“Nasaan ang lagusan?” tanong ni Cid.
“May kuweba sa tuktok ng burol sa harap mo. Patungo iyan sa kaharian ng Asturia. Ligtas ang lagusan na iyan kahit na madalang gamitin.”
“Paano kami nakakatiyak na nagsasabi ka ng totoo?” tanong ng bihag.
“Malalaman mo rin kapag pumasok ka at nakaligtas kayo,” sagot niya.
Paakyat sa burol ay naramdaman niya na napagsasalikupan na sila ng iba pang mga Vinca. “Liatris!” sigaw ni Achillea. “Anong ibig sabihin nito?”
Nilingon niya si Cid. “Tumakbo na kayo sa lagusan. Dali!”
“Traidor!” sigaw ni Achillea at nagsimulang umulan ng nag-aapoy na mga pana. Parang inuulan ng apoy ang kalawakan. Inangat niya ang kamay at animo’y bilog na salamin ang nagprotekta sa kanya at kina Cid. Umabot iyon hanggang sa kuweba para ligtas pa rin itong makapasok sa lagusan.
“Paano ka?” tanong ni Cid sa kanya.
“Huwag mo akong intindihin. Ang importante makaligtas kayo. Bumalik ka na sa kaharian mo at huwag ka nang babalik dito kahit kailan.”
Itinuon niya ang kapangyarihan sa harang na nilikha. Dahan-dahan niyang nararamdaman ang panghihina. Naramdaman niya ang pagtama ng pana sa balikat niya. Wala na siyang lakas. Hanggang mapalugmok siya sa lupa. Nilingon niya si Cid. Wala na ito. Nakapasok na ito ng lagusan. May ngiti siya sa labi bago mawalan ng malay. Ligtas na ito.
NAKATAYO si Liatris sa gitna ng bulwagan ng palasyo kung saan ginaganap ang kanyang paglilitis. Nakapaligid sa kanya ang lahat mga Vinca, lahat ay naghihintay ng kapalaran niya. Magkahalong lungkot at galit ang mababakas sa mukha ng mga ito. Maging si Reyna Salvia na madalang magpakita ng emosyon ay matiim ang anyo. Di pa rin ito makapaniwala sa sinapit niya.
“Bakit mo ito nagawa, Liatris? Hinayaan mong talunin ka ng kahinaan mo. Nagmahal ka ng isang lalaki. Pinatakas mo ang isang bihag. Bakit, Liatris? Nababaliw ka na ba talaga?” anang si Reyna Salvia.
“Nagmahal lang ako, Ina,” sagot niya. Umugong ang protesta sa paligid. Ang pagmamahal at pag-ibig ay mga bagay na kasuklam-suklam sa mga Vinca.
“Nakita mo na kung saan ka idinala ng pagmamahal mo?” wika ni Achillea. Maging ang matalik niyang kaibigana ay matindi ang hinanakit sa kanya. “Dahil sa pagmamahal na iyan, nasira ang respeto at pagtitiwala sa iyo ng mga Vinca. Sinira mo ang sarili mo. Nasaan na ang lalaking iyon? Hindi na siya bumalik para iligtas ka. Iyan ba ang sinasabi mong pagmamahal? Kahangalan!”
“Di niya alam na mahal ko siya. At di rin niya sinabi sa akin na mahal niya ako.” Nakatakas na ito bago pa man nila nalaman ang damdamin ng isa’t isa.
“Mas hangal ka pa pala kaysa sa inaakala ko,” naiiling na wika ni Achillea.
“Di ka karapat-dapat na maging Reyna!” sigaw ng isa sa mga kawal.
“Ang dapat sa iyo ay mamatay!” sigaw ng iba pa.
“Tama nga kayo. Di ako karapat-dapat maging Reyna. O kahit maging isang Vinca,” wika niya. Noon pa man ay iba na ang naging paniniwala niya. Dahil doon ay nahati ang interes niya bilang susunod na pinuno at sa tinitibok ng puso niya.
“Nagtaksil ka sa lahat ng mga Vinca, Liatris. Alam mo ba ang kabayaran?” tanong ni Reyna Salvia.
“Opo. Kabayaran ay ang buhay ko. Humihingi ako ng patawad sa inyo kung nabigo ko kayo.”
Lumuhod siya at yumuko upang hintayin ang pagsayad ng espada. Masaya niyang tatanggapin ang kamatayan. Dahil nagawa niyang magmahal katulad ng guro niyang si Malva. At ang mahalaga ay nailigtas niya ang lalaking mahal niya.
Nang biglang umuga ang lupa. Malakas na malakas na pag-uga. Naalarma ang lahat. Maya maya pa ay narinig na ang malakas na pagsabog.
“Anong nangyari?” tanong ni Reyna Salvia.
“Sumabog na po ang bulkan, Mahal na Reyna!”
“Lahat kayo, sa ligtas na lugar!” utos ni Reyna Salvia. “Lumikas ang lahat!”
Hindi siya gumalaw sa kinalulugmukan habang nagkakanya-kanyang pulas ang lahat. Dahil nagamit niya ang kapangyarihan nang nagdaang gabi ay di na siya halos makagalaw. Idagdag pa ang sugat niya sa balikat. Nanlalambot siya at tuluyang nalugmok sa lupa. Ni wala man lang nakapansin sa kanya. Mas nais ng mga ito na iligtas ang sarili at ang mga ari-arian.
Ano ngayon kung mamatay siya? Mamamatay naman talaga siya. Iyon ang dapat dahil isa siyang traidor. Iyon ang kapalit ng pagmamahal niya.
Naramdaman niyang umangat ang katawan niya sa lupa. “Liatris, gumising ka,” naulinigan niyang tawag sa kanya ni Cid.
Pilit siyang dumilat. “Cid?”
Patay na ba siya? Kung anu-ano ang naririnig niya. Naaninag niya ang mukha nito. Buhat siya nito habang itinatakbo palabas ng palasyo. Anghel ba ito na kahawig lang si Cid? Marahil patay na nga siya.
“Aalis na tayo dito,” sabi nito.
“Pero patay na ako, hindi ba?”
“Hindi. Ligtas ka na.”