Chapter King’s Tears: 16

Nakagat ni Yelena ang labi. Madali nga pala kay Andros na maramdaman kung nasaan siya dahil sa pagbibigkis. Walang kwenta ang pagtatago niya.

Napilitan siyang lumabas mula sa pinagtataguan. “Pasensiya na. Ayoko kasing maabala kayo sa pag-uusap ninyo.”

“Halika, ipapakilala kita kay Halcyon. Siya ang anak ni Punong Ministrong Victorino.” Kaya naman pala simula pa lang ay di na maganda ang pakiramdam niya sa babae. Hindi rin kasi niya gusto ang ama nito.

Lumabi si Halcyon. “Sino naman siya?”

“Si Yelena ang susunod na prinsesa ng Tarragon,” sabi ni Andros.

Namutla si Halcyon. “Siya na ang pinili ng kwintas?” Nahimigan niya ang hinanakit at pagkagimbal sa boses nito. Inaasahan marahil nito na ito ang susunod na prinsesa. Malas lang nito dahil mas feel ng kuwintas ang kagandahan niya. Mas bagay sila ni Andros. Ngayon lang siya natuwa dahil siya ang pinili ng kuwintas.

Inabot niya ang kamay. “Ikinagagalak kitang makilala, Halcyon.”

Nag-curtsy ito. “Sa akin po ang karangalan, mahal na prinsesa. Paumanhin kung di ko nalaman na kayo ang magiging prinsesa.”

“Kahapon lang idineklara ang araw ng kasal namin ni Andros,” sabi niya. “Basta huwag kang mawawala sa kasal namin.”

“Maaasahan po ninyo, mahal na prinsesa,” nakayuko nitong sabi.

“Yelena ang itawag mo sa akin. Huwag na mahal na prinsesa. Masyadong mahaba.” Kaibigan ito ni Andros. Dapat niyang ipakita na hindi siya kaaway.

“Kailangan ko nang umalis.” Tumingin ito kay Andros at ngumiti. “Baka nag-aalala na sa akin si ama.”

“Ayaw mo ba kaming samahan sa pamamasyal?” alok niya.

“Sa susunod na lang po, mahal na prinsesa.”

“Halika na!” sabi ni Andros at inalalayan siyang sumakay ng kabayo. Parang hindi man lang ito nakisimpatya sa paghihirap ng kalooban ni Halcyon? Manhid ba ito?

PATUNGO si Yelena sa kusina para humingi ng honeyed lemon juice. Iyon ang masarap sa isang prinsesa. Hindi na kailangan pang gumastos. Ayon kay Andros, ang mga diwata pa ang namimitas ng lemon at ang honey ay galing sa beehive kaya sariwa. Pero hindi niya inaabuso ang mga tauhan ng palasyo. Kung kaya niyang gawin, hindi na niya inuutos pa.

Natigilan siya sa pagpasok sa kusina nang marinig ang pag-uusap ng mga kawaksi. “Kawawa naman si Halcyon. Nawalan siya ng pag-asa na pakasalan ni Prinsipe Andros. Umiiyak siyang umalis.”

“At ang masama, ipinagpalit siya sa isang tao,” anang kusinera.

“Anong mangyayari sa atin kapag siya na ang naging reyna?” tanong ng tagasilbi ng inumin. “Baka mawasak na ang Tarragon.”

Ayaw niya sa lahat ay pinag-uusapan siya sa likuran niya. Tumikhim siya. “Excuse me, pwede bang humingi ng lemon at honey? Gagawa ako ng lemon juice.”

“Mahal na prinsesa!” animo’y iisang tao na bulalas ng tatlo.

Pinilipit ng kusinera ang apron na suot. “Kanina pa kayo, mahal na prinsesa?”

“Paumanhin po!” wika ng tagalinis ng kusina at yumukod sa harap niya.

“Ano ang ihinihingi mo ng paumanhin? May nasabi ba kayong masama?” inosente niyang tanong.

“Nagsalita po kami ng laban sa inyo,” amin ng tagasilbi.

“Na tutol kayong isang tulad ko ang maging prinsesa? Masama ba iyon?”

“Pero puputulin po ang dila namin kung magsasalita kami ng masama sa isang maharlika,” paliwanag ng kusinera. “Parurusahan po ninyo kami?”

“Hindi. Opinyon ninyo iyan. Anong masama?” Isa pa, natuwa siya dahil nagtapat ang mga ito. “Pero sa susunod, sabihin ninyo sa harap ko kung may ayaw kayo sa akin. Hindi iyong nag-uusap kayo sa likuran ko. Hindi magandang asal.”

“Hindi po kayo magagalit kahit may sabihin kaming di maganda?”

“Walang masama sa pagsasabi ng nararamdaman. Sa mundong pinagmulan ko, may kalayaan kaming magpahayag ng saloobin. Kaya iginagalang ko ang pananaw ninyo. At kung may kailangan akong baguhin, babaguhin ko. Magpapa-salamat pa nga ako kung matutulungan ninyo ako.”

Nagkatinginan ang mga ito. “Hindi po iyon maari sa amin,” sabi ng tagasilbi.

“Kaya mag-ingat kayo. Baka may makarinig sa inyo.” Pero ayaw niya nang ganoong sistema. Kung siya ang magiging reyna, bibigyan niya ng karapatan ang mga nilalang na ito na maipahayag nang malaya ang nararamdaman.

“Opo!” sunud-sunod ang tangong ginawa ng tatlo.

“May isang tanong lang ako. Gusto ba ni Halcyon si Andros?”

“Opo. Inaasahan po niyang siya ang susunod na prinsesa,” sagot ng tagalinis.

Tama nga ang hinala niya. Maaring iyon din ang inaasahan ng ama ni Halcyon na si Victorino. Na ang anak nito ang magiging prinsesa ng Tarragon. Subalit bumagsak ang pangarap ng mga ito dahil sa kanya.

“Kalimutan na ninyong nagtanong ako at kalilimutan kong narinig ko ang pinag-usapan ninyo laban sa akin.” Ngumiti siya. “Nasaan na ang pinakukuha ko?”

“Ngayundin, mahal na prinsesa!”

May isa pa siyang nakalimutang itanong. Gusto rin ba ni Andros si Halcyon?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.