Chapter 46 The End

HINDI malaman ni Haru kung paano mag re-react sa sinabi ng babae sa kaniya. Iba't ibang damdamin ang nag-uunahan sa kaniya. May kaligayahan na pilit nag-uumalpas sa kaniyang dibdib. Nagsisikip din ang kaniyang puso dahil sa mga taon na hindi niya nakasama ang anak.

"May anak tayo…" halos ayaw lumabas sa bibig niya ang mga katagang iyon. May takot din na nadama na baka nakaringgan lang niya ang babae. Baka mali siya ng pagkakaintindi sa sinabi nito. Hindi niya inaalis ang tingin niya rito.

Tumango naman ito sa kaniya. Isang ngiti ang namutawi sa mga labi niya. Hindi makapaniwala na may anak sila ng babaeng pinakamamahal.

"Matagal nang nasasabik sa pagmamahal mo si Urah."

Inilang hakbang niya ang pagitan nilang dalawa. Niyakap niya ito. Walang pagsidlan ang kaligayahan na nadarama niya ng mga sandaling iyon.

"Labis mo akong pinaligaya mahal ko!" naluluha pa nitong sabi.

Pati tuloy si Margaret ay tila maiiyak din sa sobrang kaligayahan.

NASA harap na sila ng gate ng kanilang bahay. Ramdam ni Margaret na kinakabahan ang lalaki dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay makakaharap na nito ang anak nila.

Naitawag na niya sa mga magulang ang kanilang pagdating. Kanina, habang kausap niya ang mga magulang ay halata sa mga boses nito ang kakaibang excitement. Alam niyang masaya rin ang mga ito sa pagdating nila at lalo sa pagbabalik ni Haru sa buhay nilang mag-ina.

Bago bumaba ng kotse ay pinisil muna niya ang kamay ng lalaki. "Alam ko matutuwa si Urah sa pagbabalik mo."

Tanging tango lamang ang naisagot ng lalaki. Para kasing may umaalon-alon sa kaniyang tiyan. Mas madali pang humarap sa mga kalaban kaysa ang humarap sa unang pagkakataon sa kaniyang anak,na matagal na hindi nakasama.

Isang buntong hininga muna ang ginawa ni Haru bago bumaba ng kotse. Magkahawak kamay sila na pumasok ng bahay.

Nasa labas ng pintuan ang mag-asawa. Nakangiti ang mga itong sumalubong sa kanila. Mainit ang naging pagtanggap ng mga ito kay Haru.

"Si Urah po?" tanong ni Margaret sa mga ito.

"Nasa loob, kalaro ang mga pinsan. Dumating din kasi ang mga kapatid mo kanina dahil excited din silang sa pagdating ni Haru."

Pagkasabi nito ay iginaya na silang pumasok sa loob. Naroon nga lahat ng mga kapatid ni Margaret at mga asawa ng mga ito. Katulad ng mag-asawa ay mainit siyang binati ng mga ito. Lalo na ang kambal na dati ay naturuan niya nang minsan maging professor siya ng mga ito.

"Welcome home kuya!" Sabay na saad ng kambal. Masayang binati niya ang lahat.

Agad na hinanap ni Haru ang anak.

"Nasa playground ang mga bata," sabi ni Christine na tila nahulaan ang nasa isip niya. Nagpaalam sandali ang dalawa na pupuntahan muna ang anak sa playground na nasa likuran bahagi ng bahay.

Nakita ni Margaret na nagsu -swing ang anak. Naramdaman marahil nito ang pagdating niya. Patakbo itong lumapit sa kaniya at nagpakarga.

"Mommy! I miss you! Bakit ngayon ka lang po umuwi?"

Nag-alis muna ng bara si Margaret bago tumingin sa katabing lalaki. Napatingin din ang anak kay Haru. Nasa mga mata ang kuryusidad nito kung sino ang kasama ng ina. Nagpababa din ito ngunit sumiksik naman sa tagiliran niya. Hindi nito inaalis ang mga mata sa hindi pa nakikilalang ama.

Lumuhod si Margaret upang magpantay sila ng anak. " Baby,kaya hindi agad nakauwi si Mommy kasi nagkita kami ng Daddy mo."

Namilog naman ang mga mata ng anak sa pagkakatitig kay Haru. Hindi maiwasan ng lalaki ang hindi pangiliran ng luha sa mga mata. Para kasi siyang tumingin sa sariling repleksiyon. Tanging kulot na buhok lamang ang nakuha nito sa ina. At ang lahat ng kabuoan nito ay nakuha sa kaniya.

"T-totoo po ba na kayo ang Daddy ko?"

"Yes baby. Ako daddy mo."

Tumingin muna si Urah sa ina na parang humihingi permiso. Tumango naman si Margaret dito.

Agad na yumakap si Urah sa ama. Pati ito ay emosyonal sa unang pagkikita nila ng ama. Ramdam ng bawat isa ang pagkasabik na mayakap sa kauna-unahang pagkakataon ang bawat isa.

Sa di kalayuan ay nakatanaw ang buong pamilya ni Margaret. Maging ang mga ito ay maluha-luha dahil sa tagpong iyon.

Binuhat ni Haru ang anak, silang tatlo ay nagyakapan. Sa wakas nabuo na rin ang kanilang pamilya. Muli, nagawa nilang lampasan ang mga pagsubok na dumating sa buhay nila.

Muling pinatunayan ni Haru ang wagas niyang pag-ibig sa dalagang minsan nang itinakda sa mundo ng mga taong lobo. Tinawid niyang muli ang magkabilang mundo upang makasama lamang ang babaeng pinakamamahal.

Hindi niya akalain mas doble ang kaligayahan na naghihintay sa kaniya sa pagbabalik sa mundo ng mga tao dahil sa anak. Walang puwedeng maglarawan sa kaligayahan na kaniyang nadarama ng mga oras na iyon.

"Mahal na mahal ko kayong dalawa. Kayo ang yaman at kalakasan ko."

Mahigpit naman na yumakap sa baywang niya si Margaret habang karga nito ang kanilang anak.

PINALIPAS muna nila ang isang linggo bago umuwi ng San Martin. Ang mag-ama ay laging ng magkadikit at magkalaro. Binabawi nila ang mga panahon na hindi sila nagkasama.

Walang pagsidlan ang kaligayahan na nadarama ni Margaret. Natigil lamang ang kaniyang pagmumuni-muni nang may mag- doorbell sa gate. Siya na lamang ang nagbukas ng gate dahil abala ang mga katulong nila sa kusina.

Nagulat siya ng mapagsino ang napagbuksan ng gate nila. Biglang sulak ng galit sa dibdib niya dahil sa ginawa nito sa kaniya noong nakaraan.

"Anong ginagawa mo rito? Hindi ba dapat nakakulong ka?"

"Nagpiyansa ako. Sa akala mo ba ay kakalimutan ko ang ginawa mo? Napahiya ako sa pamilya ko at mga kakilala dahil sa pagpapakulong mo!"

"Tama lang iyan sa'yo! At ikaw pa talaga ang may ganang magalit, samantalang muntik mo na akong gawan ng masama!" Nanggagalaiti na sabi ni Margaret. Hindi siya makapaniwala na ito pa talaga ang sumugod sa kanilang bahay. At ito ang nagagalit ngayon.

"Masyado ka kasing pakipot! Hindi ko iyon maiisip kung hindi mo ako pinapahirapan! Wala na rin naman magtitiyaga sa isang tulad mong may anak na!"

Isang sampal ang pinakawalan ni Margaret rito. Nanginginig siya sa sobrang galit,hindi na niya inalintana kung ano ang maari nitong gawin.

Nanlilisik naman ang mga mata nito sa pagkakakatitig sa kaniya. Sapo ang pisnging nasaktan ay dahan-dahan itong humahakbang palapit sa kaniya. Napaatras naman siya.

"Inuubos mo talaga ang pasensiya ko. Wala pang babaeng nakasampal sa akin!"

Akmang hahawakan siya nito ng may magsalita.

"Subukan mong hawakan ang asawa ko. Diyan sa kinatatayuan mo mismong mawawalan ka ng hininga." Mapanganib nitong sabi. Matalim ang mga mata nito na nakatitig kay Benny.

"I-ikaw ang asawa ni Margaret?" hindi makapaniwala nitong tanong na pinaglipat-lipat pa ang tingin sa kanilang dalawa.

Lumapit si Haru kay Margaret at inakbayan ito.

"Umalis ka na kung ayaw mong bumulagta ka diyan."

Nakipagtitigan pa si Benny kay Haru. Tila may kakaiba sa lalaki na hindi maunawaan ng lalaki. Walang nagawa ito kundi ang umalis na lamang. Mabigat ang bawat hakbang ng mga paa nito hanggang makalabas ng gate ng bahay.

"Hindi na iyon babalik pa." Nakahinga naman ng maluwag si Margaret. Alam niya na iyon na ang huling pagkakataon na makikita pa niya ang lalaki.

Sabay na silang pumasok ni Haru sa loob ng bahay. Sumali na lang siya sa paglalaro ng mag-ama para mawala sa isipan niya ang nangyari.

Kinagabihan, habang mahimbing ng natutulog si Urah. Nasa terasa sila na kanugnog ng kanilang silid. Habang nakayakap ito sa kaniyang likuran,pinapanuod nila ang maliwanag na buwan sa langit. Bukas ay uuwi muna sila ng San Martin. Sa wakas ay matutuloy na rin,at kasama pa ang lalaki.

Sobrang saya ni Selene ng ibalita niya rito ang pagbabalik ni Haru. Maging ang mga ito ay sabik na rin makita at makasamang muli ang lalaki.

SA SAN MARTIN, masayang sinalubong sila ng matandang babaylan.

"Maligayang pagbabalik sa'yo kamahalan," yumukod ito sa harapan ni Haru.

Naroon rin ang mag-asawang Selene at Dondon. Maging si Adrian ay naroon din,nagpahatid ito sa kaniyang mga magulang ng malaman nito na nasa kanilang mundo na ulit si Haru.

"Wow! Binata ka na! Parang kailan lang ng huli kitang makita."

Masayang bati ni Haru kay Adrian. "Kayo naman po lalong gumawapo. Saka para kayong hindi tumanda."

Natawa naman si Haru. Masaya siyang makasama ulit ang mga ito na itinuturing na niyang pamilya sa mundong ito.

Habang masayang nagtatampisaw ang lahat sa dagat. Si Haru at Dondon ay masayang nagkukwentuhan habang may hawak na alak sa tig-isang kamay.

"Buti naman naisipan mo ng bumalik pare. Lumalaki na si Urah, laging niyang bukang bibig ang kaniyang ama."

"Babawi ako sa mag-ina ko."

"Dapat lang pare,"nakangitng turan ni Dondon habang nakatanaw sa lahat na masayang naglalangoy at ang mga bata ay naghahabulan sa tabing dagat.

Kumuha ulit ng isa pang bote ng beer si Dondon at itinaas nito sa harap niya. Pinagpingkian nila ang dalawang bote.

"Para sa inyo ni Margaret."

NIYAKAD ni Haru si Margaret na maglakad-lakad sila sa loob ng gubat. Hanggang makarating sila sa may bangin kung saan tanaw ang bahay at ang buong karagatan.

Lumuhod si Haru sa kaniyang harapan.

"Nais kong muling hingin ang kamay mo. Saksi ang lahat ng pag-ibig ko sa'yo. Hayaan mong patunayan ko habang ako'y nabubuhay."

Walang pagsidlan ang nararamdaman na kaligayahan ni Margaret. Hindi niya naiwasan pumatak ang luha sa mga mata.

Isang singsing ang kinuha ni Haru sa kaniyang bulsa. Isa iyong blue diamond na na kahugis ng buwan at may palamuti ng maliliit na bato sa palibot nito. Inalis naman ni Margaret ang dating singsing na ibinigay nito upang maisuot ang singsing na bago.

"Galing sa Arectia ang singsing na iyan. Iyan ang sumisimbolo ng walang hanggang pag-ibig ko sa'yo. Na kahit nasaan man ako,ikaw lang ang mamahalin ko habang tumitibok ang puso ko."

Tumayo na si Haru matapos maisuot ang singsing sa kaniya.

"Ang ganda! Parang buwan sa langit. Ang mga bato ay tila mga bituin."

"Lover's Moon ang tawag sa singsing na iyan na tanging ikaw lamang ang maaaring magsuot."

Nagniningning ang mga mata nila sa pagkakatitig sa isa't isa. Alam ni Margaret na wala ng makapipigil sa kanilang kasal na idinudulog ng lalaki.

"MAKALIPAS ang isang buwan ay ginanap ang kasal nila Haru at Margaret sa San Martin. Isang Beach wedding na dinaluhan ng kaniyang buong pamilya at mga kaibigan. Dumalo rin ang lahat ng buong taga San Martin upang saksihan ang pag-iibigan ng dalawang tao na pinagtagpo ng buwan.

Maging sa Arectia ay nagdiriwang ang mga mamamayan nito dahil batid nila na ang dating hari ay sa wakas ay nakipag-isang dibdib na sa babaeng iniibig nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.