Idinikit niya ang noo dito at yumakap sa leeg nito. “Sinabi ko sa iyo na hindi ako interesado sa kanila. Ikaw lang ang mahal ko.”

“Wala akong kapangyarihan. Itong conservation center lang ang naisip kong paraan para patunayan kong mahal kita. Alam ko na mahal mo ang mga hayop lalo na ang mga nasa dagat. At kailangan ko ring mahalin sila gaya ng pagmamahal mo. Kahit na hindi ka bumalik sa akin, nariyan sila para ipaalala ka sa akin.”

Namasa ang luha sa mata niya dahil naramdaman niya ang pagmamahal nito. Ipinatayo ng daddy nito ang marine center para sa mommy nito na nagkasakit. Ngayon naman ay ipinagawa nitong marine conservation center ang lugar dahil sa pagmamahal sa kanya. And she was touched.

“Paano naman ang mommy mo? Para ito sa kanya, hindi ba?”

“She asked me use it in a proper way. Di nila alam na nagkamali sila. Gusto nilang bumawi sa mga hayop na nasaktan nila. Akala kasi nila masaya silang nakakatulong. Pero hindi pala. Kaya sinusuportahan na nila ako.”

“Hindi masasayang ang pagmamahal mo sa akin. Naa-appreciate ko ang lahat ng ginawa mo. And I don’t regret crossing the world and the deepest ocean just to be with you. For your love, it is worth it.”

Magkahawak-kamay silang naglakad sa beach. Pagdating ng gabi ay pinagmamasdan nila ang mga bituin sa langit.

“Tingnan mo. Mas maganda silang tingnan kapag kasama kita. Noong nasa Tarragon ako, hindi sila ganyan kaninang.”

“Kapag isinama mo ako sa Tarragon, panonoorin natin sila. At sa palagay ko hindi ka na malulungkot dahil kasama mo ako.”

“PARANG ayoko yatang sumisid ng walang diving gear, Parisse.”

Kumapit siya sa balikat ni Lerome at pinagmasdan ang malalim na dagat. “Kaya mo iyan! Hindi naman kita pababayaan.”

“Hindi ba may iba namang daan papuntang Tarragon? Bakit kailangan pa nating dumaan sa lagusan sa ilalim ng dagat?”

“Kasi boring kung sa gubat tayo dadaan. Saka gusto mong maging prinsipe ko, hindi ba? Kaya dapat diyan tayo dumaan. Wala ka yatang tiwala sa powers ko.”

Iyon ang unang beses niya itong isasama sa Tarragon. At sa itsura nito, balak na nitong umatras maging prinsipe. “Hindi ko pa nasusubukan. Kaya hindi ko alam kung mabubuhay pa ako. Baka hindi na ako maging prince mo.”

“Trust me.” Hinawakan niya ito sa batok at kinintalan ng halik sa labi. “Pwede na tayong pumunta sa Tarragon!” sabi niya at itinulak ito sa tubig.

Hawak nila ang kamay ng isa’t isa nang lumangoy patungong lagusan. Dahil sa halik ay naisalin niya ang maliit na bahagi ng kapangyarihan dito. Sapat na para makalangoy ito sa ilalim ng dagat.

Maya maya pa ay unti-unti na niyang nabuksan ang lagusan patungong Tarragon. At tiyak niyang pag-ahon nila ay sasalubungin na ng kaharian ang bagong prinsipe ng Tarragon. Si Prinsipe Lerome.

At kahit saan pang mundo sila naroon, lagi na silang magkakasama.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.