“Itatakda ang kasal nina Prinsesa Yelena at Prinsipe Andros sa ikatlong pagbilog ng buwan,” deklara ni Haring Demetrius. Nasa bulwagan sila ng palasyo at sinaksihan ng deklarasyon ng maraming mamamayan ng Tarragon.
Inangkin ni Andros ang labi niya at nasundan iyon ng di magkamayaw na palakpakan at hiyawan ng mga tao. May maliliit na mga diwata na may pakpak ang lumipad sa paligid niya ni Andros at sinabuyan siya ng makintab na pulbos.
Pumalakpak si Reyna Odessa. “Bago natin ipagpatuloy ang kasiyahan, aaliwin tayo ni Prinsesa Yelena. Ipapakita niya sa atin ang kanyang kapangyarihan.”
Pinisil ni Andros ang kamay niya bago humakbang sa isang tabi. Naiwan siyang mag-isa sa harap ng hari at reyna. Ipinakita ang cellphone. “Ito po ang aking sandata. Tinatawag itong cellphone.”
“Ano ang kakayahan ng maliit na sandatang iyan?” tanong ng hari.
Binuksan niya ang cellphone at ipinakita ang video na kuha niya kay Elektra. “Iyan ang diwata ng kidlat!” anang reyna at natutop ang bibig. “Nagawa mong ikulong ang isang diwata sa sandatang iyan? Mapanganib iyan!”
“Narito po ako, Mahal na Reyna!” wika ni Elektra na kasamang dumalo ng iba pang mga diwatang tagabantay. “Hindi po ako nasaktan ng sandatang iyan.”
“Paano iyon nangyari?” nagtatakang tanong ng reyna.
“Ang kaya lang pong gawin ng cellphone ay hulihin ang kilos, salita, galaw o larawan ng isang nilalang ayon sa ipag-uutos ko. Gusto po ninyong subukan ko, mahal na hari at reyna?” She set the camera. “Tumingin po kayo dito at ngumiti.”
Tinakpan ni Reyna Odessa ang mukha. “Ayoko! Paano kung gawin akong palaka ng sandatang iyan? O kaya ay makulong ako diyan habambuhay?”
Tumawa siya. “Kukunin ko lang po ang larawan ninyo. Ngumiti po kayo.” Itinaas niya ang daliri. “Isa! Dalawa! Tatlo!” Matapos pindutin ang capture button ay ipinakita niya dito ang nakuhang larawan. “Heto na po.”
Nasapo ni Reyna Odessa ang dibdib. “Tapos na ba?”
“Kahanga-hanga!” bulalas ni Haring Demetrius. “Narito na ang larawan natin. Kuhang-kuha ang mga anyo natin. Daig pa ang ipininta ng pintor.”
“Ganito ako kaganda?” Namangha si Reyna Odessa. “Hindi nagsisinungaling ang sandatang ito?”
“Hindi po,” tanggi niya. “Kung anuman ang nakukuha niyang bagay ay iyon din ang rumerehistro na imahe.”
“Paano gumagana ang bagay na ito?” tanong ng isa sa ministro ng hari.
“Isa itong hiwaga.” She played the ringtone at nanlaki ang mata ng mga tao. “Gusto ko na ipagpatuloy natin ang kasiyahan.”
“Mabuhay si Prinsesa Yelena!” anang mga mamamayan ng Tarragon at nagpalakpakan ang mga ito. Maging ang hari at reyna ay tuwang-tuwa sa kakaibang tugtog na gawa ng ringtone at nakisayaw na rin.
Nilapitan siya ni Andros. “Magpahinga ka muna.”
“Hindi ako napagod. Wala naman akong ginawa kundi pumindot sa keypad. Salamat sa pagtulong mo sa akin.” Hinalikan niya si Andros sa pisngi sabay kuha sa camera. Natawa si Andros nang makita ang picture nito.
Isang matangkad na lalaki ang lumapit sa kanila. Mukha itong respetado subalit nakadama siya ng disgusto dito. Dahil siguro sa itim nitong balbas at sa mga mata nitong katulad sa mata ng pusa. “Magaling, mahal na prinsesa!” Pumalakpak ito. “Kaiba ang iyong kapangyarihan. Naaliw ang lahat ng nakasaksi.”
Inakbayan siya ni Andros. “Yelena, ipinakikilala ko sa iyo si Punong Ministro Victorino. Siya rin ang kanang-kamay ng aking amang hari.”
Inabot niya ang kamay. “Ikinagagalak ko po kayong makilala.”
Bahagya itong yumukod. “Sa akin ang karangalan, mahal na prinsesa.” Tiningnan nito ang cellphone niya. “Kakatwang sandata. Hindi ko alam kung saan magagamit ang iyong kapangyarihan para sa kapakinabangan ng kaharian.”
Pinalalabas nito na walang kwenta ang cellphone niya. Samantalang baliw na baliw ang mga tao dito. Di baleng walang makain basta may maipang-load lang.
“Hindi lang po ang sandatang ito ang kaya kong gamitin. Kaya ko rin pong tumawag ng ulan. At kung gusto ko ay bagyo pa. Gusto po ninyong subukan ko?”
Pinisil ni Andros ang balikat niya. “Sa iba ng araw mo na lang ipakita ang kapangyarihan mo, Yelena.” Ayaw siguro nitong marinig ang kanta niya. Natakot.
“Sayang. Nais ko pa sanang makita ang kakayahan mo,” sabi ni Victorino.
“Nasaan po si Halcyon?” tanong ni Andros.
“Ang aking pinakamamahal na anak. Nasa Abanthia pa rin siya para sa kanyang bakasyon.” Lumungkot ang mukha nito. “Bukas pa siya dadating. Hindi niya alam na ikakasal ka na. Tiyak na magugulat siya. Kung di ako dumating ngayon, baka di ko rin nasaksihan ang pagtatakda sa kasal mo. Kanina ko lang nabasa ang imbitasyong ipinadala ng tanggapan ng palasyo.”
Naintriga siya kung sino si Halcyon. At bakit parang napaka-espesyal nito para kay Andros? May relasyon kaya ang dalawa?
“Tiyak na ikagagalak niyang natagpuan ko na ang aking prinsesa,” wika ni Andros at hinalikan ang ibabaw ng ulo niya.
“Padalos-dalos ka sa desisyon mo, mahal na prinsipe.”
“Panahon ang nagtakda. Si Yelena ang pinili ng kuwintas,” depensa ni Andros. Halatang ayaw sa kanya ni Victorino. Kung ayaw nito sa kanya, ayaw din niya dito.
“Kung iyon ang nakatakda, iyon ang mabuti,” anang si Victorino at lumapit sa iba pang maharlika na dumalo sa pagtitipon.
Bumuntong-hininga siya. “Ayaw niya sa akin.Paano kapag nalaman niya na…”
“Shhh…” putol nito sa sasabihin niya. “Hindi niya sinasadya na saktan ka. Nagulat siguro siya dahil kadalasan ay siya ang sinasangguni ng ama kong hari.”
“Ayoko lang kasi ng pakiramdam na ganito. Parang napakaliit ng mundo ko kapag may mga ayaw sa akin.”
“Huwag mo nang isipin iyon. Magsayaw na lang tayo.”
Waltz ang tugtog. Perpektong-perpekto ang galaw ng mga mananayaw. Mabuti na lang at nag-social dance siya noong college. Hinapit siya ni Andros at parang may pakpak ang mga paa niya habang nagsasayaw sila sa bulwagan.
“Great! Magaling ka palang sumayaw,” puri niya dito. Dahil dito ay parang napakadali lang para asa kanya na sundan ang tugtog. Nagulat siya nang makitang mas mataas na siya kaysa sa ibang mananayaw. Nang tingnan niya ang paa ay nakaangat sila ni Andros sa sahig. Napakapit siya dito. “Anong ginagawa mo?”
“Nakikipagsayaw sa iyo. Ito ang tradisyunal na sayaw sa mga itinatakdang ikasal. Hindi mo ba nagustuhan?”
“Hindi ako sanay sa ganito. We are actually defying the law of gravity. Pwede bang ibaba mo na ako?”
“Hindi pa tapos ang sayaw.” Kinabig nito ang batok niya at inangkin ang labi niya. She was literally floating but it was her heart that was heady. Alam na niya ang pakiramdam nila Cinderella at Snow White nang halikan ang mga ito ng mga prinsipe nito. She was a princess… for real.
They could go on dancing and kissing forever.