Malamig na simoy ng hangin ang gumising kay Liatris. Nang idilat niya ang mata ay nasa di siya pamilya na silid. Nasa gitna siya ng isang malaking kama na napaliligiran ng manipis ngunit makulay na kurtina.
Bumaba siya ng kama at umapak siya sa malambot na alpombra. May bulaklak sa ibabaw ng mesa sa di kalayuan. May iba’t iba ring larawan na nakasabit sa dingding. Kahit ang kuwarto niya sa palasyo ay di ganoon kaganda.
Dumungaw siya sa nakabukas na bintana. Bumulaga sa kanya ang napakagandang tanawin. Matatayog na bundok na ang paanan ay malinis na lawa. Sa di kalayuan ay ang hardin ng iba’t ibang bulaklak. Nagliliparan din ang maraming mga ibon. Noon lang niya nakita ang lugar na iyon.
“Nasaan ako?” tanong niya. Ang huli niyang natatandaan ay sumabog ang Bulkang Vitaliz at nagsilikas ang mga Vinca. Kung paano siya napunta sa lugar na iyon ay malaking palaisipan pa rin sa kanya.
Tinangka niyang lumabas ng silid nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Cid. “Cid!” Niyakap niya ito. “Nakaligtas ka!”
“Dahil sa tulong mo kaya ako nakaligtas,” sabi nito. Binuhat siya nito at ihiniga sa kama. “Di ka pa dapat bumabangon. Mahina ka pa.”
“Nasaan ako, Cid? Paano ako napunta dito?”
“Kinuha kita mula sa kaharian mo. Narito ka na sa kaharian ng Tarragon.”
“Ikaw ang nagligtas sa akin?”
Tumango ito. “Hindi mo ba natatandaan?”
“Akala ko nananaginip lang ako.” Bigla siyang bumalikwas ng bangon nang maalala ang mga naiwan. “Ang mga Vinca. Ang aking ina. Sumabog ang bulkan at nagsilikas sila. A-Anong nangyari sa kanila?”
Di niya maiwasang mag-alala. Nakaligtas ba ang mga ito? Ano na ang nangyari sa kaharian nila? Baka nasira ang lahat ng kanilang pinaghirapan.
“Wala kang dapat ipag-alala. Hindi totoong sumabog ang bulkan.”
“Pero naramdaman kong umuga ang lupa. Narinig ko ang mga pagsabog. Kung nandoon ka talaga, dapat naramdaman mo rin iyon.” Mahal pa rin niya ang kahariang pinagmulan. Di siya matatahimik kung napahamak ang mga ito habang siya ay nananatiling buhay at ligtas.
“Ilusyon lamang iyon na ginawa ko para makatakas ka,” paliwanag nito. “Kung di ko gagawin iyon, tiyak na mamamatay ka nang tuluyan.” Ikinuwento nito na itiniyak lang nitong nasa ligtas na lugar ang kaibigang kasamang tumakas. Pagkatapos ay binalikan agad siya nito.
“Bakit mo ginawa iyon? Bakit ka pa bumalik? Kung nakuha ka nila, tiyak na di ka na nila paliligtasin.” Dahil ba mahal siya nito kaya ibinuwis din nito ang buhay niya para sa kanya? Kung ganoon ay pareho lang sila nang nararamdaman.
“Iniligtas mo ang buhay ko, Liatris. Kaya dapat lang na iligtas kita.” Hinaplos nito ang balikat niya. “Magaling na ang sugat mo sa balikat na tinamaan ng pana. Magagaling ang mga manggagamot namin. Pero kailangan mo pang bawiin ang lakas at kapangyarihan na nawala sa iyo.”
Nakadama siya ng lungkot. Kung ganoon ay di pag-ibig ang dahilan kung bakit siya nito iniligtas. Tumatanaw lang ito ng utang na loob sa kanya.
“Hindi biro-biro ang kapangyarihang inubos mo para gawin ang ilusyon na iyon. At di ka rin ordinaryong nilalang. Ikaw lang ang nakasira sa kuwintas na tanging kami lang mga Vinca ang may kakayahang kumontrol.” Sinulyapan niya ito. “Paano mo nagagawa ang lahat ng iyon? Sino ka ba?”
Dahan-dahan siya nitong ihiniga. “Malalaman mo rin ang sagot sa mga tanong mo. Huwag kang magmadali. Sa ngayon ay magpalakas ka muna.”
Pinigil niya ang kamay nito. “Ang kaibigan mo na dati naming bihag, kumusta na siya?” nag-aalala niyang tanong.
“Ligtas na siya. Nagpapahinga lang siya upang makabawi ng lakas.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Magpahinga ka na. Di kita iiwan.”
Unti-unting pumikit ang mata niya. Animo’y may panghipnotismo ang boses nito. Alam kasi niyang sa paggising niya ay nasa tabi lang niya ito.
HINDI maalis-alis ang tingin ni Liatris sa sarili sa salamin. Parang di siya ang babae sa harap ng salamin. May dumating na dalawang babae at pinaliguan siya. Itirintas ng mga ito ang buhok niya ang maliliit at iniikot na parang korona. Pinagsuot din siya ng gown na iba’t iba ang kulay. Ibang iba sa isinusuot niya noong prinsesa pa siya ng mga Vinca.
Napatulala si Cid nang makita siya. “Hindi mo ba nagustuhan?” tanong niya.
Ngumiti ito at dahan-dahang lumapit sa kanya. “Bagay na bagay. Sinabihan ko sila na ibigay sa iyo ang pinakamagandang damit.” Inabot nito ang bulaklak sa kanya. “Happy birthday.”
“Ano iyon?” tanong niya.
“Iyon ang pagbati sa may kaarawan sa mundo ng mga tao.”
“Salamat. Para saan ang bulaklak?”
“Kapag binigyan ng isang lalaki ang isang babae ng bulaklak, ibig sabihin ay kasing ganda siya ng bulaklak.”
“Ganoon ba?” Napakarami nga niyang hindi alam. Lalo na sa mga lalaki.
“Halika, ipapakilala kita sa mga magulang ko.”
Nabigla siya. “P-Pero di ko naman alam kung ano ang sasabihin sa kanila.” Paano kung magalit ang mga ito sa kanya dahil ginawa niyang bihag si Cid?
Mahina itong tumawa. “Di ka dapat matakot. Mababait sila,” paniniyak nito.
Nasa ibang kaharian siya at di niya alam kung paano siya tatanggapin ng iba. Namangha siya nang makita ang paligid. Makukulay na alitaptap ang tumatanglaw sa dadaanan nila. Parang nasa loob siya ng isang palasyo. Kayamanan ang katumbas ang bawat gamit na nakikita niya. Hanggang bumukas ang isang malaking pinto na gawa sa ginto. Sa loob niyon ay maraming naghihintay sa kanila.
Napakapit siya sa braso ni Cid. “A-Anong meron?”
“Kaarawan mo. At lahat sila ay naghihintay sa iyo.”
Nagpalakpakan ang lahat sa bulwagan nang pumasok sila. “Ano ba talaga ang gagawin natin dito?” Sino ba ang pinapalakpakan ng mga tao? Si Cid?
Maya maya pa ay ihinarap siya ni Cid sa hari at reyna at na nasa harap ng bulwagan. “Liatris, ipinakikilala ko sa iyo sina Haring Andros at Reyna Yelena ng Kahariang Tarragon,” pagpapakilala ni Cid. “Si Prinsesa Liatris ng mga Vinca.”
Yumukod siya. “Ikinararangal ko po kayong makilala.”
Napatingin siya kay Cid na parang nagtatanong. Akala niya ay sa magulang siya nito ipapakilala. Bakit sa hari at reyna siya nito ipinakilala?
“Sila ang mga magulang ko,” sagot nito sa tanong niya.
Nanlaki ang mata niya. “Isa kang prinsipe?”
Ngayon niya naunawaan kung bakit hindi bagay dito na maging alipin. Kaya pala magaling itong lumaban. Di rin ito sanay nang inuutusan. At kahit alipin na niya ito ay nagagawa pa rin siya nitong mapasunod sa gusto nito.
“Magbunyi ang lahat para sa kaarawan ni Prinsesa Liatris at sa pagbabalik ni Prinsipe Cid sa Kaharian ng Tarragon!”
Niyakap siya ni Reyna Yelena. “Salamat sa pagliligtas mo sa anak ko.”
“Hindi po kayo dapat magpasalamat sa akin. Ginawa po namin siyang alipin sa aming kaharian.”
“Mali ka, Liatris,” anang si Haring Andros na mukha pa ring bata at nakatatandang kapatid lang ni Cid. “Ginawa lang ninyo ang itinakda ng inyong batas. Pinuno ako kaya naiintindihan ko kayo. Pero isinuong mo ang buhay mo para sa kanya. Bilang ama ay nagpapasalamat ako. Utang namin sa iyo ang buhay niya.”
Napakagaan ng pakiramdam niya sa mga pananalita ng mga magulang ni Cid. Parang noon lang siya may ginawang tama. Bilang prinsesa ng mga Vinca, kahit anong gawin niya ay di sapat sa kanyang ina.
May kumurot sa puso niya nang yakapin ni Haring Andros si Cid. Mahal ng mag-ama ang isa’t isa. Kahit kailan kasi ay di siya nayakap ng kanyang ama.
Ginagap ni Reyna Yelena ang kamay niya. “Ituring mong bahay ang palasyo namin. Ituring mo na rin ako bilang iyong ina at si Haring Andros bilang iyong ama. Maari ka nang maging bahagi ng aming pamilya.”
Pamilya. Noon lang niya naranasan na maging kabahagi ng isang pamilya. Noon lang niya mararanasan na magkaroon ng isang ama. Bago sa kanya ang ideya pero masaya siya. Ika-dalawampu’t isa na niyang kaarawan at may bagong buhay na para sa kanya. Kasama ang lalaking mahal niya.