Chapter King’s Tears: 15

“HABANG hapunan, ipapakilala sa iyo ang iba pang ministro at maharlika na makakasalo natin. Kailangang matandaan mo silang lahat,” bilin ni Andros habang naglalakad sila patungo sa dining hall ng palasyo.

“Pwede bang kumain muna ako para matandaan ko silang lahat?”

Mahina itong tumawa. “Napagod ka sa pagsasayaw.”

“Hindi ako napagod. Natakot lang ako na habang nagsasayaw sa hangin.”

Parang nakalutang pa rin siya sa ulap hanggang ngayon. Hindi dahil sa sayaw kundi dahil sa halik ni Andros. Doon siya mas nalula.

Iginiya siya ng kawaksi sa mesa. Noon lang siya kakain kasabay ang hari at reyna. Lalo siyang nagutom nang maamoy ang masarap na pagkain. Kaya kahit ano pa ang pinag-uusapan ng mga bisita sa paligid ay sa pagkain ang atensiyon niya.

“Ano ang gusto mo?” tanong ni Andros.

“Gusto ko ng fried chicken at ng gulay,” sabi niya. Kawaksi mismo ang naglagay ng pagkain sa plato niya. Sa sobrang gutom ay di na niya na-appreciate ang mga painting na nakasabit sa paligid. Sa ibang pagkakataon na lang kapag busog na siya. Parang napakatagal na panahon niyang hindi kumain. Puro prutas at tsaa lang ang laman ng tiyan niya nitong nagdaang araw. Pero ngayong magtatagal na siya sa mundong iyon, kailangan na niyang simulang pag-aralang kainin ang mga pagkain. At mukhang di naiiba sa mga pagkain sa mundo niya.

Tumikim siya ng brocolli.Nagsalubong ang kilay niya.Wala siyang malasahan. Pero natural lang siguro iyon sa gulay. Baka steamed vegetable. Pero wala naman siyang makitang sauce. Sumubo na lang siya ng fried chicken. Kaya niya iyong kainin nang walang sauce. Pero lalong sumama ang mukha niya. Ubod nang tabang.

“May problema ba sa pagkain, Yelena?” tanong ni Andros.

“May kulang. Walang lasa.”

Kumuha din si Andros ng fried chicken at tumikim. “Masarap naman.”

“Kulang sa alat! Kahit ang gulay walang lasa. Nakalimutan yata itong lagyan ng asin ng tagaluto ninyo.”

“Asin?” bulalas ni Reyna Odessa. “Pero ipinagbabawal iyon sa ating mundo. Walang sinuman ang maaring gumamit ng asin.”

Napipilan siya. Naalala niya na iyon ang weakness ng mga lamang-lupa. Naging matalim ang tingin sa kanya ang lahat.

Tumayo si Victorino. “Isang tao ang prinsesa!”

NAKADAMA ng takot si Yelena nang tumayo ang mga kasalo niya. Nakita niya ang paglabas ng iba’t ibang kulay ng aura sa katawan ng mga ito. Parang isa siyang maliit na hayop na handang silain ng mga ito anumang oras.

“Totoo bang isa siyang tao?” tanong ng isa sa mga ministro.

“Natitiyak ko. Mga tao lang ang gumagamit ng asin,” wika ni Victorino.

“Paano ang kapangyarihang ipinakita niya sa atin kanina?” tanong ng isa sa mga ministro. “Isa marahil iyong panlilinlang.”

Niyakap siya ni Andros at binalot ng kapa nito. “Walang sinuman ang maaring manakit sa aking prinsesa o kayo mismo ang masasaktan,” banta nito.

Atubiling umupo ang mga ito. Naglaho ang kulay ng mga aura at nagsiupo.

“Hindi ko ito matatanggap!” sigaw ni Reyna Odessa. “Isa akong reyna at isang tao lang ang papalit sa trono ko.”

“Ina, siya ang pinili ng kuwintas. Wala na kayong magagawa.”

“Andros, anong ibig sabihin nito?” tanong ni Haring Demetrius. “Matagal mo na bang alam na tao siya?”

“Opo. Sumangguni ako sa oraculo. Siya ang itinakda ni Bathala para sa akin. Napatunayan iyon ng pagpili sa kanya ng kuwintas.”

“At sa palagay mo ay di namin malalaman?” tanong ni Reyna Odessa. “Mas nanaisin ko pang isang alila ng palasyo ang pakasalan mo.”

“Mawalang-galang na po,” singit niya. “Huwag sana kayong magalit sa akin. Ang kuwintas ang namili sa akin. Sapilitan akong idinala dito nang labag sa kalooban ko. Maganda ang buhay ko sa mundo namin.”

“Tumahimik ka, tagalupa!” sigaw ni Victorino sa kanya. “Dapat sa katulad mo ay ihinuhulog na lang sa Hades.”

Napasinghap siya. Kung may ayaw siyang balikan, iyon ay ang Hades.

“Punong Ministro, baka nakakalimutan mo na ang pinagbabantaan mong ihulog sa Hades ay ang aking prinsesa,” nakatiim-bagang wika ni Andros. “Huwag mong kakalimutan ang lugar mo sa kahariang ito.”

“Paumanhin, mahal na prinsipe. Ngunit mapanganib kung isang tao ang makakapalad mo. Dahil matutupad ang hula na siya ang magdadala ng salot sa ating kaharian,” paalala ni Victorino sa malumanay na tinig. Subalit nakikita pa rin niya ang galit na pinipigilan nito dahil kinontra ito ni Andros.

“Kung ayaw po ninyo sa akin, mabuti pang ibalik na lang ninyo ako sa amin. Ayokong magkagulo kayo nang dahil lang sa akin.” Ayaw niyang makipagtalo pa si Andros sa mga nasasakupan nito at lalo na sa mga magulang nito.

“Alalahanin mo ang hula, Andros. Siya ang magdadala ng salot sa atin. At di rin natin siya maaring ibalik sa mundo niya. Hades na lang ang natitirang solusyon,” wika ni Haring Demetrius.

“Maitanong ko lang po, kung hindi ba ninyo susundin ang kagustuhan ng kuwintas, ano ang mangyayari? Paano kung ang pakasalan ni Andros ay hindi naman karapat-dapat maging prinsesa?” naghahamon niyang tanong.

Napasinghap ang isang ministra. “Magugulo din ang Tarragon at baka tuluyan nang maglaho. Maaring may dahilan kung bakit isang tao ang pinili ng kuwintas. Kahit kailan ay hindi pa ito nagkamali sa pagpili ng magiging reyna.”

“At paano ang sumpa?” tanong ni Victorino.

Kumalas siya kay Andros at matapang na hinarap ang mga ito. “Sa mundong pinagmulan ko, ako ang gumagawa ng sarili kong tadhana. Sa mga desisyon ko nakasalalay ang buhay ko. Maaring salot ang tingin ninyo sa akin. Pero kaya kong baguhin iyon kung bibigyan ninyo ako ng pagkakataon.”

“Tama siya. Huwag natin siya basta-bastang husgahan,” sabi ni Andros. “Naniniwala ako na kaya niyang paunlarin ang ating kaharian. Sang-ayon ba kayo?”

Napilitang pumayag ang lahat. Hindi niya maaring biguin si Andros. Kailangan niyang ipakita na karapat-dapat siyang maging prinsesa.

EXCITED na lumabas ng palasyo si Yelena. Mamasyal sila sa iba’t ibang lupain ng Tarragon. Magaan ang pakiramdam niya dahil malaya na siyang makakagalaw. Hindi na niya kailangan pang magpanggap na isang engkanto. At kahit na galit pa ang marami sa kanya, nandiyan naman si Andros.

Nakatayo si Andros sa gitna ng hardin. Maingat siyang lumakad palapit dito upang gulatin ito. Subalit sa pagkagulat niya ay isang babae ang biglang yumakap dito. “Andros, nandito na ako!” tuwang-tuwang sabi ng babae.

Mabilis siyang nagtago sa likod ng malaking puno. Sino ang babaeng iyon? At anong karapatan nito na yakapin si Andros? Kalbuhin kaya niya ito?

“Umuwi ako agad. Dito agad ako nagpahatid dahil gusto kong makita ka.”

“Umuwi agad ako para makasama ka,” she mimicked the girl. Kainis!

Hinintay niyang magsalita si Andros. Gusto niyang marinig ang isasagot nito.

“Yelena, alam ko na nandiyan ka.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.