Chapter Sea Enchantress: 28

Nanatiling matiim ang anyo nito. “Totoo ang sinabi mo kay Kuya Jim. Kagagawan mo ang pagkasira ng marine park na minahal ng magulang ko. Ang ginawa mo kanina sa fishing vessel nila, iyon din ang paraan na ginamit mo para sirain ang marine park, hindi ba?”

Mariin siyang pumikit. “Wala akong pagpipilian. Kailangan kong sagipin ang mga kaibigan ko. Intindihin mo naman sana. Ako lang ang nakakaintindi sa kanila. Masakit sa akin na nakikita silang nasasaktan at naghihirap. Sila rin ang dahilan kaya pinili kong mabuhay sa mundo ng tao. Para sagipin sila.”

“Kaya kahit mahal mo ako, sila ang pinili mo. Kaya pala mas gusto mo maghiwalay tayo noon. Now I am wondering if you really love me.”

“Mahal kita, Lerome! Kinailangan kong umalis noon dahil masasaktan lang kita kung magkakaroon ng conflict ang pinaniniwalaan natin. Imposibleng di kita masaktan habang pinoprotektahan ko ang mga kaibigan ko. At imposible rin na di ko sila saktan habang binibigyan ko ng konsiderasyon ang nararamdaman mo.”

At sa huli, kailangan niyang mamili bago pa tuluyang mawala sa kanya ang dalawa. Kailangan niyang pamanhirin ang puso niya para di na madagdagan ang sakit na nararamdaman nito. Kahit siya mismo ang nasasaktan sa paglayo dito.

“Nang gabing anurin ka dito sa isla, hindi ka papunta sa akin, hindi ba? Pabalik ka sa mundo mo. Sa Tarragon.”

Tumango siya. “Ayoko na sanang makita ka. But fate washed me on your island. Parang ibinalik ako ng alon sa iyo. Walang memorya. Walang pagkakakilanlan at tanging ikaw lang ang pwedeng kapitan. Dahil doon, lalo lang kitang minahal.”

“At ngayong bumalik na ang memorya mo at malinaw na sa akin ang lahat, maibabalik pa ba natin ang lahat sa dati?”

Nakuyom niya ang palad at naramdaman niya ang pag-agos ng luha sa pisngi niya. He used to love her. Pero sa palagay niya ngayon ay hindi na. Dati ay madali dito na tanggapin at patawarin siya dahil simpleng tao lang siya. Pero ngayong nalaman nitong isa siyang diwata, may dahilan ito para kalimutan na siya.

“Maiintindihan ko kung ayaw mo na sa akin. I am not like you. Hindi madali para sa iyo na mahalin ang isang katulad ko. Pasensiya ka na kung hindi ko sinabi sa iyo ang totoo sa simula pa lang. Pero mahal kita. Kahit ayaw mo sa akin at gusto mong lumayo ako, mamahalin pa rin kita.”

Sinalubong nito ang mga mata niya at pinahid ang luha niya. “Stop crying, Parisse. Tama ang una mong desisyon. Mas makakabuti sa ating dalawa kung lalayo tayo sa isa’t isa. Para hindi na tayo masaktan.”

Kahit pa pinatigil siya nito sa pagluha ay di pa rin niya mapigil ang pag-agos ng luha sa mata niya. Malinaw na sa kanya ngayon. Ayaw nito sa kanya. Naintindihan na niya ngayon kung ano ang pakiramdam nang itaboy niya si Lerome sa buhay niya. Sa pagkakataong ito, sa palagay niya ay triple ang sakit dahil umasa siyang malalagpasan nila ang kahit anong pagsubok sa pagkakataong iyon.

Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa labi. “Babalik na ako sa mundo ko, Lerome. At hindi na kita guguluhin kahit na kailan.”

WALANG silbi ang pinakamalamyos na boses sa kaharian ng Tarragon para pagaanin ang kalooban ni Parisse. Sa kabila ng kasiyahan sa bulwagan sa palasyo ay pinili niyang maupo na lang sa hardin at pagmasdan ang mga bituin.

“Parisse, bakit wala ka sa loob?” tanong ni Reyna Yelena at tinabihan siya.

“Bakit ganoon, Ina? Bakit hindi kasing liwanag ng mga bituin sa isla nila Lerome ang mga bituin dito sa Tarragon?” tanong niya. “Akala ko ba nasa mundo natin ang lahat ng magagandang bagay?”

“Siguro dahil wala sa Tarragon ang taong pinaka-importante sa buhay mo. At hindi makislap ang mga bituin para sa iyo dahil mas gusto mo na kasama siya.”

Nilingon niya ito at pilit na ngumiti. “Sa palagay ko naman po ayaw niya akong makasama. Iba ako sa Parisse na nakilala niya. Kaiba rin ako sa mga taong nakakasalamuha niya. Hindi totoo ang Parisse na ipinakilala ko sa kanya. Kaya hindi niya kayang tanggapin ang totoong katauhan ko.”

“At dahil doon sumusuko ka na?”

“Ina, siya na mismo ang nagsabi sa akin na tama ang desisyon ko noon na huwag na kaming magkita. Ayaw niya sa akin. At nang umalis ako, ni hindi man lang niya ako pinigilan. Kung pinigilan niya ako, hindi ko siya iiwan.”

Napakarami ng balakid sa kanila ni Lerome. Noong una, akala niya ay kaya niyang lagpasan kahit mundo pa ang pagitan nila o dagat dahil nagmamahalan sila. Pero naglaho na ang ilusyon. Hindi siya ang babaeng inaakala nitong mahal nito. Paano pa niya tatawirin ang pagitan nila kung di sila pareho ng nararamdaman?

“Minsan itinataboy natin ang tao sa paligid natin di dahil di natin sila mahal. Mahal natin sila at akala natin mas makakabuti sa kanila na layuan tayo. Dahil takot tayong masaktan. Takot tayong saktan din sila.”

“Itinaboy ako ni Lerome dahil takot siyang masaktan? Dahil ba nakita niya kung paano ako gumawa ng tornado at takot siyang gamitin ko iyon sa kanya?”

Natawa si Reyna Yelena. “Alam mong hindi iyan ang ibig kong sabihin. Bakit mo itinaboy si Lerome dati?”

“Kasi magkakasakitan lang kami dahil magkaiba kami ng pinaniniwalaan. Hindi na niya ako mapapatawad sa pagkakataong ito. Nalaman po kasi niya na sinira ko ang importanteng bagay sa mga magulang niya.”

“Kung mahal mo siya, hindi ka natatakot na harapin ang kahit ano para maibalik lang siya. Parisse, matapang ka. Namana mo iyan sa amin ng ama mo. Ipaglaban mo si Lerome kung paano mo siya ipinaglaban dati.”

“At kung hindi niya ako tanggapin?”

Tinaasan siya nito ng kilay. “Prinsesa ka ng Tarragon. Papayag ka ba na tumanggap ng hindi? Hindi na kita anak kapag nangyari iyon.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.